Hinihintay ko ang araw na ibigay sa akin ng korte ang petisyon para sa anak ko. Sa susunod na buwan ay nakatakda ang muling paghaharap namin ni Ram sa korte. Kukunin ko sa kaniya ang anak ko, matagal na akong nangungulila sa kaniya.
Tanging mga larawan lamang niya ang mayroon ako, mula baby hanggang ngayon na limang taon na siya. Nangilid ang aking luha habang nakatingin sa mga larawan na nagkalat sa ibabaw ng aking kama.
Alas dose na ng hating gabi at hindi ako dalawin ng antok. Ini-off ko ang aking cellphone dahil ayokong tawagan ako ni Daniel. Ayokong pati siya ay madamay lang sa kalungkutan na nararamdaman ko ngayon.
Humiga ako sa kama at inilagay sa aking dibdib ang mga larawan ng aking anak na si Rux.
"Miss na miss na kita, anak. Gusto na kitang mayakap. Konting tiis na lang at magkakasama na tayong muli, anak ko. Sana pagdating ng oras na iyon ay matanggap mo ako bilang mama mo," umiiyak na sabi ko habang nakapikit.
Matagal na panahon kong inasam na makapiling ang anak ko. Tanging sila ni Joshua ang dahilan kung bakit ako malakas ngayon at patuloy na lumalaban. Pinahid ko ang luha sa aking mga mga mata.
Sunod-sunod na katok sa may pinto ang aking narinig. Tumayo ako at inayos ang mga larawan ni Rux bago ko buksan ang pinto ay pinahid ko ang aking mga luha at bumuga nang malalim.
Bumulaga sa akin si Joshua. May hawak itong extrang unan at kumot. Ngumiti sa akin si Joshua at nagkamot ng batok.
"P'wede bang matulog sa kuwarto mo, ate?" mahinang tanong sa akin ni Joshua.
"Oo, naman. Naalala ko noong huling natulog ka sa kuwarto ko, labing apat na taon ka pa lang pero ngayon binata ka na." Humalukipkip ako at sumandal sa nakabukas na pinto. "Bakit mo gustong matulog sa kuwarto ko?"
"Naisip ko lang na kailangan mo ng kasama. Mula kasi noong dumating ka rito sa bahay na binili ni Kuya Daniel hindi na kita nakakausap. Palagi kang busy sa mga pinapagawa sa iyo ni Kuya Daniel. Nakalimutan mo yata na may kapatid kang guwapo na nandito lang sa tabi at nakamasid sa iyo, ate."
Ngumiti ako nang malapad at saka ito tinapik sa balikat. "Sorry na..."
"Miss lang kita, ate. Kaya ako nandito ngayon. Bukas kasi sa bahay ako ni Kuya Daniel, pupunta. Mag-stay ako roon ng limang araw para sa activities namin sa school ni Nathan."
Nagsalubong ang aking mga kilay. "Activities o basketball?"
Mabilis na umiling ang kapatid ko. Binata na siya at malayang gumawa ng mga bagay na gusto niya. At bilang ate nakasuporta lang ako kay Joshua.
"Ate..."
Ngumiti ako kay Joshua na tila napipikon na.
Pinapasok ko sa kuwarto ko ang aking kapatid. Humiga ito sa malaki at malambot kong kama.
"Nasabi sa akin ni Kuya Daniel na makukuha na natin si Rux, ate. Alam mo excited na ako na makasama ang pamangkin ko na iyon. Gagawan ko talaga siya ng basketball court sa may garden tapos ako ang mag-decorate sa kuwarto niya. Ilalagay ko iyong mga luma kong laruan sa kuwarto ni Rux tiyak ako na magugustuhan niya ang mga robot ko noong bata ako," masayang sabi ni Joshua na puno nang pag-asa.
Umupo ako sa gilid ng kama at ngumiti ako kay Joshua. "Tiyak ako na magiging mabait kang tito niya."
"Syempre naman, ate. Nga pala, ate. Gusto ko lang tanungin kung... kung okay ka na. Alam ko na kahit na nakangiti ka sa akin madalas pa rin kitang nahuhuli na umiiyak. Naalala mo pa rin ba si Kuya Ram? Ikakasal na siya kay Miss Jewel next month, ate."
Napahawak ako sa aking puso. "Okay lang ako. Matulog na tayo at huwag na nating pag-aksayahan ng oras ang mga taong iyon." Ginulo ko ang buhok ni Joshua at kinurot ito sa pisngi.
"Ate, naman! Hindi na ako bata!" reklamo sa akin ni Joshua.
Tinawanan ko na lamang ang aking kapatid. Matagal itong nanirahan sa kani-kanino naming kamag-anak. Alam ko na maraming hirap ang dinanas ng aking kapatid bago nito nakilala si Daniel. At malaki ang utang na loob ko kay Daniel dahil kinupkop niya ang aking kapatid at itinuring na pamilya. Hindi katulad ng mga sarili kong kadugo na panay panghuhusga ang ginagawa sa akin.
Patuloy nila akong hinahamak dahil isa akong ex-convict. Isang ex-convict na walang karapatan na mamuhay sa mundong ito.
Ilang sandali pa ay nakatulog na si Joshua. Hinaplos ko ang pisngi ng aking kapatid at hinagkan ito sa noo. Malaki na ito at nagkulang ako bilang ate ni Joshua.
Naalala ko ang aking mga magulang. Alam ko na hindi sila masaya ngayon dahil sa nangyayari sa buhay ko. Kung sana ay nakinig na lamang ako sa nanay ko bago ako nagdesisyon na mapangasawa si Ram.
Nabulag ako nang matinding pagmamahal ko sa kaniya. At ang pagmamahal na iyon ang sumira sa buhay ko.
Tumayo ako at nagtungo sa balcony. Tumingin ako sa langit at sa mga bituwin na kumikislap.
Naniniwala ako na darating ang panahon na lalabas ang totoo. Mananagot ang mga taong gumawa sa akin ng ganito.
Ipinikit ko ang aking mga mata at bigla kong naalala ang nakita ko kanina kina Jewel at Ram.
"Bakit ba ako nasasaktan ng ganito?" sermon ko sa aking sarili habang nakahawak sa tapat ng aking puso.
Ipinapakita sa akin ni Ram kung paano niya hindi nagustuhan ang pagpapakasal ko sa iba. Tila bumabalik ang mga alaala naming dalawa sa tuwing nakikita ko kung paano siya magselos.
"Tama na, Openg. Hindi ka minahal ni Ram. Hindi na siya ang asawa mo... hindi siya ang lalaking pinakasalan mo," sermon ko sa aking sarili.
Nanghihina ang aking mga tuhod. At hindi ko namalayan ang sarili ko na umiiyak habang inaalala ang mga masasayang araw na inakala ko ay magiging masaya ang buhay ko. At hindi ako dadanas ng matinding pagdurusa.
PAGSAPIT ng umaga ay nagising ako na may mga kumpol ng red roses sa aking tabi. Wala na roon si Joshua ngunit may iniwan itong sulat para sa akin.
"Good morning, ate. Flowers for you pero hindi galing sa kin kun'di kay Kuya Daniel. Sorry, ate kung pinakialaman ko ang flowers at nabasa ko na may date kayo mamaya." Napangiti ako sa sulat kamay ni Joshua na may mga emoticon pa.
Inamoy ko ang bulaklak at kinuha ang note na nasa loob nito.
"Flowers for you. Kung hindi ka busy mamaya p'wede ba kitang yayain na manuod ng sine?"
Lumapad ang aking pagkakangiti habang binabasa ang sinabi ni Daniel.
Ini-on ko ang cellphone ko at tatawagan ang number nito. Ngunit nakatanggap ako ng isang voice message mula kay Ram.
"Openg, p'wede ba tayong mag-usap? Hihintayin kita sa café kung saan tayo madalas na mag-date noon."
Kinabog ang aking dibdib sa boses ni Ram. Tumingin ako sa bulaklak na ibinigay sa akin ni Daniel at sa voice message ni Ram.
Bumangon ako sa kama at nagtungo sa banyo para maligo. Itinapat ko ang aking hubad na katawan sa lumalagaslas na tubig. Hindi ko alam kung sino ang dapat kong unahin.
Lumabas ako sa kuwarto ko na nakasuot ng white t-shirt, tattered pants at sneakers.
Inilabas ko ang cellphone ko at saka ngumiti habang tinatawagan ko si Daniel.
"Daniel, nasaan ka na?" tanong ko sa kabilang linya.
"I'm here. Downstairs... and patiently waiting."
Mabilis akong dumungaw sa ibaba ng hagdan at nakita ko si Daniel na naka-casual lamang. T-shirt at pants din katulad ko ang suot niya para tuloy kaming couple.
Nakita ko Aling Miding na todo kung nakangiti sa akin. Naiiling ako na bumaba ng hagdan para puntahan si Daniel. Muling tumunog ang aking cellphone at rumehistro ulit ang numero ni Ram. Ini-off ko ang cellphone ko at ngumiti kay Daniel.
"May sinehan na bang nakabukas ng eight thirty ng umaga?" mapang-asar kong tanong sa binata.
"Mayroon na, Ma'am Penelope." Kumindat sa akin si Manong Duarding.
"Sir Daniel, hindi pa mag-breakfast si Ma'am Penelope, ikaw na ang bahala," dagdag pa ni Aling Miding na tila kinikilig.
Inilahad ni Daniel sa aking harapan ang kaniyang kamay. Tinanggap ko iyon na may ngiti sa aking mga labi.
"Bagay talaga kayo, sir at ma'am," sabi pa ulit ni Manong Duarding.
Umiling-iling si Daniel at pagkatapos ay tumawa nang malakas. "Ganoon ba, manong. Bagay raw tayo, Penelope." Tumingin sa akin si Daniel at saka ako kinindatan.
Masama kong tinignan sina Manong Duarding at Aling Miding. Iniwasan ko ang mga mata ni Daniel na nakatingin sa akin. Ewan ko ba kung bakit ako pinamulaan ng mukha. Nakakahiya tuloy na tumingin sa binata.