Penelope
Habang naglalakad kami ni Daniel patungo sa kotse nitong nasa may garden ay lumingon siy sa akin.
"May problema ka ba? Kanina ko pa napansin na medyo tahimik ka matapos sabihin ni Manong Duarding na bagay tayo." Nagkamot ng ulo si Daniel at saka ngumiti. "Pasensiya ka na kung mapagbiro si Manong Duarding. At sa pagpatol ko sa biro niya."
"Daniel, okay lang iyon sa akin. Hindi ako malungkot dahil doon, may iniisip lang ako. Nag-iwan sa akin ng voice message si Ram."
"Ano ang sinabi niya?" mabilis na tanong nito sa akin.
Bumuga ako nang hangin at sumandal sa hood ng kotse. "Sinabi niya na hihintayin niya ako sa coffee shop kung saan kami madalas na lumabas noo. Gusto raw niya akong makausap."
"Gusto mo bang pumunta roon? Hihintayin na lang kita."
Tumingin ako kay Daniel. Binuksan nito ang pinto ng kotse at saka siya nginitian.
"Okay lang ba? Dumaan na lang muna tayo bago manuod ng sine? Naisip ko kasi baka tungkol sa anak ko ang pag-usapan namin."
"Penelope, wala naman akong karapatan na pigilan ka. Alam mo ang ginagawa mo at ang makakabuti para sa anak mo. Ihahatid na lang muna kita roon, tawagan mo ako kung susunduin na kita. Ayokong malaman ni Ram ang pagpapanggap na ginagawa ninyo ni Angelo kapag nakita niyang magkasama tayong dalawa. Iniisip ko ang makakabuti para sa iyo."
Sobrang bait ni Daniel sa akin. Wala akong naririnig na reklamo sa kaniya. At palagi niyang iniisip ang makakabuti sa akin... sa amin ng anak ko. Gusto niyang mabawi ko si Rux at maging masaya na ako.
"Salamat," nakangiting sabi ko kay Daniel.
Wala na itong naging kibo sa akin habang nagmamaneho ito ng sasakyan. Hanggang sa makarating kami sa coffee shop. Itinigil ni Daniel ang kotse nito at saka tumingin sa akin bago ako bumaba.
"Tawagan mo na lang ako mamaya. Dito lang ako sa labas... maghihintay."
Nakangiti sa akin si Daniel pero hindi iyon umaabot sa mga mata niya.
Tumango ako kay Daniel at binuksan ang pinto ng kotse nito. Bumuga ako nang hangin bago pumasok sa Heart Café. Ang paboritong tambayan namin ni Ram noon. Maraming alaala ang coffee shop na ito sa akin dahil dito ako nagtrabaho noon at dito ko rin sinagot si Ram.
Nakita ko siya na nakaupo sa upuan at nakaharap dito ang isang tasa ng kape. Tumayo siya habang naglalakad ako palapit dito. Nang makalapit ako ay tumayo si Ram para ipaghila ako ng upuan.
"Kaya ko," malamig na sabi ko kay Ram.
Tumigil siya at bumalik sa kaniyang upuan. "Akala ko hindi ka na pupunta."
"Pumunta ako hindi para sa iyo, Ram. Hindi ko aaksayahin ang oras ko para lang kausapin ka. Hanggang ngayon ipinagdadamot pa rin sa akin ang anak ko. Hanggang kailan mo ako papahirapan ng ganito?"
"Openg..."
"Sagutin mo ako, Ram!"
Tumingin ang mga tao sa paligid namin ni Ram. Napalakas ang boses ko habang kausap ito.
"Ayusin natin ang relasyon nating dalawa, Openg. Hindi na natin kailangan na umabot pa sa korte. Kawawa si Rux, maiipit ang anak natin."
Ngumisi ako at mapaklang tumawa. "Naisip mo ba iyan noong ipakulong mo ako at ilayo sa sarili kong anak? Ikakasal ka na kay Jewel hindi ba? Bakit bigla mo na lang sasabihin ngayon na ayusin ang relasyon nating dalawa?"
"Hindi ko mahal si Jewel. Ikaw pa rin ang mahal ko at alam kong ako pa rin ang mahal mo. Hiwalayan mo si Angelo at bumalik ka sa akin." Akmang hahawakan ni Ram ang kamay ko na nasa ibabaw ng lamesa pero mabilis ko iyong tinanggal doon at tinawag ang waiter para mag-order ng kape.
"Give her cappuccino," mabilis na sabi ni Ram. Iyon ang paborito kong timpla ng kape pero mula nang mamuhay ako sa loob ng kulungan nasanay na ako sa matapang na kape.
"No. Bigyan mo ako ng black coffee." Ngumiti ako sa waiter at saka ko inirapan si Ram.
"Maraming nagbago, Ram. Hindi ko hihiwalayan ang asawa ko para lamang sumama sa katulad mo. Matagal akong naging tanga dahil sa pagmamahal ko... at kung inaakala mo na mahal pa rin kita pagkatapos ng mga nangyari sa ating dalawa? Nagkakamali ka dahil pinagsisihan ko kung bakit kita pinakasalan, Ram."
Tumingin siya sa akin na malungkot ang mga mata.
"Kahit para kay Rux?"
"Please lang, Ram. Huwag mong idadahilan ang anak natin sa kagaguhan mo. Panindigan mo ang desisyon mo... dahil hindi ako ako ang sumira sa relasyon nating dalawa kun'di ikaw."
Tumigil ako sa pagsasalita nang dumating ang waiter at inilapag sa lamesa ang kape ko. Ngumiti ako sa waiter at kay Ram bago higupin ang mainit at mapait na kape sa tasang hawak ko.
"Penelope..."
Ibinaba ko ang tasa ng kape at kinuha ang wallet sa aking bulsa. Inilagay ko sa ilalim ng tasa ang isang libong piso bago ako tumayo.
Sinenyasan ko ang waiter bago ako tumalikod at tinahak ang daan patungo sa pintuan ng café.
"Hi, Openg," bati sa akin ng dati kong boss. Nakita niya ako kasunod ni Ram. "Sir Ram, kumusta na?"
Half-Pinoy ito na may lahing Chinese. Hindi marahil nito alam na nakulong ako at hiwalay na kami ni Ram.
"Sir Luigi, kumusta ho?" nakangiting bati ko sa matanda at saka nakipagkamay dito.
"Always good... Openg. I'm happy na nakita ko kayo ulit sa coffee shop ko na magkasama. Iba talaga kayong dalawa."
Ngumiti ako kay Sir Luigi. "Masaya rin po ako na makita ko kayo. By the way... hindi na po kami mag-asawa ni Ram. We're seperated five years ago."
Nalungkot ang matanda sa kaniyang narinig mula sa akin. Hindi naman nakaimik si Ram na nasa aking likuran. Nagpaalam na ako sa matanda dahil naghihintay sa akin si Daniel sa labas.
Patungo na ako sa naka-park na kotse ni Daniel nang hilain ni Ram ang kamay ko. Naging dahilan iyon para yakapin niya ako nang mahigpit. Malakas ko siyang itinulak at saka sinampal.
Maraming mga tao ang napalingon sa aming dalawa ni Ram.
"Don't do this! Wala kang karapatan na hawakan ako, Ram. Layuan mo ako... hindi na ako si Openg... hindi na ako ang dati mong asawa na baliw na baliw sa iyo," matigas na sabi ko sa kaniya bago ko siya tinalikuran.
Pinahid ko ang butil-butil na luha na pumatak sa aking mga mata. Tumingin ako kay Daniel na pinapanuod kami ni Ram. Ngumiti ako sa kaniya at ngumiti rin siya sa akin. Iniwan ko si Ram na tinatawag ang pangalan ko habang palayo rito.