CHAPTER 6
Noon lang na-blower ang buhok ko. Noon lang din ito na-plantsa kaya nang makita ko ang kislap, lambot at pagkaunat nito. Natuwa ako.
“Halika best, mamili ka ng isusuot mo. Dali na.”
Binuksan niya ang kanyang closet at nalula ako sa mga nakahilerang mga sosyaling mga damit. Hindi ako alam na may mga collection siya ng ganoon kagandang mga damit.
“Minsan lang naisuot ni Miss Kai ang mga ‘yan at binigay niya sa akin. Maldita siya. Mataray ngunit mapagbigay. Hindi siya madamot huwag lang pangunahan at lokohin. Lahat ng ‘yan ay binigay niya sa akin. Ano may napili ka na ba?” tanong niya habang napapalunok ako sa ganda ng mga damit. Mahilig ako sa mga magagarang damit pero wala lang akong pambili. Kapag nga nakakapanood ako ng pelikula o teleserye na ang suot ng bida ay maganda, ini-imagine ko na ako ang nakasuot no’n. Hanggang sa na-lock ang mga mata ko sa damit na sinuot ni Miss Kai sa pelikula niyang napanood ko na pinakagusto ko. Kinuha ko agad iyon kasama ng iba pang nakita kong uso at feeling ko naman ay bagay sa akin. Mabuti nang may pamimilian ako. Pumasok sa isang maliit na kuwarto kung saan ako pwedeng magsukat. Nang nakahilera na sa harap ko ang mga magagarang damit ay hindi ko na alam kung anong uunahin kong isukat. Agad akong naghubad sa harap ng salamin. Tumambad sa akin ang butas-butas at maluwang ko pang panty at nangingitim ko nang lumang sando na panloob. Iyon lang naman kasi ang meron ako. Inisip ko kasi na hindi naman iyon makikita. Nakakahiya naman na pati underwear ay hihiramin ko pa kay Diane. Huminga ako nang malalim. Balang-araw, makakabili rin ako ng mamahaling mga underwear ko. Nakaramdam ako ng awa sa sarili ko na kahit mga underwear ko ay pwede nang pantrapo sa kalumaan. Ngunit lahat ng ito, challenge sa akin. Balang-araw, magigig mayaman ako. Mayamang-mayaman.
Una kong isinukat ang una kong napili na pikapaborito kong damit ni Miss Kai sa isang pelikula. Napatakip ako sa aking labi. Umikot-ikot sa harap ng salamin. Hindi ako makapaniwala sa nakikita kong imahe ko sa salamin. “Oh my God! Ako ba talaga ito? Hindi ba ako namamalikmata lang? Parang kung itabi mo ako kay Diane, mas mapapansin ako. Oo, hindi ako maputi dahil sunog sa araw ang aking balat ngunit para lang akong Latina. Yung mga sumasali sa Miss Universe na hindi kaputian pero makinis. Ibang kagandahan ang nakikita ko ngayon sa harap salamin. Para ako kontesera sa mga beauty pageant..
“Best ano na? Nakapili ka na ba? Lumabas ka na riyan kasi di pa tayo tapos ayusin ang mukha mo at may 15 minutes na lang. Lumabas ka nga riyan para makita ko?”
Huminga ako nang malalim. Isinuot ko ang isa sa mga sapatos na nakita ko sa mga nakahilera. Pumili ako ng ternong puti sa pulang dress na isinuot kong off-shoulder na may mataas na slit. Bumagay iyon sa mahaba kong biyas. Nang sa tingin ko ay okey na, lumabas ako.
“Hmmnn, okey naman. Sumakto naman sa size mo.” Tinignan niya ako sa aking mukha. “Pero may kulang pa rin. Parang may mali.”
“Seryoso ka ba? Kulang pa rin ito sa’yo?”
“Oo at alam ko na nga kung anong kulang.”
“Sa akin, okey na nga ito eh? Ano pang kulang.”
“Halika rito. Umupo ka sa harap ng salamin.” Tumingin siya sa kanyang relo. “May labinlimang minuto pa tayo. Dali na!”
“Pero itong suot kong damit at sapatos? Okey na ba ito?”
“Okey na ‘yan. Maganda at bagay sa’yo,” seryoso niyang sinabi na para bang hindi pa rin siya sa akin nagagandahan.
“Salamat ha.”
“Ano ka ba? Huwag ka munang magpasalamat. May problema pa tayo. Hindi ko alam kung magagandahan siya sa’yo kaya saka ka na magpasalamat kapag tanggap ka na sa trabaho dahil kung hindi, uuwi ka sa atin ng luhaan at muli ka na namang maging magsasaka.”
“Eh ano pang kulang sa akin? Okey naman na ang damit ko eh.”
“Wala namang problema sa damit mo eh. Okey na ‘yan. Diyan sa mukha mo ang meron pa. Huwag mo nang isipin dahil ako na ang bahala. Pagagandahin kita. Gugulatin natin ang impaktang amo ko na maging amo mo na rin kung papasa ka na sa taste niya mamaya.”
Huminga ako nang malalim. Tumatango-tango akong umupo.
“Hmnnn, sana kaya natin ang 15 minutes pero kung hindi, bahala na basta kailangang lumabas ka ritong magandang-maganda.”
Habang inaayos ni Diane ang mga gagamitin niya sa pagpapaganda sa akin ay nakita ko ang malambot niyang buhok na parang isinasaliw ng hangin mula sa electric fan. Parang napakanipis at napakalambot. Tinignan ko ang buhok ko sa salamin, parang gano’n na rin naman. Hindi pa man kasing-level ng ganda ng buhok niya ngunit okey na rin naman.
Napapaaray ako habang binubunutan ni Diane ang mga excess sa kilay ko. May kung ano pa siyang ginawa sa pilik-mata ko. Bumigay ang pakiramdam ko kapag iminumulat at ipinapikit ko ang aking mga mata. Nang naayos na niya ang kilay at pilik mata ko ay may mga ipinahid rin siya sa aking mukha. Nang humarap ako sa salamin ay nagulat ako. Parang hindi na yung dating simpleng probinsiyana ang nakita ko sa salamin. Parang ibang tao na ang nasa harap ko. Maayos na ang kurba ng may kakapalang kilay ko. Mahaba at kumapal ang pilik-mata ko. Hindi sa pagyayabang pero nagmumukha akong celebrity sa bagong ako.
Hanggang sa inikot niya ang upuan ko. Humarap ako sa kanya. Naglagay siya ng kung anu-ano na hindi ko alam sa aking pisngi at naglagay ng lipstick sa aking labi. Ilang sandali din iyon. Hanggang sa inikot niya ako at tinignan ko ang sarili ko sa salamin. Para akong nakakita ng isang magandang artista. Sing-level ni Miss Kai. Hindi nga lang ako maputi dahil nga sa sunog ako sa araw sa bukid. Huminga ako ng malalim. Gulat na gulat ako sa mabilisan kong pagbabago. Kung kanina, tingin ko sa sarili ko ay maganda na ako, ngayon parang isang napakamalaking himala ang nangyari sa akin. Isa na akong dyosa. Isa na akong prinsesa sa kagandahan.
“Oh my God! Best! Ako na ba ‘to?” hindi ko napigilang sabihin iyon kay Diane habang titig na titig pa rin ako sa salamin.
“Yes! Ikaw na ikaw na nga ‘yan. Hindi ako nagkamali na may igaganda ka pa kanina paglabas mo riyan sa kuwartong iyan. Actually best, hindi ka lang basta maganda. Sobrang ganda mo. Patutunayan natin sa impaktang amo ko na mali siyang husgahan at maliitin ka. Halika ka na. Excited ko nang ipakita ang kagandahan mo. Kanina pa naghihintay iyon sa’yo.”
Paglabas namin sa kuwarto ni Diane ay ipinahawak ni Diane sa akin ang isang bag na terno ng aking sapatos.
“Hayan. Hawakan mo ito. Bagay ito sa elegante mong looks. You are superb and stunning, best ko!” naibulalas niya.
Habang naglalakad kami sa pasilyo papunta sa sala ng mansiyon na bahay ni Miss Kai ay muli kong pinagmasdan ang sarili ko sa nadadaanan naming salamin na may repleksiyon. Inayos ko ang lakad ko. Class na class na nga ang dating ko. Nasa akin naman na talaga lahat. Tangkad, ganda ng katawan, gara ng suot at ang aking maayos at may koloreteng mukha. Alam kong medyo kayumanggi ako dahil sa nasunog na araw pero konti lang ang ibinawas niyon sa kabuuang ganda ng aking kabuuan. Habang naglalakad ako, naramdaman ko ang pag-alon ng malambot at nakalugay kong buhok na parang sa mga sumasali sa Miss Universe. Malayo na sa babaeng pumasok kanina na humarap kay Miss Kai na wala nang ganda, wala pang kumpiyansa sa sarili. Huminga ako nang malalim. Nasa Manila na ako. Ito na ang bagong ako. Isang napakagandang babaeng at sisiguraduhin kong magagamit ko ang gandang ito para tuluyang umangat. Bahala na kung gagamit ako ng iba basta ang mahalaga, kailangan kong umangat kasama ng aking naghihikahos na pamilya.
Nang makita ako ni Miss Kai at ang isang gwapong lalaking bisita niya sa di kalayuan ay napatayo sila. Yung lalaking gwapong naabutan kong kasama niya ay napanganga siya. Tumayo ang lalaking halatang hindi makapaniwala na may bagong mukha siyang nakiya. Namilog ang kanyang mga mata. Titig na titig sa akin. Para siyang nasaniban. Para siyang nakakita ng isang mahika. Samantalang si Miss Kai ay kumunot ang noo. Halatang nasampal siya sa kanyang maling panghuhusga!