Kasalukuyang Panahon
Gapan, 2023
Isagani’s Point of View
Maaga kong nasilayan ang pagsapit ng gabi sa lugar na hindi ako pamilyar. Pinagmamasdan ang mga kumukutitap ng mga ilaw na nakikita ko sa aking paligid nang mga sandaling iyon. Nasa ibang panahon nga ako at hindi ko alam kung paano ako nakarating rito.
“Sandali, sir Isagani. Hintayin mo ako!” sigaw at tawag sa akin ng pangalan ko na si Mariposa.
Hindi ako lumingon. Nais ko pang maglakad-lakad at puntahan ang malaking punongkahoy na nasa gitna ng sinasabi nilang pangalan ng lugar – Ang Lumang Gapan. Tumigil ako sa harapan ng malaking punong iyon. Hindi alintana ang mga nakatingin sa akin.
“Aray!” Nabunggo ako ni Mariposa pero hindi iyon naging dahilan para tumigil ako sa pagtingin sa napakaliwanag at napapalamutian ng mga ilaw na malaki at matandang punongkahoy sa gitna ng Lumang Tagpuan.
Sa aking pagnanais na titigan pa ang matandang punong iyon ay kusang nagkaroon ng sariling isipan ang aking kanang kamay at dahan-dahan ko itong inangat para hawakan ang katawan ng punong iyon. Hindi ko naman inasahan ang biglang paghawak ni Mariposa sa aking kamay at magkasabay naming nahawakan ang matandang punong iyon na sa pagkakatandan ko ay may pangalang Haribon.
“Pauman---” hindi natapos ni Mariposa ang kaniyang sasabihin dahil parehong nagtama ang aming paningin at hindi namin inasahang maramdamang ang kakaibang kuryenteng dumaloy mula sa aming mga kamay at nakita namin ang isang pangitaing hindi ko alam kung totoo, nangyari, na o mangyayari pa.
“Corazon! Huwag mong gagawin iyan!”
“Isang pagkakamali mo pang lumapit sa akin ay hindi ako magdadalawang-isip na wakasan na aking buhay, Isagani!”
“Pakiusap, irog ko. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa iyo na gawin iyan, ngunit isipin mo ang pamilya mong maiiwan kapag wawakasan mo ang iyong buhay. Nagmamakaawa akong huwag mong ituloy ang balak mong pagpapakamatay!”
“Gagawin ko ito hindi dahil sa iyo, Isagani. Ito ay kusang loob kong wawakasan ang aking buhay dahil hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa akin. Simula nang dumating ka sa buhay ko ay nagbago na ang lahat.”
“Ano ang ibig mong sabihin, Corazon? Mayroon ka bang hindi sinasabi o nasasabi pa sa akin? Bigyang linaw mo ang mga tinuran mo. Maawa ka sa iyong sarili at sa iyong iiwanang pamilya, irog ko.”
“Manhid ka ba, Isagani? Hindi ba nakikitang hindi ako ang Corazon na inakala mo?”
“Sandali... Hindi kita maintindihan. Maaari bang bumaba ka na muna riyan? Ipaliwanag mo sa akin nang maliwanagan ako, Corazon.”
“Ikaw ang nagdala sa akin sa ganitong sitwasyon, Isagani. Nararapat lamang na ituloy ko na ang aking pagpapatiwakal. Hanggang sa huli nating pagkikita, Isagani.”
“Ano pa ang silbi na mabuhay sa panahong ito kung hindi na rin lamang kita masisilayan, Corazon. Mas mainam na gawin ko rin ang ginawa mong pagpapakamatay. Hihilingin ko na lamang sa may-ari ng susi ng bagong buhay na pagtagpuin tayong muli at magkapatawaran. Paalam, irog ko.”
“Naramdaman mo ba iyon? Nakita mo ba ang mga nakita ko, sir Isagani? Totoo ba ang mga iyon?” si Mariposa ang unang nag-alis ng kaniyang kamay. Walang tigil ang pag-agos ng mga luha niya nang mga oras na iyon na tila may koneksyon sa kaniya.
Ako naman ay hindi makapaniwala sa aking mga nasilayan. Ngunit, gaya ng mga katanungang nasambit ni Mariposa, wala rin akong alam kung ano ang ibig sabihin ng pangyayaring iyon. Malinaw sa akin na ang babaeng iyon ay walang iba kung hindi ang aking si Corazon na iniiwan ko sa aking panahon. Na...
“Teka, nasaan nga pala ang dala kong papel na may sulat-kamay ko?” naalala ko ang papel na tinupi ko at niyakap pa nang tumalon ako sa balkonahe ng aming tahanan.
“Ano ba ‘yan? Bakit may commercial? Enebe ser! Pinaiyako mo na nga ako ng mga nakita ko, ngayon naman patatawanin mo pa ako? Sir Isagani!” nagbibingi-bingihan ako kay Mariposa.
Mahalaga sa akin ang papel na iyon. Iyon ang isang pruwebang galing nga ako sa taong labingwalo at siyamnapu at siyam. Hindi puwedeng mawala sa akin ang papel na iyon dahil kapag nakabalik ako sa aking panahon at magkita kami ni Corazon, ng irog ko, itatago ko ito at dadalhin rin hanggang sa aking kamatayan kung hindi man kami muling magkita ng aking pinakamamahal.
“May hinahanap po kayo, sir Isagani?” panay ang tanong niya sa akin.
Pansamantala kong nakalimutan ang nangyari sa amin nang aksidenteng mahawakan ni Mariposa ang aking kamay at parehong dumikit ang mga ito sa puno ng Haribon. Dahil mahalaga sa akin ang papel na iyon ay hinarap ko si Mariposa at tinanong.
“Naalala mo ba ang pagkahulog ko sa iyo?” titig na titig ang mata ko sa kaniya habang siya naman ay biglang napahawak sa kaniyang dibdib.
“Na nahuhulog ka na sa akin? Agad-agad ba, sir Isagani? Totoo ba ang nararamdaman mong iyan o ---” pinutol ko ang kaniyang susunod na sasabihin dahil parang may mali sa kaniyang naging sagot.
“Ang ibig kong sabihin ay ang nangyaring pagkahulog ko kanina sa iyo. Kung ang tinutukoy mo ay ang halik, nagkakamali ka. Aksidente lang ang lahat ng iyon. Ang nais ko lang naman malaman ay kung may nakita kang nakatuping papel pagkabagsak ko sa iyo?” nilinaw ko agad ang tanong ko sa kaniya.
“Papel? Nakatupi? Nahulog? Bumagsak? A, sandali,” mukhang may naalala si Mariposa. Sana tama ang iniisip kong napulot niya ang papel na iyon. “Ito ba?”
Mabilis kong inagaw ang nakatuping papel na nakuha niya sa loob ng kaniyang cartera (bag). Dahan-dahan kong binuklat ang mga nakatupi at sinuri nang maigi. Parang tambol naman sa ingay ang puso ko nang mga oras na iyon sa takot na baka hindi ito ang papel na hawak kong nagmula pa sa labingwala at siyamnapu’t siyam. Lumiwanag ang aking mukha nang mapagtantong iyon nga ang papel na dala ko sa panahon ni Mariposa.
“Iyan nga ba? Ngiting-ngiti po kayo, sir Isagani. Bagay po sa inyo ang ngumiti. Nakadagdag pogi points. Ngayon alam ko na kung bakit kita kailangang bakuran mula sa mga malalanding mata ng mga babaeng gusto kang lapitan. Beke nemen pwede mereneg ang thenk you mo, sir para naman kiligin din ako nang malala?” aniya na hindi ko alam ang ibang mga salitang sinabi niya lalo na ang ekspresyon at kilos ng labi nito sa mga huling salitang kaniyang binitiwan.
“Ito nga ang hinahanap ko, binibining Mariposa. Lumalalim na ang gabi. Hindi pa ba tayo uuwi?” sagot ko na lang at saka nagtanong dahil hindi ko alam kung saan ako uuwi. “Maraming salamat nga pala.”
“Oh no! Oh em ge! What is the meaning of this? Uuwi ka na ba sa bahay ko? Papayagan ka ba? Pumayag na ba ako?”
...
DISCLAIMER:
Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.