Episode 1: Ang Isinumpang Libro
Ito ay alamat ng isang binata na pinagkalooban ng iba't ibang uri ng kapangyarihan. Natupad ang lahat ng kanyang kahilingan ng makuha niya ang pitong tagapagtanggol ng Kongoyasha. Ang alamat ay isang orasyon. Ang sinumang makakatapos sa pagbabasa nito ay mabibiyayaan katulad ng binata sa alamat.
Sa sandaling ang unang pahina ay mabuksan, magsisimula ang alamat at mabibigyang buhay ang mga tauhan.
****
SEPTEMBER 14, 1986
"Mister Nobu Eram, package po para sa inyo," ang wika ng delivery boy sabay abot ng isang maliit na kahon sa ginoo.
"Kanino galing?" tanong nito habang pinipirmahan ang resibo.
"Galing po ito kay Mister Ambrocio Duan. Isang pirma po dito sa baba sir," ang tugon ng nagdeliver.
Matapos pirmahan ay ipinasok ni Nobu ang kahon sa loob at inilagay sa kanyang lamesa. Pinagmasdan niya ito at saka inalog alog. Nagtataka ang ginoo dahil bigla siyang pinadalhan ng package ng kaibigan.
Si Ambrocio Duan ay matalik na kaibigan ni Nobu, nagkasama sila sa bansang Tsina para magtrabaho sa minahan doon. Noong matapos ang kontrata ni Nobu ay umuwi siya at dito ay nagkaroon siya ng asawa. Biniyaan sila ng isang anak na lalaki na ang pangalan ay Sora. Isang salitang hapon na ang ibig sabihin ay "Sky" o "kalangitan."
Nawalan ng balita si Nobu sa kaibigang si Ambrocio kaya naman ganoon na lamang ang pagkagulat niya noong maalala siya ng kaibigan na padalhan ng bagahe. Maigi niyang tinitigan ang kahon hanggang sa magdesisyon siyang buksan ito.
Dito ay tumambad sa kanya ang isang kuwadradong bagay na nakabalot ng itim na tela at mayroong mga tali na kakaiba ang desenyo. Mahigpit ang pagkakatali nito at mayroon pang mga selyo na may sulat na intsik na letra sa bawat tali.
Nagtaka si Nobu, bakit kaya magpapadala ng ganitong ka-weird na bagay ang kanyang kaibigan? Nasa ganoong pagtataka siya noong may makita siyang isang sulat sa loob ng kahon. Ito ay sulat kamay ni Amborcio kaya naman agad niya itong binuksan at binasa.
Nobu,
Ang kahon na ito ay naglalaman ng isang aklat na natagpuan ko sa isang matandang silid aklatan dito sa Shizou Temple sa kabundukan ng Tsina. Ang silid aklatan na ito ay naglalaman ng matatandang kalatas at kasulatan ukol sa kasaysayan ng buong lupain ng Tsina. Marahil ay nagtataka ka kung bakit naka selyo at nakabalot ng espesyal na tela ang aklat. Dahil ito ay mahiwaga at naglalaman ng kakaibang salamangka o maaaring sumpa. Mahirap ipaliwanag ngunit ang aklat na ito ay may sariling buhay.
Siguro ay itinatanong mo sa iyong sarili kung bakit ikaw ang napili kong padalhan nito. Mayroon akong tatlong dahilan kung bakit sa iyo ko ito ibinigay. UNA, isa kang matalinong tao, alam kong makakaunawa ka ng mga matatandang kasulatan, nais kong aralin mo ito at tuklasin kung anong hiwaga ang mayroon ang aklat na ito. IKALAWA, ikaw lamang ang tanging kaibigan na makakaunawa sa akin at hindi mo iisiping nababaliw na ako. IKATLO, alam kong mahihimay mo ang bawat detalye ng aklat dahil ipinanganak kang mahusay bumasa ng mga kataga.
Paalala, pagkatapos mong pag aralan ang aklat at muli mo itong ibalot sa tela at ibalik mo ang selyong tali na nakapalibot dito. Tawagan mo ako at balitaan ka agad.
Ang iyong kaibigan,
Ambrocio Duan
Natahimik si Nobu matapos niyang basahin ang sulat ng kaibigan. Hindi niya malaman kung totoo ba ang pinagsasabi nito o baka nagbibiro lamang. Kung sabagay hindi naman niya malalaman ang sagot sa kanyang katanungan kung hindi niya bubuksan ang balot ng aklat.
Tahimik.
Napabuntong hininga si Nobu at dito sinimulan niyang alisin ang selyong tali sa paligid ng aklat. Noong maalis ang mga ito ay isinunod niyang alisin ang itim na telang nakabalot dito.
Dito ay tumambad sa kanyang harapan ang isang lumang aklat na kulay pula ang takip. Noong unang pagkakataon na hawakan niya ang aklat ay para bang nakaramdam na agad siya ng kakaibang pwersang nagmumula dito. Sa aklat ay may nakasulat na chinese letter bilang pamagat. Kinakailangan pa niya itong isalin upang malaman niya ang nakasulat sa pabalat nito.
Sa unang hawak pa lang ay mararamdaman na agad ang kakaibang enerhiya ng aklat. Kaya naman mabuting ipatong na lang niya ito sa lamesa at tingnan habang isinasalin ang pamagat.
"THE UNIVERSE OF FOUR GODS"
Ito ang pamagat ng aklat, patungkol sa kapangyarihan ng langit at lupa, gayon rin sa apat na sagradong nilalang na namamahala sa sansinukob.
Noong mga sandaling iyon ay nagdesisyon si Nobu na mas masusing aralin ang loob ng aklat. Ngunit nakapagtataka na sa unang pahina lamang may nakasulat at ang mga sumunod na pahina hanggang sa pinaka dulo ay wala ng laman. Blangko na ang mga ito at wala kahit na anong letra maliban sa isang lumang piraso ng papel.
Gayon pa man ay nagdesisyon siyang isalin at suriin ang nakasulat sa unang pahina. Masyadong matanda ang style of writing ng libro kaya't literal na nahirapan si Nobu sa pagsasalin ng kada letra nito. Ngunit ang nakapagtataka ay tila may sariling buhay ang kanyang mga kamay dahil kusa itong gumagalaw upang isalin ang bawat titik.
Habang nasa ganoong posisyon siya ay may kumatok sa kanyang silid. "Itay, nakahanda ang hapunan. Sabay sabay na tayong kumain para magkasya itong ulam," ang wika ng kanyang anak.
"Sige Sora, lalabas na ako dyan," ang wika ni Nobu, muli niyang ibinalik ang aklat sa kahon at ibinalot ito ng itim na tela.
Simple lang naman ang buhay ni Nobu na nakatira sa paanan ng bundok. Mayroon silang isang payak na tirahan kasama niya dito ang asawang si Mirna at ang walong taong gulang na anak si Sora na noon ay kasalukuyang nag-aaral sa elementarya.
"Sora, ano bang nangyari dyan sa mukha mo? Bakit may sugat ka dyan?" tanong ni Nobu sa anak.
"Ano pa ba edi nakipagbuno at nakipagsuntukan na naman sa kanyang mga ka klase. Yang anak mo ay lumalaki yatang basago ulo," ang wika ng kanyang ina.
"Hindi ba't sabi ko huwag kang masyadong basag ulo? Kabata bata mo pa puro gulo na ang pinapasukan mo. Paano kapag nagbinata ka pa?" tugon ng kanyang ama.
"Kasi yung mga kaklase ko mga masasama ang ugali. Dahil ba nakatira tayo dito sa paanan ng bundok ay aswang na tayo? Ayokong tinatawag nilang aswang si inay. Kaya nakikipag away ako sa kanila, di ko sila uurungan kahit lima pa sila," ang sagot ni Sora.
"Hindi mo nga uurungan, durog ka naman, pati mukha mo durog din. Gusto mo bang magbinatang puro peklat ang mukha? Huwag mo kaming bigyan ng sakit ng ulo ng nanay mo. Umiwas ka na lang at huwag mo na lang pansinin yung mga sinasabi nila sa iyo," ang suway ni Nobu sa anak.
Hindi kumibo si Sora, napanguso na lang ito, dumakot lang ito ng pagkain saka isinalpak sa kanyang bibig dahilan para matawa ang kanyang mga magulang. "Mamaya, pumunta ka doon sa balon at mag igib ka ng tubig. Mag ingat dahil baka mahulog ka na naman," ang paalala ng kanyang ama.
"Noong huling beses na nahulog ako sa balon ay nakaakyat naman ako kaagad. Wala po kayong dapat na alalahanin sa akin," ang sagot nito sabay inom ng basong tubig.
Matapos kumain ng hapunan at makapagpahinga ay agad kinuha ni Sora ang timbang lalagyan ng tubig at mabilis siya nagtungo sa balon. Hawak niya ang gasera bagamat maaliwalas ang kalangitan dahil maliwanag buwan noong gabing iyon.
Habang kumukuha siya ng tubig sa balon ay bigla na lamang ay umihip na malamig na hangin na parang may yelo dahilan para mangilabot at tumaas ang kanyang balahibo. At noong mapatingala siya sa kanyang itaas ay nanlaki ang kanyang mata sa pagkabigla.
Dito ay nakita niya ang isang kakaibang hayop! Isang higanteng pagong na mayroong malaking ahas sa katawan. Nagliliwanag ang berde ang paligid ng nilalang na ito habang nakalutang sa kanyang itaas! Hindi makapaniwala si Sora! Para siyang nabusalan sa bibig, natutula siya at halos tumigil ang kanyang puso sa takot at pagkabigla. Kasabay nito nagliwanag ang kalangitan at unti unting nawala ang imahe ng higanteng nilalang.
Napasalampak si Sora at matinding takot. Halos ilang minuto rin siyang nakatulala. Noong bumalik ang kanyang ulirat ay agad niyang kinuha ang gasera at ang timba ng tubig saka nagtatakbo pabalik sa kanilang bahay. Nagsisisigaw ito at halos panawan ng ulirat dahil sa sobrang pagkabigla.
"Inaaaaay! May halimawww!" ang sigaw nito habang nagkakandarapa sa pagtakbo sa loob ng bahay.
"Sora, bakit ba hijo? Naihi ka pa, ano bang nakita mo?" tanong ng kanyang ina.
"Isang higanteng halimaw, isang malaking pagong na may malaking sawa na nakakabit sa katawan! Nakakatakot inay!" ang wika nito.
Hinipo ni Mirna ang ulo ni Sora, "hindi ka naman nilalagnat, sobrang lamig nga ng katawan mo. Baka naman produkto na lamang ito ng labis na pagbabasa mo ng mga komiks?" tanong ng kanyang ina.
"Hindi po inay, hindi ako namamalik mata, talagang nakita ko ito," ang sagot ni Sora dahilan matawa ang kanyang ina, "hay bata ka, maglinis ka ng katawan at baka pumanghi ka pa. Laki laki mo na umiihi ka pa sa salawal."
Samantala, sa loob ng silid ay naroon naman si Nobu, maigi niyang sinusuri ang aklat at noong matapos niyang isalin ang unang pahina nito ay nagulat siya sa kanyang mga nabasa dahil ang nilalaman ng teksto ay talagang kakaiba at hindi niya ito lubusang maunawaan.
"Ang teleportation magic ng libro ay kumikilos lamang sa paligid ng isang tao na maaaring gumanap ng isang papel na kailangang punan sa kuwento. Ang papel na kailangan ng libro para mapanatili ang sarili nito ay kadalasang papel ng isang "High Priest" at pinupuntirya nito ang mga kabataang lalaki na dalhin sa kuwento. Hindi pinapagana ng mahika ang mga kapangyarihan nito kapag wala ito sa paligid ng isang "pinili" na tao, tulad ng isang High Priest."
"Anong ibig sabihin nito?" tanong niya sa kanyang sarili. Pero gayon pa man umakyat ang sobrang kilabot sa kanyang katawan kasabay ang pag ihip ng sobrang lamig na hangin sa kanyang silid.
Tumayo si Nobu para isara ang bintana at noong pagbalik niya sa lamesa ay wala na ang aklat ng langit at lupa. Hinanap niya ito sa ilalim ngunit wala pa rin, kahit saang sulok ng silid ay hindi niya ito nakita. Nawala ito na parang isang bula.
Habang nasa ganoong paghahanap siya ay may kumatok sa kanyang pintuan. "Itay, nariyan ka ba?" boses ni Sora.
Agad na binuksan ni Nobu ang pintuan, "bakit hijo?"
"Eh kasi itay, may nakita akong kakaibang libro sa loob ng aking bag," ang wika nito sabay abot ng aklat sa kanyang ama.
Nanlaki ang mata ni Nobu sa nakita, ito yung aklat na isinalin niya ilang minuto ang nakalilipas, paano ito napunta sa bag ni Sora?
"Sigurado ka bang doon mo ito nakita sa bag mo?" tanong ng kanyang ama.
"Opo, si inay pa nga yung nakakita. Ang akala niya ay kinuha ko ito sa silid aklatan ng paaralan, napagalitan tuloy ako. Pero wala po talaga akong kinukuha itay," ang sagot ng kanyang anak.
Lalong binalot ng pagtataka si Nobu, "sige hijo, ako na ang bahala dito. Bumalik ka na sa inay mo at mag-aral na kayo," ang sagot niya.
Noong mga sandaling iyon ay agad niyang ibinalot ang aklat sa itim na tela kung saan ito nakalagay dati at muli niyang itinali ng selyo ang paligid nito. Itinago niya ang aklat at nagdesisyon siyang sunugin na lamang ito kinabukasan.