Chapter 1- Yakap

2417 Words
FRANCINE POV Bahagya akong nagmulat ng aking mga mata nang maramdaman kong may yumakap sa aking bewang. "Nay?" tanong ko, kahit na alam kong siya iyon. "Mmmm," tanging sagot niya. "Bakit po?" nagtatakang tanong ko, at akmang haharap na sana ako sa kanya subalit pinigilan niya ako at lalong humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. Suminghap ako, napakasarap sa pakiramdam ang mainit na yakap na iyon ng aking ina. Ang mainit niyang katawan na dumadampi sa akin ay nagpapagaan ng aking kalooban. Nakakapagtaka lang kasi, dahil ni minsan ay hindi ko naranasang yakapin niya simula nang magkaisip ako. Ang sarap pala sa pakiramdam ng mayakap ng isang ina. Bulong ng aking isipan habang nakapikit ang aking mga mata at ninanamnam ang mga sandaling iyon. "Wala naman, gusto ko lang yakapin ang anak kong nagdadalaga na." Nag-init ang aking mga mata hudyat para kumawala ang mumunting butil ng aking luha. "Nanay," sambit ko, at humarap dito. Yumakap ako nang mahigpit sa kaniya at isinubsob ang mukha ko sa dibdib niya upang hindi niya makita ang pamumula ng mga mata kong iyon. "I love you po, Nanay!" sabi ko sa mahinang boses, habang nag-uumpisa nang mag-unahang tumulo ang mga luha ko. Hindi ko alam kong bakit nagiging emosyonal ako ng mga oras na iyon. Iyon ang mga salitang ngayon ko lang nasabi sa kaniya sa tanang buhay ko. Dahil tulad rin ako ng mga karamihan na hindi naman 'yon mahirap sabihin pero may hiyang mararamdaman sa tuwing sasambitin ang mga katagang iyon. Para sa akin ay hindi simpleng kataga lamang iyon. "Mahal na mahal rin naman kita, Anak." Hinagod niya ang aking kulot na buhok. "Sige na, matulog ka na," aniya, at kinintalan ng halik ang noo ko. Payapa kong ipinikit ang aking mga mata at mahigpit na yumakap sa kaniya habang kinakabisado ng aking pang-amoy ang bango na nagmumula sa kaniyang katawan. "HAYOP kang lalaki ka! Lumayas ka sa pamamahay ko! Layas! Walang silbi! Buwisit!" Nagising ang diwa ko sa maingay na boses na iyon ng aming kapitbahay na si Aling Mae. Nakikipag-away na naman ito asawa nitong batugan na nga, e, may lakas pa ng loob na mambabae. Iminulat ko ang aking mga mata at iniunat ang aking katawan. Humihikab na bumangon ako sa matigas kong higaan na nalalatagan ng banig, kapag kuwa'y dumako ang aking paningin sa nakasabit na lumang relo sa aming dingding. Alas kuwatro y media pa lamang ng umaga pero ang ingay-ingay na ng paligid. Hindi na iyon nakapagtataka dahil isang pader lang naman ang pagitan ng mga bahay roon kung saan kami nakatira. Nang paalisin kami sa squatter na tinutuluyan namin noon sa Quezon upang patayuan iyon ng MRT ay inilipat kami sa isang pabahay rito sa Bulacan. Ibinigay iyon ng gobyerno para sa mga taong mahihirap na tulad namin. Kung dati, tagpi-tagping plywood, yero at sako ang bumubuo sa aming tahanan, ngayon ay l-um-evel-up na ito. Ang aming bahay ngayon ay sementado na at may bintanang jalousie, at bago rin ang bubong niyon. 'Yon nga lang, dikit-dikit kung kaya't madidinig mo ang ingay na ginagawa sa kabilang bahay. Hindi man kalakihan ang bahay na ito, pero nagpapasalamat pa rin kami, dahil kahit papa’no ay may matatawag na rin kaming maayos at sarili naming tirahan. "Gising ka na pala Anak, tumayo ka na riyan at ikaw na muna ang magluto ng agahan natin dahil male-late na ‘ko sa trabaho. Kailangan kong umalis nang maaga ngayon dahil darating ang anak ng amo namin," narinig kong utos ng aking inang si Nanay Belinda na abala sa pagliligpit ng hinigaan niya. "Opo," inaantok pa na tugon ko, pero marahan akong napangiti nang maalala ang nangyari kagabi. Isang kasambahay ang aking ina at dalawang beses lang ang day off niya sa loob ng isang buwan, minsan nga ay wala pa. Ang kinikita niyang walong libong piso ang siyang pinagkakasiya namin sa pang-araw-araw na gastusin namin dito sa loob ng bahay. Kahit hirap man kami sa buhay ay hindi ako nawawalan ng pag-asa na balang araw ay maiaahon ko rin sa kahirapan ang aking pinakamamahal na ina at ang bunso kong kapatid. Speaking of kapatid, napangiti ako habang pinagmamasdan si Anata na mahimbing na nakabaluktot na natutulog sa aking tabi. Ang kapatid kong mukhang anghel tuwing tulog, pero napakakulit tuwing gising. Limang taong gulang na siya, pero kung titingnan mo'y mukhang tatlong taon gulang pa lamang, base na rin sa kapayatan ng katawan na dahilan ng kakulangan sa nutrisyon. Bumangon ang awa sa'king dibdib. Hindi ko maiwasang malungkot sa isiping dumaranas kami ng gano'n katinding kahirapan sa aming mga murang edad. Hirap, na alam kong hindi lang kami ang nakakaranas kundi ng maraming pamilya rin dito sa aming lugar. Hirap, na walang sino man ang magnanais. Napabuntong-hininga ako. Marahan kong hinawi ang nakatabing na buhok sa maliit niyang mukha at bahagya pa 'kong yumukod upang kintalan siya ng halik sa pisngi. Kinuha ko ang kumot na nasa paanan na niya at maingat na ikinumot iyon pabalik muli sa katawan niya. Tinungo ko ang aming munting kusina para magsaing. Pagkatapos kong maisalang iyon ay humingi ako ng pera sa aking ina pambili ng isang latang sardinas. Iyon ang umagahan namin, na hindi ko na yata mabilang sa daliri kung ilang beses na ba naming inulam iyon sa loob ng buwan na ito. Ang lamig ng simoy ng hangin ang unang bumungad sa aking balat nang buksan ko ang pinto. Mabilis na iniyakap ko ang aking dalawang braso sa aking katawan nang maibsan ng kaunti ang lamig na nararamdaman ko. Grrr! Nanginginig na naglalakad ako. Sana pala nagdala ako ng jacket. Naisasip ko iyon habang patungo sa tindahan. Nakasuot kasi ako ng short na lampas tuhod lang at may kanipisan ang suot kong blouse, kung kaya’t dama ko ang lamig ng umagang iyon na nanunuot sa'king balat. "Magandang umaga ho, Auntie Marta!" nakangiting bati ko sa kapit- bahay namin nang madaanan ko siya na abala sa pagwawalis ng kaniyang maliit na bakuran. "Magandang umaga rin naman sayo, Chin!" tugon ng ginang. Huminto siya sa pagwawalis at ngumiti rin sa akin. "Ang aga mo naman yatang nagising? Sa'n ka ba pupunta?" "Oo nga po, e, ang aga po kasi ng misa ni Aling Mae," natatawa kong sagot sa kaniya. Natawa rin siya sa sinabi ko. Alam niya kung ano ang ibig kong sabihin. “Bibili lang po ako ng sardinas sa tindahan." "Ah, gano'n ba? O, sige na," aniya, "at tatapusin ko rin 'tong pagwawalis ko." Nakangiting tumango ako sa kaniya at iniwan siya. Nagpatuloy ako sa paglalakad at tyempong nadaanan ko rin si Justine na kalalabas lang ng bahay nila, dahilan kung bakit napasimangot ako. Isa siya sa mga lalaking nagpapalipad hangin sa akin na hindi ko pinapansin. "Good morning, Chin!" masiglang bati niya kaagad nang makita niya ako. Bumuntot siya sa likuran ko. "Good morning," walang buhay na sagot ko. Nagpatuloy ako sa paglalakad habang siya nama'y nakasunod pa rin sa akin. "Alam mo ba na maganda ka pa sa umaga, Chin?" nakangising sabi niya sa akin. Kusang tuumikwas ang kilay ko dahil sa sinabi niyang iyon. Hay! ‘Eto na naman po kami! Napakamot ako sa kaliwang tainga ko at itinirik ang mga mata. "Matagal na! Bakit? Ngayon mo lang ba napansin?" supladang sagot ko, sabay irap sa kaniya. "Magkakagusto ba naman ako sa’yo, Chin, kung hindi ko alam ang mga bagay na ‘yan?” walang pag-aatubiling tugon niya. “Bakit ba kasi, ayaw mong maniwala sa akin, ha? Kailan mo ba ako sasagutin?" “Tch! Asa ka!” singhal ko. “Puwede ba, lubayan mo nga ako! Ang aga-aga namba-badtrip ka!” Huminto ako at hinarap siya. Nakangiwing napakamot naman siya sa kaniyang batok. "At h'wag mo nga akong sundan, parang kang asong buntot nang buntot!" inis na sabi ko at nakasimangot na naglakad nang mabilis para iwan siya. Nakahinga ako ng maluwag nang makitang hindi na niya ako sinundan pa. Sa tuwing nahahalata niya, na hindi na maganda ang mood ko ay mabilis naman na dumidistansiya siya sa akin. Ewan ko ba naman sa sarili ko, kung bakit naiinis ako sa lalaking 'yon. Hindi ko talaga magawang magustuhan siya, g’wapo naman siya, pero turn off ako sa ugali niya. Tamad kasing mag-aral si Justine at hindi ko nakikita na may tsansa siyang umasenso balang-araw. Ayoko pa naman magkaroon ng nobyo na tamad. Ayokong humanap ng batong ipupukpok ko sa ulo ko. Hay! At saka, wala ngayon ‘yan sa bokabularyo ko dahil wala akong panahon para sa pakikipagrelasyon. Ang prioridad ko ngayon ay ang pag-aaral at kung paano ko maaabot ang mga pangarap ko. Ayoko rin namang matulad sa mga kababaihang ka-edaran ko na maagang nag-aasawa at nagkakaanak. Kaya lalong naghihirap ang bansang ito, e. Palaki nang palaki ang populasyon dahil sa mga kabataang maagang nagsisipag-asawa. At hindi ko nais na dumagdag pa roon. Marami pa akong pangarap sa buhay, kaya nunka na paglaanan ko ng panahon ang mga lalaking walang inisip at ginawa kundi magbilang ng nobya sa daliri at pagkatapos ay iiwan na lang nang bigla pagnagsawa na ito. Dahil sa naisip kong iyon, ay bigla kong naalala ang iresponsable kong ama. Marahas akong nagpakawala ng hininga. Iwinaksi ko ang alaala na unti-unting namumuo sa aking isipan. Ayokong alalahanin pa ang mga masasakit na pinagdaanan namin sa kamay ng sariling kong ama. Matapos makabili ng sardinas sa tindahan ay agad ko iyong iginisa at inihain sa lamesa upang makapag-almusal na ang aking ina. Naligo na ko at nagsuot ng unipormi. Hindi pa rin nagigising ang kapatid ko. Katatapos lang mag-almusal ni Nanay Belinda at naghahanda na sa pag-alis. Kumuha ako ng pinggan at umupo sa silyang inupuan din nito. Nagsisimula na akong mag-almusal nang lumapit siya sa akin. "Chin, ito baon mo." Inabutan ako ng sampung piso ni Nanay Belinda. Umiling ako. "Huwag na po, ‘nay. Hindi naman po ako nagre-recess, e, at saka diet po ako," nakangiting sabi ko at ibinalik sa kaniya ang pera. "Sige na, Anak. Kunin mo na." "Naku 'Nay, h'wag na po!" sabi ko, habang ngumunguya. "Idagdag niyo na lang po ‘yan, pambayad sa kuryente natin. May pera pa naman po ako rito at saka hindi ko pa naman po nagagastos ‘yong pinagbentahan ko ng mga karton at bote kahapon.” Bigla akong napahinto sa pagsubo nang makitang nangingislap ang mga mata niya, kasabay no’n ay ang pagsinghot at pagtalikod niya sa akin. Natigilan ako, alam kong naiiyak siya. Agad akong tumayo at itinapon ang hiya para yakapin siya buhat sa kaniyang likuran. "Nay, bakit po kayo umiiyak?" nag-aalalang tanong ko. "Napakag*go kasi ng tatay niyong 'yon! K-kung hindi lang sana tayo iniwan ng hayop na iyon, hindi sana tayo nahihirapan ngayon. Hindi sana kayo nagtitiis ng kapatid mo," nanginging ang boses na sabi niya, nagbabadya ang pag-iyak. At dama ko rin ang panginginig ng katawan niya. Lumunok ako upang maalis ang nakabara sa'king lalamunan. Pinigil kong magpadala sa emosyon na namumuo sa aking dibdib. Kailangan kong maging matatag ng mga sandaling iyon, alang-alang sa aking inang nakikita kong nanghihina. Alam kong nahihirapan na siya sa pagtatrabaho, pero tinitiis niya ang paghihirap na iyon para buhayin kami at maipagpatuloy namin ang pag-aaral, na magiging daan ko para maiahon ko sila sa kahirapan. "Nay naman, e! Ang aga-aga nag-e-emote. Pasasaan ho ba't makakaahon din tayo," sabi ko na pilit pinasasaya ang boses. "Kaunting tiis na lang po at makakatulong din po ako sa inyo." "Kaya ko naman, e. Kaya ko ang hirap, Anak." Kumawala siya sa pagkakayakap ko sa kaniya. "Pero ang hindi ko kaya, e, 'yong nakikita ko kayong nagtitiis ng kapatid mo. Hindi ko man lang maibigay ang mga bagay na gusto niyo." Iniwas niya ang mukha sa akin para hindi ko makita ang dumaloy na luha sa kaniyang pisngi. Pero huli na, kitang kita ko ang pag-iyak niya na lalong dumagdag sa bigat na nararamdaman ko. "Napakarami kong pagkukulang sa inyong magkapatid." Lumunok akong muli dahil pakiramdam ko'y nadala ako sa huling sinabi niya. "H'wag ninyo na pong isipin 'yon Nay, ang importante po sa akin ay magkakasama tayong tatlo," sabi ko sa mahinang boses. "Hindi naman po mahalaga sa amin ni Anata ang mga materyal na bagay, Nay, kayo po ay sapat na. Hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko, kung pati po kayo ay mawawala rin sa amin. Kaya sana po, alagaan at ingatan ninyo rin po ang sarili ninyo, Nay. H'wag po 'yong, palaging kami nalang ang inaalala ninyo." Ikinurap ko ang mga mata para pigilan ang nagbabadyang mga luha na gusto nang kumawala. Hinawakan niya ang kaliwang pisngi ko at sumilay ang tipid na ngiti sa labi niya. "Salamat sa pag-unawa mo, Chin." May lungkot sa mga matang ngumiti rin ako sa kaniya. "Sige na po Nay. Umalis na po kayo at mag-iingat din po kayo. Ako na ho ang bahala kay Anata.” Matapos ang malungkot naming pag-uusap na iyon ay nagpaalam na rin si Nanay sa akin. Matapos kong kumain ay iniligpit ko ang pinagkainan at lumapit kay Anata. Mahinang tinapik ko ang pisngi niya para gisingin siya, pero ang maldita kong kapatid ay tinalikuran lang ako. Kumunot ang noo ko at tumingin sa orasan, alas sais na, kung hindi pa siya gigising ay male-late na kami. "Be, gising na. Male-late na tayo," utos ko, sa kapatid habang niyuyugyog ang balikat niya. Humihikab na bumangon siya, nakabusangot ang mukha. "’Di ba sabi ko sa'yo kagabi matulog ka nang maaga, ‘yan tuloy inaantok ka pa." Kunwari'y galit na pangaral ko sa kaniya. Bumangon nga siya pero hindi naman kumikilos sa pagkakaupo sa katre, nakatutok lang ang mga mata niya sa pader. Tumayo ako at iniwan ko muna si Anata at pumunta sa banyo. "Maaga naman po akong natulog, Ate," nakangusong sabi niya. "Nakaalis na po ba si Nanay?" "Oo kanina pa," sigaw ko buhat sa loob ng banyo. Inihahanda ko ang pampaligo niya. "Tumayo ka na riyan, Be, at lumapit dito. Papaliguan na kita." Nagmamartsang lumapit siya sa akin. Kamot-kamot pa niya ang kaniyang tainga. Mabilis na pinaliguan ko siya pero bago no’n, ay nag-away muna kaming dalawa dahil nagmamaktol siya. Ayaw niyang paliguan ko siya dahil matanda na raw siya. Natatawa't naiiling nalang ako sa tinuran ng mahal kong kapatid. Eksaktong alas sais y media nang matapos kaming mag-ayos ng sarili namin. Ini-lock ko ang pinto ng bahay namin bago kami umalis. Hindi pa mainit ng mga oras na iyon dahil maaga pa naman, kung kaya’t naglakad lang kaming dalawa papuntang eskwelahan. Araw-araw naming ‘yong ginagawa at hindi siya nagrereklamo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD