Nadatnan ko si Attorney Daniel sa opisina nito na nakapangalumbaba at tila malalim ang iniisip. Nakatingin ito sa mga papel na nasa ibabaw ng lamesa nito. Palagay ko ay tungkol iyon sa mga kasong inaasikaso nito. Tinulungan ako ni Attorney Daniel na walang hinihinging kapalit. Kahit na mayaman ito at magaling na abogado ay simple lamang ang buhay nito. Nakikita ko ang pagmamalasakit na ipinapakita nito sa ibang nangangailangan.
Ikinuwento din sa akin ni Joshua ang pagiging mabuting tao ni Attorney Daniel. Ito ang bukod tanging tumulong sa akin para makalaya ako at makamit ang hustisya. Tinalikuran na ako ng aming mga kamag-anak. Kaya wala na kaming mapupuntahan ni Joshua noong nakalaya ako.
Kasalukuyan kaming nakikitira sa bahay ni Attorney Daniel habang naghahanap ako ng trabaho. Gusto kong magsikap at magbagong buhay. Sinubukan kong mamasukan kanina bilang waitress sa isang fastfood chain na nadaanan ko galing sa kompanya nina Ram.
Ngunit nang malaman nila na isa akong ex-convict ay hindi ako tinanggap ng manager at kusa akong umalis upang hindi tuluyang mapahiya. Masakit iyon para sa akin dahil sirang-sira na ang aking pagkatao dahil kay Ram. Sino nga naman ang tatanggap sa isang ex-convict na katulad ko?
Napansin ako ni Attorney Daniel na nasa pintuan. "Bakit hindi ka pumasok? May kailangan ka ba, Penelope?" seryosong tanong nito sa akin. Ibinaba ni Attorney Daniel ang salamin nito sa mata. "Tungkol ba ito sa anak mo? May gusto ka bang malaman sa---"
"Gu-gusto ko lang magpasalamat sa inyo, attorney. At para magkapagpaalam na rin ako. Gusto kong magbagong buhay at itayo ang sarili ko na mag-isa kasama ng kapatid ko. Kailangan kong gawin ang lahat para mapunta sa akin ang custody ng anak ko, attorney. At kung nandito ako sa---"
"Kailangan mo ng pera kung ganoon? Kailangan mo ng bahay. Kailangan mo ng trabaho. Kailangan mo ang lahat ng iyon para ipakita sa korte na may kakayahan ka para kunin ang anak mo sa dati mong asawa. Mayroon ka ba niyon, Penelope?"
Matapang akong tumingin sa kaniya. "O-oo. May pera ako sa bangko. Iyon ang perang ibinigay sa akin ni Ram para pirmahan ko ang annulment papers naming dalawa. Tinanggap ko iyon para sa pag-aaral ng kapatid kong si Joshua dahil ang nasa isip ko noon ay wala na akong pag-asang makalaya," malungkot na pagkukuwento ko. Hindi ko mapigil ang aking emosyon habang nagpapanggap na matapang sa mga mata ni Attorney Daniel.
Nangalumbaba ito at saka tumango. "Gusto kitang tulungan, Penelope. Dahil nakikita ko ang paghihirap mo mula sa walanghiya mong asawa. Ayokong magbitaw ng masakit na salita sa kaniya ngunit hindi ko na mapigilan. Kung gusto mong mabawi ang anak mo, susunod ka sa mga sasabihin ko. Ilalabas natin ang perang sinasabi mo. Gagamitin mo iyon para baguhin ang sarili mo. Ipakita mo sa kanila ang bagong ikaw, ang bagong Penelope na dapat nilang katakutan."
Hindi ako nakaimik sa sinabi ni Daniel. Iniyuko ko ang aking ulo at tumingin sa carpet.
"Penelope, kung nakahanda kang ipaglaban ang karapatan mo sa anak mo kailangan mong gawin ang mga sinabi ko. Ipinaliwanag ko na sa iyo ang prosseso para makuha mo ang anak mo at hindi iyon madali. Handa akong ipaglaban ka sa korte ngunit kailangan mo ring ihanda ang sarili mo. Maraming proseso, isa na roon ang financial status mo. May kakayahan ka ba para palakihin ang bata? May bahay ba na sisilungan? May maayos ba na tirahan? Ilan lamang iyan sa mga itatanong sa iyo." Narinig ko ang pagbuga ng hangin ni Daniel. Narinig ko rin ang paggalaw ng upuan at ang mga yabag nito papalapit sa akin.
"Penelope..." mahinang sabi nito sa pangalan ko bago niya ako hawakan sa balikat. "Kaya mo ito."
Unti-unti kong iniangat ang aking mukha at tumingin ako sa kaniya. Sa tulong ni Daniel ay alam kong magagwa ko ang tama. Kailangan kong patayin si Openg at muling buhayin ang bagong ako.
Niyakap ko si Attorney Daniel. "Salamat sa tulong mo, attorney."
"Wala kang dapat na ipagpasalamat, Penelope," sabi nito sa akin.
Bumitaw ako sa pagkakayakap kay Daniel. At pinahid ang aking luha sa mga mata.
"Gagawin ko lahat, attorney."
Itinaas nito ang kanan na kamay at saka tumango sa akin. Umalis ako sa opisina ni Attorney Daniel at hinanap ko sa aking gamit ang kopya ng annulment paper namin ni Ram na pinirmahan ko at ang kasunduan sa pera na makukuha ko.
Nang mahanap ko iyon ay umupo ako sa aking kama at tumingin sa sampung milyong piso na nakalagay doon. Gagamitin ko iyon para magbagong buhay. Babaguhin ko ang dating ako, at ipapakita ko sa kanilang lahat ang bagong pagkatao ni Penelope.
Tumingin ako sa fully-length body mirror na nasa loob ng aking kuwarto. "Hindi ka na lalaitin ng iba, Openg. Hindi ka na pagtatawanan ng ibang tao." Muling pumatak ang luha sa aking mga mata habang nagsasalita. "Ito na ang huling beses na makikita ko ang akong sarili na umiiyak."
Bumalik ako sa opisina ni Attorney Daniel para ibigay ang kopya ng annulment papers namin at ang valid contract.
"Ito ba ang nilalaman ng annulment? Ang dahilan na kaya ka niya hihiwalayan dahil wala ka na sa tamang katinuan bilang kaniyang asawa dahil nakagawa ka ng pagpatay. Isang krimen na hindi mo naman talaga ginawa." Umiling-iling si Daniel sa aking harapan. "Ang akala siguro ni Mister Salazar ay wala kang kakayahan. Nagkamali siya na bigyan ka ng malaking pera."
Ang pera rin ni Ram ang gagamitin ko para maghiganti sa mga taong umapi sa akin. Uunahin ko si Donya Margaret. Ipapakita ko sa ang demonyong binuhay nila sa aking pagkatao.
May tinawagan si Attorney Daniel sa telephono at pagkatapos ay tumawa ito at ngumiti sa akin. "Halika na. Kailangan nating makuha ang pera mo."
Sumama ako kay Daniel at buo ang aking loob para maghiganti. Nagtungo kami sa sasakyan nito para pumunta sa bangko. Inilagay ni Ram ang pera sa savings account ko. Kinagat ko ang ibaba kong labi at inilagay ang aking kamay sa ibabaw ng puso ko.
Pagbabayaran ninyong lahat ang ginawa ninyo sa akin.