"Be, huwag ka munang lalabas ng classroom mo hangga’t wala pa si Ate, ha."bilin ko sa kapatid nang maihatid ko siya sa loob ng classroom niya. Yumuko pa ako para magpantay ang aming taas. "Makikinig ka kay Ma'am... H’wag kang makikipag-away at h’wag kang makulit habang nagkaklase si Ma'am Grace, okay?!" Nakangiti ako sa kapatid habang sinasabi ang habilin kong iyon.
Inayos ko ang uupuan niya at saka ko kinuha ang bag niya na nasa kaniyang likuran.
"Opo, Ate," tipid na sagot ni Anata.
Pinisil ko ang pisngi niya. “Very good! O, heto na baon mo, Be." Inabot ko sa kaniya ang isang biscuit at tubig na baon niya. "Sige na, aalis na si Ate. ‘Yong bilin ko sa’yo, ha!"
"Ikaw rin po, Ate, makikinig ka po sa teacher mo at saka huwag din po kayong makulit, ha!" inosenteng sabi niya.
Nailing at natawa na lang ako dahil ginaya niya ang sinabi ko. Ibang klase rin naman 'tong kapatid ko, gaya-gaya.
Niyakap ko siya at ginawaran ng halik sa noo bago ako lumapit kay Ma’am Grace na abala na sa pagsusulat sa pisara.
“Ma’am,” tawag ko.
Huminto siya sa pagsusulat at hinarap ako.
“Iiwan ko na po si Anata, Ma’am. Pakibantay nalang po, hangga’t wala pa po ako,” nahihiyang sabi ko sa kanya.
Ngumiti ito. “Sure, no problem, Chin. Sige na’t mahuhuli ka na rin sa klase mo.”
"Salamat po."
Lumabas ako sa silid na iyon at nadaanan ko ang mga nanay ng mga kaklase ng kapatid ko. Nakaupo ang mga ito sa mahabang bangko na gawa sa kahoy. Nahinto ang mga ito sa pag-uusap nang makita nila ako. Lumapit sa akin si Aling Susan.
"Papasok ka na ba, Chin?" tanong ni Aling Susan nang lumapit siya sa akin.
"Opo," sagot ko. "Aling Susan, puwede n’yo po bang matingnan ang kapatid ko habang wala pa po ako?"
"Oo naman! H’wag mo ng alalahanin ang kapatid mo rito, Chin, at kami na ang bahala sa kaniya."
Ngumiti ako sa kaniya. "Maraming salamat po talaga, Aling Susan."
Tinapik niya ang balikat ko. “Okay lang ‘yon, ano ka ba? Maliit na bagay, at saka naaaliw rin naman kami sa kapatid mong iyon.”
“Pagpasensiyahan n’yo na lang po sana si Anata kung makulit po minsan,” nahihiyang wika ko. “Sige po, Aling Susan, at hindi na rin po ako magtatagal.”
Nakangiti ako habang nililisan ko ang lugar na 'yon. Napakabait ng mga taong iyon sa aming dalawa ni Anata at ipinagpapasalamat ko ang bagay na iyon. Panatag ang loob ko kahit wala ako sa tabi ng kapatid ko dahil alam kong may nagbabantay sa kaniya at hindi siya pababayaan.
Naglalakad ako sa gilid ng kalsada, patungo sa eskwelahan ko. Nang mahagip ng paningin ko ang isang matandang babaeng naglalakad din at may bitbit na dalawang tray ng itlog at isang malaking supot. Makikita sa mukha ng matandang iyon ang hirap dahil sa bigat na dinadala niya. Naalala ko tuloy si Nanay Belinda sa kaniya, kung kaya't nilapitan ko at tinulungan siya. Naisip kong maaga pa naman at hindi naman siguro ako male-late.
"La, tulungan ko na po kayo," nakangiting bungad ko sa matandang babae. "Saan ho ba kayo pupunta?"
"Naku! Salamat naman, Be, at kanina pa nangangawit itong mga kamay ko."
"Okay lang po, La. Saan ho ba kayo pupunta?" tanong kong muli sa kaniya.
Kinuha ko sa kamay niya ang lahat ng mga pinamili niya, at iyo'y ibinigay naman niya sa akin.
Ang bigat pala nito!
Sabi ko sa isipan nang maiabot niya iyon sa akin. Mabuti na lang pala at tinulungan ko siya.
"Sa paradahan ng mga tricycle, Be. Diyan lang sa kabilang kanto." Itinuro niya ang kabilang daan.
"Ah, gano'n po ba? Sige ho, ihahatid ko na po kayo."
"Naku, nakakahiya naman pero salamat talaga."
"Ayos lang po."
Bahagyang nauna siyang maglakad at tumawid sa kalsada. Nakasunod naman ako sa kaniyang likuran. Habang tumatawid kami sa kalsada ay biglang napigtas ang supot na hawak ko sa kaliwang kamay. Nagkalat sa lapag ng kalsada ang mga laman niyon. Gumulong ang mga de-latang sardinas at iba pa.
Sh*t! Marley! Bulalas ko dahil sa pagkabigla.
Kung minamalas ka naman talaga, o!
Kaagad kong inilapag ang bitbit kong dalawang tray ng itlog sa gitna ng kalsada kung saan ako nakatayo. At mabilis kong pinulot ang mga nagkalat na iyon sa daan. Mabuti na lang at walang gaanong sasakyang dumaraan ng mga sandaling iyon, dahil hindi iyon ang main road at maaga pa naman. Ang matandang babae naman ay nakita kong lalapit sana sa kinaroroonan ko pero sinenyasan ko siyang h'wag nang lumapit sa akin.
Tiningnan ko ang magkabilang kalsada at wala naman akong nakikitang paparating na sasakyan kung kaya't sandali kong iniwan ang tray ng itlog sa pinagbabaan ko rito kanina.
Mabilis na nilapitan ko ang gumulong na sardinas sa ‘di kalayuan. Nang pulutin ko iyon at mag-angat ng paningin ay nagulat talaga ako nang biglang madaanan ng rumaragasang sasakyan ang mga itlog na iniwan ko roon.
Napanganga ako at nanlaki ang mga mata ko sa pagkabigla at 'di makagalaw sa kinatatayuan habang nakatingin sa mga nabasag na mga itlog na iyon.
Patay!
Dinig ko ang lakas ng kabog ng dibdib ko habang ang paningin ko ay naroon sa mga nabasag na itlog. Wala sa sariling naglakad ako patungo roon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. At kung ano ang mararamdaman ko dahil sa kapabayaan kong iyon. Aminado ako sa sarili na kasalanan ko ang nangyari. Nakasisiguro rin akong babayaran ko ang mga nabasag na itlog, na pagmamay-ari ng matandang babaeng tinulungan ko. Wala pa man ay para na akong maiiyak. Kahit katumbas niyon ay maliit na halaga lamang ngunit wala pa rin akong kakayahang bayaran iyon.
Saan ako kukuha ng pera? Tuluyan nang tumulo ang luha sa mga mata ko nang pumasok iyon sa isip ko.
Pabigat nang pabigat ang bawat paghakbang ko. Hindi ko inalintana ang mga nagdaraang sasakyan, na ngayon ay kasabayan ko na sa gitna ng kalsada. Ang bawat tricycle at kotse na dumaraan doon ay kusang umiiwas sa nilalakaran ko, na tila ba pagmamay-ari ko ang kalsadang iyon. Hindi ko magawang tingnan ang matandang babae, dahil wala akong lakas ng loob upang gawin ang bagay na iyon.
Napalunok ako. Naiisip ko pa lang na pagagalitan niya ako ay sumisikip na ang dibdib ko. Dahil sa bigat na nararamdaman ko ay tila, wala akong marinig na kahit na anong ingay sa aking paligid. Pakiwari ko'y pati pandinig ko ay nabasag na rin. Katulad ng mga kawawang itlog na iyon sa gitna ng kalsada.
Diyos, ko po! Tumulong lang naman po ako, bakit ganito po ang kinahinatnan?
Nanlulumong bulong ng aking isipan.
Tatlong hakbang bago ko marating ang aking pakay. Nang walang anu-ano'y isang malakas na paghatak sa aking braso ang naramdaman ko. Nawalan ako ng balanse. Kasunod no’n ay ang paglapat ng mukha ko sa isang matigas at matipunong dibdib ng isang estranghero. Naramdaman ko ang mainit niyang braso na yumakap sa aking bewang. Nanunuot din sa aking pang-amoy ang bango na nanggagaling sa kaniyang katawan. Napapikit ako, para yata akong inantok sa amoy ng lalaking nakayakap sa akin. At parang nais kong matulog na lang ng mga sandaling iyon habang nakayakap dito.
"Hoy! Magpapakamatay ba kayo?!"
Oh, s**t!
Napukaw ang pagpapantasya kong iyon dahil sa galit na boses at sigaw na narinig ko. Kasabay nang malakas na pagbusina ng sasakyan sa aming harapan. Para akong binuhusan ng malamig na tubig na siyang dahilan upang magising ang diwa ko sa madaliang pagkakaidlip kong 'yon. Sinaway ko ang sarili sa aking kahibangan. Sa kabila ng kinakaharap kong sitwasyon na iyon, ay may gana pa talaga akong mag-isip ng ganun!
My God, Cassie!
Mabilis na kumawala ako sa pagkakayakap mula sa lalaking estrangherong iyon. Tumingala ako at tumingin sa kaniyang mukha. Nakasuot siya ng shades kung kaya’t hindi ko makita ang mga mata niya. Nakayuko siya sa akin, kaya alam kong nakatingin din siya sa akin. Hindi ko alam kung anong iniisip niya. Kahit may takip ang mga mata niya ay mababakas pa rin ang pagiging magandang lalaki niya at hindi kabawasan iyon sa dating niya, bagkus ay nakadagdag pa nga sa appeal niyang iyon ang suot niya.
Isang malakas at mahabang busina pang muli ang narinig ko.
“Tumabi nga kayo sa daan! Kung gusto n’yong magpakamatay, h’wag kayong mangdamay ng ibang tao! Mga Buwisit! Alis!”
Pagkasabi ng lalaking iyon ay agad nitong pinaarangkada nang matulin ang sasakyan nito. Nilipad pa nang bahagya ng hangin ang buhok ko dahil sa bilis ng pagharurot niyon.
Mabilis ang ginawa naming pagkilos ng lalaki upang tumabi sa daan ng kalsada. Inakay niya ‘ko kung nasaan naroroon ang matandang babae na naghihintay sa akin.
Nakayuko lang ako. Nahihiya ako sa mga taong nandoon na nakatingin sa aming direksyon. Para kaming mga artistang nagsu-shoot ng eksena sa gitna ng kalsada, na hindi naman.
“Are you okay, Miss?” tinig ng lalaking umakay sa akin.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at wala sa sariling tumango bilang tugon.
“Diyos ko pong bata ka! Kamuntikan ka nang masagasaan kanina! Bakit ba kasi bumalik ka pa roon, e, mga basag na nga iyon?” may himig pag-aalala sa boses na iyon ng matandang babae.
Napasulyan ako malapit sa paanan ng matandang babae. Nandoon na ang mga pinamili niya, na kanina lang ay bitbit ko pa. Hindi ko namalayan kung sino ang mga nagdala roon at kung paano ito napunta roon.
Namalisbis ang luha ko. “P-Pasensiya na po, La. Hindi ko po talaga sinasadyang mabasag ‘yong mga itlog. Hindi ko po alam kong paano ko po kayo babayaran ngayon dahil wala po akong pera.” Tuluyan na akong napahagulgol at isinubsob ang aking mukha sa dalawang palad ko.
“It’s okay, Miss. Ako na ang magbabayad ng mga nasirang itlog. It’s our fault, by the way,” aniya ng lalaki umakay sa'kin.
Napahinto ako sa pag-iyak at tumingin sa lalaking katabi ko, na nakaawang ang bibig. Hindi ko alam kung seryoso ba siya sa sinabi niyang iyon o hindi.
Totoo? Walang halong biro? ‘Di nga?! Baka-sakali kasing pinalalaruan lang ako ng pandinig ko.
Magsasalita na sana ako nang maunahan akong magsalita ng matandang lalaki na sa tingin ko ay kasing edad ng nanay ko.
“Sir George, kailangan na po nating umalis. Male-late na po kayo,” sabi ng matandang lalaki nang makalapit ito sa gawi naming iyon.
Hindi niya pinansin ang sinabi nito bagkus ay binalingan niya ang matandang babae.
“Lola, I’m so sorry po talaga sa nangyari,” hinging paumanhin niya. “Ito po, tanggapin niyo po sana.” Sabay abot ng pera sa matandang babae. “Hindi na rin po kami magtatagal. Pasensiya na po talaga."
"Okay lang 'yon, Iho. Alam ko namang hindi mo kagustuhan ang nangyari. At ang maganda pa roon, ay hindi mo tinakbuhan ang responsibilidad mo sa nangyaring ito. Mabuting bata ka. Sigurado ako roon, dahil kung ibang tao 'yon ay malamang na kumaripas na iyon nang takbo," nakangiting sagot ng matandang babae.
Sumang-ayon ako sa sinabi niyang iyon. Tama nga naman si Lola.
Kung ibang tao ang gumawa nang gano'ng bagay ay malamang na tumakbo --, natigilan ako. Ang ibig bang sabihin no'n ay ang lalaking kaharap ko ngayon ang dahilan kung bakit nangyari iyon?
Tama ba ang pagkakaintindi ko?
Nakita kong sumilay ang tipid na ngiti sa labing iyon ng lalaking nagngangalang George dahil sa sinabing iyon ni Lola. Pagkatapos ay bumaling siyang muli sa akin. Gusto kong magpasalamat sa kaniyang kabutihan dahil sinalo niya ang dapat na ako ang magbabayad. May kasalanan din naman ako sa nangyari dahil kung hindi ko sana iniwan iyon doon ay hindi sana nagkagano'n . Pero para yatang nalunok ko ang dila ko dahil walang katagang lumabas mula sa bibig ko. Para akong na-pipi at tangang nakamasid lang sa kaniya.
Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto ba ang lumipas sa pagitan naming dalawa. Nagtitigan kami ng lalaking iyon sa isa’t-isa. Ang alam ko lang ay nabaling ang atensyon namin, nang tumikhim ang kasama niyang matandang lalaki— nakakamot sa batok nito at bahagyang nakangiwi.
"Sir," sabi nito, nag-aalinglangan.
Nagpakawala siya nang malalim na hininga. "Sige ho, mauna na po kami," aniya.
Inihatid namin ni Lola ang dalawang lalaki iyon hanggang sa sasakyan nila, na naka-park lang sa 'di kalayuan sa aming kinatatayuan. Habang papalayo sa kinaroroonan namin ni Lola ang sasakyang iyon ay nakangiting kumakaway pa siya doon.
"Be, late ka na yata. Sige na, mauna ka na. At salamat sa paghatid sa akin,” nakangiti siya nang sabihin iyon.
Napakamot ako sa batok at ngumiwi. “Lola, pasensiya na po talaga sa nangyari.”
“Ano ka ba! ‘Di ba nga sabi ko, walang may gusto sa nangyaring iyon. Kaya h’wag mo nang alalahanin pa. At saka, binayaran naman ako ng gwapong binatang iyon, sobra pa nga!” masayang sabi niya.
Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib dahil sa sinabing iyon ni Lola. Akala ko talaga ay magagalit siya sa akin. Mabuti na lang at nagkaroon ako ng tagapagligtas. Guwapo at responsableng tagapagligtas. Nagniningning ang mga mata ko habang inaalala ang kani-kanina lang na nangyari sa pagitan naming dalawa.
Ayie! Kinikilig ako, ah! Crush ko na yata siya!