CHAPTER 5
“Okey. Para naman hindi mo ako sisiraan. Pagbibigyan kita. Kung paglabas mo rito, hindi ko pa rin nagustuhan ang hitsura at ayos mo, umuwi ka na. Ayaw kong may nagta-trabaho sa aking pangit. Hindi ko gustong pangit ang nakikita ko sa bahay ko, sa mga shows ko at nakikisakay sa sasakyan ko. Maliwanag?”
“Opo. Maliwanag ho.”
Hinila ko si Diane palayo kay Miss Kai.
“Nasaan ang kuwarto mo rito? Nasaan ang CR? Nasaan ang mga damit mo? Nasaan ang mga pampaganda mo?” sunud-sunod kong tanong sa kanya habang hinihila ko siya palayo kay Miss Kai.
“Ano? Hinay-hinay lang kasi andaming nangyayari. Hindi ko alam kung anong uunahin kong sagutin sa mga tanong mo.”
“Kuwarto mo, saan ang kuwarto mo rito. Dali na. Isang oras lang oh,” pabulong ngunit may diin kong sinabi.
“Dito. Halika rito.”
Pumasok kami sa isang pasilyo ng parang mansiyong bahay. Hanggang sa narating namin ang kuwarto niya. Ibinagsak niya ang katawan niya sa maluwang niyang kama.
“Grabe. Kadarating ko pa lang stress na ako. Gusto ko na alng matulog. Gusto kong magpahinga.”
“Ooops! Oopss! Huwag muna. Kailangan mo akong tulungan.”
“Pwede banng huminga muna?”
“Pwede. Ituro mo lang ang banyo rito at maliligo na muna ako.”
“Hayan ang banyo.”
“Sosyal naman. May sariling banyo ang kuwarto mo?”
“Hindi nga ako katulong. PA ako at kasama ang lahat ng ito sa magandang blessing na tinatamasa ko. Kaya sige na. Maligo ka na. Dalian mo!”
Agad akong pumasok sa banyo. Naghahabol ako ng oras. Trabaho ko ang nakasalalay at kung kagandahan ang gusto niyang makita, pwes, pakikitaan ko siya ng ganda. Paghandaan ko ang second look sa akin ng bruha kong amo. Napakabait ng mga role niya sa TV. Akala mo kung sinong santa sa mga palabas niya. Iyon pala demonyita rin. Hindi bale. Trabaho ang ipinunta ko rito. Nakita ko naman ang nangyari sa buhay ni Diane. Kung nakaya niyang pagsilbihan ang isang maldita na kagaya ni Miss Kai, dapat kaya ko rin. Bahala na kung anong magiging buhay ko sa Manila basta hindi ako uuwi. Hindi ako papayag na mabibigo ako. Kahit pa ano gagawin ko para maiahon ang pamilya ko sa kahirapan. Kahit pa dyumowa ako ng matandang malaput nang mamatay basta mayaman ayos lang kaysa sa uuwi ako at magsaka ako nang magsaka habang buhay. Hindi ganoong buhay ang hinangad ko. Oo. Mukhang pera ako. Wala akong pakialam. Basta ang importante ngayon at mapanindigan ko ang sinabi ko kina Nanang at Tatang na aayos ang buhay namin. Mapag-aaral ko ang mga kapatid ko. Mapapaayos namin ang bahay naming isang malakas na ihidp na lang ng hangin matutumba na nang tuluyan. Gusto kong ipakita kina Nanang at Tatang na hindi ako nagkamali sa desisyon kong lumayo sa kanila. Hindi na kami magugutom pa ng aking pamilya. Ang importante ay hindi na kami pwede pang maliitin ng mga mayayaman naming kamag-anak.
Hinubad ko ang mumurahin kong damit na binili lang sa palengke apat na taon na yata ang nakararaan kaya naman mukhang luma na. Hindi ko masisisi si Miss Kai sa nakita niya sa akin kanina ng makita ko ang mukha ko sa salamin. Mukha kasing dinaanan ng malalakas na bagyo ang buhok kong nagkabuhol-buhol at mukhang matigas pa sa alambre. Ang mukha kong hindin na aninag ang ganda.
Nang nahubad ko na ang lahat ng aking damit na puwedeng pagkamalang basahan ng mga kagaya ni Miss Kai ay sinuri ko ang aking katawan. Hindi pantay ang kulay ng mukha ko sa kulay ng natatakpan ng damit. Maputing-maputi ang katawan ko. Makinis ngunit hindi ang braso ko, ang mukha at mga binti. Alam kong sa Manila lang lalabas ang tunay kong ganda. Lahat kasi ng galing sa Manila pumuputi, kumikinis, gumaganda kaya alam kong magiging ganoon din ako.
Ako man ay hindi ko nagustuhan ang nakikita ko sa salamin ngunit dapat may gagawin ako para mapansin ni Miss Kai na may potential ako. Daanin ko sa confidence, sa talino, sa projection. Mabilis kong binuksan ang gripo pero paano ako maliligo? Walang tabo? Wala akong mahanap na balde. Tumingala ako. Nakita ko ang isang shower na sa pelikula ko lang nakikita. Dalawa pa talaga ang faucet. Isang blue at isang pula. Anong kaibahan. Pinihit ko ang kulay pula. Biglang bumulwak ang tubig mula sa faucet at bumagsak sa akin ang maligamagam na tubig. In-enjoy ko ang patak nito pero ilang segundo pa lang ramdam ko nang nakakapaso na ang bagsak ng tubig sa katawan ko. Halos mapasigaw ako. Pinatay ko at binuksan ang kulay asul. Malamig na tubig ang bumagsak sa aking katawan. Napangiti ako sa aking kaignorantehan. Red for hot water at yung blue sa saktong lamig lang. Hindi bale, lahat ng ‘to aaralin ko. wala kasi sa bundok ang ganito eh. Napangiti ako nang makita ko ang mga hilera ng mga shampoo. Andami. Iba-ibang brand. May mga conditioner pa. Nag-sa-shampoo naman ako pero gapatak lang kaya hindi magawang palambutin ang buhok ko. Kung wala naman, sabong panlaba o bareta lang lagi ang pinapansabon ko sa ulo ko. Kaya pala napakaputi ni Diane kasi kung anu-anong klaseng sabon ang nakikita kong nakahilera sa kanyang banyo pero walang bar soap. Wala yung parang safeguard lang sana. Lahat parang shampoo o conditioner. Body wash, body shower gel, body scrub… andami talaga’t nakalilito na. Lahat ginamit ko sa buhok ko. Naramdaman kong lumambot ang mahaba kong buhok nang matapos akong maligo. Parang nagbago nga pati texture ng katawan ko. Madulas na ang aking balat. Saka hindi ko na amoy yung amoy ng isang magsasaka sa katawan ko. Mabango na ako. Amoy Diane. Amoy mayaman. Kaya naman pala ang bango-bango lagi ng gaga. Ito pala ang kanyang sikreto. Pangmayaman talaga.
Paglabas ko, nakatayo na si Diane sa harap ng salamin.
“Maupo ka, dali.”
“Gaga! Eh di siyempre aayusan kita. Ipakita natin sa maldita kong amo na maganda ka. Na magandang-maganda ka!”
“Oww palaban ka na ha!”
“Ngayon lang kasi nag-sink-in sa akin ang mga sinabi niya sa’yo. Dali na. Isang oras, hindi ba? Nakalimutan niya yatang ako ang nagpapaganda sa kanya sa tuwing late dumating ang make-up artist niya!”
Agad akong umupo sa harap ng kanyang pabilog at sosyal na salamin. Nakita ko roon ang hindi ko alam kung anong gamit na mga pampaganda. Tinignan niya ako. Pinulot niya ang blower ng buhok.
“Tignan natin kung di siya matatakot na makita kang mas maganda pa sa kanya kung naayusan ka nang husto!” palabang tinuran ng aking kaibigan.