BUONG tapang akong tumingin sa attorney ni Ram habang ibinibigay nito sa akin ang kopya ng contract namin ni Ram. At ipinaliwanag nito sa akin kapag nakuha ko na ang pera na ibinigay ni Ram sa akin ay hindi ko na makukuha ang anak ko sa kaniya. Ipinaliwanag sa akin ni Daniel ang kailangan kong gawin. Ipapakita ko sa kanila na nakahanda akong makuha ang anak ko sa kahit anong paraan.
"Hindi na ako magtataka kung bakit bigla kang nagkaroon ng interes sa pera na ibinigay ni Mister Ran Salazar," mapanglait na sabi sa akin ni Attorney Francisco, ito ang family attorney ng pamilya Salazar.
"Hindi na rin ako nagtataka kung bakit masama pa rin ang tingin mo sa akin, attorney. Baka nakakalimutan mo na ang client mo ang unang umalok sa akin ng pera. Oo nga pala, nakalimutan kong sabihin sa iyo, attorney. Gusto kong ipaalam mo kay Ram na hindi pa rin ako natatakot sa blackmail niya sa akin. Makukuha ko ang anak ko sa kaniya at mapaparusahan ang taong nasa likod ng lahat ng ito."
"Huwag kang mag-alala, Misis Gamboa. Ipagbibigay alam ko kaagad kay Mister Salazar." Tinapunan niya ako ng masamang tingin. Inihatid ko ng tingin si attorney at bumuga ako nang malalim nang makaalis ito. Lumabas mula sa pinagtataguan nito si daniel. May hawak itong recording video na maari naming gamitin laban sa mga kaaway ko.
"Handa ka na ba?" tanong sa akin ni Daniel.
"Oo, attorney," nakangiti kong sagot dito
"Attorney again... and again... tawagin mo lang akong Daniel, Penelope. Gusto kong maging kaibigan ang pinakmatapang kong kliyente. Ipakita mo sa kanila na kaya mo silang talunin. Binigyan ka ng pagkakataon ni Ram na ungusan siya. Hahanap ako ng magandang bahay para sa inyo ni Joshua. Mas mabuti na malapit ka lang kay Ram at sa anak ninyo."
"Maraming salamat..."
"Huwag kang magpasalamat sa akin, Penelope. Hangga't hindi ko nababawi ang anak mo kay Ram ay hindi mo ako dapat na pasalamatan. Sapat na sa akin na kahit paano ay nakakangiti ka. Halika na." Hinawakan ni daniel ang kamay ko at inalalayan niya ako patungo sa nakaparadang kotse nito.
Nagtungo kami ni Daniel sa mall at ibinili niya ako ng mga designer clothes, mga sapatos at mamahaling bags, gamit ang pera ni Ram na ibinigay niya sa akin. Pagkatapos niyon ay nagtungo kami sa isang subdivision para tignan ang bahay na inialok sa kaniya nito. Malapit lamang iyon sa bagong bahay ni Ram. Ang Zehir Subdivision ay isang eksklusibong subdivision sa Tarlac.
Nakatayo kami ni Daniel sa labas ng gate. Hawak ko ang tapat ng aking dibdib. Hindi ako aatras at ipapakita ko kay Ram kung sino ang asawang iniwan at tinalikuran nito.
Ipapamukha ko kay Donya Margaret ang lahat ng mga pang-iinsulto niya sa akin. Siguraduhin ko na luluhod sa aking harapan ang matandang iyon. Magmamakaawa sa akin si Ram pati na rin si Dante ang mga taong naging dahilan kung bakit ako makulong at nagdusa ng limang taon.
Biglang sumagi sa aking isipan ang nangyari, limang taon na ang nakakalipas.
"Joshua! Tawagan mo si Ram, alam ko na masama ang loob niya sa akin at galit na galit siya sa akin pero alam ko na mahal na mahal ako ni Ram, Joshua. Mahal na mahal ako ng asawa ko," umiiyak na sambit ko habang nakahawak sa rehas.
Umiiyak ang aking kapatid na si Joshua na panay ang iling. "Ate, hanggang ngayon ba naniniwala ka na mahal ka ni Kuya Ram? Ate, pinabayaan ka na niya, siya mismo ang nagpahuli sa iyo, at nakita ko sila ng secretary niya... ate..." humihikbing sabi ni Joshua sa akin habang nakatingin sa aking mga mata.
"Na-Nakita mo?"
"Bakit hindi mo sinabi sa akin, ate? Matagal ka na ba niyang niloloko? Sinabi mo sa akin na okay ang pagsasama ninyo ni Kuya Ram. Nagsinungaling ka sa akin, ate. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa iyo. Sana kahit na magalit ka sa akin ay inilayo na lang kita kay Kuya Ram. Naniniwala ako na hindi mo pinatay si Jana, ate."
Palaging ikinukuwento ni Jana ang kapatid kong si Joshua. Matalik na magkaibigan ang mga ito at magkaklase pa. Pilit kong itinago kay Joshua ang nalaman ko noon tungkol kina Ram at Jewel pero itinago ko dahil naniniwala ako na ako ang mahal ni Ram.
"Penelope?" untag sa akin ni Daniel.
Hindi ko namalayan na umiiyak ako habang inaalala ang nakaraan.
"Halika na sa loob, Penelope. Ito na ang simula ng bagong ikaw."
Sumunod ako kay Daniel sa pagpasok sa malaking gate. Nakasunod ang kotse na iniwan nito sa labas ng gate. Minaneho iyon ng security guard na nagbukas sa kanila ng gate.
Nagulat ako nang makita ang mga dating kasama ko noon sa mansion ng mga Salazar. Ang katulong na si Aling Mina, ang asawa nito na si Manong Melchor, at si Manong Duarding. Naroon din si Joshua na masayang yumakap sa akin, kasama nito ang kapatid ni Daniel na si Nathan.
"Welcome home, ate," masayang sabi sa akin ni Joshua.
Niyakap ko nang mahigpit ang aking kapatid. Hindi ko alam kung saan aabot ang Paghihiganti ko kay Ram para makuha ang anak ko. Ang kalahati ng pera na ibinigay sa akin ni Ram ay ipinatabi ko na kay Daniel para sa future ni Joshua. Alam ko na nasa bahay lamang ng mga Salazar ang tunay na pumatay kay Jana.
At alam ko na ako ang pag-iinitan dahil nakalaya na ako. Kinausap ko ang mga katiwala at masaya kong binati sila isa-isa. Inihatid ko si Daniel sa labas nang magpaalam ito sa akin na uuwi na kasama ng kapatid nitong si Nathan na nauna na sa kotse.
"May alam ka ba sa business?" mahinang tanong nito sa akin.
"Wala akong alam sa business pero mabilis akong matuto."
"Papayag ka ba sa trabaho na iaalok ko?" tanong sa akin ni Daniel.
Kumunot ang aking noo at tumingin dito. "Anong trabaho?"
"Maraming hindi nakakaalam sa tunay kong pagkatao, Penelope. Hindi lamang ako isang attorney lang. Isa rin akong businessman. Ikaw ang humawak sa negosyong nakapangalan sa assistant ko. Katulad mo, Penelope ay marami rin akong maling nagawa sa buhay ko. Panahon na para itama ko ang mga iyon, sa pamamagitan mo."
Hindi na ako nag-atubili at tinanggap ang alok sa akin ni Daniel. Para sa anak ko ay gagawin ko ang lahat... ang lahat-lahat mabawi ko lamang siya.