By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
------------------------------------
At wala na akong nagawa. Niyakap ko na rin siya at hinalikan ang kanyang pisngi. "S-sige..." ang sagot ko na lang. Bagamat At least, sa isip ko lang, ay talagang babalik siya kasi nasa akin ang pinakaiingat-ingatang heirloom ng kanilang pamilya.
Sobrang sakit ang naramdaman ko sa paghihiwalay naming iyon ni Miguel. At habang hindi pa lumipad ang eroplanong sinakyan niya, nakaantabay lang ako sa labas ng airport. Text naman siya nang text sa akin, sinabihan akong pumunta na ng terminal kasi sasakay pa ako ng bus at may dalawang oras pang biyahe upang makarating sa aming bahay. Ngunit nagpumilit ako. "Gusto kong mauna kang umalis..." ang text ko sa kanya.
Noong sa tuluyan nang lumipad ang eroplano niya, kumaway pa ako, bagamat alam kong hindi niya ako nakikita. Hindi ko namalayan, tumulo na ang aking luha. "Mamiss kita... Hindi mo lang alam, mahal kita" ang bulong ko sa sarili.
Sa paghiwalay namin ni Miguel doon ko narealize ang hirap. Parang muli akong nag-iisa sa mundo. At lalo na, lihim ko siyang inibig.
Iyon ang simulang nalaman ko na may kakaiba na sa pagkatao ko, sa kakaibang naramdaman ko kay Miguel.
Ngunit pilit ko rin kasi itong itinatago sa kadahilanang ayaw kong magalit muli siya sa akin. Pangit na nga ako, tapos bakla pa at in love sa kanya. Ayaw kong pandirihan niya ako. Masaya na ako na naging kaibigan ko siya. Kuntento na ako. Alam ko naman din kasing lalaki si Miguel. Naalala ko, nagtatanong siya sa akin kung may crush ba raw ako sa school at ang sagot ko ay wala bagamat syempre, mayroon at siya iyon. Ngunit lihim lang. Noong ayaw niyang maniwala at kinukulit niya ako, nagbanggit na lang ako ng kaklase naming may hitsura bagamat hindi ko naman talaga crush iyon. At simula noon, palagi na niya akong binibiro kapag nakikita namin ang babaeng iyon o di kaya ay nakakasabay sa recess o makasalubong. Ngingiti-ngiti lang ang babae kapag ganoong tinitignan namin siya. Akala niya, si Miguel ang nagkainteres sa kanya.
Noong si Miguel naman ang tinanong ko kung may crush siya, sagot naman niya sa akin ay marami. Marami kasing magaganda sa school namin at minsan ay binabanggit pa niya sa akin na maganda si ganire, sexy si ganito. Alam ko na...
"Miguel, sasama ba ako kay Mateo sa farm nila?" ang text ko kay Miguel. Kahit malayo na kasi kami sa isa't-isa, palagi pa rin kaming nagti-text. Binigyan kaya niya ako ng selpon at load. Kaya hindi maaaring hindi kami magtitext. At siya ang hinihingian ko palagi ng payo. At kapag may ganoong may lakad ako, nagpapaalam ako sa kanya. Nagtatampo kasi siya kapag may pinuntahan ako tapos huli na niyang malaman. Parang magkasintahan lang ang peg namin.
"May choice ba ako?" sagot niyang pabalang. Natext ko na kasi sa kanya na killer ang ngiti ni Mateo na tinaguriang campus killer.
Tila binatukan naman ako sa sagot niyang iyon. Tama nga naman. Wala siyang choice kasi, type ko talagang sumama kay Mateo. Suwerte ko nga eh, inimbita ako.
Sasagutin ko na sana ang text niya na wala siyang choice kasi crush ko si Mateo. Parang pagselosin ko na rin siya. Ngunit nagtext siya uli. "Gaano ba ka guwapo ang tarantadong Mateo na iyan? Mas guwapo pa ba iyan kaysa sa akin?"
Napangiti naman ako sa kanyang text. Para kasing may something. "Ah, may ganyan talagang tanong? Syempre mas guwapo ka. Bagay kayo, pareho kayong guwapo." ang sagot ko naman.
"Ito naman o... Tayo ang bagay. Guwapo ka rin kaya."
"Loko-loko!" ang sagot ko.
"Bakit? Guwapo ka naman talaga eh!"
"Kasi, sabi nila, what is essential is invisible to the naked eyes; kasi, beauty is in the eyes of the beholder; kasi... true beauty lies in the heart; kasi, blah blah blah..."
"Kaw naman o... Pero sa kabilang banda, tama rin sila? Aanhin mo ang ganda ng panlabas na anyo kung ang ugali ng tao ay ay ugaling demonyo? Sa tingin mo, aling klase ng tao ang makapagbibigay ng kapayapaan at kaligayahan sa mundo: ang mga naggagandahan at naggaguwapuhang tao na asal-hayop? O mga taong pangit nga ang panlabas na anyo ngunit sagad naman ang kabutihan at kabaitan sa kanilang puso?"
Hindi kaagad ako nakasagot. Tama naman siya. Ang hangad ng lahat ng tao sa mundo ay kapayapaan at kaligayahan. At kung ang mga klaseng tao sa mundo ay ganid, mapanlinlang, mapang-api, paano maging payapa at masaya ang mundo? "O sya... panalo ka na." ang naisagot ko na lang.
"Pero puwera biro, alam ko guwapo ka noong di ka pa naaksidente."
"Paano mo naman nasabi iyan? Wala ka namang nakitang litrato ko noong bata pa ako?"
"Kasi, halata naman eh. Tingnan mo iyang kilay mo, ang ganda. Tingnan mo ang pilik-mata mo, ang hahaba at curved pa. At ang balat mo, makinis. Kahit ang sa pisngi na hindi nagkaroon ng peklat, flawless. Kung hindi nga lang na deform ang mukha mo, alam ko, guwapo ka."
"Pwes, naderformed na ang mukha ko at wala na akong magagawa pa. At tanggap ko na ito."
"Hayaan mo, kapag ganap na akong surgeon, ako mismo ang oopera sa mukha mo. Libre pa!"
"Isinumpa ako, Miguel. Hindi ito gagaling kahit ilang operasyon pa ang gagawin mo."
"Bakit, sinubukan mo na bang magpa-opera?"
Hindi ako nakasagot agad. Hindi pa naman kasi ako nakaranas ng operasyon sa mukha gawa nang wala nga kaming pera. "N-noong ginamot ako sa ospital" ang sagot ko na lang.
"Iba iyon. At baka pipitsuging ospital pa ng probinsya lang iyon na walang experto o espesyalistang duktor o surgeon"
"Hay naku, Mr. Miguel Crawford, tama na. Ayoko nang mangarap. Ok? Solved na ako sa buhay ko ngayon. End of conversation." ang pagtapos ko na lang. Ayoko kasing magbukas ng issue na magbigay sa akin ng false hope at masaktan lang ako.
"Ok boss. Ingat po..." sagot naman niya.
Sinundo ako ni Mateo sa aking borading house gamit ang kanyang kotse. Alam ko, tumaas ang kilay ng aking mga ka-boardmates noong nakitang sinundo pa talaga ako ni Mateo. Pero wala akong pakialam. Sa mga sandaling iyon, mas nanaig ang aking naramdamang kaligayahan kaysa kung anong maririnig na tsismis.
"Salamat pala na pinaunlakan mo ang aking imbitasyon. Masaya ako." ang sambit ni Mateo noong nagkausap na kami sa farm nila. Dumating kami ng eksaktong alas 11:30. Nakaupo kaming pareho noon sa porch ng nag-iisang malaking cottage sa gilid ng ilog. Ang cottage na iyon ay tila pinasadya talaga. Mistuala itong isa sa mga cottages ng mga mamahaling beach resort na nakikita ko sa mga magasin. Malawak ang loob, may kuwarto, may shower, at ang porch mismo ay halos nakalutang na sa tubig ng ilog. At may bahagi rin ng porch kung saan ay puwedeng mag dive sa malalim na tubig. At napakaganda pa ng lugar. Presko, malamig ang simoy ng hangin, may malalaking puno ng kahoy sa gilid ng ilog. Sobrang nakakarelax.
"Ako nga itong dapat magpasalamat sa iyo eh. H-hindi ko akalain na ang isang katulad ko ay bibigyan mo ng atensyon, ng oras. Sa napakaraming tao sa unibersidad na naloloko sa iyo, nakikipagkaibigan sa iyo, ako pa talaga ang napili mong isama sa iyong pagni-nature-tripping."
"Iyan ang point. Sa dinami-daming taong kaibigan ko at gustong maging malapit sa akin, hindi ko na alam kung sino sa kanila ang tunay. Baka kapag nawala na sa akin itong hitsura ko, o naghihirap na ako, hindi na sikat, o kaya ay malalaman silang isang bagay na hindi nila magustuhan sa akin... lalayo rin sila. Hindi ko naman nilalahat ngunit hindi natin masasabi.
"P-paano mo naman nalaman na hindi kita iiwan kapag naging p-pangit ang mukha mo? Ayaw ko kasi ng pangit eh." Biro kong pagpaparinig sa sarili.
Napahinto siya. Seryoso ang mukhang tiningnan ako, tila nabigla sa aking biro. Tapos biglang nagsalita at tumayo, "Tara na, ihahatid na kita, iiwan mo rin pala ako kapag pumangit na ang mukha ko."
Natawa naman ako. "Biro lang po..." ang sigaw ko at hinawakan ang kanyang bisig upang muling umupo.
Naupo na rin siya at tumawa. "Biniro lang kita."
"Parang totoo eh..." sagot ko ring biro.
Iyon ang unang pagtagpo namin ni Mateo sa kanilang farm. Sa unang "nature-tripping" namin na iyon ay hanggang sa mababaw na kuwentuhan lang kami, biruan habang nagpi-picnic. Parang mag-syota kaming nasa getting-to-know stage pa lamang. Inikot din niya ako sa kanilang farm, ipinakita sa akin ang iba't-ibang pananim nila kagaya ng mangga, citrus, lanzones, rambutan, at niyogan. Sa unang tagpo naming iyon mas nakilala ko si Mateo bilang isang normal din na tao, natatawa sa mga biro, may mga paboritong pagkain, mahilig sa nature, mellow music, rugged, hindi maarte, at may paninidigan at prinsipyo. Halos pareho kami ng hilig. Halos pareho kami ng pananw sa buhay.
(Itutuloy)