Natuloy nga sa trabaho si Kiko. Ilang araw lang simula ng magpasa siya ng mga documents kay Gwen ay agad na rin nakatanggap ng tawag si Kiko at ngayon nga ay nagtatrabaho na siya bilang engineer.
Magaan pala talaga sa pakiramdam ang ganito. Nasa bahay lang ako at gumagawa ng mga gawain habang ang asawa ko ay nasa kanyang trabaho.
“Aba! Hindi ba at noong isang araw lang ay naglaba ka Dhea? Bakit ngayon ay naglalaba ka na naman? Manghinayang ka sa kuryente at tubig dahil saan tayo kukuha ng pambayad niyan? Ano, aasahan mo na may trabaho na si Kiko kaya wanto sawa kang gumagamit ng kuryente at tubig?” sita ng nanay ni Kiko sa akin ng makita akong naglalaba na naman.
“Nay, inuna ko po kasi ang kumot, bed sheet, punda at mga kurtina noong isang araw. Ngayon po ay ang mga damit naman namin.” Katwiran ko.
“Bakit hindi mo pa pinagsabay para nakatipid sa tubig at ilaw? At saka hinay-hinay ka sa paggamit ng washing machine at baka masira yan kakagamit mo. Wala ka pa namang pampalit sa gamit ko sa oras na masira mo.” Dagdag pa na sermon sa akin.
Gamit niya?
Paanong naging kanya ang washing machine na ito na sa pagkakatanda ako ay ang naghulog sa loob ng anim na buwan?
Maging ang bagong tv sa sala ay ako rin ang nagpakahirap sa paghuhulog.
“Last na lang po ito, nay. Itatabi ko na po ang washing machine mo,” sabi ko na lang.
Inirapan ako ng nanay ni Kiko at saka na pumasok sa loob ng bahay.
“Ang lalakas ng loob gumamit ng tubig at kuryente na akala mo namaj ay may nga pambayad! Ang kakapal ng mga mukha!” parinig niya pa sa akin.
Nakatingin na lamang ako sa patuloy na umiikot na washing machine at pinipigilan ang sarili na huwag maapektuhan sa naririnig.
Ganito ba talaga kapag wala ka ng pakinabang sa kanila?
Iyong wala na silang mahihinging pera sa akin kaya ganito na lamang nila akong pagsabihan?
“Ang dami-dami ko na ngang pinapalamon may isa pang hindi ko naman kaaanu-ano!” narinig ko pa.
Mula ng mawalan talaga ako ng trabaho ay wala akong maalala na nagkaroon ako ng matinong pagkain.
Minsan kumakain akong mag-isa at naabutan niya sa lamesa ay katakot-takot na pagpaparinig ang inabot ko.
Kesyo makasarili?
Kesyo hindi marunong mamigay?
Kesyo maramot daw ako gayong isang itlog lang naman ang ulam ko at hindi naman litson.
Nakakapuno sa totoo lang pero laging sinasabi sa akin ni Kiko na intindihin ko na lang ang nanay niya at mainit lang ang ulo dahil nga walang pera.
Mahal ko si Kiko kaya pilit ko talagang iniintindi kahit sobra na ang trato at pagpaparinig nila sa akin.
Naroon pa na patayin nila ang kuntador ng bahay para lang hindi ako makagamit pero ng tanungin ko kung bakit nila pinatay ay umalis daw kasi silang lahat at nakalimutan nila na nasa loob pala raw ako ng bahay.
Nagpatuloy na lang ako sa paglalaba at talagang tipid na tipid na ako sa paggamit ng tubig sa gripo at baka mapuna na naman at masabon na naman ako.
“Hoy! Dea! Kailan ka ba maghahanap ng trabaho? Huwag mong sabihin na hindi ka na magtatrabaho dahil merona si Kiko? Alalahanin mo hindi pa kayo kasal at may mas karapatan ako sa kikitain niya dahil ako ang nanay niya. Kaya huwag mong aasahan na sayo mapupunta ang sahod ng anak ko.” Pabalang pa na sabi sa akin ng nanay ni Kiko.
Nawalan lang ako ng trabaho ay nakalimutan na yata nila na ako ang nagpaaral sa anak niya sa kolehiyo kaya nakapagtapos hanggang sa pagrereview para maging ganap na engineer ay pera ko ang ginastos.
Pera na naman pala.
Pera ang dahilan kung bakit walang tigil ang pagbubusa ng nanay ng kinakasam ko.
“Naghahanap naman po ako, Nay. Huwag po kayong mag-alala at wala naman po akong balak na kunin ang sahod ni Kiko dahil sanay po ako na ginagamit ang sarili kong pera.” Tugon ko.
“Mabuti naman at nagkakaintindihan tayo. Pero huwag ka na ngang magmayabang. Anong sarili mong pera gayong wala ka namang trabaho? Saka ka na magyabang kapag kumikita ka na ulit,” aniya sa akin.
Pasimple na lang akong bumuga ng hangin para ikalma ang aking sarili.
“Bilisan momg maghanap ng trabaho para naman makapabigay ka ulit dito sa bahay. Huwag kang feelinf borders at mabuti pa nga ang border nagbabayad ng upa pero ikaw nakatira rito ng libre.”
Gusto ko na talagang matawa sa nanay ni Kiko.
Saan niya kaya kinuha ang kakapalan ng mukha para sabihin lahat sa akin ang mga lumalabas sa bibig niya?
“Madali lang naman ho siguro akong makahanap mg trabaho. Hayaan niyo po at makakapagbigay ulit ako sa inyo,” saad ko pa.
“Aba! dapat lang! Wala ng libre sa panahong ito lalo pa at hindi pa naman kayo mag-asa ni Kiko.”
Pero noong binigyan ko siya ng beinte mil noong birthday niya ay halos sabihin niya sa lahat ng mga tao sa barangay na ako ang manugang niya kay Kiko.
Hahanap din talaga ako ng trabaho lalo pa at ganito ang naririnig ko araw-araw.
Lagi akong pinaparinggan ng masasakit na mga salita kahit ang totoo ay hindi naman ako naging pabigat sa bahay na ito kailanman o kahit sa sinuman sa nakatira rito.
Isang linggo pa lang ako mahigit walang trabaho ay grabe na ang mga sumbat na naririnig ko lalo na nga rito sa nanay ni Kiko.
“Ate Dea, makiluto naman ako ng itlog. Hindi pa ako kumakain.” Utos ni Kiera na ngayon lang nagising samantalang ako ay ala singko pa lang nga umaga ay gising na kahit wala naman akong trabaho.
“Kiera, naglalaba ako e. Ikaw na lang ang magluto at madali lang naman yan.” Ang sagot ko dahil hindi pa naman ako tapos maglaba. At saka itlog lang na kakainin niya ay hindi niya kayang magluto?
“Dea, bakit mo naman sinabi mong si Kiera ang magluto ng itlog gayong hindi pa naman marunong yan? Anong gusto mo masunog itong bahay?”
Narito naman pa rin pala ang nanay ni Kiko na akala ko ay lumabas na ng bahay kaya ako ang inuutusan ni Kiera.
“Hindi naman, Nay. Bakit ko naman gugustuhin na masunog ang bahay? Madali lang naman po talaga ang magluto ng itlog at kayang-kaya na ni Kiera,” paliwanag ko pa.
“Alam mong hindi pa marunong magluto si Kiera. Bakit hindi ka na lang nagsabi na tinatamad ka kaga siya ang inutusan mo.”
Napailing na lang ako dahil ang totoo ay gusto ko ng sumagot pero inaalala ko ang mararamdaman ni Kiko kapag pinatulan ko ang nanay niya.
At saka naalala ko rin sina nanay at tatay na hindi na baleng sagutin ko sila huwag lang ang mga biyenan ko.
Kaya kailangan ko talaga ng mahabang pasensiya.