Episode 1
“Pangako, ibabalik ko rin itong pinahiram mo kapag sumahod ako next month. Pasensiya ka na talaga, bes.” Paghingi ko ng pasensiya sa best friend kong hiniraman ko ng pera.
“Dea, alam mong hindi kita matitiis kahit sobra na akong naiinis sa katangahan mo.” Diretsahan naman na sagot ng kaibigan kong si Theresa. Alam ko naman ang tunay niyang saloobin pero gaya nga ng sabi niya ay hindi niya ako kayang tiisin.
“Kailangan na kailangan daw kasi ni tatay na dalhin sa ospital at sobra raw ang hika niya lalo pa at matanda na.” Kwento ko pa.
Tumawag kasi sa akin si Nanay at napilitan na raw niyang isugod ang tatay ko sa ospital dahil nga raw sinumpong ito ng hika.
Sobrang sipag kasi ng tatay ko na kahit bawal na sa kanya ang mapagod ay patuloy pa rim siyang nakikipagsaka sa bukid kahit sa hatian naman ay lamang na lamang ang nagmamay-ari ng bukid.
Magsasaka si tatay at doon niya kami binuhay ng mga anak niya. Ako ang panganay na babae at ang bunso ko naman na kapatid ay may trabaho na rin naman ngunit hindi sapat lalo pa at madalas ng magkasakit ang mga magulang namin.
“Dea, kailan ka ba magigising sa kabaliwan mo? Katulad ngayon, alam mo kung anong gusto kong gawin sayo? Gusto kong ihampas ang ulo sa matigas na pader o kaya naman ay kumuha ako ng maso para ipukpok sa ulo mo para magising ka na sa katotohanan!” sermon pa ni Theresa.
“Grabe ka nama sa akin, bes!” natatawa ko na lang na biro kahit alam kong seryoso siya.
“Huwag kang tumawa loka-loka ka! Kailan ka ba magigising at magmumulat ng mga mata? Kailan mo makikita ang ginagawang pang-aabuso sa kabaitan mo? Kung hindi ka man naaawa sa sarili mo ay maawa ka na lang sa pamilya mo, Dea! Nangungutang ka ng pera para sa pampaospital ng tatay mo gayong may trabaho ka naman at maganda ang sahod mo. Pero saan kasi napupunta? Sa buong pamilya ni Kiko? Dea, imulat mo naman ang mga mata mo. Hanggang kailan ka magbubulagbulagan dahil lang sa pagmamahal mo sa lalaking iyon?”
High school pa lang ng naging kamj ni Kiko.
Siya ang first love ko at first boyfriend ko kaya naman mahal na mahal ko.
Bata pa lang kasi ako ay nangako na ako sa sarili ko na kung sino ang unang boyfriend ko ay iyon na rin ang lalaking pakaksalan ko.
Pareho kami ni Kiko na galing sa mahirap na pamilya pero siya ay nakatira rito sa bayan samantalang ako ay nasa liblib na parte naninirahan.
Mas matalino sa akin si Kiko kaya naman napagpasiyahan namin na suportahan ang isa't-isa para makapagtapos ng pag-aaral.
Dahil nga mas matalino siya ay napagpasiyahan ko na siya muna ang mag-aral at ako naman ay maghahanap ng trabaho para suportahan siya.
Iba't-ibang mga trabaho ang pinasok ko makatulong lang sa pag-aaral niya. Naroon ang maging tindera, cashier sa iba't-ibang establishment hanggang sa palarin na makapag-apply bilang call center at nakapasa naman kahit high school graduate lang ako. Matatas na talaga akong magsalita ng wikang eglish kahit noong nag-aaral ako kaya mabuti na lamang at napakinabangan ko.
Masasabi ko nga na mas malaki ang kinikita ko dahil lagi akong nakakaperfect hundred sa score ko araw-araw sa matagumpay na pakikipag-usap ko sa makukulit na customers.
Simula rin noon ay ako na ang sumagot ng pangangailangan sa eskwelahan ni Kiko at tumulong na rin ako sa mga gastusin nila sa bahay lalo pa at wala rin namang permanenteng trabaho ang kanyang tatay na malakas sana ang kinikita sa pangongontrata sa paggawa ng bahay kaso lamang ay maraming bisyo gaya ng alak, sigarilyo at halos lahat yata ng sugal ay alam.
Ganun din ang nanay ni Kiko na alam na alam mo kapag may pera. Nasa sugalan at nagpapameryenda pa sa lahat ng kasugal.
Pero naaksidente at napilayan ang tatay ni Kiko dahilan para hindi na ito makapagtrabaho ng mabuti kaya naman kapag walang kahit na ano sa bahay nila gaya ng bigas, ulam, pambayad ng mga bills ay ako na ang sumagot kaya talagang wala ng natitira sa akin na umaabot pa sa nagkakautang pa ako sa tao.
Nagbunga naman lahat ng pagsisikap ni Kiko dahil matapos ang pagtitiyaga at paghihirap niya sa kolehiyo ay nakapagtapos na rin siya sa kursong civil engineer At wala rin namang kahirap-hirap na naipasa ang board exam.
Ngunit ganun pa man. Hindi naging madali sa kinakasama ko ang paghahanap ng trabaho.
Akala ko pa naman na kapag nakapagtapos siya at nakakuha ng lisensya ay ako naman ang makakapag-aral gaya ng pangarap naming dalawa ngunit hindi nangyari dahil hanggang ngayon ay nasa bahay lang si Kiko habang ako ang naghahanap-buhay.
At sa walong taon namin na pagsasama ay wala akong narinig na kahit na anong reklamo sa mga magulang ko kahit pa ang totoo ay wala akong naibibigay sa kanila kahit na isang kusing sa pagsusumikap ko sa pagtatrabaho.
Kahit noon na magpasya ako na makisama na kay Kiko ay wala akong masamang narinig sa nanay at tatay ko.
Basta kung saan daw ako masaya ay sino ba raw sila para pigilan ako.
At laging bilin ng mga magulang ko sa akin na lagi akong makisama ng mabuti sa pamilya ni Kiko.
Isa lang din ang laging tanong nina tatay at nanay sa akin.
Kailan ang kasal namin ng lalaking kinakasama ko?
Ngunit ang lagi ko lamang sagot noon ay kapag nakapagtapos na kami pareho ng pag-aaral at nagkaroon ng stable na mga trabaho.
Pero ngayon ay hindi ko na kayang sagutin pa ang tanong na kailan ang kasal namin ni Kiko lalo pa at hanggang ngayon ay wala siyang trabaho at ako pa rin ang sumasagot ng lahat ng gastusin nila sa bahay.
“Bes, magmamahal ka rin at malalaman mo kung bakit ako ganito,” saad ko na lang.
“Naku! Naku! Naku! Dea! Kung ako ay magmamahal sa lalaki at ganyan sa Kiko mo ang makikita at mahahanap ko ay hindi bale na lang. Kaya kong mabuhay ng walang lalaki sa buhay ko dahil hindi ko magagawang ipagpalit sa mga hindi ko naman mga kaanu-ano ang pamilya ko na siyang nagpakahirap para buhayin at pag-aralin ako. Lagi ka ngang kasama sa mga panalangin ko alam mo ba yon? Lagi kong sambit na sana matauhan ka na magising sa katotohanan na ginagamit ka lang ng pamilya ng kinakasama mo. Pagdating sa kanila ay todo gastos ka kaya ang tunay mong pamilya wala ka ng mailabas kahit singkong duling man. Oo at walang sinasabi ang mga magulang mo pero sana may utak ka para naman maisip na mas kailangan ka nila dahil hindi hamak na may edad na ang nanay at tatay mo kumpara diyan sa mga magulang ni Kiko na malakas pa sa kalabaw ang mga katawan. Hindi ba at nagtatrabaho ang isa sa mga kapatid niyang si Kiko na sayo pa rin galing ang pinang apply-apply? Bakit parang ikaw pa rin ang sumasagot ng pangangailangan sa bahay na yon? Dea, gising! Hanggang kailan ka magbubulag-bulagan? Ano, kapag may nangyari na sa mga magulang mo na ngayon ay mga matatanda na. Sa halip na sila ang tulungan mo at makinabang sa lahat ng mayroon ka ay mas pinipili mo na palamunin ang mga hindi mo mga kaanu-ano? Maniwala ka sa akin, bes. Kapag ang pamilyang yan ay yumaman o kaya ay wala ka ng pakinabang, sinasabi ko sayo at itatak mo sa mapurol mong utak na basta ka na lang itatapon ng mga yan!” mahabang sermon pa ni Theresa.
Naiintindihan ko naman si Theresa kung bakit niya ako ganito pagsabihan dahil mula pa noon ay ganito na talaga siya magsalita lalo pa at kapag may napansin siyang mali.
“Makakahanap din ng trabaho si Kiko, bes. At pangako niya naman talaga na ako naman ang mag-aaral hanggang sa makapagtapos din ako gaya ng ginawa ko sa kanya.” Sa halip ay naging tugon ko na lamang.
Natawa ng bahagya si Theresa.
“At umaasa ka pa talaga sa pangako na yan, Dea? Hindi niya nga magawa na pakainin man lang ang sarili niya umaasa ka pa na mapag-aaral ka niya?” tanong pa ng kaibigan ko na simula talaga ng makita ang sakripisyo ko sa pamilya ni Kiko ay lagi na akong pinagsasabihan.
“Oo naman, bes! Habang buhay may pag-asa kaya hayaan mo at balang-araw at gaya mo magiging registered nurse rin ako at sabay tayong mag-a-apply pa abroad! Pareho tayong magpapakayaman at magkakaroon ng limpak-limpak na pera!” bulalas ko pa.
“Iyon ay kung makakapag-aral ka nga ulit at makakapagtapos at kung maiiwan mo ang Kiko na yan. Bata ka pa naman, Dea. Magka edad lang naman tayong dalawa. At sana lang ay magising ka na sa katotohanan na ginawa ka lang gatasan ng pamilyang yan! Anong malay mo at may iba na pa lang babae na kinalolokohan ang Kiko na yan lalo pa at lagi ka namang wala sa bahay nila.” Hula pa ng matalik ko kaibigan.
Iyon naman ang alam kong hinding-hindi magagawa ni Kiko dahil alam kong mahal na mahal niya ako.