Kabanata Sampu: Hinalang Kailangang Tuklasin

1177 Words
Farmhouse, Parcutela Present day Isagani’s Point of View Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at pinagmasdan ang kakaibang kisame na aking nakikita. Kulay puti ito. Iyon lang ang kulay ng pinturang nakikita. Wala man lamang itong kahit na kandelabra o kung anumang makikita. Patay na ba ako? Naitanong ko agad iyon sa aking isipan. Pero nang subukan kong bumangon ay nakaramdam ako ng pagkahilo at napahawak agad ako sa aking sentido. At naramdaman ko ring parang may nakadagan sa aking mga paa. Laking gulat ko nang makita kung sino ang nasa paanan kong nakahilig. “Anong ginagawa niya rito? Bakit dito natulog ang dalagang ito?” muli kong tanong sa aking isipan at napailing nang makitang bukas pa pala ang ilaw sa loob ng bahay na ito. Nang aking alalahanin pa ang nangyari kagabi ay doon ko lamang napagtantong bago ako mawalan ng malay ay masama na ang pakiramdam ko. Kaya, napaisip akong si Mariposa ang dahilan kung bakit ako nakahiga rito sa hindi ko alam kung kama ba ito o upuan. Dahan-dahan akong bumangon pa at inalis rin nang marahan ang aking mga paa nang hindi ginugulat ang dalaga. Nang magawa ko iyon ay doon ko lamang nakita na may nakalagay palang maliit na palanggana sa sahig na may bimpo pa. “Hindi kaya ay nilagnat ako at si Mariposa ang nagpagaling sa akin? Pero...” Napayakap agad ako sa aking dibdib at kinapa kong may damit pa ako. Napabuga ako nang malalalim na buntong-hininga nang mapagtantong wala namang nawala sa aking kasuotan. Marahil ay sadyang napakabait lang ng dalagang ito. Nanatili lang akong nakaupo at ang kumot na nasa akin ay dahan-dahan ko ring hinila at inalis sa akin saka kinumutan ang natutulog pang si Mariposa. Sa kauna-unahang pagkakataon, sa malapitan ay napagmasdan ko ang mukha ng dalaga. Matangos ang ilong niya. Mahahaba rin ang kaniyang pilikmata. Maging ang buhok nitong kulay itim ay hindi rin patatalo sa ganda ng mga hibla nito. Ang labi nitong kay sarap halikan at... Natigil ang aking pagsasalarawan sa mukha ni Mariposa nang may mapansin akong palawit sa kaniyang leeg. Kapansin-pansin sa akin ang hugis puso nitong palawit na tila may naaalala akong tao sa aking panahon may ganoong klaseng palawit. Hindi ko nga lang matandaan kung sino at saang parte ng panahon ko ito nakita. Tumitilaok na ang manok sa labas. Bagay na nagpangiti sa akin. Mukhang hindi rin nalalayo sa aking panahon ang mga hayop kung galing nga sa manok ang ingay na iyon. Kaunting hilo na lamang ang aking nararamdaman. Dahil doon ay tumayo ako para pagmasdan pa ang. kabuuan ng loob ng bahay ng dalaga. Malawak ang sala. May dalawang pintuan akong nakikita. Baka isa roon ang silid ni Mariposa. Sa malawak na sala rin ay naroon na para sa akin ay parang katulad ng banggerahan sa aking panahon. Bago magtungo roon ay kinuha ko muna ang palangganang nasa sahig at dinala ito roon. Nang makalapit ako ay nakita kong napakarami pa palang hugasan. Sakto rin ang pagkulo ng aking tiyan. Pahiwatig na gutom na ako. “Paano ba ito gawin? Mayroon namang gripo sa lababong ito, kaya baka alam ko rin kung paano maghugas rito. Nasanay kasi akong banggerahan ang kaharap ko sa paghuhugas. Hindi bale, maglilinis na lamang muna ako bago pa magising si Mariposa.” Binuksan ko ang gripo saka hinugasan muna ang palanggana para gamitin kong lagayan at doon huhugasan ang iba pang mga nasabon ko. Dahil hindi ko alam kung alin doon ang panghugas ng plato ay kinuha ko na lamang ang maliit na boteng hindi ko alam kung ano ang laman niyon. Inamoy ko pa ito at kinuha ang isang espongha. Pinatakan ko ito ng hawak kong bagay saka pinisil-pisil at nakita kong bumula ito. Napangiti ako dahil masisimulan ko na ang paghuhugas ng mga pinggan, kubyertos, at iba pang kailangang hugasan. Habanga ginagawa ko iyon ay napatingin ako sa bintana at napangiti nang masilayan ang malawak na palayan. “Kay sarap naman palang maghugas ng mga hugasin dito kapag ito ang aking tanawing makikita,” mahinang papuri ko sa aking isipan. Pagkatapos ng saglit na pagngiting iyon at habang itinutuloy ang pagsasabon ng mga hinuhugasan ko ay doon na nga bumalik sa aking alaalala ang aming masayang tagpuan at halakhakan sa isang maliit na kubong kaming dalawa lamang ni Corazon ang nakakaalam. “Kanina ka pa yata naghuhugas ng pinggan riyan, irog ko,” tanong nito sa akin noon. “Hindi ka ba marunong maghugas?” Napangiti ako sa tanong niyang iyon at lumingon sa kaniya. “Irog ko, hindi sa kinakantiyawan mo ako o kung ano pa man ang iyong iniisip, gusto ko lang sabihin na marunong akong maghugas ng pinagkainan natin. Kung...” “Huwag mo nang ituloy ang iyong nais na sabihin, Isagani. Alam ko at naiintindihan ko. Kung puwede nga lang ipaalam sa ating magulang ang ating tagong relasyon ay gagawin ko ito ora mismo,” nalungkot naman ako sa sinabi niya kaya, naman upang hindi na lumaylay ang balikat niya ay nilagyan ko ng sabon ang kaniyang ilong at pisngi. “Isagani?” Nanlilisik ang mga mata niyang tinitigan ako at ako naman ay ngiting-ngiti sa nakikitang inis na inis na mukha sa simula pero napalitan iyon ng mga ngiti nang ako naman ang pinahiran niya ng sabon at binasa ang mukha. Hindi ko natapos ang aking pagsasabon dahil nagtatakbo na ito palabas ng kubo at ako naman ay humahabol sa kaniya. Sa labas, sa malawak na lupaing iyon, na napapalibutan ng palayan, hinahabol ko siya at nang mahuli ko ang aking Corazon ay binuhat ko ito at kinilit nang kiniliti. Umalingawngaw ang mga ngiti naming dalawa sa paligid nang mga panahong iyon hanggang sa sumuko na siya sa panginigliti ko. Tumigil ako at hinawakan ang kaniyang kanang kamay at nagtungo kami pareho sa poso n***o upang hugasan ang aming mga kamay. Ang inakala kong tapos nang paglalaro ay hindi pa pala dahil si Corazon naman ang unang gumawa niyon sa akin. Nagsabuyan na lamang kami ng tubig at... “Marunong ka ba talagang maghugas ng plato, Isagani?” natigil ang aking pagbabalik-tanaw nang marinig ang boses ng tinig. Marahan akong lumingon sa pagbabakasakaling masilayan ang mukha ng nagtanong sa akin. Ngunit, ang inakala kong boses ni Corazon, tinig pala ni Mariposa iyon. “Parang nakakita ka ng multo diyan, Isagani? May muta ba ako? Sensya na hindi pa pala ako nakakapaghilamos. Sige tapusin mo na muna ang paghuhugas ng mga iyan. Masaya akong makita kang magaling na mula sa iyong lagnat kagabi. Pinahirapan at pinagod mo ako. Paumanhin kong nakatulog ako sa paanan mo. Maiwan na muna kita rito.” Ang mga katagang binitiwan ni Mariposa ay malinaw na malinaw sa akin. Nahagip pa ng aking paningin ang palawit ng kuwintas niyang hugis puso at napagtanto ang isang bagay na kailangan ko pang matuklasan kung totoo ang aking hinala. ... DISCLAIMER: Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD