By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
------------------------------------
"Ah... e... D-don. Oo, Don. I-iyan ang pangalan ko." ang sambit ko na lang. Nakakahiya kasi kapag binuo ko pa ang pangalan ko. Kapangalan ko pa naman ang isang napakakisig na mortal sa mitolohiyang griyego ngunit ang aking mukha naman ay parang pinalupot na libro ng mitolohiya.
"Siguro mayaman ka ano?"
"Bakit mo naman nasabi iyan?"
"Don eh. Anong Don ka ba? Don Fausto? Don Mamerto? Don Feliciano? Don Epifanio? Don Mateo?" biro niya.
Natawa uli ako. "T-totoo palang palabiro ka." ang nasambit ko. Ewan ko rin ba kung bakit nasabi ko ang ganoon. Ang sarap niya kasing kausap at parang feeling ko ganyan na kami ka-close.
"Uy, uy, uy..." ang sagot naman niya na ang ang hintuturo ay iwinasiwas sa akin "Ikaw ha...tsismis iyan. Sige nga sabihin mo nga sa akin kung ano pa ang narinig mong tsismis tungkol sa akin?"
"Wala ah! Puro naman papuri iyon."
"Papuri ba? Kagaya ng ano?"
"Iyong... g-guwapo ka, palabiro, mabait, magaling maglaro ng basketball..."
"Huwag kang maniwala sa tsismis na iyan. Puro kasinungalingan ang lahat ng iyan." tawa uli.
"Palabiro ka pala talaga."
"Hah! Seryoso ako huh! Tingnan mo ang mukha ko, seryoso o..." sabay sungit sa kanyang mukha at tumawa uli.
Ang sarap talaga niyang kausap. At masaya. Tawa lang ako nang tawa. Nasabi ko tuloy sa aking sarili na sadyang may mga tao talagang mapanira. Hindi naman pala totoong salbahe si Mateo.
"Schoolmate tayo di ba?" tanong uli niya.
"O-oo."
"Parang nakita kasi kita sa fund-raing ng Fine Arts eh."
"O-oo nga. I-iyon pa ang unang pagkakita ko sa iyo. N-napansin mo pala ako? Andaming tao kaya noon." sambit ko na sobrang kinilig na natandaan pa niya ako.
"Oo naman. Late ka na atang dumating di ba? Nakita kitang naglakad galing sa pinto ng gym eh."
"Ah... oo nga." Sasabihin ko pa sanang hindi sana ako manuod kung hindi dahil nasilip ko siya ngunit hindi ko na itinuloy pa. Naunahan ako ng hiya.
"Nagustuhan mo ang show? Naaasiwa ako sa pinaggagawa ko doon." sabay tawa na parang isang kabulastugan ang ginawa niyang iyon.
"Oo... Cute nga eh." ang sagot ko.
Ngunit naputol ang usapan naming iyon noong, "O nandito na pala tayo. I-park ko lang sandali ang kotse ha? Huwag ka munang bumaba."
Noong nakapark na ang sasakyan niya, agad siyang lumabas. Lalabas na sana ako noong siya pa talaga ang nagbukas sa pinto para sa akin.
Ah, grabe ang naramdaman ko. Feeling ko talaga ay isa akong babaeng taglay ang mala-diyosang kagandahan. "S-sige... salamat Mateo!" sambit ko at hihiwalay na sana upang magtungo sa book store.
"Ano ba ang bibilhin mo?"
"M-mga stationeries na gagamitin ko para sa project. Gagawa kasi ako ng diorama"
"Ah ok, sasamahan na kita."
"Huh! Huwag na po!" ang bigla kong pagsigaw, nanlaki ang aking mga mata. Hindi ko kasi akalain na mag-offer siyang samahan pa ako. At ang dumi pa ng aking damit.
"Anong huwag na. Wala ka nang masakyan pag-uwi, maulan pa at may kasalanan ako sa iyo. Ihahatid kita sa ayaw at gusto mo. At dahil nagutom ako, dalian mo dahil sabay na rin tayong mag dinner. Huwag kang mag-alala, taya ko."
Hindi ko talaga lubos maipaliwanag ang aking naramdamn. Para bang may narinig akong pang-ookray sa aking utak at ang sabi, "Hoy tikbalang! Ang haba-haba ng hair mo ha?" Parang gusto kong umiyak na hayan... isang napakaguwapong nilalang... binigyan pa ang katulad ko ng ganoong importansya; walang pandidiri, walang takot na makita ng ibang mga taong mapanghusga at pati siya ay pagtawanan. Hindi na ako nakaimik sa sobrang pagka-touched.
"Ano? Ba't di ka makasagot?"
"S-sige, dito ka lang, ako na ang pupunta sa book store at babalikan kita." ang sambit ko na lang. Ayaw ko kasing may makakita sa kanya na kasama ako. Baka may magtanong, matsismis pa siya. Imbes na puro papuri sana ang maririnig tungkol sa kanya, bababa ang pagtingin ng mga tao nang dahil lang sa akin.
"Ok... Dalian mo please. Nagugutom na ako."
"At iyon, nagtatakbo akong pumunta sa book store habang nakaupo lang siya sa isang bangko sa may lobby ng mall. Ngunit ang nabuo sa isip ko ay ang planong tumakas, tagalan pa ang pagbili ng gamit upang magutom siya at kakain na lang at iiwan ako. Para kasing "too good to be true" ang pangyayaring iyon. Parang isang pantasya. At natakot akong baka mamaya, hindi ko mamalayang umasa na pala ang puso ko, mahulog ang loob, ma-in love at mag expect ng pagmamahal. Kawawa naman ako. At isa pa, kapag kumain na kami, syempre, magharap kami niyan. E, di lalo lang akong ma self-conscious. Baka mag-collapse pa ako kapag ganyang titingnan niya ang mukha ko.
At iyon, tinagal-tagalan ko pa ang pagbili ng mga gamit, naghanap ng tiyempong tumakas.
Ngunit wala pang 10 minuto ay nakita ko na siyang nakatayo sa labas ng book store, tinitingnan ako.
Kinabahan naman ako. Mukhang binabantayan talaga ako. At maya-maya lang ay pumasok na rin sa book store at tinulungan pa akong mamili. "O, kailangan mo ng gunting, di ba? Kailangan mo ng glue, kailangan mo ng styro foam..." at siya pa ang nagbayad ng lahat na pinamili ko. Tumutol man ako, iginiit niya talaga ang pera niya sa cashier.
Kaya wala talaga akong kawala at sumama na lang sa kanyang pagdi-dinner.
Sa loob ng restaurant, para akong tino-torture. Sa ganoong puwesto ba naman na magkaharap kami, ang liwa-liwanag pa ng ilaw. Hindi ko na naisip ang masasarap na ulam na inorder niya, wala na rin akong pakialam kung nagugutom ako. Para akong matatae na nanalamig, nanginginig ang buong kalamnan na di mawari. Paano, parang lumabas na isang dinner date ang nangyari maliban na lang sa mala "prince and the beast" na sitwasyon namin, ang puting t-shirt pa na suot ko pa ay marumi dahil sa burak.
"Ba't ka tahimik ngayon? Kanina lang ay nagtatawanan pa tayo..."
"N-nahiya ako..."
"Huwag kang mahiya."
"Ewan. B-basta nahihiya ako..."
"Alam ko na kung bakit ka nahihiya..."
At nagulat naman ako sa sunod niyang ginawa. Hinubad ba naman niya ang kanyang t-shirt nang wala man lang pasabi, at sa gitna pa ng maraming tao. Pagkatapos, inabot niya ang hinubad na t-shirt sa akin. "Palit tayo ng damit. Ako naman ang nagdumi niyan kaya ako ang dapat na magsuot niyan. Ito... isuot mo. Huwag kang mag-alala, kalalaba pa lang niyan at bagong paligo ako kaya mabango pa iyan." Sabay kindat. "Pareho naman tayo ng size, di ba?"
Grabe talaga. Ni hindi man lang pinansin ang ibang mga taong nakatingin. At ang ganda pa ng katawan. Ang matipunong dibdib na tila sinadyang inukit sa kanyang katawan, ang bakat na six-pack abs sa kanyang tiyan, ang maputi at makinis na balat. Flawless! Manghang-mangha talaga ako. Pakiramdam ko ay lalo pa akong ninerbiyos sa aking nakita.
Napangiwi ako, hindi malaman kung matawa o ibalik sa kanya ang t-shirt niya. Sa loob-loob ko lang ay nagtalo ang matinding hiya at kilig. Iyong t-shirt ko kasi ay luma na at iyon pa rin ang isinuot ko sa school sa araw na iyon. Syempre, amoy pawis na iyon. "Ano ka ba... hindi iyan ang dahilan kung bakit ako nahiya. Hindi talaga iyan promise..."
"Huwag ka na ngang mangatwiran. Ako ang nakadumi sa suot mo kung kaya ay ako ang managot diyan. Kung puwede pa nga lang sana itong jeans ko ay hubarin ko at magpalit na rin tayo eh. Sige, kapag hindi mo tinanggap iyan, hubarin ko na rin itong jeans ko." Ang pananakot pa niya at tumayo.
(Itutuloy)