“So, siya pala ang tatay ni Sabri.”
Napalingon ako kay Kyros. Hindi ako makapagsalita, parang bigla na lang akong nawalan ng dila. Nakatingin lang siya sa daan habang seryosong nagda-drive.
Tapos na ang meeting namin kay Luca. Pauwi na kami, sakay ang sasakyan pero napansin kong hindi pabalik sa bahay ang dinadaanan namin. Sa sobrang shock ko sa pagkikita namin ni Luca ay ni hindi ko na maalala kung paanong natapos ang meeting namin sa kanya. Halos silang dalawa na lang ni Kyros ang nag-uusap at parang naging secretary na lang ako dahil puro take notes lang ang ginagawa ko.
“I can tell. Kahit kamukha mo si Sabri, hindi maipagkakailang siya ang tatay dahil may similarities pa rin sila,” aniyang hindi pa rin tumitingin sa akin.
Lumingon ako sa labas ng bintana. Wala namang kung ano’ng interesanteng view doon pero feeling ko doon ako makakahanap ng sagot.
“Siya nga,” mahina kong sagot.
“Do you want to talk about it?”
I sighed. Lumingon ako sa kanya at sinulyapan niya ako saglit bago itinuon ulit ang mga mata sa daan.
“I mean, if you are not comfortable, it’s okay,” agad niyang bawi.
Napatawa ako nang mahina. “I’m like an open book to you, Kyros. Halos lahat na yata ng sekreto ko alam mo. Well, except sa kwento namin ng tatay ni Sabri.”
Pasimple siyang sumulyap sa rolex niyang nasa kanang pulso niya. “Maaga pa naman. Besides wala naman tayong gagawin na ngayon. I have all the time to listen to you.”
“‘Di ka rin talaga tsismoso, ano?”
Matipid siyang napangiti. “Only to the people that matter to me. Saka sa’yo lang naman ako ganito, sa iba wala akong paki.”
Napangiti ako sa sagot niya. “Aww…thank you, Kyros. I feel so honored.” Pinisil ko nang mahina ang pisngi niya at humilig sa kanyang balikat. I am so lucky that after all I’ve been through, I found a person who never judges me.
Hindi na ako nagtaka nang dinala niya ako sa bahay niya. We live in the same village na pagmamay-ari ng pamilya niya. Dito rin sa village na ito nakatira ang parents niya at mga kapatid. Ang triplets na panganay na mga kapatid niya ay meron ng mga asawa. Ang mga bahay ng nga ito ay pawang nasa dulo ng village sa ibabaw ng burol. Overlooking mula doon hindi lang ang buong village kung hindi pati na rin ang buong siyudad.
“Ginawa na talaga nating tambayan ang bahay mo kapag may pag-uusapan tayo ano?” tukso ko sa kanya. Nasa paboritong tambayan namin kami ng bahay niya—ang balcony. Malamig kasi ang simoy nang hangin dito at tanaw ang buong siyudad. Mas maganda rin tumambay dito kapag gabi dahil parang maliliit na christmas lights na kumukutitap ang mga bahay, street lights at sasakyan.
Minsan ginagawa na naming opisina ang balcony ng bahay ni Kyros. Kaya naman pinalagyan na niya iyon ng bubong at sliding door para kung masyadong malamig ay pwede naming isara at walang problema kapag umuulan. May couches doon, center table at ang pinakapaborito ko ay ang hanging swing na gawa sa rattan na parang itlog ang hugis. Kasya doon ang dalawang tao. May kutson doon at throw pillow na kulay black, katerno ng mga upuan.
Ang buong balcony ay napapalamutian ng iba’t-ibang klase ng bulaklak na kulay white at purple. Sobrang babango pa ng mga bulaklak na iyon kaya nakaka-relax talaga.
Agad akong pumuwesto sa hanging swing at niyakap ang isang throw pillow doon. Tumabi naman si Kyros sa akin at sumandal sa edge ng hanging swing paharap sa akin. Nagkadikit ang mga tuhod namin dahil sa ginawa niya.
“Nagpahanda na ako ng paborito mong snacks kay Medel pati paborito mong orange juice,” aniyang tinutukoy ang katulong niya na nasa 20 years old pa lang. Pamangkin ito ng katulong ng parents niya at tuwing linggo ay nag-aarap ito ng Sunday school. Niyakap rin Kyros ang isang throw pillow na naroon.
“Boyscout, ah?” tukso ko ulit sa kanya.
He smirked. “I’m all ears…”
I sighed. Mukhang mahaba-habang kwentuhan ang magaganap sa amin ni Kyros. And as I opened my mouth to tell him the story about me and Luca, parang nagbalik sa akin ang lahat—ang saya, pait at pighati.
“Kailan niyo ba titigilan si Sexyrina?!” narinig kong sigaw ng isang pamilyar na boses. “Sa susunod na malaman kong pinagkaisahan niyo ulit siya, hindi ko na ito palalampasin!”
Mabilis ang mga hakbang ko na nagtungo sa likod ng building kung saan ko narinig ang boses na ‘yon. Halos magkabanggan pa kami ng tatlong mga babaeng nagmamadali ring umalis sa lugar na iyon.
Napatitig ako sa kanila na dali-daling umiwas ng tingin sa akin. Kilala ko sila! Sila ang nambu- bully na naman sa akin kanina sa CR. Mga kaibigan ng kapatid kong si Jessica.
Hindi na nila ako pinansin at tumalilis na ng takbo. Napalingon ako mula sa pinanggalingan nila at nakita ko si Luca. Nasa bulsa ang mga kamay at nakayukong naglalakad. Medyo nagulat pa siya nang makita ako.
“Oh, nandito ka pala. Kanina ka pa?” kaswal niyang tanong na parang wala lang nangyari. “May klase ka pa ba?”
Umiling ako.
“Tara kain tayo. Doon lang sa labas kasi mas mura. Libre na kita.” Walang sabing kinuha niya ang black shoulder bag ko at isinabit iyon sa balikat niya.
Hindi ko rin alam kung ano ang nangyayari. Napansin ko na lang na sunod-sunuran ako sa kanya. And before I knew it, magkatabi kaming nakaupo sa isang karinderya na nagtitinda rin ng mga fishballs, kikiam, kwek-kwek, tokneneng at maruya.
May mga kwek-kwek na sa mesa at hiniwang pipino na tinimplahan ng asin at sukang maanghang. Nasa isang mangkok lahat ng iyon.
Binigyan ako ni Luca ng walang lamang mangkok at barbeque stick. Siya na rin naglagay ng kwek-kwek at pipino sa mangkok ko bago niya nilagyan ang sa kanya. Iniabot niya rin sa akin ang isang 12 oz ng softdrinks na mayroon ng straw.
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. First time ko kasing may umaasikaso sa akin bukod sa parents ko. Ang alam ko lang ay para akong magkaka-heart attack kapag malapit lang si Luca. Pakiramdam ko ay tumitigil ang mundo kapag magkasama kami. Para bang sa tuwing gagalaw siya ay may mga stars sa paligid.
“Kain ka na,” udyok niya sa akin. Nagsimula na siyang kumain at para bang ganadong-ganado. Nakangiti pa ito habang sumusubo.
Eh, ako halos hindi ko maitusok ang stick sa kwek-kwek sa sobrang pagtataka ng mga ginagawa niya. Hindi miminsang ipinagtanggol niya ako sa mga bully ko. And I must admit na malaki ang pasalamat ko sa kanya dahil simula nang magkakilala kami, hindi na ganoon kalala ang pambu-bully sa akin. ‘Yon nga lang wala ngang nambu-bully kaso may tsismis naman na inakit ko raw si Luca para may knight-in-shining-armour ako. Na kesyo, nagpapagamit raw ako kay Luca para may tagapagtanggol ako.
And that bothers me a lot!
“B-bakit mo ba ito ginagawa, Luca? Hindi mo ba alam nang dahil sa ginagawa mo akala nila may namamagitan sa atin? Sanay na ako sa masasakit na salitang naririnig ko, pero ikaw… You have a bright future ahead of you. Nadadamay ka na sa mga maling tsismis tungkol sa akin. Ayokong may ibang tao pang madamay. Who knows kung ano pa ang gagawin nila—“
“Wala silang magagawa,” putol niya sa iba pang sasabihin ko. Isinubo niya muna ang pipino na nasa stick at nginuya iyon bago niya ako tiningnan. “Hindi nga kami mayaman, Rina pero alam ko kung paano ipagtanggol ang sarili ko at ang mga taong mahalaga sa akin. Saka wala naman akong ginagawang masama. Kaya kung iniisip mong mapapahamak ako sa pagtatanggol sa iyo, eh alisin mo na ‘yan sa isip mo. Wala kang dapat ipag-alala,” aniyang nagpatuloy sa pagkain. Sinulyapan niya ako at iniusog ang mangkok na may kwek-kwek. “Kumain ka na. Mas masarap ‘yan kapag bagong luto.”
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko. Hinarap ko siya at hinawakan sa braso. Natigil siya sa pagsubo nang gawin ko iyon. Hindi ko na kasi maintindihan ang mga ginagawa niya. Bakit niya ba ako ipinagtatanggol? Bakit niya pinaparamdam sa akin na parang napaka-espesyal ko sa kanya?
“Bakit mo ba ‘to ginagawa? ‘Di ka ba naba-bother na ikabit ang pangalan ko sa’yo? Hindi mo ba naririnig ang mga rumors ngayon? Hindi ka ba naapektuhan?”
“Naapektuhan…”
“Kung gano’n, bakit ayaw mo pang lumayo sa akin? Ilang buwan na lang at ga-graduate na tayo. I don’t think it’s best for us to be seen together.”
Napakamot siya sa kanang kilay niya. I could tell he was already frustrated. Maski ako ay frustrated na rin sa mga ginagawa niya! Frustrated dahil ayokong bigyan ng kahulugan ang mga ginagawa niya para sa akin! Hindi ko na nga binigyan ng pansin ang mga matang nakabantay sa amin ngayon.
“Mali ka naman kasi ng pag-intindi sa sinabi kong naapektuhan ako.” Inis na kinamot niya ulit ang kanang kilay niya. “Gusto kita, Rina. At nasasaktan ako kapag may naririnig akong masasamang salita laban sa iyo mula sa ibang mga tao. Pero ang dyahe mo kasi. Todo papansin na nga ako sa’yo pero hindi mo pa rin ako pinapansin.”
Feeling ko luluwa ang mga mata ko sa sobrang gulat. May gusto sa akin si Luca? Paano’ng nangyari ‘yon? Kailan pa?!
He heaved a sigh and held my both hands. “Rina, matagal na akong may gusto sa iyo. Simula noong unang araw tayong magkita, ‘di ka na maalis sa isip ko. Nasasaktan ako kapag may nananakit sa iyo. Todo papansin ko na nga sa’yo pero hindi mo pa rin ako napapansin, tapos ngayon gusto mo lumayo ako sa’yo? Hilingin mo na ang lahat ‘wag lang ‘yan dahil ‘yan ang tanging hindi ko magagawa.”
“Bakit ako—“
“Bakit hindi ikaw?” agad niyang putol sa anumang sasabihin ko.
“Hindi ka man lang ba naba-bother sa mga naririnig mo about sa akin? Sa amin ng nanay ko?”
”Hindi naman ako manliligaw sa nanay mo, ah? Sa’yo naman ako manliligaw.”
I rolled my eyes. “I’m dead serious, Luca!” gigil na singhal ko sa kanya.
Hindi ko talaga siya ma-gets! And dami namang magaganda sa eskwelahan namin pero ako pa talaga ang pinag-aaksayahan niya ng panahon.
“At patay na patay naman ako sa iyo.” He heaved a sigh. Hinawakan niya ang mga kamay ko. Pilit ko iyong nilalayo sa kanya pero masyadon siyang mapilit.