Chapter 8

2801 Words
Patuloy akong humikbi hanggang sa makauwi ako ng apartment. Hindi ko alam kung paano ko nagawang magmaneho nang hindi naaaksidente nang dahil sa aking bumabahang mga luha. Masamang-masama ang loob ko. Ilang beses pa akong naubo habang binubuksan ang pintuan ng aking apartment. Bitbit ko si Pochi sa aking kaliwang braso na nagbigay ng mga munting ingit. Marahil ay nang dahil iyon sa aking mahinang mga hikbi na muli na naman niyang nasaksihan dito. Ibinaba ko siya sa sahig nang mabuksan ko iyon, matapos na bigyan ng pagkain ay tinalikuran ko na siya at nagtungo na ako sa aking silid. Nanlulumo akong nahiga sa kama, panaka-naka pa rin ang mga hikbi. Sa mga sandaling ito ay hindi pa rin ako makapaniwalang nakita ko iyon na parang bangungot, masamang panaginip. “Akala ko ba babalikan mo ako? Pero bakit ganun Nicko? Bakit may iba ka na?” tanong kong niyakap na ang aking kumot, maya-maya pa ay walang pag-aatubili na akong umatungal doon ng iyak. Iyak na nagpatakbo papasok kay Pochi ng silid. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na umiyak doon. Hindi ko magawang pigilan na rumagasa ang aking mga luha pababa lalo na nang magpayakap sa akin si Pochi na palagi niyang ginagawa kapag nakikita niya akong umiiyak noon. Isa siya sa mga naging saksi sa matagal na paghihirap ng kalooban ko nang dahil kay Nicko. “Bakit kahit na patuloy na nasasaktan mo ako ay kumakapit pa rin ako sa’yo? Hindi ko matanggap na pagkatapos ng lahat ay sa ganito lang pala tayo aabot.” Tandang-tanda ko pa kung paano kami naging close na dalawa ni Nicko kung kaya naman ay naniwala akong kami na talaga hanggang sa dulo. Kaming dalawa na ang magsasama hanggang sa aming pagtanda maging sa hirap at saka ginhawa. “Bakit narito ka pa rin? Hindi ka ba umuwi sa inyo? Hindi ka pumasok. Anong problema mo Nickolai?” sunod-sunod na tanong ko habang matamang nakatayo sa kanyang harapan ng hapong iyon, tapos na ang aming klase at hindi ko alam kung bakit dinala ako ng aking mga paa doon para tingnan sila. Naroon pa rin ang tuta na kanyang kasama na halatang kahit gutom na ay hindi siya nito magawang iwanan. Nag-angat siya sa akin ng paningin gamit ang mga mata niyang namumula at maga, at halata ‘ring hindi sapat ang tulog nitong nakuha. “Hindi ka pa hahanapin ng parents mo? Baka nag-aalala na iyon sila sa’yo.” Hindi siya sumagot na may namumutla at nanunuyo ng labi doon. Binawi niya ang tingin sa akin at ibinaling na sa kanyang hawak na tuta na panay ang ingit dito. “Lumayas ka ba sa inyo? Umuwi ka na. Sigurado akong nag-aalala na ang mga iyon sa’yo. Baka nga mamaya, hindi na sila makatulog dahil inaalala ka nila. Gusto mo bang samahan kitang umuwi sa inyo? Ihahatid ko kayong dalawa.” Ganun na lang ang ginawa niyang pag-iling pero hindi naman siya nagsalita. Tinitigan ko siyang mabuti. Mangilan-ngilan na lang ang mga taong naroroon. Karamihan sa kanila ay pamilya, inuubos ang nalalabing oras sa araw na iyon. “Nickolai, alam kong wala ako sa posisyon para makialam sa problema mo pero ang isipin mo na lang ay ang pag-aalala nila sa’yo. Baka nga ini-report ka na nila sa pulis na nawawala. Ano bang nangyari ha?” naupo na ako sa bungad ng slide na naging dahilan upang bahagya siyang umusod, malaki ang space na iyon at kasya kaming dalawa. “Willing akong makinig sa’yo, treat me as a wall. Pwede mong sabihin sa akin ang lahat. At hindi ako magre-react ng kahit na ano dito.” Kumibot-kibot ang kanyang bibig at tinitigan niya akong mabuti sa aking mga mata. Hindi ko iyon binawi. Hinintay ko na magsalita siya ng dahilan niya dito. Subalit, ilang minuto na ang lumilipas ay hindi pa rin ito nagsalita at sumagot. “Ayaw mo pa rin bang sabihin sa akin? Paano kita matutulungan niyan?” Nanatili ang kanyang mga mata sa aking mukha na parang may binabasa siya dito. Alam kong baka confidential iyon, pero nakakapag-alalang naririto lang siya. “Ano? Ayaw mo pa rin?” Ibinuka niya ang kanyang bibig ngunit walang mga salitang lumabas mula doon. Ilang beses pa siyang napalunok na mukhang kumukuha dito ng lakas. Maya-maya pa ay malalim na akong huminga doon. Tumayo na rin dahil mukhang ayaw pa rin naman niyang sabihin sa akin kung ano ang tunay na dahilan ng paglalayas. Wala naman akong mapapala at naghihintay lang naman sa wala. Tinalikuran ko na siya at umambang iiwanan na nang maramdaman ko ang hawak niya sa likod ng aking suot na bag upang pigilan ang aking pag-alis dito. “Bahala ka nga kung ayaw mo—” “R-Rosanna, help me...” halos bulong lang iyon pero dinig na dinig ko naman ito, “Help me...” muling ulit niya doon na mabilis ikinaharap ko na sa kanyang banda. “Paano?” tanong kong sinalubong na ang kanyang mga mata upang mas maging open pa siya sa akin, “Paano kita tutulungan kung hindi mo sinasabi sa akin ang dahilan? Sabihin mo sa akin para maunawaan ko kung saan ka nanggagaling.” Bumitaw siya ng hawak sa aking sakbat na bag. Ilang minutong natameme. Tila nag-aalinlangan kung marapat bang sabihin sa akin ang rason ng ginawa niya. Nagsimulang humakbang na ako papalayo sa kanya, bahala na nga siya kung ayaw niya talagang sabihin sa akin. Bakit ba ako namro-mroblema tungkol dito? “I have a reason kung bakit ako umalis sa amin,” usal niyang ikinatigil ko sa paghakbang, napalunok na ako ng sariling laway sa pag-asang magiging bukas na siya sa akin at sasabihin na ang dahilan ng paglalayas niya. “And it was confidential.” dagdag nitong huminang muli ang tinig na parang nag-aalinlangan. Hindi ko siya nilingon at tuloy-tuloy na iniwanan na siya doon. Paano ko siya tutulungan kung ayaw niyang sabihin sa akin ang dahilan? Huwag kung ayaw! Bahala na siya sa buhay niya. Bakit ba ako nag-iisip? Ginusto niya naman iyon. Natitigilan akong lumingon sa aking likuran bago pumasok ng aming gate. At halos mamilog na ang aking mga mata nang makitang nasa likuran ko siya, nakasunod bitbit ang dala niyang tuta. Sa kanyang mukh ay halatang gutom na. “Anong ginagawa mo?!” Hindi na ako nag-isip. Nagkukumahog ko ng hinawakan ang kanyang isang braso at hinila papalayo sa aming bahay. Kailangang malaman ko ang dahilan niya para matulungan ko siya. Baka mamaya ay simpleng rason lang naman pala iyon. “Sabihin mo sa akin ang dahilan mo or else, hindi kita tutulungan sa problema mong ito Nickolai!” halukipkip ko na sa kanyang harapan, dinala ko siya ilang dipa ang layo sa aming bahay. Baka mamaya lumabas si Mama at kung ano ang isipin oras na makita niya kami doon, “Ipaintindi mo sa akin ang siyang dahilan mo.” Natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakikinig sa mga hinaing niya. Inamin niya sa akin na hindi naman talaga siya anak ng kanilang ina. Anak siya sa labas ng kanyang ama na third party nila. At kahit na ito ang nasa kanyang birth certificate, hindi niya pa rin matanggap na ganun-ganun na laman ang lahat. Hindi ko alam kung ano ang dapat na maging reaction ko doon, ang buhay niya ay parang sa korean drama lang nag-e-exist. Naiintindihan ko naman siya, pero hindi niya dapat nilayasan sila. Kitang-kita naman din kung paano siya mahalin nito. “Sinubukan mo bang makinig sa mga paliwanag nila? Baka naman may ibang rason kung bakit nila ginawa iyon. Hindi mo na dapat sila hinusgahan kaagad.” umiling ito, halatang sarado pa rin ang kanyang isipan sa mga posibilidad na mga sinasabi ko. “She treat you as her own son, sabi mo hindi ba? Kung nagtatampo ka dahil sa nalaman mo, why don’t you try to listen to them? May paliwanag sila diyan. Ganun naman ang mga magulang hindi ba? At least, she raised you well.” Hindi siya nagsalita. “Okay lang naman kung hindi niya ako anak, pero sana hinayaan na lang nila iyong birth certificate ko at hindi na pinakialaman pa. Maiintindihan ko naman iyon. Hindi eh, pinalitan pa rin nila ang pangalan doon ng patay ko ng ina.” Naiintindihan ko kung saan siya galing at kung sa akin siguro iyon nangyari ay ganundin ang magiging reaction ko. Hindi na ako nag-usisa pa sa kaniya kung ano pa ang ibang detalye noon. Ayokong lumabas na tsismosa at pakialamera dito. “Paano kita matutulungan?” “Hide me.” “Ano?!” “Itago mo ako. Gusto ko lang talagang makapag-isip.” “Pero...” Natagpuan ko na lang ang aking sarili na lihim na siyang tinutulungan doon. Nagawa ko siyang ipuslit ng unang dalawang gabi. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip at pinatulog ko siya sa aking silid na lingid sa kaalaman ni Mama at Ate Doly. Maaga akong gigising upang ihatid siya sa park at doon siya tatambay. Magbabaon ako ng pagkain for lunch at ihahatid ko iyon sa kanya na ipinagtataka na ni Mama, lalo na ni Ate Doly. Dati kasi sinabi kong hindi na ako magbabaon dahil dalaga na ako, sinimulan kong gawin noong grade seven ako. “Eh, nagbabaon na ulit sina Alma at Azky.” katwiran ko na ang tinutukoy ay ang mga kaibigan ko simula elementary na kilala ni Mama at Ate Dolly. Ipinagkibit na lang nila ng balikat iyon, paniwalang-paniwala sa akin. “This week lang naman.” “Akala ko ba eh, grown up na kayo? Aba, mukhang na-miss niyong magbaon.” Hindi ako sanay magsinungaling kung kaya naman nakakaramdam ako ng guilt lalo na kapag nakikita ko ang pagod na nakarehistro sa mukha ni Mama kada gabi. Halatang pagod na pagod siya sa maghapong trabaho sa opisina. Hindi ko na lang siya kinukulit dahil alam kong madadagdagan pa iyon ng stress sa akin. “Pasensiya ka na, nakalimutan akong lutuan ng masarap ni Ate Doly.” abot ko kay Nickolai ng aking baunan pagdaan ko sa kanya sa may park, nagawa ko siyang pahiramin ng mga pinaglumaang damit ni Kuya Roelle ng walang kahirap-hirap. “A-Ayos lang, maraming salamat.” Ang usapan namin nito ay babalik na siya sa kanila ng weekend kung kaya naman ay kaunting tiis na lang iyon. Ilang araw na lang din. Ngunit sa nalalabing dalawang gabi bago siya umuwi ay nahirapan na ako dahil sa mga iyak ng tuta. “Sanna, bakit parang may naririnig akong iyak ng aso mula sa kwarto mo?” Halos mapaigtad ako noon sa aking kinatatayuan nang malingunan si Mama. Kumukuha lang ako ng tubig upang dalhin sa aking silid. Hindi ko alam na hindi pa siya natutulog ng mga sandaling iyon. Kaagad na akong namutla. Huli na ba ako? “M-Mama, ikaw pala.” Mapanuri niya akong tinitigan sa aking mga mata na naging malikot na doon. “Umamin ka sa akin, nag-ampon ka ng aso nang hindi ko alam?” Halos mahigit ko na ang aking hininga doon. Ano na lang ang sasabihin nito kapag nalaman niyang nagpapatulog ako ng lalake sa aking silid? Tiyak na iba ang kanyang iisipin doon. At saka ang malala pa ay baka isipin niyang boyfriend ko ito! Hindi ito pwede. Hindi niya pwedeng makita rin si Nickolai sa kwarto ko! “Mama...” “Ano? Nag-alaga ka ng aso nang hindi ko alam at itinatago mo sa silid mo?” Mariin kong kinagat ang aking labi. Kulang na lang din ay maging kasingputi ng papel ang aking mukha sa labis na pag-aalala na baka mahuli na ako nito ngayon! “Ilang beses na nating pinag-usapan na bawal kang mag-alaga ng aso dahil sa kakalat na balahibo nito? At saka nakakalimutan mo na bang may hika ka?” “Pero, Mama hindi naman na ako sinusumpong ng hika—” “Oh? Eh, ‘di inamin mo nga sa aking may alaga kang aso?!” tumaas ang tinig nito na ikinapitlag ko, kabadong-kabado na ako doon. Baka mamaya sumugod siya sa aking kwarto, tiyak na wala na kaming takas ni Nickolai! “Anong klasrng aso?” Kulang na lang ay lumipad ako sa likod ni Mama nang humakbang na ito patungo ng aking silid. Hindi ko alam kung maiihi o matatae ako sa pag-aalala na doon. “Mama!” “Ano?” Ilang hakbang na lang at nasa harapan na kami ng aking silid. Hindi ko alam kung tapos ng maligo si Nickolai, kapag nagkataon ay makikita siya ni Mama doon! “Tigilan mo ako Rosanna ha? Pinapairal mo na naman siyang katigasan ng ulo!” turo niya sa akin na halatang naiinis na sa tempo ng kanyang tono, “Sasabihin ko ito sa Kuya Roelle mo. Hindi ka na sumasangguni sa akin bago magdesisyon!” “Eh, kasi po Mama—” “Kaso ano? Gusto mo ng aso? Sinabi na ngang hindi pwede!” Sa puntong iyon ay nasa harapan na kami ng pintuan ng aking silid. Kapag itinulak na ni Mama ang pintuan, hindi ko alam ang mangyayari sa akin. Baka humandusay na ako sa sahig at magpanggap na nahimatay para lang hindi siya makapasok doon. Pero wrong move on, paano kung si Ate Doly ang makakita? Paniguradong isusumbong niya pa rin ako. Nangangatog na ang aking tuhod. Ito na lang ang last reason na naisip ko na baka gumana, baka lang naman iyon. “Mama, eh, kasi b-birthday gift sa akin iyon ang pangit naman kung tatanggihan ko.” pinilit kong maging tunog malungkot iyon, sa sobrang busy niya sa trabaho ay nakalimutan niyang birthday ko ng araw na iyon. Sa totoo lang ay nakalimutan ko na rin naman iyon, ngayon ko lang naisip bilang aking alibi. “Binigay sa akin.” Natutop na niya ang bibig doon na halatang naalala kung anong petsa ng araw na iyon. Sana naman ay maniwala siya sa akin at sana marinig ako ni Nickolai mula dito sa labas bago pa man mabuksan ang pintuan ng aking silid para naman makapagtago siya kahit sa ilalim ng aking kama o sa loob ng cabinet kahit sikip. “Birthday gift po sa akin ng kaklase ko—” Hindi ko na nagawa pang tapusin iyon dahil bigla na lang niya akong niyakap nang mahigpit. Sa puntong ito ay alam kong naalala na niya na kaarawan ko. “Sorry Sanna, nakalimutan ni Mama na birthday mo.” Bahagyang gumaan ang aking pakiramdam doon ngunit hindi lubos. Binuksan pa rin niya ang pintuan ng aking silid upang salubungin lang siya ng tuta na nakahiga sa pinaghubarang damit ni Nickolai na damit ng aking kapatid. Kunot ang noong nilingon ako doon ni Mama, nagtatanong na ang mga mata. Pigil ang hiningang nag-angat ako sa kanya ng tingin. Hindi ko alam kung nasaan si Nickolai pero alam kong tapos na siyang maligo na lalo kong ikina-conscious pa doon. “Rosanna? Ginawa mong higaan ng aso ang damit ng Kuya Roelle mo?!” Pumasok pa si Mama doon upang pulutin ang damit ni Kuya. Mariin ko ng ipinikit ang aking mga mata. Halos takasan na ng ulirat sa mga sandaling iyon dahil maling galaw ni Nicko na nasa likod ng pintuan nagtatago, siguradong makikita siya ni Mama. Nahagip siya ng aking mga mata doon kung kaya humakbang ako patungo doon upang takpan siya kung sakaling lumingon pa doon si Mama. “Eh, kasi Mama—” “Bakit hindi mo damit ang gamitin mo at talagang damit pa ng Kuya mo ha?” pagalit nitong turan na isinampay na sa balikat ang damit na iyon, kumawag-kawag ang buntot ng tuta na makailang beses na sumusulyap kay Nicko sa likod ko. “At saka dapat hindi mo ipinapasok ang aso dito sa kwarto mo. Doon dapat iyan sa labas. At talagang gusto mong atakehin ka na naman ng sakit na hika?” “Hindi na po ako hinihika—” “Ilabas mo iyan, at bukas na bukas ay ipapalinis ko ang silid mo kay Doly!” “Mama, payag ka ng alagaan ko siya?” pinasigla ko ang aking tinig doon. “Alangan namang ipatapon ko iyan o patayin ko eh, sabi mo regalo sa’yo?” pilosopo nitong wika na kulang na lang ay ikutan ako ng kanyang mga mata. “Ilabas mo siya ngayon. Hindi pwedeng matulog siya dito sa iyong silid. Bilis na!” Tumalima ako sa kanyang sinabi. Binuhat ko ang aso at pamartsang sumunod sa kanya na alam kong sasamahan akong dalhin ito sa labas ng aming tahanan. Isinarado ko ang pintuan ng aking silid, doon ay nakahinga na ako ng maluwag. “Mama, hintayin mo ako. Baka pwedeng sa room ko siya matulog tonight?” “Tigilan mo ako Rosanna, ilabas mo ngayon din ang asong iyan kung ayaw mo akong magalit!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD