Prologue
Nakangiti kong itinulak ang salamin ng coffee shop na napag-usapan naming tagpuan ni Zy. Malayo palang ako sa kanyang upuan ay tanaw ko na ang kanyang kumikislap na mga mata sa saya. Hindi pa siya nakuntento at itinaas pa ang kamay at iwinagayway iyon sa banda ko.
“Ate Sanna, dito!”
Itinaas ko ang aking isang kamay at kumaway na rin sa kanya habang humahakbang palapit. She is wearing her usual fitted black dress. Nakapangalumbaba sa lamesa niyang kaharap. Maikli na naman ang kanyang buhok na mayroong manipis na bangs, animo naging kurtina iyon sa kanyang maliit na noo. Sa kanyang harap ay naroon ang paborito niyang baso ng mint at ginger frappe.
Mataman niya akong pinagmasdan habang papalapit sa handa niya. Hindi mawala-wala ang kanyang malapad na ngiti sa kanyang labi.
“How's Pochi?” tanong niya agad sa akin pagkaupong-pagkaupo ko sa kanyang harap.
“He is fine, naiwan sa apartment ko.”
Nakangiti niyang itinulak sa harapan ko ang baso ng mint frappe na nasa harap niya.
“Nag-order na ako ng favorite mo.” aniyang ibinaling ang kanyang paningin sa mukha ko, “Kumusta ka na Ate Sanna? Kailan ba tayo huling nagkita? Mukhang pumayat ka pa ah.”
Wala sa sarili kong hinawakan ang aking mukha na alam kong bahagya ngang pumayat. Malalim akong humugot ng hininga at ngumiti sa kanya, alam na alam ko na ang mga ganito niyang linya tuwing magkikita kaming dalawa.
“Last month lang iyon, hindi pa naglalaon Zy.”
“Pumayat ka Ate Sanna,” ulit niya sa sinabi niya na hindi ko pinansin, binuhat niya ng baso ng frappe. “Kumakain ka ba ng maayos? Baka naman palagi ka na namang nagpupuyat?”
Mapait akong ngumiti, saglit na nagkabikig ang aking lalamunan. Kailangan ko pang umubo-ubo para tuluyan itong mawala.
“Biglang dumami ang mga estudyante ko sa studio, sobrang na e-stress ako sa kanila.”
Malakas siyang humagalpak ng tawa, halos lumabas na ang kanyang gilagid at ngala-ngala. Ilang beses siyang umiling.
“Ikaw kasi Ate Sanna, kina-career mo iyan na dapat sana ay hobby lang nating dalawa.”
Ako naman ang tumawa sa mga sinabi niya.
“Wala eh, ito yata ang kapalaran ko talaga.”
Nagpatuloy kami sa usapan, ultimong pangungumusta sa kanyang mga magulang ay hindi ko nakaligtaan. Bagay na ikinangiti niya.
“Ayos lang si Mommy, ayon stress kay Vz.” tugon niya na ang tinutukoy ang kanilang bunsong kapatid, “Si Daddy naman getting older and older na sa paningin ni Mommy ay hindi.”
“Bakit na e stress si tita Suzy kay Vz?” tanong ko na interesado na sa topic naming dalawa.
“Ewan ko ba napaka-arte, hindi naman babae.”
Malakas akong tumawa, bahagyang naiinggit sa kanya. Ako kasi ang bunso sa amin.
“Mabuti ka nga at may bunsong kapatid,” hinaing ko, “Ako nag-asawa na ang Kuya ko.”
Agad napawi ang kanyang ngiti, seryoso niya akong pinagmasdan. Alam na alam ko na ito.
“Mayroon rin akong Kuya, hindi mo ba siya kukumustahin man lang sa akin?”
Mabilis kong binuhat ang baso ng frappe. Walang imik akong sumipsip sa straw nito. Huminga ako ng malalim sabay lapag ng baso sa aming lamesa. Malawak akong ngumiti.
“Kumusta siya?” tanong ko na parang wala nalang sa akin ang lahat, “Ayos naman ba?”
Sumilay ang nang-aasar na ngiti sa kanyang labi. Saglit na sumandal sa upuan at humalukipkip, hindi pa rin inaalis sa akin ang nang-aasar niyang mga titig na may laman.
“Hindi mo na naman ako sasagutin?” ulit ko nang nanatili siyang tahimik, “Tinanong mo pa ako kung hindi mo rin naman ako sasagutin.”
“Like Pochi, he was fine.” aniyang muling binuhat ang baso ng kanyang frappe, “Sabi sa huling tawag niya kay Daddy uuwi na siya.”
Nagkibit-balikat ako sa sinabi niya at tumitig sa basong aking kaharap. Anong sasabihin ko? Hindi na ko makapaghintay sa pag-uwi niya?
“May boyfriend ka na ba?” usisa niya na naman sa akin, “Alam mo na mayroong nagpapatong.”
“Tigilan mo nga ako Zyvan,” pabirong irap ko sa kanya, “Nang-aasar ka na naman diyan eh.”
Malakas na naman siyang tumawa, tuwang-tuwa na naman sa reaction ko.
“Mayroon akong mga manliligaw,” dugtong ko na nagpatigil sa kanyang pagtawa, “Kaso dahil busy ako kay Pochi, sa trabaho at sa korean drama ay hindi ko na sila maharap pa. Alam mo na mas priority ko ang mga nabanggit ko.”
“Talaga ba?” mapang-uyam na naman niyang tanong, “O mayroon kang hinihintay na balikan ka? Baka naman mahal mo pa siya Ate Sanna.”
Napangiwi ako nang bahagya kong makagat ang pang-ibaba ng aking labi. Pabiro na masama ko siyang sinulyapan bago irapan.
“Tigilan mo na ang pagre-reto mo ng palihim sa aming dalawa ng kapatid mo, matagal na iyong naputol at natapos Zyvan. Kailanman ay hindi na madudugtungan pa ang nakaraan.”
“Malay mo naman Ate Sanna?” positibo na naman niyang tanong, nakatingin sa akin ang maganda niyang mga mata. “Malay niyong dalawa na sa bandang huli pala at sa muli niyong pagkikita ay kayo pa rin ni Kuya?”
“Gagi.” halakhak ko na bahagyang uminit ang mukha sa sinabi niya, naiiling sa mga kalokohan niya. “Puppy love lang namin iyon.”
“Anong puppy love? Nagblu-blush ka na Ate.”
Napuno ng tawanan naming dalawa ang lamesa. Napatingin pa sa amin ang iilan sa mga customer na malapit sa aming banda.
“At dahil kinikilig ka na naman diyan kay Kuya, ito oh lubus-lubusin mo na.” kuha niya ng isang puting paperbag sa ilalim ng lamesa, sa hugis nito ay halatang nasa kalahati ang laman nito. “Nagpadala na naman siya ng package, e napakaraming chocolates kaya bibigyan kita.”
Hindi ko alam kung totoo ang mga sinasabi niya, noong nakaraan kasi narinig ko mula sa mga kaibigan niya na pinagdadamutan sila.
“Isang piraso lang naman Zy, ang damot mo.”
“Oo nga, kahit iyong maliit lang.”
“Hindi pwede, dugo at pawis ang puhunan dito ni Kuya tapos ipapamigay ko lang? No way!”
Ipinilig ko ang aking ulo nang maalala iyon.
“Salamat.” tanggap ko sa paperbag.
Sinubukan ko na siyang tanggihan noon, pero nagsisi lang ako dahil umatungal siya ng iyak. Kahit dalaga na siya ay ang iyakin pa rin, mabait siya at mahal ang mga kapatid. Siguro napalapit na siya sa akin kaya kami ganito ang turingan. Para sa akin ay kapatid ko na rin siya. Nakilala ko siya sa ballet school ko noon, maliit na bata pa at napaka-cute niyang pa. Doon siya nagsimulang bumati sa akin kapag nakikita ako, kahit nasa school pa o sa pamilihan iyan. Hindi namin nalamayan na nakabuo na kami ng relasyon ng magkaibigan na tatagal pala.
“Pasasakitin mo na naman ang ngipin ko, Zy.”
“Anong pasasakitin?” inosenteng tanong niya sa akin, “Hahaplusin niyan ang puso mo Ate.”
“Gagi.” halakhak ko na naman sa kalokohan niya, isa ito sa mga ugali na magkahawig sa kanilang dalawa ng Kuya niya, loko-loko sila. “Baka nabibilaukan na ang Kuya mo niyan.”
Siya naman ang malakas humagalpak ng tawa.