Kabanata Dose: Sa Pagluha, Pinalalaya Na Kita

1082 Words
San Isidro, Gapan 6 de Julio, 1899 Corazon’s Point of View “Anak, huwag na huwag mo nang gagawin ulit iyon ha? Bigyan mo ng halaga ang iyong buhay na ipinagkaloob sa atin ng ating Panginoon.” Nakayakap sa akin ang aking ama. Ako naman ay nakatingin lang sa labas ng bintana ng aking silid. Dinig ko ang mga iyak nilang dalawa. Ng aking kapatid na si Trining at ng aking ama nang mga oras na iyon. “Kalimutan mo na si Isagani, anak. Hayaan mo siyang makasal sa mga Delos Reyes. Huwag na nating ipagsiksikan ang ating mga sarili sa isang taong hindi naman nakatakda para sa atin, Corazon,” muling nagsalita ang aking ama habang ako naman ay lantang gulay at hindi nagsasalita. Nakikinig lamang. Iba ang tumatakbo sa aking isipan. Hindi maalis sa akin ang mukha niya. Hindi ko alam kung itinakda bang ako ay pigilan niya pero sadyang nahagip pa ng aking paningin ang kaparehong palawit ng aking kuwintas na isang bagay na napakahalaga sa akin. “Maaari na po ninyo akong iwan, ama, Trining,” sa wakas ay nakapagsalita din ako at bumigkas ng mga salitang nais sabihin ng aking isipan sa kanila. Ikinagulat naman iyon ng aking ama. Bumitaw siya sa pagkakayakap sa akin at tinitigan lamang ako. Pinahiran niya ang kaniyang mga luha maging ang natuyo sa aking pisngi. Panandaliang katahimikan ang namayani sa pagitan naming tatlo habang nakaupo sa aking kama. “Huwag na po kayong mag-alala, ama. Kaya ko na po ang aking sarili. Tama po kayo na mahalaga ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Asahan po ninyong hindi ko kakalimutan ang mga nasabi ninyo kani-kanina lang,” pagtutuloy ko ng aking nais na sabihin. “Trining, mahal kong kapatid, pakigawan mo na lamang ako ng aking paboritong tsa-a. Alam mo na rin kung ano iyon. Pumunta ka sa aking taniman at kumuha ng dahong Jasmine. Naituro ko na rin naman sa iyo kung paano gumawa niyon, hindi ba?” kausap ko naman ang aking kapatid na si Trining. Tumango naman ito pagkatapos marinig ang bilin ko. “Kung iyan ang iyong nais, anak, sige papayagan kitang manatili muna rito at magpahinga. Ngunit, hindi kita hahayaang isara ang pintuan ng iyong silid. Mahirap na at baka...” halata ang pag-aalala n ito sa kaniyang mukha. Ako naman ay mabilis na ngumiti sa kaniya at niyakap ito. “Maraming salamat, ama. Pangako, hindi na po mauulit. Nais ko lamang pong magpahinga. Para sa ikatatahimik po ng iyong kalooban, huwag na po ninyong isara ang pintuan ng aking silid. Humayo na po muna kayo,” paniniguro ko sa kaniya na hindi na ulit pa mangyayari ang ginawa ko. Isang mahigpit na yakap na lamang ang aking natanggap mula sa kaniya at ganoon rin sa aking kapatid na si Trining. Pagkatapos niyon ay nagtungo na sila sa pintuan ng aking silid. Naunang nawala sa aking paningin si Trining at naiwan naman ang aking amang binuksan pa lalo ang pintuan ng aking silid. Nang magtama ang aming paningin ay ngumiti ito sa akin at ginantihan ko naman ito ng isang matamis na ngiti. Ilang sandali pa ay bumaba na rin ito at naiwan akong mag-isa sa aking silid. “Kung lalaki ang dahilan ng iyong pagpapatiwakal, hindi mo ba naiisip ang posibleng maging epekto ng iyong pagpapakamatay sa lahat ng taong mahal ka dito sa tahanang nagpalaki sa iyo? Kung ang pangalan ng lalaking sinasabi mo ay Isagani, baka matulungan kita. Hindi ko man alam sa ngaon ang paraan pero mukhang kilala ko ang tinutukoy mo. Kaya, kung maaari ay bumaba ka na lamang riyan at mag-usap tayo.” Nanatili sa aking isipan ang mga katagang iyon. Tumatak din ito sa aking puso at pilit na iniintindi ang kahulgan. Sino ang babaeng iyon? Hindi siya tagarito sa aming panahon. Ang kasuotan nito ay napakalayo sa kasuotang mayroon kami. Ang mga sinabi niyang kilala niya si Isagani ay nagdala pa ng malaking palaisipan at katanungan sa aking isipan. Nandito kaya siya sa aking panahon? Samu’t saring mga katanungan na ang biglang pumasok sa aking utak at hindi ko na alam kung alin doon ang uunahin kong tuklasin. Ngunit kung tungkol naman sa puso ang pag-uusapan, basag pa rin ito at mahina sa ngayon. Naghihintay pa rin ng pagkakataong maghilom sa balitang hindi ko inasahang malaman mula sa ama ni Isagani. “Kung hanggang dito na lang talaga ang ating pag-iibigan, Isagani, hahayaan na kita. Palalayain na kitang maikasal sa unica hija ng mga Delos Reyes. Ngunit sana ay nasabi mo sa akin ang katototohanan. Sana kahit sa huling pagkakataon man lamang ay nagkausap tayong dalawa at ipinaintindi mo sa akin ang tunay na dahilan.” Kung nabigyan lang sana kaming dalawa ng pagkakataong magkausap doon sa aming tagpuan, hindi sana magkakaganito. Hindi ko sana mararamdaman ang sakit. Ang bigat. Ang pighati. At ang kalungkutang dulot ng pagtataksil na walang dahilan at pag-ibig kong kailangan nang palayain mula sa iyo. “Hangad ko ang kaligayang ninanais mo sa piling ng iyong papakasalan, Isagani.” Ang mga huling katagang iyon ay basta na lamang lumitaw sa aking isipan. Ipinagbabawal ang aming relasyon. Nalaman ng aking ama ang tungkol sa aming dalawa. Natuklasan ko naman nang hindi inaasahan mula sa ama ni Isagani ang tungkol sa kaniyang nakatakdang kasal bukas sa nag-iisang anak ng mga Delos Reyes. May magagawa ba ako? Pipigilan ko ba siya kung ang presensya nito ay hindi rin mahagilap ngayong araw? “Sa pag-ibig nagsimula, sa pag-ibig din magtatapos. Pagpapalaya na lamang ang tanging paraan upang unti-unting mawala ang kalungkutang namumuo dulot ng iyong paglisan at pagtataksil, Isagani.” Sa mga salitang muli kong binigkas ay naroon ang kirot at pasakit. Hinayaan ko ring maglandas sa aking mga mukha ang luhang ayaw tumigil sa pag-agos. Nakatingin lang ako sa kawalan. Sa puting ulap nakaangat ang aking mukha at tahimik na lumuluha. At sa mga luhang ito ko ibubuhos ang lahat ng gusto kong sabihin para sa isang taong hindi ko alam kung makikita ko pang muli. “Sa pagluha maiibsan ang sakit pansamantala. Sa pagluha ilalabas ang lahat ng hinanakit. Sa aking pagluha ay pinapalaya na kita. Sa pagluha ay hahanapin ko ang kasagutang nais kong matuklasan. Sa pagluha, sasabihin kong ikaw ang una at huling minahal nitong abang puso ko, Isagani.” ... DISCLAIMER: Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD