Sumaglit lamang ako sa coffee shop upang kunin ang mga gamit ko at para makapag-palit na rin ng damit.
Hindi na ako nagtagal pa roon dahil busy sila at medyo marami rami rin kasi ang customers.
Dumiretso kaagad ako pauwi pagka-galing ko sa coffee shop, ngunit nasa labas pa lamang ako ng pinto ay kaagad itong bumukas at bumungad sa akin ang tatlo kong Kuya.
"Sakto! nandito kana pala." Sambit ni Kuya Harley, ang pinaka bata sa tatlo kong Kuya.
"Bakit? anong meron?" Nagtataka kong tanong.
"Wala si Mama, kaya sa labas na tayo kumain." Sambit naman ni Kuya Hash, ang pinaka panganay sa aming magkakapatid. "Teka, kaninong helmet 'yan?" Tanong nito ng mapansin ang helmet na dala ko.
"A-ah wala, isasauli ko lang 'to sa kakilala ko." Sambit ko at di na nag abalang ipaliwanag pa iyong nangyari kanina.
"At iinom rin tayo syempre, hindi iyon pwede mawala sa selebrasyon natin." Masayang sambit ng pangalawang Kuya ko na si Kuya Hiro. S'ya ang pinaka pasaway at pinaka mapang-inis sa lahat. Sa araw araw ata na ginawa ng Diyos ay imposibleng hindi n'ya ako iinisin o bu-bwisitin.
"Ayoko, kayo na lang. Gusto kong bumawi ng tulog ngayon."
"Pero wala kang kakainin, hindi nakapag luto si Mama at isa pa, baka gabihin na kami." Sambit Kuya Harley.
"Okay lang, busog naman ako."
"Hindi puwede na maiwan kang mag-isa sa bahay."
"Pero Kuya-"
"Oh, aangal ka pa?" Singit naman ni Kuya Hiro. Epal na naman s'ya.
Napairap na lang ako at wala nang nagawa pa. Wala na akong choice, dahil kapag si Kuya Hash kasi ang nag salita, obligadong sumunod kaming mag-kakapatid. Iyon ang kapangyarihan ng pagiging panganay.
Ni hindi ko man lang naiapak ang paa ko sa loob ng bahay, o iiwan man lang muna ang mga dala ko dahil hinatak na nila ako papunta sa kotse.
"Teka, kailan pa tayo nagka-kotse?" Sambit ko ng makasakay sa loob.
Si Kuya Hiro ang magda-drive habang sa shotgun seat naman si Kuya Hash at dalawa kami ni Kuya Harley sa likod.
"Iniwan muna ng barkada ko, kapalit ng pag hiram n'ya ng electric guitar ko kanina." Paliwanag nito at pinaandar na ang sasakyan.
Rumaraket si Kuya Hiro bilang guitarista ng isang banda. Mas pinili niyang huminto sa pag aaral dahil mas mahal raw n'ya ang musika, at isa pa, mas gusto daw kasi nya na kumita ng pera upang hindi na sya dumagdag pa sa intindihin ni Mama.
Sayang lamang dahil 4th year college na sana s'ya. Pero ano bang magagawa namin kung hindi ang suportahan na lang s'ya sa kung ano ang gusto n'ya.
Samantala, Si Kuya Hash naman ay graduate na bilang pulis noong nakaraang taon lamang, ngunit hindi na ito pinag trabaho ni Mama dahil sa kundisyon ng katawan at kalusugan n'ya. Si Kuya Harley naman ay 3rd year college na at criminology rin ang tine-take n'yang course.
Nag iisang babae lamang ako sa aming tatlong magkakapatid, at kung tatanungin nyo ako kung anong pakiramdam ng magkaroon ng tatlong lalaking kapatid? magulo. Wala ng paliwanag pa basta magulong magulo.
Kaagad kaming bumaba ng huminto na si Kuya Hiro, at teka- bakit sa isang resto bar? akala ko ba ay magha-hapunan kami?
"Kailan pa nag serve ng dinner ang ganiyang klaseng resto bar?" Tanong ko habang nakatayo kaming apat sa labas ng bar na iyon.
Napaka ingay ng bandang tumutugtog na abot ang tunog hanggang dito sa labas. Punong puno rin ang labas ng resto bar ng mga taong naninigarilyo. Usok rito at usok roon, ang sakit sa ilong!
"May mga snacks ka naman na puwedeng orderin. Huwag ka ng mag kanin, maawa ka naman sa katawan mo." Sambit ni Kuya Hiro na para namang napaka taba ko sa paningin n'ya.
Tignan mo ang mga 'to, wala lang si Mama ay nakaisip na agad ng kalokohan. Panigurado ay si Kuya Hiro ang may pasimuno nito, dinamay pa nila ako.
Nang maka-pasok kami sa loob ay mas maingay pala at maraming tao, agad kaming pumwesto sa naka reserve na upuan para sa amin sa may bandang gilid. Sakto para sa aming apat iyon.
Dito daw pala magsisimulang magtrabaho si Kuya bilang guitarista simula bukas. At pinapunta s'ya ng manager ng resto bar upang pumirma ng kontrata at libre din daw ang lahat ng kakainin namin ngayon.
So parang celebration na rin namin 'to dahil sa wakas ay regular na ang trabaho n'ya hindi katulad noon na pa-raket raket lamang.
Lumapit sa amin ang waiter at inabutan kami ng menu.
"Kuya, wag ka masyadong uminom. Alam mo naman iyong kundisyon mo, malalagot talaga kayo kay Mama." Bilin ko kay Kuya Hash.
"At kailan pa ako sinermunan ng bunso namin?" Pabirong sambit nito.
Agad akong tumingin sa menu nila at umorder na lamang ako ng chicharong bulaklak. Kung may kanin lang sana ay napaka sarap na ulamin no'n. At dahil di naman ako nag iinom ay mango juice na lamang ang inorder kong inumin.
Maya maya pa ay dumating na ang mga order nilang alak at pulutan, kasunod naman noon ay iyong order ko.
Tahimik lang akong kumakain sa gitna ng napaka-ingay na lugar na 'to. Habang patingin tingin sa paligid at sa mga babaeng nagpapa-pansin sa mga Kuya ko at padaan daan sa table namin.
Sa totoo lang, pogi naman ang mga Kuya ko. Pero hindi ako naniniwala na si Kuya Hiro ang sinasabing pinaka-gwapo daw. Iyong mukha no'n? gusto nila iyong ganoon na para bang badboy? eww ang pangit.
"Mag cr lang ako." Medyo may kalakasan na sambit ko dahil sa mas malakas na tunog ngayon ng banda.
Nag-presinta pang samahan ako ni Kuya Hash ngunit tumanggi ako, kaya ko naman na, hindi na ako bata.
Pahirapan akong naka-punta sa comfort room dahil sa siksikan ang napakaraming tao. Sa bagay, biyernes nga pala ngayon.
Nang maka-pasok sa cr ay kaagad kong isinara ang pinto, sa wakas, medyo tahimik rito kumpara doon sa napaka-ingay na labas.
Saglit muna akong tumulala sa salamin bago mag hilamos. Gusto ko na sanang maka-uwi dahil bukod sa hindi ako sanay sa ganitong lugar ay para bang pagod na pagod ako ngayong araw, ngunit hindi naman nila ako papayagan dahil nga wala akong makakasama sa bahay.
Masyadong mahaba at maraming naganap sa 'kin ngayong araw at kailangan ko talaga ng mahabang tulog at pahinga.
Nang matapos ako at palabas na sana ay biglang bumukas ang pinto at may pumasok na lalaki. Medyo matanda na 'to at mukhang tatay na.
Bahagya akong napa-atras, halata naman na lasing na ito.
"Excuse me, Miss. Bakit nandito ka?" Bahagyang pikit na ang mga mata nito at pagewang gewang na s'ya.
"Ah, comfort room po ito for girls. Kayo po ata ang nagka-mali ng pasok." Sambit ko. Napasandal naman ito sa pintuan, muntik pa nga s'yang bumagsak.
"Pang lalaki ang cr na 'to, nakita ko doon sa labas." Lasing na nga talaga ang tao na 'to kaya't hindi na ako nakipag-talo pa at lalabas na sana ako ngunit humarang ito sa pinto.
"Lalabas na ho ako, para makapag-cr kayo."
"Hindi puwede, alam mo bang masama ang pumasok sa cr na hindi naman para sa iyo?"
"Kaya nga po tumabi na kayo d'yan at lalabas na ako." Pero hindi pa rin ito nag-patinag at hindi pa rin umalis sa harap ng pintuan.
"Samahan mo na lang ako, tutal nandito ka na rin lang."
"Sir, umalis na ho kayo d'yan at palabasin nyo na ako, bago ko pa tawagin ang mga Kuya ko."
Tumawa ito na para bang baliw. "Paano mo tatawagin? hindi ka nga maka labas at isa pa, hindi ako natatakot sa mga Kuya mo." Bahagya itong lumapit at akmang hahawakan ako nito pero tinabig ko ang kamay n'ya, kaya naman ay napangisi ang lasing na lalaking ito.
"Umalis ka na dyan." Madiin na sambit ko dahil nauubusan na ako ng pasensya.
"Bakit? ano bang kayang gawin ng isang babaeng katulad mo para matakot ako sa 'yo?"
Napairap ako at bumuntong hininga. Isa itong lalaking 'to sa mga taong nang mamaliit sa kakayanan ng isang babae, hindi ata ako katulad ng inaakala n'ya.
Ibahin n'ya ako, lumaki ako kasama ang tatlong lalaki, bugbugan at wrestling ang laro namin noon kaya't hindi na sa akin bago ang manuntok o mambugbog lalo na't kung manyak lang din katulad ng lalaking 'to.
Naalala ko tuloy iyong ginawa ko sa boyfriend ni Maureen noon, tatlong araw ata iyon na nag stay sa ospital at halos isang linggo mahigit na nag pagaling ng mga pasa n'ya sa mukha.
Isang hawak pa talaga at may kalalagyan sa akin 'to.
"Hindi mo ko matatakot babae ka-" Hindi na na nito natuloy ang sinasabi n'ya at napasigaw naman ako dahil bigla na lamang itong sumuka. Mabuti na lamang at naka-layo ako kaagad. Kadiri!
Bigla namang bumukas ng malakas ang pinto at dahil nasa harap s'ya ng pinto ay malakas na sumubsob ito pabagsak sa suka n'ya.
Napapikit ako at parang ako na iyong masusuka dahil sa nakikita ko. Nakabagsak ito ngayon doon mismo sa isinuka nya at nagkakanda dulas dulas dahil sinusubukan nito na tumayo. Yuck!
Bigla naman na nagsi-pasok ang tatlo kong Kuya.
"Anong nangyari sa 'yo, Hera?" Nag aalalang tanong ni Kuya Harley at agad na nilapitan ako.
"Binastos ka ba ng lalaking 'to?! sinaktan? o hinawakan?" Galit na sambit ni Kuya Hiro at sinipa ang lalaking iyon na sinusubukan pa rin na tumayo kaya't natumba itong muli.
"Anong ginawa nya sayo? Okay ka lang ba?" Mahinahon na sambit ni Kuya Hash ngunit iba ang reaksyon ng mga mata nito.
"W-wala Kuya." Sambit ko dahil panigurado na malaking gulo ang mangyayari.
"Anong wala? e rinig na rinig namin iyong sigaw mo mula sa labas ng banyo." Sambit pa ni Kuya Hiro na muling sinipa ang lalaki na iyon.
"Inaantay ka namin na lumabas, napaka tagal mo. Hindi namin alam na may lalaki na palang naka pasok dito." Sambit ni Kuya Hash at marahan akong hinila palapit sa kaniya.
"Halika na, umuwi na lang tayo. Hayaan nyo na 'yan, wala namang ginawa sa akin 'yan." Sambit ko at isa isa ko silang tinulak palabas.
Palakad na sana kami palayo ngunit biglang nag salita ang lalaking iyon.
"Sino ba kayo at bakit ba kayo nanggugulo rito? akin na 'yang babae na 'yan at iuuwi ko 'yan, binayaran ko na 'yan."
Napapikit ako at napa-buntong hininga. Inilayo ko na nga s'ya sa disgrasya ngunit hindi pa rin talaga s'ya tumigil.
"Anong sabi mo?" Sabay sabay na sambit ng tatlong Kuya ko at nilapitan sya.
"Anong tingin mo sa kapatid namin? bayaran?"
"Bingi ba kayo at hindi n'yo narinig?" Dagdag pa ng lalaking lasing.
-
"Kailan pa kayo natutong makipag basag ulo? kung kailan kayo nagsi-tanda tsaka kayo nagka-ganyan?" Galit na sambit ni Mama ngunit ni isa sa amin ay walang sumasagot.
"Ano? wala talagang aamin sa inyo?"
Nagtinginan kaming apat na ngayon ay pare parehong naka luhod sa asin habang may libro na naka patong sa mag kabilang mga palad namin.
Walang nag bago, kahit na mga matatanda na kami ay ganito pa rin ang parusa sa amin, ganitong ganito rin kami noong mga bata pa lamang kami kapag nahuhuli kami ni Mama na nag aaway away.
"O sige, mabulok kayo d'yan hanggat walang nagsasalita sa inyo." Sambit pa ni Mama at iniwan kaming apat at nag tungo ito sa kusina.
Nagka-tinginan kaming apat at tila pinipigil ang mga tawa namin dahil yari talaga kami pag narinig kami ni Mama.
"Iyong binugbog natin tapos boss mo pala iyon." Natatawang sambit ni Kuya Harley.
"Ayan, wala ka na namang trabaho." Dagdag pa ni Kuya Hash "Hindi mo ba alam na boss mo iyon? o sadyang di mo lang talaga tinignan na boss mo s'ya dahil sa ginawa n'ya kay Hera?"
"Hindi ko talaga alam, mamaya ko pa lang sana s'ya mame-meet at hindi ko naman alam na sa ganoong pagkakataon pa." Sambit ni Kuya Hiro at kamuntik pa nito mailaglag ang libro sa palad n'ya, sa aming apat ay s'ya talaga ang pinaka mabilis mangalay, kahit noon pa.
"Sa bagay, kahit sabihin mo sa akin na boss mo iyon ay hindi ko pa rin naman palalampasin." Tumango tango naman silang tatlo sa sinabi ni Kuya Hash, tila sang ayon sila rito.
Nakukunsensya naman ako dahil pagkakataon na sana iyon ni Kuya Hiro para sa regular na trabaho, hindi iyong may kita lang s'ya kapag may tawag o may raket sila. Pero nang dahil sa akin ay nawala pa iyong trabaho sa kaniya.
"O bat ka umiiyak?" Sambit nito sa akin at naka tingin na pala silang tatlo sa akin.
Mas lalo tuloy akong naiyak at napa hikbi dahil pinansin pa nila ako.
"Okay lang 'yon, mas okay na nawala sa akin iyong trabaho kaysa pakisamahan ang manyak na lalaking iyon, hindi iyon ugali ng isang boss." Pagpapalubag pa ni Kuya Hiro ng loob ko.
"Hindi naman iyon eh." Sambit ko at sumingot singot pa kasabay ng pag hikbi ko. "Ang sakit na ng tuhod ko."
"Ay naku! hanggang ngayon iyakin ka pa rin!" Sambit ni Kuya Harley at nag tawanan silang tatlo kaya't sinamaan ko sila ng tingin.
"Anong nakakatawa?" Bigla namang sumulpot si Mama kaya't napatigil silang tatlo at umiling iling na para bang mga bata. "Tumayo na kayo d'yan, nilutuan ko kayo ng soup doon. Bilisan n'yo na!"
Napangiti kaming apat at nag unahan na tumakbo papunta sa kusina.
Dahil sa magkaka-sunod sunod kaming tumatakbo at si Kuya Hiro ang nasa unahan, ay sumubsob kaming lahat ng bigla na lamang itong nadapa at sobrang lakas ng kalabog ng pag bagsak naming apat.
"Ano ba yan, Hiro?!" Reklamo ni Kuya Hash na nasa likuran nito at nauna nang tumayo.
"Aba Kuya! biglang bumigay iyong tuhod ko, sobrang ngalay ko na kaya!" Sambit nito na tila hirap na hirap tumayo kaya't tinulungan na sya ni Kuya Harley. Pasimpleng tumatawa naman ang isang Kuya ko na 'yon.
"Badboy kuno pero lampa naman." Panunukso ko pa habang ina-alalayan naman ako na tumayo ni Kuya Hash.
"Anong sabi mo? at least hindi ako iyakin 'no." Ganti pa nito.
"Kung puwede ko lang kayo ibalik sa sinapupunan ko ay matagal ko nang ginawa." Umiiling iling naman na sambit ni Mama pero maya maya pa ay nakisabay rin ito sa tawanan naming magkakapatid.
Pinaka the best talaga si Mama sa lahat! Dahil sa kabila ng galit n'ya kanina pa noong sinundo n'ya kami sa police station ay di pa rin talaga n'ya natitiis na magalit sa amin ng matagal.
Naupo kami sa kaniya kaniyang pwesto namin sa mesa habang inaantay si Mama na pinag sa-sandukan kami ng pagkain.
Kung minsan na napapagalitan at nag aaway kaming lahat, matuturing ko pa rin na pinaka kayamanan ko ang Mama at mga Kuya ko.
Ito ang bagay na hinding hindi ko ipagpapalit at hinding hindi ko hahayaan na mawala sa akin.