By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
------------------------------------
Napakamot na ako ng aking ulo. Parang determinado talaga siyang magpalit kami ng t-shirt.
"Ano?"
At napa-"amfff" naman ako. "Mateo naman eh! Upo ka na nga! Grabe naman!" pagmamaktol ko pa.
"Payag ka na?"
Ano pa bang magagawa ko kundi, "S-sige" ang taranta ko ring sagot.
"Ok... good. Akala ko ayaw mo talaga sa t-shirt ko."
"Tange! Wala akong karapatang mag-inarte no." sabay tanggal din na aking t-shirt at ibinigay na iyon sa kanya.
At nagpalit nga kami ng t-shirt, sa loob ng restaurant sa harap ng aming mesa, sa gitna ng mga taong kumakain din. At ang t-shirt niyang isinuot ko, ang bango-bango! Sa t-shirt pa lang nakakain-love na! At siya, kahit marumi ang t-shirt na suot, ang guwapo-guwapo pa rin! At hindi niya ininda ito. Parang wala lang sa kanya. Parang sobrang confident niya sa sarili.
"Wow!" Sa isip ko lang. "Sa kapogian niya, kahit anong damit ang isusuot ay babagay!"
"O... siguro naman ay hindi ka na nahihiya niyan." sambit niya.
"Eh... hindi nga iyan ang ikinahihiya ko eh!" ang sagot kong may bahid pagmamaktol. Kulang na lang na dagdagan ko ng "Ang kulit mo!" ang aking sinabi.
"Ano ba ang ikinahiya mo?" ang tanong naman niya.
"Wala..." sagot ko na lang. Alangan namang sabihin kong ang mukha ko ang aking ikinahiya.
"O siya, kung ayaw mong sabhin, ito na lang ang pag-uusapan natin..."
"A-ano?"
"Sa makalawa ay walang pasok di ba? May meeting yata ang buong faculty ng unibersidad"
"Narinig ko nga."
"Libre ako niyan..."
"S-so???" ang tanong kong nalito, kinabahan sa kanyang sinabi.
"Gusto kong imbitahan ka sa farm namin."
"Huh! B-bakit?"
"Anong bakit? Masama ba?"
"I mean, bakit mo ako imbitahan? Anong mayroon? At bakit ako?"
"Wala lang... gusto kong makasama ang kagaya mong mabait, simpleng tao, walang inhibitions..."
Litong-lito talaga ako sa mga pangyayari sa gabing iyon. Sobrang hindi kapani-paniwala ang lahat. "A-anong gagawin natin? A-at saan ba iyang farm ninyo?" Ang dami ko talagang tanong. Parang feeling isang napakagandang babae ko talaga, iyong super-conservative sa ganda at takot na takot an mawala ang pagka-virgin.
"Kuwentuhan lang... gusto ko lang may makausap, may makasama habang nagni-nature tripping. Malapait lang ang farm namin, wala pang 30 minutes drive."
At iyon ang simula ng pagkaturete ng aking utak. Sa gabing iyon hindi ako nakatulog habang yakap-yakap ko ang t-shirt niyang ibinigay sa akin. Ang bango kaya. At wala akong balak na labhan iyon. Ilagay ko pa iyon sa isang sealed na plastic bag upang huwag kumupas ang bango.
Sobrang saya ko. Iyon bang feeling na hindi lang dahil naka "dinner date" ko ang may ari ng killer smile ng campus kundi iyong sweetness niya, iyong sobrang kabaitan niya, iyong pakiramdam na di kagaya ng ibang mga guwapo, hindi niya ako pinandirihan. At lalo na, masundan pa ang aming pagkikita. Parang ang daming nangyari sa tatlong oras na nakasama ko siya na hindi ko kayang i-absorb sa aking isip.
Di ko tuloy maiwasang hindi maalala ang sinabi sa akin ng erbolaryo, "Makatulog ka at magising sa isang halik ng taong may taglay na 'M' ang pangalan." Sa kagustuhan ko kasi at ng aking inay na maibalik sa dati ang aking nasirang mukha, iyan ang nasambit ng elbolaryo. Kapag dumating na raw kasi ang tagpo na iyan, diyan namin malalaman na wala nang bisa ang sumpa.
Ngunit may isang bahagi ron ng aking utak ang may pag-aagam-agam, na nagsabing "mag-ingat ka". Iyon bang tanong na "Bakit ako?" "Ano ang dahilan?" "Nagkataon lang ba iyon?" "Deserving ba talaga ako?" "Wala kaya siyang ibang motibo kung bakit ang isang katulad ko ang pinili niyang makasama sa kanyang nature tripping?"
Iyan ang mga katanungan na nasa aking isip. Parang ang hirap paniwalaan. Parang isang panaginip lamang o iyong kuwentong pantasya... At syempre, hindi nawawala ang ang takot na baka ako ay ma-in love, umasa, at... masasaktan sa bandang huli.
At iyan ang matinding mga kinatatakutan ko. Syempre, wala namang kahinatnan kapag umibig ako sa isang katulad niya. Langit at lupa ang agwat namin, langis at tubig na hindi maaaring maghalo. Isa pa, lalaki si Mateo. Hindi siya papatol sa isang bakla na lalaki nga kung kumilos, may hitsura namang hindi maipinta.
"Tandaan, 'Single since birth; virgin 'til death' punyetang malandi ka!" sa isip ko lang, pagdiscourage ko sa aking sarili.
Ako nga pala si Adonis. Sa pangalan pa lamang, tatatak na kaagad sa isip na napakaguwapo ko. Hindi po. Para ngang nakakainsulto, nananadya. Paano, baligtad kasi. Pero hindi ko rin masisi ang inay kung bakit niya ako pinangalanang Adonis. Paano nga, ang paniwala niya, na pinaniwalaan ko na rin, biktima ako ng isang sumpa.
Noong isinilang daw kasi ako, cute akong bata. At sa palagay ko naman ay totoo. Hindi lang dahil sa mga litrato na itinatago-tago ng aking inay na ngayon ay maituturing ko na lang na kayamanang itinatago-tago ko rin, may mga naalala pa rin naman ako sa aking pagkabata kung saan naramdaman ko ang panggigigil at papuri ng mga tao sa akin.
Ngunit noong magtatapos na ako sa elementarya, biglang nagbago ang lahat. Labing-dalawang taong gulang lamang ako noon noong isang araw, naisipan kong akyatin ang isang puno ng niyog upang pumitas ng buko. Nalaglag ako. Bumagsak ang katawan ko sa mga batong tila coral reefs ang gaspang at tulis. Sa pagbagsak ko, nagpagulong-gulong ako sa burol. Iyon ang huli kong natandaan. Nang nanumbalik ang aking malay, nasa loob na ako ng ospital, puno ng bendahe ang ulo at katawan.
Ang sabi ng duktor, may matinding pinsala raw ang aking mukha; may mga buto sa ilalim na nabali at nag-collapse. Kapag hindi raw ito naoperahan, madi-deporma ang aking mukha. Ang siste, walang kagamitan ang aming ospital sa mga ganoon kaselang operasyon. Sa Maynila lang daw ang mayroon ng ganoon kung hindi man ay sa ibang bansa. At aabutin ng halos milyon ang gastos sa pagpapaopera.
Iyon ang problema. Wala kaming pera. Kung ang pag-aaral ko nga ay halos hindi na maitaguyod ng aking ina, ang ganoon kalaking halaga ng pera pa kaya?
Iyon na ang simula ng aking kalbaryo. Sa isang iglap lang ay biglang nagbago ang lahat sa aking buhay. Noong naghilom na ang aking mga sugat, deformed na nga ang mukha ko, puno pa ng peklat. Dahil dito, iniiwasan na ako ng aking dating mga kaibigan at kaklase. Ang sabi ng mga tao, mukha raw akong monster o aswang.
Masakit. At lalo pang tumindi ang sakit na aking naramdaman noong may mga naririnig kong tsismis na ampon lamang ako. Simula noong nagkamalay ako, wala akong amang nagisnan. Kaming dalawa lamang ng aking Nanay Cora. Kapag tinatanong ko siya kung nasaan ang aking itay, sasabihin lamang niyang namatay na ito. At naniwala naman ako dahil nakita ko naman talaga ang puntod ng aking itay.
"Nay... totoo po bang ampon niyo lang daw po ako at isinumpa?" ang tanong ko sa kanya noong hindi ko na talaga natiis ang mga tsismis.
Noong una ay ayaw umamin ng aking ina. Ngunit sa pangungulit at pagmamakaawa ko, at marahil ay hindi na rin niya natiis ang tingnan akong nahihirapan, umamin din siya. "O-oo anak. Inampon lamang kita..."
Mistulang isang napalakas na bomba ang sumabog sa aking harapan sa pagkarinig ko sa kanyang pag-amin. Pakiwari ko ay tumigil sa paggalaw ang lahat ng bagay sa aking paligid. At naalimpungatan ko na lang ang nagtatakbo akong pumasok sa aking kuwarto at doon, nagkulong at nag-iiyak.
Dalawang araw din iyon. Hindi ako kumain, hindi ko kinausap ang aking Nanay Cora. Kapag kumakatok siya sa pinto ng aking kuwarto, hindi ko siya bubuksan o di kaya ay sinisigawan ko siya. At sumagi rin sa isip ko na kitilin na lang ang sariling buhay.
Ngunit may takot pa ring nanaig sa aking isip. At napagdesisyonan kong lumisan na lamang.
Alas dose ng hating-gabi napagdesisyonan kong lumabas na ng aking kuwarto upang lumisan. Ngunit laking gulat ko noong sa pagbukas ko ng aking pinto, naroon sa labas ang aking Inay Cora, nakaupo sa sahig, ang kanyang likod ay nakasandal sa dinding na kawayan ng bahay. Tila binabantayan niya ako. At sa tingin ko sa postura niya ay wala siyang tulog, hapong-hapo ang katawan.
Noong nakita niya akong bitbit ang aking bag na may lamang mga gamit, nagsalita siya. "Anak... kung aalis ka, hayaan mong ako na lamang ang aalis. Ayokong mapahamak ka sa labas. Kung hindi mo ako matanggap bilang ina... kung galit ka sa akin dahil kinupkop kita, hayaan mong ako ang aalis sa pamamahay na ito. Mahal na mahal kita. Walang nagbabago anak. Kung kasalanan man na inilihim ko sa iyo ang lahat, iyan ay dahil natakot akong baka magalit ka, magtampo. At ngayong nagkatotoo ang takot kong ito, wala na akong magagawa pa. Ginawa ko ang lahat ngunit kung hindi mo nagustuhan anak, hayaan mong ako na..." ang sabi niyang umiyak. At tumayo siya, dali-daling tinungo ang kanyang kuwarto. At noong nakaimpake na siya, at nagpaalam, doon na rin ako tinablan ng awa.
Agad ko siyang niyakap at nanghingi ako ng tawad. Doon ko narealize na mali ako; na dapat pala akong magpasalamat sa kanya sa lahat ng kanyang ginawang sakripisyo sa pag-alaga sa akin. Kasi, kahit siya, hindi niya kagustuhan ang nangyari. Wala siyang kasalanan. At siya pa nga ang may kahanga-hangang ginawa upang ako ay buhayin.
(Itutuloy)