By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
------------------------------------
Hindi madali ang pagtapak ko ng high school. Syempre, may mga bully na estudyante. At sa kagaya kong kakaiba ang hitsura, ako ang palaging target ng pambu-bully.
Noong unang araw ko pa lang, pansin ko kaagad ang mga estudyanteng ayaw umupo sa tabi ko. May mga naririnig akong tawanan, may nagbubulungan.
Kinabukasan, noong umupo muli ako sa parehong upuan ko sa klase, lumapit sa akin and isang kaklase kong galing sa isang private na eskuwelahan, si Miguel, valedictorian sa elementaryang pinanggalingan niya. Mayaman, guwapo, matangkad ngunit mayabang at salbahe raw ayon sa aking narinig. "Hoy pangit! Doon ka nga sa sulok! Nakakadistract ka sa concentration namin eh! Kung makaupo naman ito, sa harap pa ng klase na akala mo ay kung sinong guwapo at matalino!" ang sigaw niya. Dinig na dinig iyon ng buong klase.
Alam ko, nagtatawanan ang ibang mga estudyante sa aking likuran. Ang ginawa ko ay yumuko na lang, walang imik na dinampot ang aking bag, tumayo at tinumbok ang isang gilid sa silid-aralan na walang tao. Doon ako naupo sa isang bakanteng silya na gutay-gutay na at halos hindi na maupuan.
Noong nakalipat na ako, pansin ko pa rin ang lihim ng pagtatawanan ng aking mga kaklase. Ngunit hindi ko na sila pinansin. Ayaw ko ng gulo at bago pa man iyon, alam kong mangyayari ang ganoong eksena. Naalala ko ang tanong ng aking Inay kung kaya ko ba ang mga pangungutya, ang mga masasakit na biro at salita ng mga tao at ka-klase sa eskuwelahan. Ang sagot ko naman sa kanya ay kakayanin ko. At pinayuhan niya ako na lawakan pa ang aking pagn-unawa, ang pasensya, at ang pag-iisip. Isipin ko na lang daw na nagpunta ako roon hindi dahil sa kanila kundi dahil sa aking pangarap at sa munting pangarap namin ng aking inay.
At sinunod ko ang payo niya. Ang ginawa ko na lang ay ang magsikap sa pag-aral upang kahit papaano, kapag nagbunga na ang aking pagsisikap doon ako makakahanap ng kasiyahan. Hindi man maganda ang tingin nila sa akin sa pisikal kong anyo, siguro naman ay magiging proud ako sa resulta ng aking grado.
Hindi naman ako nabigo. Kung pinagtatawanan nila ang aking taglay na hitsura, ako naman itong nangunguna sa larangan ng aming klase. At dahil sa nakita nilang pagpakumbaba, pagtitiis at pasensya na kahit minsan ay hindi ako nagpakita ng galit at paghiganti sa mga nang-api sa akin, bagkus ay tinutulungan ko pa sila kapag nahihirapan sila sa klase, unti-unti silang nakikipagkaibigan sa akin. Hanggang sa tinanggap na nila ako sa kanilang grupo, sinasali sa kanilang mga kuwentuhan at bangkaan. Doon ko naramdaman ang respeto, ang concern, ang interest nila sa akin. Tinatanong nila kung ano ang nangyari sa mukha ko, sa pamilya ko... Mas lalo pa nila akong naintindihan.
At lalo na noong may insidenteng binigyan kami ng assignment at nakita ko ang papel ni Miguel at may napansin akong mali, pinayuhan ko siyang baguhin ang kanyang sagot at ipinaliwanag sa kanya kung bakit. Mahirap kasi ang ibinigay sa kanyang assignment. Syempre, alam ng guro na matalino siya. Sinunod naman niya ang payo ko. At noong pina-explain siya ng aming guro sa harap, nadepensahan niyang mabuti ang kanyang sagot dahil sa pagtuturo ko. Na-impressed ang guro namin sa kanya, napapalakpak kaming lahat.
Iyon ang simula ng pagiging magkaibigan namin ni Miguel. Nanghingi siya ng sorry sa akin sa pagiging rude niya sa unang mga araw namin sa school. At ang sabi niya, bilib daw siya sa kabaitan ko. Kahit daw pinahihirapan niya ako, hindi ako gumanti at bagkus tinulungan ko pa siya.
Pinatawad ko siya. Tuwang-tuwa naman siya. At ang pangako niya, babawi siya. Iyon ang simula ng aming pagiging magkaibigan.
At pinatunayan niya ang kanyang sinabi. Naging tagapagtanggol ko siya. At dahil alam niyang mahirap lang kami, binibigyan niya ako nang kung anu-ano, pagkain, gamit, kahit pera. At palaging ako na ang pinipiling kasama niya school. Sa medaling salita, siya ang naging best friend ko, ang aking sandalan kapag may problema ako sa school, lalo na sa pera. Sa kanya, nawala ang takot at insecurities ko. Sa kanya, nagkaroon ako tiwala sa sarili. Sa kanya, nagkaroon ako ng kaibigang tapat. At siya ang dahilan upang kahit papaano, sumaya ang buhay high school ko.
Iyan ang naging estado ko sa high school. Mahirap sa una ngunit sa kalaunan, pakiramdam ko ay hindi na ang pisikal kong anyo ang tinitingnan ng aking mga kaklase kundi ang aking kakayahan na mag-excel sa klase. Doon ko rin napagtanto na kapag ang isang tao ay nagpakita ng kabaitan sa kanyang puso, ng talento, ng katuturan sa kanyang mga ginawa, ang mga ito na ang nakikita sa kanya, hindi ang kanyang hitsura.
At noong grumaduate ako, valedictorian, si Miguel naman, salutatorian.
Ngunit kung nalampasan ko ang buhay high school, tila mas mahirap para sa akin ang buhay college. Naghiwalay kasi kami ni Miguel. Sa Amerika na kasi siya mag-aaral. Amerikano kasi ang kanyang ama at may bahay sila roon. Samantalang ako ay sa isang state university lamang ng aming probinsya kung saan ako nabigyan ng scholarship.
Sobrang lungkot ko sa paghiwalay namin. Nakahanap n asana ako ng kaibigan at kakampi, nagkahiwalay pa kami. Bago siya umalis, binigyan niya ako ng regalong cellphone at may sim at load nang kasama. Gusto raw niyang kahit magkalayo kami, patuloy pa rin ang aming kumunikasyon. Siya na raw ang bahala sa load. At magpapadala pa rind aw siya sa akin ng pera.
"O siya... last 20 minutes na lang natin at boarding na ng eroplano." ang sambit niya noong nasa domestic airport kami para sa lipad niya patungong Maynila. Gusto kasi niyang ihatid ko siya. "Mag-ingat ka palagi rito ha?" dugtong niya.
"Ikaw rin, mag-ingat ka doon."
"Syempre naman. Ikaw, baka mo mamaya, malimutan mo na ako kapag nasa malayo na ako."
"Wee. Baka ikaw. Ang ganda-ganda ng Amerika. At kapag nakapag-girlfriend ka pa ng Amerikana baka di mo na ako papansinin."
"Hindi mangyayari iyan. Mas mahal pa kita kaysa Amerikana. Ikaw ang nag-iisang best friend ko na sobrang mabait. At kahit ano ang mangyari, hindi kita malilimutan. Walang kahit sino man ang maaaring pumalit sa iyo dito sa puso ko. Tandaan mo iyan."
"OA naman nito." Ang biro ko. Hindi ko naman kasi siniseryoso ang sinabi niyang iyon. Alam ko, nasabi lang niya iyon dahil alam niyang malulungkot ako kapag wala na siya.
"Totoo yan... Babalik ako. Magkita pa rin tayo. At kapag nakabalik na ako, kagaya ng dati, isasama kita sa lakwatsa, gagala tayo, dalhin pa kita sa Maynila..." sambit niya.
"Pangako yan ha?"
Inilapat niya ang kanyang kaliwang palad sa kanyang dibdib at itinaas sa kanang kamay sabay sabi ng, "Pangako"
"P-paano kung hindi mo matupad?"
Nahinto siya sandali. Nag-isip. At hinugot niya mula sa kanyang daliri ang nakasukbit na gintong singsing na ginto. "Ito... isuot mo."
Nagulat naman ako. "P-para saan ito?" ang tanong ko. Kinabahan kasi ako. Ang mahal kaya ng singsing na iyon, ang laki pa.
"Guarantee. Collateral."
"C-colateral? Guarantee? Saan?"
"Guarantee na babalik ako. At sa pagbalik ko, kukunin ko sa iyo iyan."
"Ah..." ang naisagot ko na lang.
"Alam mo ba ang kuwento ng singsing na iyan?"
"Ano?"
"Heirloom ng angkan namin. Matagal na henerasyon na. Nagsimula iyan sa kanunu-nunuan ng aming angkan. Ipinapamana iyan sa mga eldest na lalaki sa pamilya. At ibinibigay nila ito sa kanilang napupusuang maging kabiyak. At kapag nagkaanak na sila ipamamana nila uli sa kanilang eldest na anak na lalaki. At dahil nag-iisang anak lang ako, sa akin ito ibinigay ng aking ina."
"G-ganoon ba? Nakakatakot namang magsuot niyan. Baka mawala ko pa at ako ang makakasira sa inyong tradisyon."
"Alam ko namang safe iyan sa iyo eh."
"H-hindi ah. Natatakot ako Miguel!"
"Ok lang iyan. I trust you..." at tingin niya uli sa kanyang relo, "Hayan, papasok na ako. Bye, ingat ka palagi. Mamiss kita." sabay yakap sa akin at halik sa aking pisngi.
(Itutuloy)