Mariposa’s Point of View
Nasaan ako? Anong lugar ito? Bakit may naririnig akong sumisigaw? Totoo ba ito?
“Joselito! Lumabas ka riyan!” sigaw ng isang lalaking may hawak na itak. May pumipigil na isang dalaga sa kaniya.
“Ama, nakakahiya na po ang inyong ginagawa. Hindi na po ninyo kailangang gumawa ng eskandalo rito. Napakarami na pong mga nakatingin sa atin,” hindi ko makita ang mukha ng babae dahil may nakatakip pa itong parang belo sa kaniyang mukha.
“Hindi maaari! Hindi ko hahayaang sirain ng anak ng bastardong nakatira sa pamamahay na iyan ang ating angkan, Corazon. Hinding-hindi ko papayagang mapahiya tayo! Lumabas ka riyan, Joselito! Ilabas mo ang iyong anak na si Isagani at panagutan ang aking anak na si Corazon!” singhal at bulyaw ito nang bulyaw.
“Mawalang-galang lang po, ginoong Joselito. Nabubulahaw na po ninyo ang buong Calle Delos Reyes,” isang bantay na nakasuot ng puting kamisa tsino at maluwang na pantalon ang humaharang. Iniiwas ang sarili na hindi matamaan ng hawak na itak ng nagngangalang si Joselito.
“Anong kaguluhan ito, Bernardo?” Bumukas ang malawak na garahe na nakikita ko nang mga sandaling iyon at nakita ko ang paglabas ng isang may katandaan pero makikita pa ang kakisigan nito sa suot na sando na lalaki. “Anong sinasabi mong panagutan ng anak kong si Isagani ang iyong anak na si Corazon? May namamagitan ba sa kanila ha?”
“Bakit hindi ba? Ilabas mo ang iyong anak at harapin ako!” matigas ang ulo nitong nakikipagtitigan mata sa mata at ngipin sa ngiping si Joselito. Nakahawak naman sa kaniya ang dalagang anak nitong nagngangalang Corazon.
Pero bakit kapangalan ko? Ano ang koneksyon ko rito at... Oh em gee! Am I dead? Nasa ibang panahon ba ako? Panaginip ba ito? Kung panaginip man, sanaol na lang ano! Pero teka... balik nga muna ako sa nangyayari. Makik-Marites muna ako rito.
“Wala rito ang aking anak. Kanina pa namin hinahanap. Nawawala e. At saka lingid sa iyong kaalaman na ikakasal na ang aking anak na si Isagani sa unica hija ng mga Delos Reyes. Bali-balita na nga sa buong bayan ng Gapan na ito. Ikaw lang ba at ang nagsisinungaling mong anak ang hindi pa nakakaalam? Para sa iyong kaalaman, bukas na ang nakatakdang kasal niya. Kung ako sa inyo, aalis na lamang ako bago ko pa kayo ipatawag sa mga guwardiya sibil na nagroronda rito. Alis!”
Bongga! Parang aso lang ang peg nitong si Joselito. In fairness ha, malaman at matikas. Bet na bet if mas matanda sa akin. Kalurkey! Nasaan ba ako? Ano ba itong pinasok ko? Sinundan na lamang ng aking mga mata ang dahan-dahang pagsarado ng malaki at malawak na garahe ng tahanan ng Joselito na iyon.
“Corazon, anak,” ibinaling ko ang aking tingin sa lalaking tumawag sa pangalan ko este sa nagngangalang Corazon. Napaluhod kasi ang dalaga pero bakit kasi hindi ko makita ang mukha?
Ay sus! Kaya naman pala, nakatalikod ito sa akin. Makapaglakad nga sa harapan niya nang mamukhaan ko. Kanina ko pa rin naman napapansing wala namang nakakakita sa akin dito e. Multo yata ako sa paningin nila? Napakagandang multo naman kung ganoon ako. Hagikgik na lang ako pero balik tayo sa dalaga.
“Ama, sumama lang po ang aking pakiramdam. Paumanhin,” dahan-dahan itong tumayo at inalalayan naman siya ng kaniyang amang ibinalik na ang itak sa nakasukbit na lalagyan nitong kaluban.
Muntik pang matapilok ang ka-pangalan ko. Mabuti na lamang ay mahigpit ang hawak nito sa kamay ng kaniyang amang si Joselito. Ngunit, hindi nakaligtas sa akin ang masilayan ang kaniyang mukha nang liparin ng hangin ang nakatakip na belo sa kaniyang ulo. At doon ay tumigil ang aking mundo at...
“Binibining, Mariposa! Gumising po kayo. Binibini, gising!” naririnig ko ang boses na iyon.
“Halikan mo na kasi ang asawa mo, sir!” Aba! Aba! May nag-uutos?
“Gusto mo, sir ako na lang halikan mo?” pesteng yawa! Anong karapatan niyang halikan si Isagani na dalawang beses na akong halikan? Hindi ko na kaya ito. Kailangan ko nang magising!
Pinilit ko nang idilat ang aking mga mata at nakita ang nakanguso na pero nanginginig na labi ni Isagani. Kaunti na lamang at didikit na ang labi nito nang pigilan ng aking mga kamay.
“Kung wala kang balak na ituloy ang paghalik sa akin, sir Isagani, huwag mo akong paasahin este huwag mo nang ituloy. Gising na ako,” sabi ko sa kaniya at gulat na gulat ang mukha nitong napadilat saka umatras palayo sa akin. “Wala akong sakit ha? Vaklang two!”
“Wala naman talaga akong balak na halikan ka kung hindi lamang ako nila pinilit na gawin iyon sa iyo mailigtas lamang ang iyong buhay, binibining Mariposa,” palusot pa nito. Kung alam lang niyang nadali na ako ng mga dahilan na iyan.
“Narinig ko na ang mga flowery words na iyan, sir Isagani. Hindi mo ako maloloko. Pero kung totoo man ang mga words mo, sige hihiga ako ulit at pipikit tapos hahalikan mo ako ha? Puwede ba iyon?” binibiro ko na siya pero napakamot ito sa ulo na parang hindi na naman ako naintindihan.
“Gaya ng mga tinuran ko, binibining Mariposa, kaunti lamang ang mga salitang naintindihan ko mula sa iyo. Wala akong balak na halikan ka dahil itong labing ito ay birhen pa sa panahon ko...” natigil ang kaniyang sasabihin dahil sumingit ako.
“Hindi ka na birhen, sir Isagani. Dalawang beses dumikit ang iyong labi sa akin. Sa madaling salita, dalawang beses mo na akong hinalikan. Period!” Nakapamaywang na ako nang mga oras na iyon at ang mga nakikiusyoso ay nginusuan lang ako at isa-isa nang ibinalik ang mga tingin sa kanilang mga ginagawang pagse-selfie. Ako naman ay tila natigilan at naalala ang tuwid na pananagalog ko sa kaniya.
“Diyan ka nagkakamali, binibini. Dumikit man ang aking labi sa iyo nang dalawang beses, walang bisa iyon dahil hindi kita gusto. Hindi ko naramdaman ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Sa aming panahon, kailanman ay hindi natuturuan ang puso. Ikintal mo iyan sa iyong isipan.”
Malalim ang mga salitang binitiwan ni Isagani. Pero sapat na iyon para patahimikin ako at maalala ang pangalan niya sa nakita ko nang mawalan ako nang malay. Tama ang hinala kong panaginip lang iyon. Hindi rin ako sigurado kung iisang tao lang ang nagngangalang Isagani at Corazon sa panahong iyon o nagkataon lang na magkapangalan sa panahon ko ngayon.
“Hoy, teka, sir Isagani! Saan ka pupunta?”
...
DISCLAIMER:
Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.