By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
------------------------------------
Kaya ipinagpatuloy pa rin niya ang paghahanap sa misteryosong babae. Ngunit wala pa rin siyang nahanap na clue tungkol sa babae. Pinuntahan niya ang ospital kung saan siya nadala bago mamatay at doon na niya nalaman ang pangalan ng babae. Barbara. Nakita rin niya ang address. Ngunit noong pinuntahan na niya ang lugar, napag-alaman niyang ang kaisa-isang kapatid niyang babae ay umalis din at hindi na bumalik.
Inalam ng Inay ko kung saan siya inilibing at noong nalaman niya ang sementeryo, halos inisa-isa na niya ang mga puntod makita lamang ang pangalan ng nasabing babae. Ang sabi niya, kapag nahanap daw niya kasi iyon, ang sunod niyang gagawin ay ang magbantay kung may dadalaw sa puntod.
Ngunit wala rin siyang nakita. Napag-alaman niyang wala rin daw mga kamag-anak ang magkapatid at kung mayroon man, hindi alam ng mga kapitbahay kung saan.
Tila lalo pa akong nawalan ng pag-asa, sumagi sa aking isip na hanggang sa ganoon na lang talaga ang aking mundo.
Ngunit kung ako ay nawalan ng pag-asa, hindi hindi ang aking Inay. Kahit umuulan, kahit bumabaha, kahit katatapos lamang niya sa kanyang mga gawain, umaalis pa rin siya. Hanggang sa isang araw, nasagi siya ng isang sasakyan sa daan. Nagkaroon ng bali ang buto sa kanyang paa at nahirapang maglakad. Doon rin nalaman na may sira na rin pala ang kanyang mga mata kung kaya ay nasagasaan siya. Mabuti na lang at binayaran ng nakasagi sa kanya ang gastusin sa ospital.
Dahil sa nangyari sa kanya, nabuksan ang aking isip at nabuo ang isang desisyon. "Inay... dito na lang po kayo sa bahay. Ayoko nang umalis pa po kayo. Kayo na lang po ang natira kong pamilya at kapag nawala po kayo, paano na lang ako? Huwag kayong mag-alala Inay. Dahil po sa ipinakita ninyong pagmamahal sa akin, pangako ko, hinding-hindi ko sisirain ang buhay ko. Simula ngayon, tuturuan ko ang aking sariling lumaban, kagaya sa ipinakita ninyong tatag at tibay. Pipilitin kong gawin ang lahat ng makakaya ko sa buhay inay." ang sabi ko sa kanya.
Binitiwan ng aking inay ang isang matipid na ngiti. Hinaplos niya ang aking pisngi na parang sa tingin niya ay napakaguwapo ko pa rin. "P-paano ang paghahanap natin sa mga kamag-anak ng babaeng nagbigay ng sumpa?" ang sagot niya.
"Ako na po ang maghahanap, Inay."
"P-paano ka? Paano kung may mga taong makakakita sa iyo?"
"Wala na akong pakialam, Inay. Tumawa sila kung gusto nila. Iwasan nila ako kung gusto nila. Hindi na mahalaga sa akin iyon. May karapatan din naman po akong mabuhay, Inay, di ba?"
At sa sinabi kong iyon, niyakap na niya ako. "Itong batang ito, oo. Syempre naman. May karapatan ka sa mundong ito. Lahat ng karapatan na tinamasa ng ibang mga tao, ay karapatan mo rin.
Sinuklian ko ang yakap ng aking Inay. "At ang una kong gagawin Nay, ay ang ipagpatuloy ang aking pag-aaral upang makamit ko ang pangarap mo sa akin na makapagtapos, makahanap ng trabaho at... maiahon ko sa hirap ang ating kalagayan."
Lalo pang hinigpitan ng aking Inay ang pagyakap sa akin. Hinaplos-haplos niya ang aking buhok. Noong kumalas ako sa kanya upang halikan ang kanyang pisngi, umiyak na pala ito.
"Huwag na po kayong umiyak, nay... simula ngayon, ipangako ko sa inyo na pipilitin kong maging masaya pa rin, upang magiging masaya ka rin, tayong dalawa."
"Itong batang ito, oo." Sambit niya, sabay pahid ng luha sa kanyang pisngi.
"Tayong dalawa na lang kaya ang naiwan sa mundo..." ang sambit ko.
"Oo naman..." sabay yakap niya uli sa akin.
At iyon ang napagdesisyonan ko. Ang pilitin ang sariling lumaban at ipakitang sa kabila ng aking kapansanan ay masaya pa rin ako dahil kapag nakikita ng aking Inay na masaya ako, magiging masaya na rin siya. At hindi na niya maiisip pang hanapin ang mga kamag-anak ng babaeng nagbigay ng sumpa.
Ngunit ang totoo, gusto kong burahin din sa aking isip ang tungkol sa sumpa. Para kasing mas lalo lamang naghirap ang aking kalooban sa paghahanap sa mga kasagutan at lunas dito. Gusto kong isiksik sa aking isip na kapag tunay na nanaisin ng isang tao ang sumaya, kaya niyang ngumiti, tumawa, humalakhak, i-enjoy ang buhay. Hindi totoong ang kabiguan ay nakakabit sa isang sumpa o malas. Ang tao ay nabibigo dahil sa kabila ng kanyang pagkadapa, ayaw na niyang bumangon muli at ipagpatuloy ang laban. Ang sumpa ay gawa-gawa lamang ng mga taong ayaw makitang magtagumpay ang iba.
Agad kong tinungo ang aking cabinet at kinuha ang binili niya para sa akin na sapatos, pantalon, at t-shirt sa nagdaang birthday ko. Hindi ko kasi isinout ang mga iyon. Naalala ko pa ang araw ng pagbigay niya sa akin ng mga iyon. Masayang-masaya siya. Ngunit ako, noong tinanggap ko, nagpasalamat lang ako at parang wala lang na inilagay ang mga iyon sa aking kabinet. Biglang tumalikod ang aking Inay. Alam ko, lihim siyang umiyak. Ayaw lang niyang ipakita sa akin ang kanyang pag-iyak dahil ayaw niyang lalong mawalan ako ng pag-asa. Ayaw niyang lalo pa akong malungkot at maawa sa aking sarili. Simula kasi nang magkamalay ako, tunay na anak na ang turing niya sa akin. At kung gaano siya ka proud noong angkin ko pa ang kapogian; noong ang halos lahat ng mga taong makakakita sa akin ay pinupuri siya, walang nagbabago sa kanyang pagmamahal sa akin kahit noong ako ay naging pangit na.
"Jaraaaaannnnn!!!" ang sigaw ko noong naisuot ko na ang regalo niya sa akin. "O di ba nay? Ang pogi-pogi ng anak ninyo???" ang biro ko sa kanya, pinilit ko ang sariling ngumiti, tumawa.
Napangiti ang aking Inay. Nagulat.
"Palakpak po naman kayo?"
At pumalakpak siya, tumawa, bakas sa kanyang mukha ang kasiyahan. "Ay ka-pogi talaga ah!" sambit naman niya.
"Gusto ko po Inay na kapag lubos na kayong gumaling, magsimba tayo. At pagkatapos, doon tayo sa plaza, maupo sa may mga sementong bangko, o di kaya ay maglaro ng seesaw, swing, slide. Kagaya nang dati..." sambit ko.
"O-ok lang sa iyo?"
"Opo! Na-miss ko na po iyon, nay!" ang sagot ko, ipinaramdam talaga sa kanya na excited ako.
"O e, di bukas, magsibma tayo at mamasyal sa plaza."
"Kapag magaling na po kayo."
"Sigurado iyan. Bukas makikita mo, magaling na ako."
"Magbaon po tayo nay ng pagkain. Kamote, o kaya ay saging..."
"Oo anak... magbaon tayo"
At kinabukasan nga, nagsimba kami. Hindi na ako nagtalukbong sa mukha. Habang naglalakad kami sa kalsada, pansin ko ang mga nang-uusyusong tingin. May narinig pa akong iilang batang sumigaw, "Momo! Momo!" At may iba ring lihim na tumatawa.
Tiningnan ako ng aking Inay, ang kanyang mga mata ay may bahid na pagkaawa. Ngunit sinuklian ko lang siya ng isang ngiting nagpahiwatig na hindi ako apektado sa aking naririnig at nakikita.
Hinawakan ng mahigpit ng Inay ko ang aking kamay at pinisil ito. Hinaplos din niya ang aking buhok na para bang masaya siya at bilib sa aking ipinakitang pagpakumbaba at katapangan.
Sa loob ng simbahan, ramdam ko ang mga matang tumitingin sa akin. Alam kong sa isip ng mga taong iyon, inusyuso nila kung ano ang nangyari sa mukha ko. Pero, pilit kong nilabanan ang sariling huwag silang pansinin. Ang isiniksik ko na lang sa isip ay bahay iyon ng Diyos at lahat ng tao ay welcome na pumasok. Kaya kunyari ay wala lang nangyari. At syempre, ang ipinalangin ko na sana, kung hindi man maibalik ang dati kong mukha, matanggap ko ito nang maluwag at kaya kong malampasan ang mga pagsubok.
Noong dumating na ang misa sa puntong ipakita ang "kapayapaan" sa isa't-isa, matapang kong tiningnan ang mukha ng katabi ko, pati na ang nasa harap at sa likuran, "Peace be with you..." At noong ang aking Inay naman ang nakatinginan ko, binitiwan niya ang isang ngiting nang-aamo sabay yakap, "Peace be with you, anak..."
"Peace be with you din Inay..." at hinalikan ko pa siya.
Noong nasa park na kami at sumakay sa see-saw, may mga batang nakiusyoso rin, tingin nang tingin. Ngunit nginitian ko na lang sila at kinawayan.
At sa ginawa kong iyon, ramdam ko ang kakaibang saya. Iyon bang saya na naramdaman dahil nakita mo ang mahal mong Inay na sumaya sa ginawa mo. Tawanan kami habang nagsi-see-saw at kumakain sa aming baong kamote. Pakiwari ko ay iyon na ang pinakamasayang sandali simula noong nagbago ang aking anyo. At pakiwari ko ay iyon na rin ang pinakamasayang sandali ng aking kinikilalang Inay Cora.
At iyon... Pilit kong tinanggap ang aking kalagayan at ipinakita sa aking Inay na hindi na siya dapat mag-alala sa akin dahil kaya ko na ang buhay. At dahil doon, hindi na lumalabas ang Inay ko upang hanapin pa ang mga kamag-anak ng babaeng nagbigay ng sumpa. Kinalimutan namin ang lahat.
(Itutuloy)