THIRD PERSON POV
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay iniligtas sina Sora at Koji ng isang lalaki nagtataglay ng kakaibang tatak sa kanyang kamao. Hindi kapani-paniwala ang lakas ng binatang iyon dahil nagawa nitong burahin ang mga kalabang halimaw sa isang suntukan lamang.
Matapos silang iligtas ay naningil ng kabayaran ang lalaki ngunit ang problema ay walang maibigay sina Sora kanya. Kaya naman nadisappoint ang lalaki at umalis na lamang ito. Iniwanan silang dalawa na naninigas sa sobrang lamig at hindi man lang sinagot ang kanilang mga katanungan.
Dahil sa sobrang lamig sa paligid ay nagdesisyon si Sora na kuhanin na lamang ang mga damit ng mga lalaking naging halimaw at gamitin ang mga ito upang sila ay mainitan.
"Sandali lang, babalik ako agad," ang pagpapaalam nito kay Koji.
"Teka Sora, saan ka pupunta?" tanong ng kaibigan niya.
"Basta sandali lang," ang wika ni Sora at mabilis itong kumilos patungo sa di kalayaun at isa isang pinulot ang mga nakakalat na makapal na damit.
Habang abala siya sa pagpulot ay bigla na lamang nagliwanag ang lupang kinalalagyan ni Koji, gulat na gulat ito. "Berdeng liwanag, ito yung kaparehong liwanag kanina bago kami mapadpad dito," ang wika niya sa kanyang sarili at dito ay unti unti siyang nilamon nito. "Sorrraaa!" ang pagtawag niya ngunit hindi na siya narinig ng kaibigan. Unti unting naglaho ang kanyang katawan na parang isang kumukupas na larawan.
Pagharap ni Sora ay wala na si Koji sa paligid. Naiwan na lamang siyang mag isa sa gitna ng isang lugar na hindi pamilyar, sa lugar na punong puno ng hiwaga at kababalaghan.
"KOOJJIII? NASAAN KA BAAAA?" ang malakas na sigaw ni Sora pero walang sagot. Walang bakas ng kanyang kaibigan sa paligid. Siya na lamang mag isa dito at wala ni isang tao. Nagsimula na ring mamuo ang mga niyebe sa lupa kaya't mas lalo pang lumamig ang kanyang katawan.
Samantala, bumalik na ang malay ni Koji at natagpuan niya ang kanyang sarili na nasa loob ng lumang silid aklatan. Nakabalik na siya sa normal na mundo kaya naman agad niyang hinahanap ang kaibigan.
"Sora? Sorraaaa?" ang pagtawag nito ngunit wala ring sumasagot sa loob.
Napatingin siya sa lumang aklat at napansin niya na mayroon ng nakaguhit na imahe dito. Kinuha niya ito at muling binasa, "noong nasa tiyak na kapahamakan na ang binata sa alamat ay biglang dumating ang isang misteryosong lalaki na may tatak ng halimaw sa kamao at isinalba ang kanyang buhay."
Napahinto si Koji, "teka, ito yung eksaktong nangyari kanina," ang sigaw niya sa sarili at dito ay nakaramdam din siya ng kakaibang lamig sa katawan na para bang nandoon pa rin siya sa lugar ng pinangyarihan. Gayon pa man ay ipinagpatuloy niya ang pagbabasa, "sakay ng karitelang patungo sa bayan, ipinagpatuloy ng binata ang paghahanap sa kaibigan niyang nawawala at sa misteryosong lalaking tumulong sa kanila kanina."
"Nasaan na ba si Koji? Saan ba siya napunta? Posible kayang dinakip siya ng lalaki kanina at ibenta?" ang tanong ni Sora sa kanyang sarili. Tuwing ipinipikit niya ang mga mata ay nakikita pa rin niya ang itsura nito. Gwapo ang mukha, singkit ang mga mata, mas matangkad sa kanya ng ilang sentimentro at mas matikas ang tindig na parang isang leadingman sa isang action na pelikula.
"Huwag ko lang talaga malalaman na dinukot at ibinenta niya yung kaibigan ko dahil itutumba ko siya," ang bulong niya sa kanyang sarili.
Habang nasa ganoong posisyon ay dumating na ang karitela sa bayan. Mula dito sa itaas ay nasilayan ang kagandahan nito. Parang isang senaryo sa pelikula na ang pangunahing lugar ay ang matandang Tsina, bagamat ang paligid balot na rin ng yelo dahil sa pag ulan ng niyebe. Hindi pa rin malinaw sa isipan ni Sora ang mga pangyayari ngunit kailangan magpatuloy dahil wala rin namang mangyayari kung mag mumukmok sa isang tabi.
Habang sakay sa likod ng karitela ay nakatingin sa kanya ang mga tao sa kanilang nadaraanan, "huwag niyo nga akong titigan," ang wika nito sa kanyang sarili sabay suklob ng hood sa kanyang makapal na balbal na pang ginaw.
Patuloy ang kanilang pag usad hanggang sa makababa ng bayan..
"Achu!" ang pagbahing ni Sora dahilan para magulat ang may ari ng karitela. "Hala, eh sino ka ba? Kanina ka pa ba dyan?" tanong nito.
Ngumiti ang binata, "maraming salamat po sa free ride," ang wika nito sabay baba.
"Ano bang sinasabi ng lalaki iyon? Kakaiba ang kanyang suot," ang pagtataka ng matanda noong makita ang binata na tumalon mula sa karitela.
Mabilis nagtatakbo ang binata sa bayan upang hanapin ang kanyang kaibigan, partikular ang lalaking may tatak ng halimaw sa kanyang kamao. Nagsisimula ng dumami ang tao sa paligid at lalo lang siyang nakaramdaman ng pagkalito dahil hindi na niya alam kung saan pupunta. At kumakalam pa ang sikmura niya dahil sa gutom lalo na noong maamoy at malanghap ang usok ng maiinit na pagkaing ibenebenta sa paligid.
Napatitig siya sa pagkain pero maya maya ay kinatukan siya ng tindero, "hoy, bibili ka ba? Isara mo nga iyang bibig mo dahil baka malawayan mo ang tinda ko, malas iyan alam mo ba?"
"Teka manong, mayroon ba kayong kilalang gwapong lalaki na may marka ng halimaw sa kanyang kamao?" tanong ko sa kanya.
Natawa ang tindero, "wala akong kilalang ganon pero maaari mo akong tawaging gwapo," ang hirit nito.
Napangiwi si Sora, kahit wala siyang makuhang matinong sagot sa mga ito ay nagpatuloy pa rin siyang magtanong sa iba't ibang tao. "Mawalang galang na po, mayroon po kayong nakitang lalaki na may marka ng halimaw sa kanyang kamao?"
"May nakilala po ba kayo na lalaking may tatak sa kanyang kamao?" ang paulit ulit niyang tanong habang naglalakad patungo kung saan. Basta bahala kung saan siya dalhin ng kanyang mga paa.
"Marka? Wala hijo, pero mayroon akong marka sa likuran, ganito ba ang hinahanap mo?" ang hirit ng isang matanda sabay pakita sa kanyang tattoo.
"Kakaiba ang iyong anyo bata, taga ibang bansa ka ba?" tanong nila sa binata. Nagulat din siya dahil ang ilang mga lalaki ay hinawakan siya sa balikat at binibigyan ng basong may alak.
Hindi sumagot si Sora, bagkus ay napatingin siya sa paligid, dito niya napagtanto na nasa loob siya ng isang lumang beer house kaya naman pala kakaiba ang amoy ng kanilang mga hininga at ang lahat ay pabiro kung sumagot. Pinagkakatuwaan siya at niloloko loko.
Agad siyang nagtatakbo palabas at ipinagpatuloy ang kanyang paghahanap hanggang sa makaramdam ng pagod at mapaupo na lang sa isang sulok.
Muli na namang bumuhos ang niyebe sa itaas kaya't mas lalo niyang niyakap ang makapal na balabal na kanyang suot. "Pangarap kong makakita ng snow pero hindi naman sa ganito paraan. Hindi naman pala nakaka enjoy," ang bulong nito sa kanyang sarili.
"Ibayong lungkot ang naramdaman ng binata habang nakasisik sa isang sulok ng lumang isang bahay. Halos napagod siya sa paghahanap sa nawawalang kaibigan at naniniwala siya na ang susi para makita ito ay ang hanapin ang lalaking may tatak ng halimaw sa kamao. Nasa ganoong kalungkutan ang binata ay nilapitan siya ng mga grupo ng kalalakihan at kinausap," ang patuloy na pagbabasa ni Koji sa loob ng lumang silid aklatan.
"Ginoo, narinig namin na hinahanap mo ang lalaking may tatak ng halimaw sa kanyang kamao," ang wika ng isang lalaki.
Tumango si Sora, "Oo, hinahanap ko siya, kilala niyo ba siya? Alam niyo ba kung saan siya matatagpuan?" tanong nito.
"Oo, kilala namin siya," ang sagot nito.
Tila nabuhayan ng loob si Sora, "talaga? Nasaan siya?"
"Halika nandoon siya, sumama ka sa amin," ang nakangiting sagot nito kaya naman walang nagawa ang binata kundi ang sumama at magtiwala sa mga lalaking ngayon pa lang nakausap.
Naglakad sila ng ilang minuto hanggang sa mapadpad sa lugar na walang tao. "Malayo pa ba tayo?" tanong ni Sora.
Huminto ang mga lalaki, "nandito na tayo."
Luminga linga ang binata, "nasaan yung lalaking may tatak ng halimaw sa kanyang kamao?"
Natawa ang ito, "wala e," ang sagot niya sabay kambat sa kanyang mga kasama. "Sige, dakpin iyan at ibenta sa mga mangangalakal. Gwapo at makinis ang lalaking iyan, maaari siyang maging bayaran sa mga dayuhan," ang utos pa ito.
Dumistansiya si Sora, "mga gago! Kaya mahirap magtiwala sa mga taong hindi lubusang kilala. Huwag kayong lalapit sa akin at huwag niyo akong hahawakan dahil hindi niyo magugustuhan ang mangyayari sa inyo!" ang sigaw nito.
"Huwag puro satsat! Dakpin siya!" ang sigaw ng lalaking pinuno at dito ay sumugod kay Sora ang apat na lalaking tauhan ng sabay sabay. Ancient martial arts ang gamit ng mga ito, may ritmo ang mga kilos at malalay ang mga paghampas ng kamay.
Sumugod rin si Sora, matatandaan na bata pa lang ito ay parati ng nakikipagbugbugan sa mga kaklase. Madalas ay grupo ang kaaway niya at wala siyang pakialam kung mabasag pa ang kanyang mukha.
Walang fighting style si Sora, away kung away lang ang alam nito. Inalis niya ang balbal at nagsimulang lumaban!
Nakipagbuno ang binata, malalakas ang mga suntok na pinakawalan niya sa mga kalaban. Gulat na gulat ang mga ito dahil para itong halimaw na walang ritmo ang kilos, atake lang ng atake at kapag tumama sa kanila ang kamao nito ay talagang malakas.
Napaatras sila..
"Anong klaseng martial arts ba ang gamit ng isang iyan? Masyado siyang agresibo," ang wika ng mga ito.
Dumura si Sora at inililis ang kanyang manggas, "martial arts? Wala akong alam dito pero marami akong alam sa pakikipag away! Humanda kayo sa akin!" ang sigaw nito at nakipagbuno na naman siya sa kalaban.
"Hulihin siya! Durugin!" ang utos ng pinuno.
Limang kalaban ang umatake kay Sora, wala siyang pakialam kung masapak siya o masipa. Kapag tinamaan siya ay gaganti rin ito ng malakas na suntok at siguradong tatama ito sa mukha ng kalaban.
Ngunit dahil sa pinagtulungan siya ay natumba ito sa lupa at dito ay kinuyog siya ng mga kalaban. Pinagsusuntok ang kanyang mukha kaya wala siyang nagawa kundi ang takpan ang kanyang ulo. "Mayabang ka ha! Durog ka ngayon! Gago!" ang wika ng mga ito.
Nasa ganoong posisyon ang mga kalaban noong may tumamang bato sa kanilang mga ulo dahilan para mapahinto sila at mapatingin sa direksyon kung saan ito nagmula.
Dito ay nakita nila ang isang lalaking nakatayo sa itaas, "lima laban sa isa? Sigurado ba kayong matatapang?" ang tanong nito.
"Huwag kang mayabang! Bumaba ka dito at itutumba ka namin!" ang sigaw ng pinuno ng kalaban.
Nangiti ang binata sa kanilang itaas, "sige ba, iyan ang gusto ko palaban!" ang wika nito at nagliwanag ang tatak ng halimaw sa kanyang kamao.
"Noong malagay sa panganib ang buhay ng binata ay muling dumating ang lalaking may marka ng halimaw sa kamao at parang isang buhawing tinalo ang mga masasamang loob. Noong matapos ang labanan ay tumayo ang misteryosong lalaki sa harapan ng nabugbog na binata at dito ay nagtama ang kanilang mga mata," ang pagbabasa ni Koji na naramdaman ibayong pag-aalala para sa kaibigang si Sora.