Nasa kusina na kami ni Tanya upang kumain ng hapunan. Hindi pa rin mag-sink in sa akin ang itsura ng kwarto ko pati na rin ang special treatment na binibigay sa akin ni Lola Clara. Ayoko mang isipin, pero pakiramdam ko ay may masama siyang binabalak sa akin.
Hindi kaya balak niya akong ampunin?
Pero imposible ang iniisip ko. Dahil hindi naman ako ulila, kung aampunin niya papalitan niya rin ba ang apilyido ko ng Monteverde?
Napangiti ako sa naisip ko dahil masyado naman akong nagiilusyon. Ininit saglit ni Tanya ang pagkain namin, kanina pa daw kasi kumain ang mga tao sa mansyon kaya siya na lang ang hindi pa nakain dahil inaantay daw niya ako. Sobrang excited talaga niya nang malaman niyang sa mansyon na rin ako titira dahil may makakausap na rin siya ng madalas. Lagi daw kasing abala ang mga katulong sa mansyon. Kaya hindi niya ito mga nakakausap.
“Anong nginingiti mo diyan?” Natatawang tanong ni Tanya. Inilapag niya sa mesa ang ulam namin.
“Ano yan?” Kunot noong tanong ko.
“Putok batok…” Nakangisi niyang sagot sabay upo sa harapan ko. Nasa maliit kasi kaming mesa sa kusina. Doon kumakain ang mga katulong sa mansyon.
“Sa itsura pa lang puputok na ugat sa batok ko niyan eh! Wala bang gulay?” Reklamo ko.
Hindi ako sanay kumain ng piniritong karne na may taba-taba pa dahil laging healthy ang ulam namin sa bahay. Matatanda na kasi sila Inay at Itay kaya kailangan na nila ang tamang pagkain. Kahit sila kuya ay ayaw din dahil masisira daw ang pinagmamalaki nilang pandesal. Kung hindi inihaw na isda, gulay ang madalas naming ulam or hindi kaya manok kapag may special na araw.
“Wala eh, pasensiya ka na nakalimutan kong hindi ka nga pala mahilig kumain ng baboy.” Nakangusong wika niya sa akin na ikinatawa ko.
“Karne, Tanya. Yung baboy nasa kulungan yun.” Nakatawang sansala ko sa kanya na ikinahagikhik niya.
“Okay lang hindi naman siguro puputok agad ang batok ko diyan. Saka mukhang masarap din ah? Sino nagluto?” Tanong ko habang kumukuha ng isang pirasong karne. Hinati ko muna dahil malaki kasi ang gayat, bago ko isaw-saw sa toyo na hinaluan niya ng suka pati narin sili. Saka ko isinubo.
“Si sir Lawrence…” Nakangising sagot niya na nagpasamid sa akin.
Nakauwi na si sir Lawrence? Kailan pa? Bakit hindi ko alam!
“Uminom ka muna ng tubig.” Iniabot niya sa akin ang malamig na tubig sa baso at inubos ko iyon. Nakasanayan ko na talagang masamid lalo pa at kumakain ako o umiinom ewan ko ba kung bakit ako ganito!
“Okay ka na? Parang gulat ka? Natural na uuwi yun dahil nalaman niyang inuwi dito si Sir Terrence at isa pa may chismis akong nalaman.”
Pambitin niya habang inisang subo ang pritong karne sa bibig. Lalo tuloy akong kinabahan sa tsismis niya kasi hindi naman niya sasabihin sa akin yun kung hindi yun mahalaga.
“Ano ba yun? May pambibitin pa eh!” Inis na wika ko sa kanya. Mabuti na lang at malawak talaga sa mansyon kaya walang makakarinig sa amin kahit magtawanan o magsigawan pa kami. Nginuya niya muna ang karne bago niya ito nilulunon at uminom muna siya ng tubig. Nakatingin lang ako sa kanya habang nakataas ang kilay dahil parang sinasadya niyang bitinin ako.
“Noong nalaman niyang ikaw ang magbabantay kay sir Terrence ay kinausap niya agad si Donya Clara. Para tumutol! kaya lang hindi pumayag si Donya Clara dahil siya daw ang magpapasya sa bagay na iyon.”
“Ano? At bakit naman niya gagawin yun?” Kunot noo na tanong ko. Hindi ko alam kung may nalalaman ba si Lola tungkol sa panliligaw ni Sir Lawrence sa akin pero sana wala. Ayoko kasing mabahiran ng maling pang-unawa ang pagtira ko dito at pagpayag ko sa pag-aalaga kay Sir Terrence. Ayokong mawalan sila ng tiwala sa akin lalo na sa pamilya ko.
Matagal naming binuo ang tiwalang yun kaya nasa mabuti at maganda kaming pamumuhay ngayon.
“Hindi ko alam eh, pero sa tingin ko alam na ni Donya Clara ang lahat.”
Nasapo ko ang aking noo. Haist! Bakit ba kasi pati si Sir Lawrence nagka-interest pa sa akin. Sa itsura kong ito? Kulang na lang sa akin uling sa mukha at nakataling plastic ng ice candy sa buhok para mukha na kong gusgusin. Ano bang nakita noon sa akin? Di hamak naman na mas mabenta pa nga ang babaeng-babae na anyo ni Tanya eh.
“Iwasan mo na lang si sir Lawrence. Yun lang ang tanging paraan para hindi ka mailang sa bahay na ito, saka para hindi ka magka-problema. Masyado kasing mabenta ang ganda mo eh. Gusto ko tuloy mainggit sa’yo.” alam kong pabiro niya yung sinasabi, pero may bahid din ng pait.
“Umayos ka nga Tanya! Mainggit sa akin? Hindi naman ako kagwapohan saka isa pa. Wala pa sa isip ko ang magjowa. Si Elias man o Si Sir Lawrence hindi ko sila papatulan. Dahil masyado pa akong bata. Ayokong magkamali ng pagpili dahil ayokong magdusa sa huli. At hindi rin kami bagay dahil mayaman siya at tauhan niya lang kami.” Mahabang paliwanag ko sa kanya. Ayokong mag self-pity siya lalo pa may gusto din sa akin si Elias.
Nagpatuloy na lamang kami sa pagkain. Dahil ayoko nang pag-usapan ang mga bagay na yun. Saka ko na poproblemahin kung ano man ang mangyayari. Problemahin ko muna kung paano ako makakatulog sa kulay pink kong kwarto.
Pagkatapos naming kumain ay si Tanya na rin ang naghugas. Pinaakyat na rin niya ako para makapag-ayos ng gamit ko at makapagpahinga ng maaga dahil maaga din ako bukas na gigising. Malapit na ako sa hallway papunta sa kwarto ko nang may biglang yumakap sa akin sa likuran. Mabilis kong kinuha ang isang braso niya at ibinalibag siya sa sahig. Ayun at plakda siya sa sahig! Ngunit nagulat ako nang makita king sino ang binalibag ko.
“Awwww! Sh*t!”
“What happened?” Kunot noo na tanong ni Donya Clara na kakalabas lang sa kwarto ,narinig niya ata ang impit na sigaw ni Sir Lawrence habang nasa sahig parin at namimilipit sa sakit ng balakang.
“Sorry po sir Lawrence! Hindi ko po sinasadya, ginulat niyo kasi ako.”
Nag-aalalang wika ko sa kanya. Halata talagang nasaktan siya. Bakit kasi may pagyakap pang nalalaman eh minaster ko talaga ang tiknik na yun kaya walang nagtatangkang gawin yun sa akin.
“Ano bang ginawa mo Lawrence?” Tanong ni Lola Clara.
“I just hug her, because I missed her.” Walang pigil na sagot ni sir Lawrence, nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Gumalaw din ang labi ko para senyasan siyang wag magsalita ng ganun ngunit nginitian lang niya ako.
“Umakyat ka na Gabriella.” Ma-authoridad na wika ni Lola Clara napapikit na lamang ako.
“Pero lola nasaktan ako, kailangan ko ng massage.” Reklamo ni Sir Lawrence. Habang nakatingin sa akin.
“Kasalanan mo yan. Umakyat ka na hija, ako na bahala dito.” Utos ulit ni Lola Clara. Nakayuko kong tinungo ang kwarto. Sinulyapan ko pa silang dalawa bago ako makapasok sa loob.