Kinabukasan ay nagtungo ako sa kumpanya nina Ram. Ito lang ang lugar na alam kong kinaroroonan ni Ram. Pumasok ako sa building kahit na pinagtitinginan ako ng mga tao sa suot kong ripped jeans at white t-shirt.
Alam din siguro nila na ako ang dating asawa ni Ram Salazar na isang ex-convict.
Itinanim ko na sa aking isipan ang sasabihin ng mga tao sa paligid ko. Ang mahalaga ay makausap ko ang dati kong asawa para mabawi ko ang anak ko sa kaniya. Gagawin ko ang lahat para sa anak ko.
Pinapasok ako ni Jewel, ito ang girlfriend ngayon ni Ram. Isang babaeng mukhang mayaman at seksi. Mataray ang paraan ng pagsasalita nito at ang pagkakatingin sa akin. Nakatitiyak ako na alam nito na ako ang dating asawa ni Ram.
"Nasaan si Ram?" seryoso kong tanong dito habang igingala ang mga mata sa paligid.
"May appointment ka ba sa kaniya?" nagtaas ng boses ang babae na nasa harapan ko. "Kung wala kang appointment sa kaniya. Hindi mo siya p'wedeng kausapin na lang basta. Marami siyang mga mee---"
Pinagsalubong ko ang aking mga kilay. "Ikaw ang secretary niya hindi ba? Ikaw ang nakakaalam kung nasaan siya ngayon? At kung ano ang schedule niya! Hindi mo siguro gustong isama kita para sampahan ng kaso? Alam mo ba na galing akong kulungan? P'wede akong bumalik doon kapag hindi mo sasabihin kung nasaan si Ram!" nangigigil na sabi ko sa babae.
Mukhang natakot ko ito at nagmadali sa pagkilos. May tinawagan ito sa telephono at mayamaya ay tumingin sa akin.
"Pumasok ka na," napipilitang sabi nito. "Huwag kang magtatangka na akitin muli ang dati mong asawa. Mahiya ka sa sarili mo, isa kang ex-convict," mapanghusgang sabi nito sa akin.
Tinignan ko siya ng masama. "Ayusin mo ang pananalita mo. Hindi mo magugustuhan ang kayang gawin ng isang ex-convict na katulad ko." Nginisihan ko siya bago pumasok sa office ni Ram.
Bumuga ako nang malalim bago hawakan ang seradura. Namamanhid na ang mga mata ko sa kakaiyak at nangako ako sa aking sarili na hindi na muli pang iiyak. Kailangan kong maging matatag para sa aking anak.
Naabutan ko si Ram na nakaupo sa swivel chair nito at nakatitig sa akin habang papasok sa office nito.
"Gusto kong makita si Rux. Miss na miss ko na ang anak ko. At gusto ko rin siyang mabawi mula sa iyo. Inilayo mo ako sa anak ko nang mahabang panahon, Ram. Limang taon akong nangulila sa anak ko na ipinagkait mo sa akin. Hindi na ako papayag na hindi ko siya makuha mula sa iyo."
Nakita kong umigting ang panga ni Ram habang nakatingin sa mukha ko. "At sa tingin mo ganoon lamang iyon kadali, Openg? Wala kang trabaho? Wala kang tirahan? Saan mo dadalhin ang anak ko? Mag-isip ka nga! Mabuti ang kalagayan ni Rux sa akin."
Masama ko siyang tinignan. "Limang taon, Ram. Limang taon na hindi ko nakita ang anak ko. Wala akong kasalanan, at malinis ang konsesnsya ko. Ipinasa ninyo sa akin ang kasalanan na hindi ko ginawa! Hindi ako nagpunta rito para makipagtalo. Gusto ko lang na makita ang anak ko at para mabawi sa iyo. Nagpunta ako sa mansion, pero hindi ako pinapasok ng mama mo. Kaya nakikiusap ako sa iyo, bilang Nanay ni Rux. Sana hayaan mo naman ako na makasama ko ang anak ko."
"Ibigay mo kay Jewel ang contact number mo. Tatawagan na lang kita kung kailan mo makikita si Rux. Ayokong mabigla ang anak ko kapag nakita ka niya. Hindi madali ang hinihiling mo na ipaubaya ko sa iyo ang anak ko. Isa kang convicted. At---"
"Hindi ako masamang tao, Ram. Alam mo iyan!" Ipinilig ko ang aking ulo at saka tumawa. "Hindi ka nga pala maniniwala sa mga sasabihin ko." Tinignan ko siya ng masama. "Wala akong cellphone... pero p'wede kong ibigay ang number ni Attorney Escuesta para siya na lamang ang tawagan mo. Alam kong galit ka pa rin sa akin... at ganoon din ako sa iyo. Kapag naging maayos na ang lahat babawiin ko ang anak ko, Ram. Tandaan mo iyan. Ako pa rin ang Nanay ni Rux at higit akong may karapatan sa kaniya."
"Close kayo ng attorney mo?" nakangisi nitong tanong sa akin.
Kumunot ang noo ko at buong tapang siyang tinignan. "Siya lang ang taong naniwala sa akin. At wala kang pakialam kung close kami ng attorney ko. Tawagan mo ako, hihintayin ko. At kung hindi mo ako pinagbigyan na makita si Rux. Magkikita tayo sa korte dahil ipinapangako ko, Ram. Babawiin ko sa iyo ang anak ko," buong tatag na sabi ko kahit na pinipigil ko ang aking emosyon.
"Sandali lang, Penelope. Ayoko nang umabot sa korte ang tungkol sa anak natin. P'wede mo siyang bisitahin sa bahay natin, I mean sa bahay ko. Wala siya sa mansion, lumipat na kami ng tirahan mula noong makulong ka. Inaalagaan ni Nanay Hilda si Rux." Ibinaling niya sa ibang direksyon ang kaniyang mga mata. "Alam kong kapag nakita ka ni Rux, makikilala ka pa rin niya bilang Nanay niya. Pinilit kong huwag malaman ni Rux ang nangyari dahil ayokong lumaki si Rux na---"
"Ikaw ang sumira sa buhay ko, Ram. Ikaw at ng pamilya mo ang sumira sa buhay ko. Hindi sana ako makukulong kung hindi ka dumating sa buhay ko. Dapat noon pa lang iniwasan na kita... ngayon nagsisisi ako kung bakit kita minahal, Ram! Kung pinaniwalaan mo lang sana ako hindi nangyari ito. Limang taon akong nakulong sa kasalanan na hindi ko ginawa. Hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa isip mo at hinusgahan mo ako ng ganoon kadali. Nagmakaawa ako sa iyo nang paulit-ulit. Pero anong ginawa mo? Itinuloy mo ang kaso. Nagsisisi ako kung bakit kita minahal. Nagsisisi ako na dumating ka sa buhay ko--- inakala ko magiging masaya pero nagkamali ako." Gumuhit ang lungkot sa mga labi ko bago ko siya muling talikuran.
"Penelope..." mahinang tawag ni Ram sa pangalan ko. Ngunit hindi ko na siya nilingon pa.
Hindi ko nakaya ang sakit na nararamdaman ko kaya tumakbo ako palabas ng opisina nito habang umiiyak. Kailangan kong maging matapang para sa anak ko. Ito na ang huling beses na iiyak ako sa harapan ni Ram. Hindi ko dapat ipinapakita rito na mahina ako. Kailangan kong isantabi ang natitirang pagmamahal sa dati kong asawa.
Tama si Attorney Daniel, kailangan kong patatagin ang aking sarili para sa aking anak kung gusto ko siyang mabawi. Kailangan kong ipakita sa korte na karapat-dapat ako sa custody ng anak ko. Ngunit paano ko iyon gagawin. Walang natira sa akin... maliban na lang sa... maliban na lamang sa mga nakuha ko kay Ram na pera. Natatandaan ko na nagbigay siya ng sampung milyong piso kapalit nang pagpirma ko sa annulment papers naming dalawa.