Ipinagtagpo Ng Tadhana
By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
------------------------------------
"Single since birth; virgin 'til death." Iyan ang nag-iisang rule ko sa sarili pagdating sa usapin ng pag-ibig. At isinulat ko pa ito sa aking mga notebook upang palagi ko talagang matandaan
First year lang ako sa unibersidad na iyon. Bagong-salta. Walang kaibigan, walang alam sa mga pasikot-sikot at kaganapan sa campus. At para sa katulad kong mahiyain, may mababang self-esteem, introvert, napakahirap magkaroon ng kaibigan.
Si Mateo, third year college ng Engineering, isang anak-mayaman at sikat sa na estudyante sa aming unibersidad. Paano, varsity player na nga ng basketball, matalino, matangkad, at guwapo. Kung kaya ay ganoon na lamang siya kasikat. Kadalasan naririnig ko ang pangalan niya sa usap-usapan ng mga ka-klase. Sa mga babae, ang kapogian niya, lalo na ang sinasabi nilang killer smile. Sa mga lalaki naman, ang laro nila o di kaya ay mga babaeng na-link sa kanya. At mabait daw pati. Palakaibigan, playful. Kung kaya hinahanggan siya, iniidolo, tinitilian ng kababaihan at kabaklaan sa loob at labas ng campus.
Ngunit may narinig din akong hindi kagandahang tsismis tungkol kay Mateo: spoiled brat, playboy, walang puso, sadista, manhid sa naramdaman ng mga babae at baklang naloko sa kanya, walang taong siniseryoso sa pag-ibig. Iyan ang ibang naririnig ko. Pero, naisip ko rin na ganyan naman talaga ang tao. Sabi nga nila, you can't please everyone. At maaari ring dahil sikat iyong tao, may mga nainggit, o baka may mga nagkaroon ng crush at hindi napagbigyan.
Pero sa totoo lang, wala akong pakialam kung guawapo na mabait man siya o guwapo na salbahe. Hindi naman kasi ako interesado sa mga ganoong klaseng tao. Kapag ang isang tao ay guwapo, sikat, siguradong pinipilahan iyan ng mga taong may mga hitsura din, o kaya ay mayayaman at matatalino. Sigurado, walang panahon ang mga iyan sa kagaya ko. At kapag ganoong makipagpilahan pa ako para mapansin, magiging kaawa-awa lang ako. At lalo pa itong magpatindi sa aking insecurity at self-pity. At kung totoong salbahe pa iyong tao, parang galing lang ako sa frying at tumalon sa apoy sa kalagayan kong pangit na nga, nakisawsaw pa sa gulo.
Totoo rin naman kasi. Sa panahon ngayon, kadalasan, ang hinahanap ng mga tao ay guwapo, may magandang katawan. Para bang ang pagmamahal ay isang search lang ng Mr. or Miss Bikini. Kahit naman sa f*******:, tingnan mo iyong may mga profile picture na nakahubad at maganda ang katawan, kahit impostor pa, napakaraming naga-add, umaabot ng libu-libo. Samantalang iyong may mga matitinong posts, kapag hindi kaguwapuhan yung profile ng taong honest lang naman na nagpost ng tunay niyang litrato, mabibilang mo lamang sa daliri ang kaibigan sa kanyang friend list. Kaya kahit saan, kahit kailan, talo ang mga taong hindi nabibiyayaan ng magandang hitsura. Lalo na sa kagaya kong mukhang "aswang". Ang dami ko na kayang narinig na masasakit na pasaring. E, di lalo na kapag umibig pa ako niyan sa isang taong katulad sa sinasabi nilang "Mateo".
"Single since birth; virgin 'til death. Tandaan..." ang palagi kong sasabihin sa aking sarili kapag ganoong may mga tuksong sumisingit sa aking isip. Iyon bang feeling nagkakaroon na ako ng crush, iyan ang isiksik ko sa aking isip.
Ngunit marahil ay sadyang mapaglaro ang tadhana. Isang gabing pauwi na ako galing sa aking last subject, nakatawag-pansin sa akin ang hiyawan at tilian ng mga estudyante sa loob ng gym. Naalala kong fund-raising activity pala iyon ng Fine Arts students at inimbitahan nilang rumampa ang mga tinatawag nilang "papable" ng campus.
Sa aking pagka-curious na makita kung ano ang tinitilian ng mga estudyante, sumilip ako sa isang guwang ng bahagyang nakabukas na pinto ng gym. May bayad kasi ang pagpasok kung kaya nagkasya na lang ako sa pagsilip.
"Mateo! Mateooooo!!!" ang narinig kong tili ng mga kababaihan at kabaklaan.
Kahit nasa ganoon ako kalayo sa stage, naaaninag ko ang pagrampa ni Mateo na parang isang tunay at kaakit-akit na modelo talaga, maliban na lang sa kanyang paglalakad na halatang asiwa. Ngunit patuloy pa rin siya sa pagrampa. Nakangiting tila nahihiya sa ginagawa, minsan ay kinakagat-kagat ang labi na parang takot magkamali. At bagamat nakasuot lamang siya ng puting boxer's short at pulang kurbata na nakalambitin sa kanyang leeg, tunay na nakakabighani ang angkin niyang kapogian at porma ng katawan.
"Boss! Papasok ba kayo?" ang sambit ng guwardiya noong napansing halos ipasok ko na lang ang buong ulo ko sa loob ng guwang.
"Eh... m-magkano ba?" ang sagot kong nakaramdam ng hiya dahil lumabas na naki-libre lang ako.
"250."
Dali-dali kong tiningnan ang aking wallet at noong nakita kong umabot ito ng 250, dinukot ko ang laman at ibinigay sa guwardiya na nag-abot din sa akin ng ticket.
At sa loob ng gym, namalayan ko na lang ang aking sariling nakatunganga at nakatutok ang mga mata sa mga modelong lalaki, lalo na kay Mateo na ewan ko ba, feeling ko ay palihim din akong pinagmasdan. "Kakakilig!!!" sa isip ko lang.
Iyon ang unang pagkakataong nakita ko nang personal ang sinasabi nilang si Mateo, ang tinaguriang campus killer dahil nga sa pamoso niyang killer smile. At iyon din ang unang pagkakataon na nagpalabas ako ng pera na hindi man lang nag-isip kung may matitira pa ba para sa aking pamasahe at pagkain sa hapunan. Kung kaya ay pagkatapos ng show, naglakad na lang akong pauwi. At habang humahakbang ang aking mga paa, sa isip ko naman ay naglalaro ang mukha ni Mateo at ang kanyang pagrarampa sa entablado. Kinagabihan naman, habang ang aking sikmura ay kumukulo, hindi ko ito ininda dahil sa busog na ang aking isip sa kaiimagine kay Mateo. At lalo na sa tila palihim niyang pagtitingin sa akin! Ewan ko rin ba, siguro nag-hallucinate lang ako sa sobrang pagka-excite sa kanya sa gabing iyon.
Akala ko ay hanggang doon na lang. Ngunit dumating pa ang isang nakakalokang insidente. At kapag ang pagkakataon nga naman talaga ang magbiro...
Naglalakad ako noon patungong palengke. May halos isang kilometro rin ang layo ngunit dahil gabi na at deadline na ng aking project kinabukasan, kailangan kong bilhin ang mga materials. Nagmadali ako noon dahil maulan pati. At dahil wala namang tricycle na dumaan kung kaya ay napilitan akong maglakad. Ngunit sa kalagitnaan ba naman ng aking paglalakad ay bigla ring bumuhos ang malakas na ulan. Tumakbo ako upang maghanap ng masilungan. Aba, bigla ba namang humarurot pa ang isang sasakyan at nagkataon pang nasa gilid ako ng kalsadang may burak. E, di nagsitalsikan sa aking damit ang dumi. Napahinto ako nang sandali upang suriin ang aking damit. At halatang-halata ang kulay brown na burak na dumikit dito. Syempre, nagmamaktol ako, nainis sa walang isip na nagdrive ng kotse. Parang gusto kong maglupasay sa sobrang inis. "Malas talaga!" sigaw ng isip ko.
Wala na akong nagawa kundi ang tumakbo muli dahil lalo pang lumakas ang ulan.
Ngunit laking gulat ko noong bumalik ang kotse. At noong bumukas ang pinto, "Come on!" ang narinig ko. At noong usisahin ko ang nasa driver's seat, hinid ako makapaniwala sa aking nakita.
Si Mateo! Nag-iisa lang siya. Nakasuot ng faded na itim na jeans, at semi-fit na kulay berdeng t-shirt, nakatingin sa akin at nakangiti.
Bigla akong nataranta, hindi nakasagot. Starstruck ba ang tawag doon o awestruck? Iyon bang parang napailalim sa kanyang kapangyarihan. Napako ako sa aking kinatatayuan, nakatitig lang sa kanya. "Ang guwapo niya! Tunay na pamatay nga ang kanyang ngiti!" sa isip ko lang. Sadyang napakaguwapo talaga niya sa tingin ko. Nasabi ko tuloy sa sarili na siguro, noong nagsaboy ng kaguwapuhan ang langit, nasalo ang lahat nang ito ni Mateo.
"Hoyyy! Anong nangyari sa iyo???" ang sigaw pa rin niya. "Pasok, malakas ang ulan!" sigw niyang may bahid-authority ang tono.
At syempre, ano pa ba ang gagawin ko kundi ang pumasok. At habang nakaupo akong ganoon, hindi naman magkamayaw ang utak ko sa kaiisip kong ano ang aking sasabihin samantalang ang aking dibdib ay tila sasabog na sa sobrang lakas ng kalampag. Para lang akong timang. Nakayuko, halos hindi gumalaw baka panaginip lang ang lahat at bigla akong magising, o di kaya ay siya ang matauhan at bigla niya akong itulak palabas ng kotse.
"Saan ang punta mo?" tanong niya.
"S-sa Square Mart eh."
"Good! Square Mart din ang punta ko."
Hindi ako nakasagot. Di ko kasi alam kung ano ang sunod na sasabihin.
"S-sorry ha? N-nagmamadali kasi ako, gutom na gutom na. Arggggh!" ang sambit niya. At ang expression sa mukha ay may kunyaring pagkainis na gutom na gutom na siya. Ang cute pa ring tingnan!
Napangiti lang ako ng hilaw. Siguro ay paraan niya iyon upang hindi ako mahiya. "O-ok lang po iyon... K-kasalanan ko kasi lumabas pa ako kahit gabi na at umuulan pa."
"Ah... hindi mo kasalanan iyon. Kasalanan ko iyon. Lahat ng tao ay may karapatang lumabas sa gabi at kahit sa gitna pa ng ulan. Pero kapag pinatalsikan ka ng burak, hindi mo gusto iyon. At hindi mo naman siguro gustuhing maging karapatan ang gawing panangga ang sarili sa mga tumatalsik na burak sa kalsada. Ngayon, sabihin mo, kasalanan mo o kasalanan ko?" sabay ngiti uli sa akin.
At muli ay na-mesmerize na naman ako, napangiti bagamat tinakpan ko ang aking bibig. "S-sige... kasalanan mo na po."
Natawa siya. "Sabi ko na nga eh? Atsaka huwag mo akong popo-in. Pababain na kita at tatalssikan uli ng burak kung popo-in mo pa ako." biro pa niya.
Doon na ako natawa. Sa loob-loob ko lang, ang sarap pala niyang kausap.
"Mateo pala... Mateo Degeneres" sabay abot ng isang kamay niya sa akin, ang isang kamay naman ay nanatiling nakahawak sa manibela.
(Itutuloy)