Nagtuloy-tuloy na nga ang trabaho ni Kiko ang kaso lang ay hindi ko nga nahahawakan ang sahod niya dahil agad na siyang pinapangunahan ng kanyang nanay.
Naghahanap din naman ako ng trabaho pero sadyang mahirap humanap ng magandang trabaho.
“Kiko, baka may natira ka pang kahit magkano sa sinahod mo. Hiramin ko sana pambili ng gamot ni tatay,” sabi ko sa kinakasama ko habang inaayos ang kanyang mga damit na isusuot para pumasok na sa trabaho.
Mula sa salamin kung saan siya nakaharap ay lumingon siya sa akin.
“May pera ko kaso saktong pang allowance ko lang sa pama-pamashe sa araw-araw hanggang makaabot na naman ng sahod. Kulang pa nga raw ang ibinigay ko dahil may babayaran pa raw si Nanay.” Ang sagot ni Kiko.
Laglag na naman ang balikat ko. Tatlong buwan na siyang nagtatrabaho pero kahit piso talaga ay wala siyang naibibigay pa sa akin.
Okay naman kahit huwag niya akong bigyan at kaya lang naman ako nanghihiram ay para sa tatay kong hindi pa rin lubusan na magaling.
Sobra na nga akong naii-stress sa sitwasyon ko.
Wala akong trabaho habang may sakit ang isa sa mga magulang ko na nagtaguyod sa akin.
Samantalang si Kiko ay hindi man lang ako matulungan kahit magkano lang sana ang maipadala ko sa tatay ko.
“Bakit hindi ka na muna mangutang doon sa kaibigan mong pakialamera? Total mahilig siyang makialam sa buhay ng may buhay kaya ngayon siya mangialam sayo.”
Si Theresa ang tinutukoy ni Kiko.
Hindi kasi talaga itinatago ng matalik kong kaibigan ang inis sa kinakasama ko at sa buong pamilya nito.
Wala naman akong maitapon sa kanilang dalawa dahil pareho ko silang mahal.
“Nakautang na ako sa kanya noon pang isang buwan at hindi ko pa rin nga nababayaran hanggang sa ngayon.” Pahayag ko.
“Hayaan mo at sa susunod ay may maiaabot na rin siguro ako sa mga magulang mo. Sa ngayon talaga ay wala pa. Alam mo naman na maraming gastusin dito sa bahay, Dea.” Aniya pa sa akin.
Ganito rin ang sinabi niya sa akin noong nakaraan na sahod niya.
Importante ang buhay ng tatay ko at hindi ito makakapaghintay.
Paano na lang kung mahuli na ang lahat?
Paano kung sa paghihintay ko ng may maibigay na pera si Kiko ay mawal na ang tatay ko?
Nakuyom ko na lamang ang king mga palad sa nararamdaman kong na hindi ko maipaliwanag.
“Naghahanap ng tindera ang grocery store riyan sa malapit, ha. Bakit hindi ka muna pumasok habang wala ka pang nahahanap na trabaho na maganda?” suhestiyon pa ni Kiko.
Ganun ba talaga?
Inoobliga niya akong magtrabaho gayong noong ako ang may trabaho ay hindi ko siya kailanman inutusan na pumasok kahit boy o kargador sa palengke.
“Maganda rin na wala ka rin maghapon dito sa bahay para hindi ka nakikita ni Nanay. Alam mo naman yon, mainit ang mata sayo lalo pa at maghapon ka lang nakakulong dito sa kwarto.”
Lalo akong nakaramdam ng pagngitngit ng aking kalooban sa mga naririnig ko.
Totoong lagi lang ako dito sa kwarto dahil nga madalas akong paringgan ng nanay niya kapag nakikita akong nakakalat sa sala o sa labas ng bahay.
Kasalukuyan akong kumakain pero wala siyang tigil sa pagbubunganga sa mga anak niya na kailangan daw magtipid sa pagkain, kuryente at tubig.
Gusto ko ng lumayas pero mas pinipili ko pa rin ang manatili dahil nga kay Kiko.
Iniisip ko na lang na pagsubok lang lahat ito sa pagsasama namin at pasasaan ba at magiging maayos din ang lahat.
Makakahanap din ako ng trabaho o kaya ay makakabalik din ako sa pag-aaral kapag tumagal na ang kinakasama ko sa trabaho.
Makakaalis din ako rito sa poder nila.
“Kanina ka pa riyan sa harap ng salamin. Hindi ka pa ba aalis? Baka ma-late ka na,” pagpuna ko dahil panay ang ayos niya sa kanyang buhok at damit.
“Okay, alis na ako. Huwag mo na lang patulan si Nanay kapag naririnig mo siya. Konting tiis lang at makakaraos din tayo, I love you, bye.” Sabay halik pa pisngi ko ni Kiko.
“Mag-ingat ka, ha.” Bilin ko at hinatid siya hanggang sa gate ng bahay.
Tinatanaw ko ang paglalakad niya hanggang mawala na siya sa paningin ko.
Konting tiis na nga lang siguro at makakaraos na rin talaga kami.
“Si Kiko ba yon, Karla? Aba'y kay gwapo talaga ng anak mo, ano?”
Narinig kong komento ni Ate Sharon na kumare ng biyenan kong babae.
“Ay! Talagang gwapo ang anak ko kaya naman ewan ko kung anong nangyari at nabulag yata sa pagpili ng babae,” sagot ng byenan kong babae.
Hindi ko alam kung napansin ba nila na narito pa rin ako sa gate ng bahay o sadyang pinaparinig talaga nila sa akin ang kanilang usapan.
“Dapat sa anak mo makatagpo rin ng babaeng mataas ang pinag-aralan at may propesyon.” Segunda pa ng kumare ng biyenan ko.
“Naku! Sana nga makatagpo habang hindi pa kasal at wala pang anak.”
Naninikip ang dibdib ko na para bang wala akong pakiramdam kung magparinig talaga sa akin.
Ngunit lagi ko na lang inaalala ang pagmamahalan namin ni Kiko para hindi ako makapagsalit ng hindi maganda sa nanay niya.
Nagmamadali na lang akong pumasok sa loob ng bahay para hindi ko na marinig ang anuman na pinag-uusapan nila.
“Nariyan ka lang pala, Ate. Bakit hindi ka pa naglalaba? Mag pasok na ako bukas pero wala pa akong tuyong uniform. Paano ako papasok niyan?” pagsita sa akin ni Kierra na akala mo ba ay kasalanan ko talaga na wala siyang susuutin na uniform
“Naglaba na ako pero damit ko lang at ng kuya kik mo ang nilabhan ko.” Maayos ko pa rin na sagot kahit pikon na pikon ako.
Nanlaki ang mga mata ni Kierra at namaywang pa sa harap ko.
“Bakit hindi mo pa sinasama lahat ng mga labahin kung naglaba ka na rin naman? Wala ka namang trabaho kaya dapat makisama ka sa amin na siyang nagmamay-ari ng bahay na ito!” asik sa akin ng bunsong kapatid ni Kiko.
“Hindi niyo ko labandera at lalon hindi niyo ko utusan. Kung iyong inuubos mong oras sa paghawak ng cellphone mo ay nagkusot ka kahit isang uniform mo ay may maisusuot ka siguro.” Ang madiin ko na pahayag.
“What? Anong gusto mo masira ang mga kuko ko at kamay ko? Ayaw nga ni Nanay na naghuhugas ako ng plato tapos uutusan mo akong maglaba? Sino ka para utusan ako, ha? Hindi ka pa rin naman miyembro ng pamilya namin dahil hindi pa kayo kasal ng kuya kong engineer!” ang nanggagalaiti pang sambit sa akin ni Kierra.
Napailing na lang at ngumisi.
Saan nila kinukuha ang kapal ng mga mukha nila para sabihan ako ng mga ganito?
Sa susunod na sahod ni Kiko ay isisingit ko na rin ang pag-aasikaso ng mga papel na kakailanganin para sa kasal namin.
Kahit saan na lang kami ikasal basta makasal kaming dalawa.
Kung iyon ang dahilan na nakikita ng pamilya ni Kiko kaya wala pa akong karapatan sa kanya ay dapat ko ng gawan ng paraan.
“At baog ka siguro, ano? Imagine sa eight years niyo na nagsasama ng kuya ko ay hindi ka man lang nagbuntis? Which is maganda naman na wala talaga kayong anak. Hindi ko ma-imagina na meron akong pamangkin na baka kamukha mo sa halip na ang pogi kong kuya.” Dagdag pa ni Kierra na nakataas pa ang isang kilay.
Napansin ko ang suot niyang gold na hikaw at kwintas.
Ako ang nagbigay sa kanya nang magdiwang siya ng kaarawan kailan lang.
Madalas niya kasing mabanggit na kawawa raw siya dahil inaapi siya ng mga classmates niya dahil wala raw siyang totoong gold accessories at puro fancy lang.
May nagpapautang na mga gold sa opisina kaya naman walang pagdadalawang-isip na kumuha ako at hinulugan kada sahod ko.
Lihim na lang akong nagbuntong-hininga kahit pa talagang galit na galit na ako.
Wala akong mapagkwentuhan ng mg nararasan at mga sama ko ng loob dahil siguradong masasaktan ang mga magulang ko kung sa kanila ako magsasabi.
Samantalang baka sumugod dito si Theresa kapag nalaman niyang ganito ang trato sa akin ng buong pamilya ni Kiko.
Hindi na lang ako kumibo at tinalikuran na lang si Kierra. Sigurado ako na magsusumbong na naman siya kay Nanay Karla at maya-maya ay boses naman ng biyenan kong babae ang maririnig ko sa buong maghapon.
Kumulama ang tiyan ko kaya napahawak ako sa parteng ito ng katawan ko.
Wala pa nga pala akong kain mula kagabi dahil ang konti ng tirang kanin at ulam at sakto lang sa isang tao.
Hindi pa rin naghahapunan si Kiko kaya nagtiis na lang ako ng gutom at nagsinungaling na lang na tapos na akong kumain ng tanungin ako ng kinakasama ko.
Naalala ko na naman si Tatay.
Wala na naman akong mapapadalang pera pandagdag sa mga gamot niya.
Hiyang-hiya na ako sa kanila pero sadyang minamalas ako ngayon na hindi ako makahanap ng magandang trabaho.
“Konting tiis pa, Dea. Konting tiis na lang at giginhawa na rin ang buhay mo,” pagkumbinsi kong bulong sa sarili ko.