Sa Tahanan ni Corazon
Gapan, 1899
“Bakit kay bilis nilang naglaho sa aking paningin? Kung kailan nakita kong muli ang babaeng nagligtas sa aking kalungkutan? Ano nga ba ang pangalang kaniyang binanggit?”
Nakailang ulit na akong nagtatanong sa aking isipan pero wala akong mahanap na kasagutan. Lalo pa at ako ay nagtataka kung bakit nasabi ng dalagang iyon kung natatandaan ko ba ang kasama niya. May kalayuan siya nang kaunti sa akin at saka nasisinagan ang kaniyang mukhan ng init ng araw na mula sa bintan ng aking silid.
“Sino naman kaya ang lalaking tinutukoy ng dalaga na aking kilala? Lalapitan ko pa sana ang babaeng... tama. Natatandaan ko na ang kaniyang pangalan. Mariposa Corazon. Pero sino naman ang lalaking kasama niya at bigla na lamang na hinablot ang kaniyang kamay? Pareho at magkasabay pa silang naglaho sa aking silid.”
Nakakapanghinayang kung hindi ko man lamang nakausap si Mariposa Corazon. Nakapagtataka rin na ang pangalawa kong pangalan ay kapareho ng ngalan niya. Apelyido kaya niya ang Corazon o pangalawang ngalan din niya?
“Maria Corazon. Naririnig mo ba ako?” nang mga sandaling iyon ay hindi ko na naririnig ang pagtawag sa akin hanggang sa... “Corazon!”
Malinaw na sa akin na may tumatawag sa pangalan ko. Nang sundan kung saan ito nagmumula, nagtungo ako sa bintana at doon ay dumungaw. Sa baba ay nakita ko ang aking amang kumakaway. May kasama itong hindi ako sigurado kung kilala ko siya.
“Bakit po, ama?” sagot ko naman nang pasigaw. Mga dalawang palapag lang ang taas ng aming tahanan kaya, kailangan ko ring lakasan ang aking boses.
“May panauhin ka, Corazon. Bumaba ka na muna riyan at magtungo rito nang magkausap kayo. Batid kong kilala mo ang ating bisita,” sagot naman ng aking ama.
“Sige ho, ama. Ako po ay bababa na,” tipid kong sagot sa kaniya sa baba. Sapantaha ko ay isang tao lang ang alam kong tinutukoy ng aking ama.
Bago lumabas ng aking silid ay humarap muna ako sa espejo (salamin) upang tingnan ang ayos ng buhok at pananamit ko. Nang makalapit ako sa espejo ay kinuha ko ang suklay at marahang sinuklay ang aking buhok. Inayos ko na rin ang puting belo sa aking baro saka ang tapis sa aking saya. At siyempre ang aking paboritong zapatillas o(tsinelas) at hindi ko rin nakalimutan ang aking abaniko.
“Ate! Hermana Corazon!’ dnig kong tawag na ni Trinidadnang mga sandaling iyon. Ako namay ay dali-daling tumayo at nagmamadali nang lumabas ng aking silid para bumaba.
“Nariyan na, Trining. Huwag masyadong sumigaw at baka mawalan ka ng tinig. Pababa na ako, Trinidad,” sagot ko naman. Nilakasan ko naman nang kaunti nang kaniyang marinig.
Nang nasa bungad na ako ng hagdanan mula sa ikalawang bahagi ng aming tahanan ay bumungad sa akin ang nakangiting mukha ng aking ninong.
“Mi Padrino Lucio. Paumanhin, ninong at natagalan ako. Ako’y nagagalak na ikaw ay naparito at kami ay kamustahin.”
Halos mapunit ang aking bibig sa pagngiti. Nang tuluyang makababa sa huling baitang ng hagdanan ay nagbeso ako sa kaniya at inangat ang aking kanang kamay upang kaniyang halikan habang ako naman ay bahagyang yumuko upang magbigay galang sa kaniya.
“Hindi pa rin nagbabago ang iyong kagandahan, aking inaanak. Nabalitaan ko sa iyong ama na malungkot ka raw? Kaya hindi ako nagdalawang-isip na ikaw ay puntahan rito,” nakangiting sagot niya sa akin.
“May tainga ang lupa, may pakpak ang balita, ninong. Maliban sa akin ay mayroon pa ho ba kayong sadya, ninong?” panay ang aking pagpapaypay upang itago ang aking lihim na kalungkutan sa harapan niya.
Hindi pa rin nagbabago ang aking ninong. Kaedaran niya ang aking ama pero mas mukhang bata pa ito sa kaniya. Isa lang naman siya sa aking tinitingala noong aking kabataan. Hindi lang iyon, isa rin siya sa makapangyarihan sa Calle Delos Reyes at Gapan Mayroon din siyang posisyon sa lingkod-gobyerno.
“Bakit hindi mo paupuin muna ang iyong ninong, Corazon? Kumpare, alam kong mas malakas ka pa rin sa akin, ngunit hindi kita hahayaang tumayo na lamang sa aming harapan. Maupo muna tayong lahat, kung maaari,” sumingit ang aking ama at natigil ang aming pagngiting dalawa.
“Siyang tunay, kumpare. Ngunit mayroon sana akong hihilingin sa iyo. Maaari ba?”
Ang mga salitang iyon ng aking ninong ay hindi na luma sa aking ama. Alam na alam na niya ang ibig sabihin ng tanong na iyon habang ako naman ay nagkibit-balikat lamang at tinakpan ng abaniko ang aking bibig.
“Ganoon ba, kumpare? Tayong dalawa ba ay may dapat na pag-usapan?” pagkukumpirma na lamang ng aking ama.
“Paumanhin, kumpare, kung pahihintulutan mo. Maaaring iwan mo na muna kami ng aking inaanak? May nais lang akong pag-usapan na kaming dalawa lamang,” paglilinaw nito na aking ikinagulat.
“Kung iyan ang iyong nais, lalabas na muna kami ni Trining. Maghahanda na lang din muna ako ng lulutuing pananghalian. Dito ka na rin kumain ng tanghalian. Ipaghahanda ko ang paborito mong tinolang manok. Trining, samahan mo ako sa banggerahan at sa kusina nang makapagluto tayo.”
Tumango na lamang si ninong nang magpaalam ang aking ama. Sinundan na lamang namin ng tingin ang kanilang paglabas sa aming tahanan. At nang mawala na sila sa aming paningin ay doon ko na inimbitahan si ninong na umupo nang kami ay makapag-usap nang masinsinan.
“Tila mahalaga ang ating pag-uusapan, ninong. Maupo po muna kayo,” sabi ko at niyaya ko na nga siyang umupo sa mahabang silyang nasa aking harapan.
“Salamat, Corazon. Nais ko lamang sabihin sa iyo na may nalalaman ako tungkol sa iyong nobyo at ang kaniyang dahilan kung bakit siya ipinakasal sa unica hija o nag-iisang anak ng mga Delos Reyes.”
Ang kaninang mga ngiting nasa aking labi ay dahan-dahang napalitan ng lungkot at palaisipan sa aking utak. Hindi na ako magtataka kung paano nalaman ng aking ninong ang tungkol sa aking nobyo. Wala man itong binabanggit pang pangalan ngunit, alam ko na kung sino ang tinutukoy niya.
“Makikinig ako, ninong. Kung maaari sana ay huwag akong gulatin pagkat ang aking puso ay hindi pa naghihilom ng buo,” pakiusap ko sa kaniya na alam ko namang naiintindihan niya. Nakita ko ang kaniyang pagngiti at ang kasunod niyang mga sinabi ang nagpatigil ng aking mundo.
“Wala na si Isagani sa ating panahon, Corazon.”
...
DISCLAIMER:
Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.