Iba talaga kapag tunay na pamilya mo ang kasama at nag-aasikaso sayo dahil sa kanila mo talaga mararamdama ang tunay na pagmamalasakit at pang-unawa.
Noong unang mga linggo ay nakaramdam ako agad ng kasiglahan ng aking katawan dahil tunay na hindi ako stress sa araw-araw hindi katulad noong nasa bahay ako nila Kiko.
Panay parinig ng pamilya niya sa akin na dumagdag ako sa pabigat sa kanilang bahay.
Dito kasi ay kahit maglaga lang ng kung anong talbos ng gulay si Nanay ay kay sarap na ng kain ko at talagang nakakaubos ako ng maraming kanin.
Kaya naman kahit hindi pa tapos ang gamutan ko ay para bang wala na akong panghihina ng katawan na nararamdaman.
Hindi na rin ako inuubo hindi katulad dati na halos napapaihi pa ako sa sunod-sunod na pag-hirit ng aking ubo.
Nakakagawa na rin ako ng gawaing bahay kapag nababagot na ako sa paghiga at pag-upo.
Kung sa bahay nila Kiko ay halos hindi ako magkandaugaga sa trabaho dito sa amin ay kahit walis tingting ay ayaw akong pahawakin ng Nanay ko.
Madalas kapag gabi na hindi ako makatulog umiiyak ako at nanghihingi ng sorry pamilya ko na hindi ko magawang suportahan dati dahil inuuna ko ang pamilya ni Kiko.
Minsan nga na sinabi ko iyon kay nanay at tatay pero wala talaga akong narinig o nahimigan na nagagalit sila sa akin bagkus tama lang daw ang ginawa ko dahil doon ako nakatira.
Ngunit hindi ko na lamang kinuwento kung paano na ako tinrato ng pamilyang yon ng mawalan na ako ng tranaho dahil siguradong sasama ang loob ng mga magulang ko.
Lumanghap ako ng sariwang hangin habang inaayos ang mga sampay kong mga damit.
Wala ang mga magulang ko dahil bumaba sila ng bayan dahil ngayon ulit ang balik ni tatay sa ospital.
Natutuwa nga ang tatay ko na sa wakas daw ay umuwi na ako dahil miss na miss niya na raw ang panganay niya.
Kung siya lamang daw ang masusunod ay ayaw niya na akong umalis sa bahay namin dahil mas gusto niya raw na nakikita ang kalagayan ko sa araw-araw na nabubuhay sila ni Nanay.
Mula sa katahimikan na tanging huni lamang ng mga ibon at lagaslas ng hangin ang naririnig ay may uri ng hayop akong narinig dahilan para mapatingin ako sa harap ng bahay namin.
Isang kabayo na kulay brown ang nakatigil habang may isang lalaki ang nakasakay dito at tila may hinahanap sa aming bahay.
Inayos ko muna ang sarili ko at saka na ako nagpunta sa harap bahay para tanungin kung anong kailanga ng taong ngayon ko lang yata nakita.
“Magandang umaga, Sir. May hinahanap ho ba kayo?” magalang kong tanong sa lalaki na ngayon ay mataman ng nakatingin sa akin.
“Hinahanap ko ang mga nakatira rito. Si Mang Dado.”
Ang pangalan ng tatay ko ang kanyang binanggit sabay baba sa kanyang kabayo.
Matangkad ang lalaki na aabot yata sa anim na talampakan. Nakasuot siya ng gaya ng isang cowboy. May sumbrero, naka itim na boots at at naka longsleeve.
Tinanggal niya ang kanyang suot na sumbrero kaya naman malinaw ko ng nakita ang kanyang mukha. Matangos ang kanyang ilong habang ang pares ng kanyang mata para bang tumatagos hanggang sa aking kaluluwa.
Sino siya?
“Ano ho ang kailangan niyo sa tatay ko? Wala ho kasi siya ngayon dahil check-up niya po ulit sa doktor na tumitingin sa kanya.” Pahayag ko sa lalaki na mukha namang disente kahit ang totoo ay para ba siya ang tipo ng taong kapag kasama mo ay mahihiya lang tumabi at magsalita.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang sa aking mga paa kaya naman lalo akong nakaramdam ng pagka-ilang.
“Kung ganun ay hindi pa pala siya magaling?” usisa ng lalaki.
Napatango na lamang ako.
“Hindi ko alam na may isa pa palang anak na babae si Mang Dado dahil ngayon lamang kita nakita, Miss.”
Alanganin akong napangiti dahil hindi ko naman kilala itong estranghero sa harap ko ngunit magkakilala naman sila ni tatay.
“Nagta-trabaho kasi ako sa ibang lugar, sir.” Tugon ko.
“Nagta-trabaho ka pala?” kunot-noo pang tanong sa akin ng lalaki.
Tumango na lamang akong muli.
“May nais ho ba kayong sabihin kay Tatay? Puwede ko naman hong sabihin sa kanya dahil mamaya pa ho silang hapon makakauwi,” sabi ko ngunit nanatiling mataman lang na nakatingin sa akin ang lalaki na para bang pinag-aaralan niya ang aking katauhan.
Ngunit ilang sandali lang ay ibinalimg niya sa malawak na sakahan ang kanyang paningin.
“Pakisabi kay Mang Dado na hindi na siguro masama ang ilang taon kung ibinigay na palugit sa kanya para mabayaran ang lahat ng mga utang niya sa akin.”
Napadiretso ako sa pagkakatayo sa narinig.
Alam kung may mga utang naman talaga si tatay pero hindi ko nga lang alam kung kanino.
Nakikisaka siya sa ibang bukid dahil ilang ulit siyang nalugi sa pagtatanim sa sarili naming bukid na ngayon nga ay nakatiwangwang na lamang dahil nga baon na siya sa utang ng puhunan.
“Negosyante ako at hindi mabuting samaritano kaya panahon na siguro para kunin ko na ang lupaing ito bilang kapalit ng kanyang pagkakautang sa akin.”
Napakapit ako sa braso ng lalaki hindi oras.
“Sandali lang po, Sir. Baka po pwedeng konting panahon pa panahon pa po ang ibigay niyo kay Tatay,” pagsumamo ko sa estranghero na nakatingin sa mga kamay ko na nakahawak sa kanyang matipunong braso.
“Sobra-sobra na ang palugit na binigay ko sa tatay mo, Miss. Tulad ng sinabi ko kanina, negosyante ako. Kailangan na tumutubo ang bawat sentimo na inilalabas ko sa bulsa ko. Dahil alam ko naman talaga na ang pagtatanim sa bukid at hindi biro kaya nagbigay ako ng palugit sa tatay mo ngunit hindi pa rin siya nakabawi. At itong lupa na pag-aari niya ang usapan namin na kanyang ibibigay sa oras na hindi niya mapunan ang utang niya sa takdang panahon.” Paliwanag ng lalaki sa akin habang diretsong nakatingin sa aking mga mata.
Pormal ang kanyang mukha habang nagsasalita.
“May sakit ho si tatay at baka ho hindi niya lalong kayanin ang lungkot kapag inilit niyo na ng tuluyan ang kaisa-isang ari-arian na meron siya, Sir,” ang pakiusap ko pa.
Kasalanan ko to.
Kung inisip ko muna ang kapakanan ng pamilya ako ay baka hindi lumubo ng lumubo ang utang ni tatay.
Kung sana noon ay unti-unti ko itong binayaran ay wala sana siyang problema ngayon.
Kaya kasalanan ko ito.
Isa akong walang kwentang anak na inuna ang sarili kaysa sa aking pamilya na higit akong kailangan.
Kaya makikiusap ako hanggang sa maaabot ko para hindi makumbinsi ko ang taong ito hanggang sa pumayag siya sa pakiusap ko.
“Ang sabi mo ay nagta-trabaho ka kaya wala ka rito sa mga magulang mo? Bakit hindi man lang nagawang hulug-hulugan ni Mang Dado ang utang niya kung may kinikita ka naman pala?” usig ng lalaki na hindi ko magawang sagutin.
Hindi dahil sa wala naman siyang pakialam kung hindi nakakahiya na malaman niya na habang naghihirap ang mga magulang ko ay ibang tao ang nakikinabang sa mga pinaghihirapan ko.
“Sir, pagbigyan niyo na ho ang pakiusap ko. Pangako na sa paggaling ko ay hahanap ako agad ng trabaho para mabayaran kita,” saad ko.
“May sakit ka? Anong sakit mo?”
Napabitaw ako pagkakahawak sa braso ng lalaki at bahagya akong lumayo.
“Kasalukuyan ho akong naggagamot sa likod kaya natigil ako sa pagtatrabaho,” ang nakayuko kong paliwanag.
“Mahabang gamutan ang sakit mo. Ilang buwan? Tatlo, anim, siyam na buwan?”
Bantulot akong sumagot sapagkat baka lalo siyang matagalan.
“Anim na buwan, sir. Ngunit isang buwan na lamang at matatapos na ako. Magaling na po talaga ako Makakapagtrabaho na ho ako at pangako ko na magbabayad sa mga naging utang ni Tatay.” Purisigido kong pananalita.
Lahat gagawin ko para huwag lang makuha ang lupain ni tatay na kanya ng buhay.
Hindi ko mapapatawad ang sarili ko sa oras na mawala ang nag-iisang ari-arian ng tatay ko na minana niya pa sa kanyang mga ninuno.
Oo at alam ko ang tungkol sa utang ngunit kailanman ay hindi nagbanggit sina nanay at tatay ng tungkol dito.
Hindi sila kailanman nagsabi na tulungan ko sila sa utang na yon.
Kaya nakaramdam ako ngayonnng galit sa aking sarili na bakit hinayaan kong magkaganito ang pamilya ko?
May iba akong pamilya na pinapasaya sa mga materyal na bagay na hindi ko man lang nagawa sa pamilya ko na siyan naghihirap dito sa lugar namin.
“Pag-iisipan ko pa ang tungkol sa paghingi mo ng palugit, Miss. Babalik na lamang ako sa ibang araw para kamustahin ang tatay mo na sayang at wala ngayon kung kailan ako napasyal dito.”
“Sige po, sir. Salamat po. Ano ho pa lang pangalan niyo?” tanong ko dahil kanina pa kami nag-uusap ay hindi ko pa alam ang kanyang pangalan.
Maliksi na sumakay muli ang lalaki sa kanyang kabayo bago ako muling nilingon.
“Rhuel ang pangalan ko. Rhuel Malubay, Miss.” Pagpapakilala niya sa akin.
Inisip ko kung pamilyar ang kanyang pangalan ngunit wala akong maalala.
“Ako po si Dea, sir. Maria Dea Magpale po. Ang panganay na anak ni Mang Dado.” Ako naman ang nagpakilala.
“Maria Dea? Bagay ang pangalan mo sayo,” aniya pa sa akin bago niya pinatakbo palayo ang kanyang kabayo.