Babaeng Nakaitim Sa Kasal

1410 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ------------------------------------ Hindi ko na itinuloy pa ang pag-alis. At tuloy ang buhay namin bilang mag-ina. "Patapos na ang kasal ng iyong mga magulang noon. May isang babaeng buntis at nakadamit ng itim ang biglang sumulpot at nagtangkang sirain ang seremonya. Nagsisigaw ito, nagwawala. 'Isinusumpa ko kayo!!! Isinusumpa ko kayo!!! Hindi aabot ang isang taon at mamamatay kayo!!! At matinding pagdurusa ang haharapin ng magiging anak ninyoooo!!!' ang sigaw ng babae. Marami pa siyang sinabi. Kabilang dito ay ang iyong ama raw ay siya ring ama ng batang ipinagbuntis niya. Siya raw ang unang pinangakuhan na pakasalan. At kung kaya nagwala ang babae ay dahil pati ang kapatid niya ay binuntis din daw ng iyong ama. Ngunit pinabulaanan ito ng iyong ama. Guwapo kasi ang ama mo... at noong isinilang ka, kamukhang kamukha ka niya. Di ba, noong hindi ka pa naaksidente, ang guwapo-guwapo mo?" ang pagkuwento niya sa akin kung paano niya ako inampon. Napangiti ako ng hilaw. Nanumbalik sa aking alaala ang panahon bago ako naaksidente. Simula noong ako ay nagkamalay, naririnig ko ang papuri ng mga tao sa akin. "Ang cute ng batang ito!" "Amputi, ang kinis ng balat!" "Matangos ang ilong, mahahaba ang mga pilik-mata!" At maraming taong aliw na aliw sa akin, nangigigil, kinukurot ang aking pisngi, hinahalikan ang aking mukha. At noong nasa edad na sampu na ako, nagkaroon naman ako ng maraming kaibigan. Maraming classmates ang gustong maging kaibigan ko, may mga babaeng nagkaroon ng crush sa akin. Kaya, masaya ako sa buhay ko. Bagamat mahirap lang kami, walang amang kinagisnan, at nakatira pa sa isang dampa, tanggap ko ang buhay. Kumbaga, para sa akin, isa lang akong normal na batang nangarap din na makapagtapos ng pag-aaral, makahanap ng magandang trabaho at maiahon sa kahirapan ang aking inay. At sa tingin ko naman ay kaya kong abutin ang mga pangarap kong iyon. Pinagbutihan ko kasi ang aking pag-aaral at palagi akong nangunguna sa klase. "Dahil patapos na rin ang seremonyas ng kasal..." ang pagpatuloy ng aking inay. "...sinabihan na lang siya ng pari na wala na siyang magawa dahil sa mata ng tao at ng Diyos, nabuo na ang tali na nagdugtong sa pagiging mag-asawa ng iyong mga magulang. Doon lalo pang nagwala ang babae. Kung kaya ay pinagtulungan siya ng mga taong hilahin palabas ng simbahan. Ngunit nagulantang ang lahat noong habang isinisigaw niya sa mundo ang nasabing sumpa niya para sa iyong mga magulang, sumigaw siya ng, "Buhay ko ang itataya ko para lamang matupad ang sumpa ko sa inyoooooooo!!! sabay hugot sa patalim na nakatago sa kanyang bulsa at itinusok iyon sa kanyang dibdib. At pa siya nakontento, hinugot uli niya ito at muling itinusok sa kanyang dibdib. Nagkagulo ang mga tao. Kitang-kita namin ang maraming dugong bumulwak galing sa kanyang dibdib. Dinala sa ospital ang babae. Ngunit namatay din siya paglipas ng ilang oras... Sa unang mga buwan ng pagsasama ng iyong mga magulang, wala namang kakaiba. Perpektong-perpekto ang pagsasama nila. Parang itinakda sila ng langit. Mababait sila pareho, at dagdagan pa na guwapo't maganda kaya bagay na bagay sila. Marami ngang nainggit sa kanilang pagsasama. Paano, mahal na mahal nila ang isa't-isa, palagi silang nagsasama, at sweet na sweet. At ang pangako ng iyong ina sa iyong ama kung sakaling magkatotoo man daw ang sumpa, hindi niya ito iiwan. At ganoon din ang pangako ng iyong ama. Wala silang iwanan kumbaga. Ngunit noong namatay ang iyong ina sa pagluwal niya sa iyo, nalungkot ang iyong ama. At sa araw mismo pagkatapos ng libing ng iyong ina, nagbigti naman ang iyong ama. Isang malagim na trahedya ang nagbigay tuldok sa kanilang wagas na pagmamahalan..." Nahinto muli siya. Tiningnan niya akong umiiyak. "Dahil matalik kong kaibigan ang iyong ina, sa akin ka inihabilin ng iyong ama. Mistulang wala na kasi siya sa kanyang sarili sa sandaling iyon. Ang sabi niya sa akin, 'Ikaw na ang bahala sa kanya Cora...' Kaya ako ang nagbigay sa iyo ng pangalan. 'Adonis'. Guwapong bata ka kasi... Kaya iyan ang napili kong pangalan para sa iyo. Si Adonis kasi sa mitolohiya ay isang napakaguwapong nilalang kung saan nahuhumaling ang dalawang diyosa, si Venus, ang diyosa ng pag-ibig at kagandahan at si Persepone, ang diyosa ng kabilang buhay." Iyan ang kuwento ng buhay ko. Iyan ang dahilan kung bakit Adonis ang aking pangalan. Nakakatawa. Ang Adonis na isang napakaguwapong nilalang sa kuwento ng mitolohiya ay naging pangit pagdating sa akin. Parang ako ang nakakasira sa magandang image ng pangalang ito. Parang isa itong pangungutya, isang dagdag na insulto sa nasaktan ko nang kalooban. Dahil sa nangyari, hindi ko na ipinagpatuloy pa ang aking pag-aaral. Magpi-first year high school na sana ako noon. Ngunit dahil sa aking kapansanan, hindi ko na nakayanan ang sobrang pagdamdam at lalo na kapag may mga nakikita akong taong tila nandidiri sa akin. Hindi na rin kasi ako nakakapagconcentrate ng pag-aaral. Ang nangyari, nagmukmok na lang ako sa bahay at halos hindi na lumalabas sa sobrang takot at phobia sa mga tao. Dahil dito, naawa sa akin ang aking Inay Cora. Sa kagustuhang maibalik ang aking dating anyo, minabuti niya na ipasuri ako sa isang erbolaryo. Baka raw kasi may mga gamot siya upang ma-reverse ang sumpa o di kaya ay may mga gamot siya para maayos ang aking anyo. Ngunit doon ako lalong natakot nang tunawin ng erbolaryo ang kanyang tawas. "Ang nangyari sa sa iyo, Adonis, ay sanhi ng isang sumpa... Kahit anong gamot o operasyon, hindi iyan malulunasan." Mistulang nabagsakan ang aking ulo ng isang hollow blocks sa narinig. Ang sinabi niya ay isang pagpapatunay na totoo nga ang sumpa. Hindi ko akalain na magawang idugtong ng erbolaryo ang nangyari sa akin at sa lihim na nakaraan ng aking mga magulang. Natigilan ang aking Inay. Hindi siya nakapagsalita agad. "P-paano po ba mawala ang sumpa?" tanong niya. "Pagtanggap. Pagpapatawad. Pagmamahal." "A-ano po ang ibig sabihin niyan?" "Pagtitiis, pagsensya, pagpakumbaba. Iyan ang susi. Hanapin ninyo ang taong pinakamalapit niyang kamag-anak. Manghingi si Adonis ng kapatawaran." Aalis na sana kami noong, "Sandali, may nakikita pa ako sa kanya." Nagulat kami sa narinig. Bumalik kami sa loob. "Makatulog ka..." turo niya sa akin, "... at magising ka sa isang halik ng taong tunay na nagmamahal. Iyan ang palatandaang nawala na ang sumpa." At sinabi rin ng erbolaryo na ang halik na iyon ay manggagaling sa isang malapit na kamag-anak ng taong nagbigay ng sumpa, na may taglay na letrang 'M' ang pangalan. Nagkatinginan kami ng aking inay. At ako, napailing na lang ng lihim. Paano, sumagi sa aking isip ang kuwentong pantasya ng sleeping beauty. Para bang nananadya talaga ang tadhana. Siya ay maganda samantalang ako ay pangit. "Paanong may hahalik sa akin sa hitsura ko? Parang sobrang haba naman yata ng hair ko. Gusto ko na sanang maniwala pero hinaluan pa kasi ng comedy." sa isip ko lang. At iyon. Bagamat nakaramdam ako ng kaunting pag-asa, tila isang napakatirik na bundok naman ang aming tatahakin. Ang sabi kasi ng Inay ko, hindi nila kilala ang babaeng iyon. Ni pangalan o apilyedo ay hindi nila alam. Paano namin siya mahahanap? "Hayaan mo Donis" ang tawag niya sa akin, "Hindi ako titigil hanggang hindi ko makita ang mga kamag-anak ng babaeng iyon" Ang pangako sa akin ng aking Inay Cora. Iyon ang ginawa niya. Kung saan-saan na lang siya nagtungo, kung saan-saan nagtanong. Minsan, gabing-gabi na kapag umuwi. Awang-awa ako sa aking Inay. Parang gusto kong ihinto na lang niya ang kanyang paghahanap dahil masakitin pa siya at kapos din sa perang panggastos sa pamasahe. Alam ko, naghihirap din ang kanyang kalooban. "Inay, huminto na lang po kayo. Hayaan niyo na lang pong ganito ako..." and sambit ko. Hindi ko kasi alam kung paano makakatulong. "Hindi ako papayag Adonis. Ayokong habambuhay kang ganyan. Ayokong makitang nalulungkot ka at hintayin ang wakas ng iyong buhay na hindi naranasan kung paano ang sumaya, ang tumawa ang magkaroon ng mga kaibigan. Gusto kong makapag-aral ka, magkaroon ng masayang buhay, makamit ang mga minimithing pangarap..." Hindi ako nakakibo. sobra akong naantig sa kanyang sinabi. "Matanda na ako. Paano na lang kung wala na ako? Kaya habang buhay pa ako, pipilitin kong ibigay sa iyo ang bagay na makakapagbigay sa iyo ng kaligayahan." Para akong mangiyak-ngiyak sa sinabing iyon ng aking Inay. May problema na nga siya sa kanyang kalusugan ngunit hindi niya ininda ito para lamang sa akin. Doon ko narealize kung gaano ako kamahal ng aking kinikilalang ina. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD