Kabanata Bente-Uno: Nasaan Si Isagani?

1247 Words
Sa Tahanan ni Maria Corazon Gapan, 1899 Corazon’s Point of View Ano itong aking nararamdaman? Bakit hindi mawaglit sa aking isipan ang tinig na iyon? Sinong mag-aakalang may tatawag sa aming bahay sa bago ang aking nakatakdang pagtulog? Isang hindi kapani-paniwalang may maririnig akong tinig ng nagpakilalang si Angelito Isagani. “Bakit napakalakas ng t***k ng aking puso?” tanong ko sa aking isipan. Nanatili akong nakaupo sa tabi ng hatinig na aking tinitingnan habang tinitiyak sa aking isipan na ang tumawag ay ang aking pinakamamahal na si Isagani. “Bakit kailangang ipamukha niya sa akin ang sakit na kaniyang ginawa? Kung kailan ay nagtatanggal ako ng anumang sakit at hinagpis, saka naman siya magpaparamdam. Ni hindi ko nga maalalang ibinigay ko ang numero ng aming telepono rito sa aming tahanan sa kaniya, kaya nagdududa pa rin akong siya ang tumawag,” muli kong pagpaparinig at pagkukuwento sa aking isipan. Dahil nasa tabi lang din naman ako ng bintana ng aking silid na nakasara na nang mga oras na iyon ay tumayo ako at muli ko itong binuksan. Tantiya ko ay dakong ala y sais na ng gabi. Maliwanag ang mga ilaw sa labas at nakikita ko pa ang aking amang nakaupo sa maliit na hardin sa harapan lamang ng aking silid mula sa taas. Hindi naman ito nakatingin sa akin pagkat alam niyang mga ganitong oras ay nakahiga na ako sa aking kama. Kaya naman ay itinuon ko na lamang ang aking pansin sa mga kumukuti-kutitap sa aking harapan. Pansamantala ko munang kakalimutan ang nagngangalang Angelito Isagani na aking nakausap sa aking hatinig kani-kanina lamang. “Magandang gabi, aking Hermana Corazon,” natigila ang aking pagtingin sa labas nang marinig ko ang tinig ng aking nakababatang kapatid na si Trinidad. “Magandang gabi, Trinidad. Anong sadya natin sa aking silid at bakit hindi ka pa natutulog? Halika, lumapit ka at sagutin ang aking mga katanungan,” sagot ko sa kaniya nang nakangiti at siya namang paglapit nito sa aking kinatatayuan. “Nais ko lamang na ikaw ay makausap, hermana. Tila nakikita ko sa iyong mata na malalim ang iyong iniisip. Kung tama ang aking hinala ay tungkol ba ito sa nangyari sa iyo?” matabil ang kaniyang dila at hindi na bago sa akin iyon. Ganoon si Trinidad pero mabait at masunurin namang kapatid. “Kung iyan ang iyong hula, maaaring tama ka o maaari ding mali ka, Trinidad. Alam ko ring nasa tamang edad ka na upang pag-usapan ang tungkol sa salitang pag-ibig. Umibig ka na ba, Trinidad?” aking sagot naman sa kaniya nang makatabi na niya akong dumudungaw sa mula sa aking bintana. “Tingnan mo ang ating ama, hermana Corazon. Alam mo bang bago umupo siya riyan ay halos ubusin na niya ang pinapreserbang alak sa tapayan? Hindi man siya nagsasalaysay ng kaniyang saloobin ay alam kong may pinagdadaanan din at alam kong tungkol sa iyo ang kaniyang kinakaharap na kalungkutan.” Pansamantalang katahimikan ang namayani sa aming dalawa nang mga sandaling iyon. Pareho pa naming naramdaman ang lamig ng simoy ng hanging pumapasok sa aking silid mula sa bintana. Ang mga salitang binitiwan ni Trinidad ay nagdulot ng kirot sa aking puso. “Paumanhin sa aking nagawang kasalanan kay ama, Trinidad. Alam kong ako ang dahilan ng kaniyang kalungkutan at nalalaman ko ring para rin naman sa aking kapakanan ang laging unang prayoridad niya. Nagkataon lamang siguro na hindi ako nagtapat sa kaniya ng tungkol sa aking napupusuan,” pagkukuwento ko sa aking nakababatang kapatid. Nsa bente anyos na rin ito at maaari ko na rin namang isalaysay sa kaniya ang kahit kaunting detalye ng tungkol sa aking pag-ibig. “Si Angelito Isagani ba ang tinutukoy mong iyong nobyo?” nang banggitin niya ang pangalang iyon ay naalala ko ang nakausap ko kanina. “Siya ba, hermana Corazon?” Hindi madaling sagutin ang kaniyang katanungan pagkat may mga bagay na mas nanaiisin ko pang itago habambuhay kaysa ikuwento ito. Ngunit, may tiwala naman ako kay Trinidad dahil bata pa lamang ito ay ako na ang naging kasama niya sa lahat ng bagay. “Hindi mo ba alam na nang pumutok ang balita tungkol sa iyong pakikipagrelasyon sa isang nagngangalang Angelito Isagani ay nagdamdam ako? Nagtampo ako dahil hindi ako ang unang nakaalam ng tungkol sa iyong buhay pag-ibig. Alam mo namang ikaw ang aking Hermana Corazon na pinagkakatiwalaan ng aking buhay,” parang balisong na tumama sa aking dibdib ang mga salitang binitiwan ni Trinidad. Tama siya pagkat ang aking itinuring na matalik na kaibigan at siyang aking laging kasa-kasama ay wala man lamang alam tungkol sa aking bawal na relasyon kay Isagani. Ngunit, naroon na ako sa kasalanang ginawa ko at kailanman ay hindi ko pinagsisihan na ibigin ang isang tulad ni Isagani. “Kahit na nagtampo ako sa iyo ay hindi kita magawang iwanan sa laban mong ipagpatuloy ang iyong buhay. Hindi ko gustong maalala ang ginawa mong pagpapatiwakal dahil alam kong hindi mo sinadya iyon. Kung ako man ang nasa iyong kalagayan mo ay maaaring higit pa roon ang aking ginawa. Baka hindi na mo na ako nakikitang kausap ka ngayon,” masyado niyang ginalingan ang pagpapakonsensya sa akin ngunit, hindi ko nagustuhan ang kaniyang mga huling salitang binitiwan. “Kailanman ay hindi naging kasalanan ang magalit, mainis, o magdamdam. Tao lang din naman tayong may puso at nasasaktan. Paumanhin kong hindi ko sinabi sa iyo ang katotohan tungkol kay Isagani, Trining. Mapapatawad mo ba ako?” Humarap ako sa kaniya nang puno ng pagsisising makikita sa aking mata. Basa na rin ang aking pisngi nang mga oras na iyon. Nakangiti lang ito sa akin at pinapahiran ang aking mga luha saka nagsalita ng tungkol sa natuklasan niya tungkol kay Isagani. “Ibig kong malaman mong ilang araw na, o halos dalawang linggo na ring hindi nagpapakita si Isagani sa kanilang tahanan. Kung alam mo lamang ang nangyayari sa bayan ay magugulat kang halos mawalan ng ulirat ang unica hija ng mga Delos Reyes. Huwag sanang masiraan ito ng bait dahil sa hindi pagsipot ni Isagani sa kanilang natuloy sanang kasal,” hindi na bago sa akin ang kaniyang isiniwalat dahil nasabi na iyon sa akin ng ninong Lucio kanina nang kaming dalawa lamang. “Hindi ka ba nagulat man lamang?” Ngumiti muna ako sa kaniya, saka pinahiran nang tuluyan ang natirang luha sa aking pisngi. “Kanina ko lang din nalaman mula sa ninong, Trining. Wala rin akong alam kung anong nangyari sa aking dati ng nobyo. Kayong dalawa ni ama ang nakakaalam na hindi ako umalis sa ating tahanan buhat nang makita ninyo akong nagpapatiwakal dito sa aking silid.” “Mabuti naman kung ganoon. Kung iyong pahihintutulutan, ako ay lalabas na sa iyong silid, hermana. Huwag mong kalimutang isarado itong bintana bago ka humiga sa iyong kama. Ipapanalangin kong makakatulog ka nang mahimbing ngayong gabi. Adieu, buenas noches (paalam, magandang gabi) hermana Corazon.” Isang beso lang ang ginawa niya at tumalikod na ito papuntang pintuan saka isinarado. Nang maisara ang pintuan ay siya namang pagsara ko ng bintana ng aking silid. Pagkatapos niyon ay nagtungo na ako sa aking silid saka sinambit sa aking isipan ang mga katagang... “Kung ikaw man ay nawawala mahigit isang linggo na, ikaw kaya ang aking nakausap kanina sa aking hatinig? Nasaan ka, Isagani?” ... DISCLAIMER: Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD