Ilang segundo pa akong nanatiling nakatitig sa mukha niyang ni karampot ay parang hindi naman binago ng panahon. Maya-maya pa ay ilang beses na akong napakurap-kurap ngunit kahit na anong gawin ko ay hindi pa rin naglaho ang kanyang imahe sa aking paningin. Siya pa rin ang nakikita ko at naroon. Ang buong akala ko ay guni-guni ko lang ang lahat ng iyon, gawa ng aking malikot na imahinasyon. Iyon ang patunay na siya nga ang aking nakikita at wala ng iba. Masakit nang pumintig ang aking puso nang dahil sa tanawing iyon. Hindi ko inaasahan na ganito ang muli naming pagkikitang dalawa pagkaraan ng ilang taong pananatili niya sa ibang bansa. Masakit man, noon ay umaasa pa rin ako na sa kanyang pagbabalik ay muling magiging okay ang lahat sa aming dalawa. Ngunit ang makita siya sa ganitong sitwasyon, ang lahat ng pag-asang iyon ay nawala at naglahong parang bula. Naka-move on na siya, at may mahal ng iba.
I thought, nasa Guam pa siya?
Dumakong muli ang aking paningin sa babaeng kanyang kaharap. Maganda siya. Sexy sa suot niyang sleeveless dress na may hue ng brown at hapit na hapit sa kanyang katawan. Kumikinang sa saya ang kanyang mga mata habang nakatitig sa mukha ng kaharap niyang binata na minsang naging pag-aari ko. Sa isiping iyon ay bumigat pa ang aking pakiramdam. Higit na nang muli pang ngumiti si Nicko, mga ngiting ang buong akala ko ay sa akin niya lang kayang ibigay noon ngunit nagagawa na niya sa ibang babae ngayon at nasasaktan akong makita ito. Iyon ang naging dahilan upang mas malapad na ngumiti ang babae sa kanya na halatang mahal na mahal siya sa pamamagitan lang ng mga ngiti nito at titig na malagkit. Sinalikop niya gamit ang dalawang palad ang mukha ni Nicko, bagay na ikinadurog pa ng aking puso dito dahil alam ko sa aking sarili na wala na talaga.
Move, Sanna, tumalikod ka na! Huwag mong e-torture ang sarili mo. Lakad na!
Ngunit kahit na anong gawin kong pagtulak sa aking sarili ay hindi ko pa rin magawang ihakbang ang aking mga paa palayo sa lugar na iyon. Namuo pa ang aking mga luha, at kahit na nanlalabo na ang paningin ko doon ay kitang-kita ko kung paano naglapat ang labi nilang dalawa nang bahagyang dumukwang si Nicko palapit sa kanya. Ang labi nitong dati ay sa akin lamang. Hindi ko na maipaliwanag pa kung ano ang pakiramdam na lumulukob sa aking buong katawan ng mga sandaling iyon. Tumagal iyon ng ilang segundo na hindi ko binabawi ang aking paningin sa kabila ng nanlalabo kong paningin sa kanila. Maya-maya pa ay napaatras na ako sapo ang aking bibig upang pigilan na magkaroon ng tunog ang aking mga hikbing hindi ko na mapigilan pa. Hindi ko na kayang pagmasdan ang aking nakikita dahil pakiramdam ko ay makailang beses akong sinapak doon. Sa tanawing iyon ay para akong pinagtaksilan kahit na alam ko naman sa sariling wala na. Wala na kaming pakialam sa bawat isa. Wala na kaming pananagutan. Matagal na panahon na naming pinutol ang lahat ng koneksyong nagdudugtong.
“Miss, are you okay?”
Hindi ko nilingon kung sino ang nagsalita buhat sa aking likuran. Wala na akong panahon na gawin ang bagay na iyon. Walang pag-aalinlangang pinalis ko ang luha na hindi naman lahat ay nakuha. At may natira pa rin sa aking mga mata.
“I am s-sorry...” taas ko na ng aking isang kamay nang maalalang mabangga ko ang kung sinuman sa aking ginawang pag-atras ng ilang hakbang. Hindi ko pa rin ito nilingon na ang mga mata ay nagawa ng ilihis ang tingin sa kanilang lamesa pansamantalaga. Kailangan ko ng makaalis dito bago pa man ako umatungal ng iyak nang dahil sa ginawa ni Nicko. “S-Sorry...” ulit kong malalaki na ang mga hakbang na nilisan ang lugar na iyon. Walang dereksyon ang aking mga hakbang.
Tuliro, hindi ko na alam ang gagawin ng mga sandaling iyon. Ang tanging nais ko na lang ay ang makalayo na doon. Para na akong sinasakal ng aking sariling mga luha. Oo, wala na kami pero hindi ko naman suka't akalaing magkikita ng ganito. At kahit na taon na ang nakakaraan, masakit pa rin pa lang makita ang taong dati mong minahal na may bagong babae ng minamahal. At ngayon ang patunay nito.
Maghunos-dili ka nga, Rosanna, kumalma ka! Pigilan mo ang pumalahaw!
Pagdating ng sasakyan ay naabutan ko na ganun na lang ang kahol ni Pochi lalo na nang magtama ang mga mata naming dalawa. Lumulundag pa ito na animo ay nagpapakarga sa akin at upang ipakita na masaya siya sa aking pagbalik. Gusto niyang pumunta sa akin pero hindi siya makawala sa seatbelt niyang suot. At nang dahil doon ay mas lalo pa akong naiyak. Bakit? Si Pochi ay galing sa kanya, siya ang nagbigay nito sa akin. At ang makita na may ibang babae na siya ay napakasakit.
“Bakit ganun? Bakit ngayon pa? Bakit hindi na lang sa ibang araw?”
Isinubsob ko ang aking mukha sa manibela at doon ako mas umiyak. Hinayaan kong mahulog doon ang aking mga luha. Ang tunog ng iyak ko ngayon ay kagaya noong una naming break up. Masakit ang tunog at punong-puno iyon ng hirap.
Nakalimutan ko na iyon eh, pero heto na naman at bumabalik sa akin ang lahat ng sakit. Akala ko pa naman ay tapos na. Nakalimutan ko na ang lahat. Tanggap ko nang hindi na maibabalik ang dati. Subalit, nagbabalat-kayo lang pala ako dito. Nagpapanggap na maayos na ang lahat. Pinapaniwala ang sarilinbg okay na lahat. Ngunit bakit ganito? Narito pa rin ang sakit na parang hindi man lang nabawasan.
“Okay na ako eh, pero bakit kailangang ipakita pa sa akin ang tagpong iyon? P-Para saan pa? Ganun ba ako kasama para masaksihan ko pa ang bagay na iyon?”
I never thought na makikita mismo ng mga mata ko na muli siyang iibig sa babaeng hindi na ako at alam kong mas deserve niyang mahalin. Ngunit naglalaban doon ang aking isipan. Deserve niya nga ba o mas deserve ko pa rin? Nangako siya noon sa akin eh, at umasa naman ako. Nangako siyang babalik sa aking piling, kapag okay na ang lahat at marami na siyang oras. Noong unang naghiwalay kami ay hindi namin natiis ang bawat isa. Muli kaming nagbalikan ngunit nang maulit ito ay alam ko sa sariling pangmatagalan na itong hiwalayan.
“Why Nicko? We can still fight, wala naman tayong ibang problema hindi ba?” turan ko na pilit pinapatatag ang sarili sa kanyang harapan, heto na naman ako at nasasaktan. Hindi ko alam kung ano ang kulang at pagkakamali ko para muli na naman niyang hamunin ng hiwalayan kahit na maganda naman ang takbo ng aming relasyong dalawa. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam niya ay kailangan naming maghiwalay ng dereksyon at iyon ang tanging paraan upang maging masaya. “You see, hindi natin kayang maghiwalay na kagaya noong una nating sinubukan nating gawin. Tayo pa rin ang mahihirapan sa ating magiging desisyon. Kaya bakit humihingi ka na naman ng space sa akin? Masyado ba akong naging mahigpit? Hindi naman ‘di ba? Hindi rin ako demanding na girlfriend. Hinahayaan lang kita sa gusto mo. Kaya bakit nasa punto na naman tayong ganito? Bakit gusto mong palayain kita? Bakit humihingi ka ng espasyo? Ipaliwanag mo, Nicko.”
“Sanna, masyado pa tayong bata at—”
“Ang babaw ng rason mo! Noong niligawan mo ako naisip mo bang mga bata pa tayo? Hindi ‘di ba? Bakit ngayon mo sasabihin sa akin iyan?!” hindi ko na napigilan siyang pagtaasan ng tono, okay lang naman sa akin eh, pero sana bigyan niya naman ako ng valid na rason. Hindi iyong kung ano lang ang maisipan niya. “Sana noon mo pa iyan inisip at hindi ngayon kung kailan mahal na mahal na kita. Ano bang pagkakamali ko sa’yo? Kakulangan? Sagutin mo ako, Nicko!”
Noong una ay tinanggap ko na marahil ay mali ko, ngunit nang maging maayos kami nitong muli ay ipinangako ko sa sariling hindi na ako papayag na muli kaming maghiwalay dahil sobrang hirap makipag-deal sa aking emosyon. Hindi ako papayag kahit anuman ang mangyari kapag mauulit na muli ang puntong iyon sa aming relasyon. Kailangan kong tumanggi. Hindi ko na muling pagbibigyan ito dahil labis akong nahirapan kahit na wala pa iyong isang buwan.
“We are both legal Nicko, gusto tayo ng parehong pamilya natin sa bawat isa. Sinusuportahan tayo ng bawat pamilya natin. Bagay na kung tutuusin ay wala naman talagang magiging hadlang pa. Kaya bakit? Matapat na aminin mo sa akin. Hindi naman ako magagalit at kung anong mga bagay ang isusumbat sa’yo. Aminin mo lang sa akin kung bakit mo ginagawa ang mga bagay na ito? Bakit?”
Tinitigan niya lang ako gamit ang kanyang mga matang namumula. Maya-maya pa ay iniiwas na niya iyon sa akin. Noon, ang bilis basahin ng nilalaman ng kanyang isipan ngunit ngayon ay ang hirap na noong gawin. At hindi ko na ito maarok pa. Sinubukan kong kunin ang dalawa niyang palad upang hawakan iyon, ngunit nagulat ako sa kanyang reaction na mabilis niyang hila iyon palayo at itinago sa ilalim ng lamesa. Napakagat na ako ng labi doon. Nasasaktan na dito.
“Let me go, Sanna...please, hayaan mo na muna akong mapag-isa.”
“Bakit? Anong dahilan mo? Masyado ka bang naguguluha? Napre-pressure?”
Hindi siya sumagot doon. Nanatiling tikom ang kanyang bibig doon. Tahimik na akong umiyak, hindi alintana ang mga kasamang costumer doon. Hindi ako makapaniwala na darating sa puntong ganito ang aming relasyong dalawa na ang buong akala ko ay napakatatag at kahit anumang unos ay hindi matitibag.
“Please Sanna, let me go...hayaan mo muna akong mapag-isa. Hayaan mo muna akong maramdaman ang pagiging binata. Palayain mo na muna ako ngayon.” saad niyang ginagap ang aking isang kamay, punong-puno na siya ng pakiusap.
Kahit na anong tanggi ko ay wala akong nagawa. Nagbreak kami kahit na labag iyon sa aking kalooban. Pinagbigyan ko siya. Hinayaan kong balewalain niya ang desisyon kong huwag ditong pumayag. Sa bandang huli ay nagtagumpay pa rin siya.
“Pangako, babalikan kita oras na marami na akong panahon. Alagaan mo sana ang sarili mo. Palagi mong tatandaan na mahal kita, at humingi lang ako ng space. Babalikan kita, Rosanna...”
Lumakas pa doon ang aking pag-iyak. Ang hiwalayan naming iyon ay nagtuloy-tuloy, hanggang sa isang araw ay nalaman ko na lang na aalis na siya ng bansa nang hindi ko alam. Aalis siya ng bansa na hindi niya sinasabi sa akin kung hindi pa dahil sa kapatid niya.
“Sigurado ka diyan, Zyvan? Aalis ang Kuya Nicko mo ng bansa?”
Halata sa tono ng aking tinig na gulat na gulat sa nalaman. Sino bang hindi? Bukod sa hindi niya ako pinapansin kapag nagre-reach out sa kanya ay ni isa sa mga chat ko at message ay hindi niya naman binabasa o kahit ang e-seen lang iyon. Halatang hindi na siya interesado. Tiniis ko iyon, hinayaang lumipas na lang dahil ang buong akala ko ay magiging maayos pa kaming dalawa.
“Oo Ate Sanna, hindi ba sinabi sa’yo ni Kuya?" puno na rin ng pagtatakang tanong niya, "Wait! Surprise niya ba ito sa’yo?”
Natutop niya na doon ang bibig sa pag-aakalang nais ni Nicko na i-surprise ako ngunit iba ang hatid at ibayong sakit noon sa akin.
“Hala! Bakit ko sinabi sa’yo? Baka surprise nga ito ni Kuya Nicko!”
Naghiwalay kaming dalawa na hindi alam ng mga parents namin. At maging ng nag-iisa niyang kapatid na babae na napalapit na sa akin. Sa puntong iyon ay nais ko ng sabihin dito na hiwalay na kami mabuti na lang at napigilan ko iyon. Pinigilan ko ang aking sarili dahil baka magbigay lang iyon ng matinding gulo at saka baka mamaya ay ikasama pa ni Nicko. Syempre sasabihin kong siya ang may gusto at hindi ako, magagalit ang pamilya ko sa kanya na ayaw ko namang mangyari. Ayoko siyang maging masama dito.
“Kailan ang alis niya?” katanungang halos hindi na lumabas sa aking lalamunan dahil sa nauunahan na ako ng sakit noon.
“Bukas ng hapon.”
“Saang bansa ba ang punta niya?”
“Guam.”
Kinagabihan ay sinubukan ko siyang tawagan ngunit hindi ko alam kung bakit pinapatay niya ang aking tawag. Muli ko na naman iyong ikinaiyak. Habang wala siyang oras sa akin ay hindi ko inisip na hiwalay na kami. Nagpapahinga lang siya at humahanap ng tamang oras upang muling magbalik sa aking piling. Iyon lang ang aking paulit-ulit na ipinapasok sa aking isipan. Cool off lang kami ni Nicko, humingi lang siya ng space at hindi talaga kami naghiwalay nito. Nang sumapit ang umaga at wala pa rin siyang paramdam ay ako na ang gumawa ng paraan. Tinawagan ko si Zyvan at tinanong kung anong oras ang alis ni Nicko dahil paniguradong ihahatid nila ito sa airport. Ako na ang mag-adjust. Ako na ang gagawa ng paraan para makita ko siyang umalis.
“Daanan ka na lang namin, Ate Sanna.”
Ganun na lang ang gulat ni Nicko nang makita niya akong lumulan ng sasakyan na maghahatid sa kanya patungong airport. Alam kong hindi niya ito inaasahan. Pilit akong malawak na ngumiti na parang okay lang sa akin ang lahat ng iyon. Magpanggap na ayos lang ang lahat kahit na makikita sa aking mukha kung gaano ako ngayon nasasaktan. Hindi ko iyon ipinakita at pilit itinago.
“Hi, Sanna,. long time no see ah?”
“Hello po Tita Suzy, Tito Vandrou!” masiglang pagbati ko nang makita sila sa unahan ng sasakyan, nagawa ko pang magmano sa kanilang dalawa na ikinangiti lang nila, napakabuti ng kanyang pamilya kung kaya naman ang hirap magsalita laban sa anak nila.
“Kumusta ka na, hija?” si Tita Suzy, ang ina ni Nicko na malawak pa 'ring nakangiti sa akin.
“Ayos lang naman po, busy po ako sa nalalapit na board exam.”
“Kaya mo iyan hija, para sa hinaharap niyong dalawa ni Nicko.”
Makahulugan na kaming nagkatinginan doon ni Nicko. Humihingi ng paliwanag ang kanyang mga mata sa paraan ng paninitig niya sa aking mukha na parang may sinusuri siya doon at hinahanap. Maya-maya pa ay nauna siyang magbawi ng tingin sa akin. Alam ko na nais niyang ipaliwanag ko kung bakit ako naroon. Pero syempre, hindi niya tahasang magawang isatinig iyon sa harap nila.
“Salamat po, Tita Suzy...”
Naging tahimik kami buong biyahe, tanging silang mag-asawa lang ang nagsasalita doon ng mga ibinibilin nila sa kanyang anak na hindi ko alam kung kailan babalik. Gusto ko sanang gagapin ang kanyang mga palad ngunit hindi ko iyon magawa. Nahihiya ako at the same time ay natatakot dahil baka hawiin lang niya iyon na tiyak ikakasakit ng aking damdamin. Pilit at maliit na akong ngumiti sa kanya ngunit wala akong reaction na nakuha mula sa kanyang blangko lang na nakatingin sa aking mukha. Wala na doon ang kanyang dati-rati ay paghanga sa akin tuwing tititig siya sa aking mukha. Sa loob lamang ng isang iglap ay tuluyan na iyong naglaho na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ang naging dahilan. Alam ko na wala naman akong pagkukulang.
“Mag-iingat ka palagi doon, Nicko.” sambit kong sinubukan kung magagalit ba siya dahil narito ako, bagay na siguradong hindi niya inaasahang mangyayari, "Palagi mo akong tatawagan. Don't worry, palagi naman akong may oras para sagutin iyon."
“Anong ginagawa mo dito?” bulong lang iyon ngunit ang dulot na sakit noon sa aking bawat himaymay ay sagad sa aking kalamnan at buto, ang harsh niya ha? Ano niya ba ako? Parang wala kaming pinagsamahang dalawa kung makapagtanong siya sa akin. At dito napagtanto kong wala na, hindi na siya masaya tuwing nakikita niya ako. “Sagutin mo ako, Sanna. Bakit ka naririto at anong ginagawa mo dito? Sino ang nagsabing pwede kang sumama sa airport at maghatid?” hilig niya pa at simpleng turan doon.