Chapter 13

2865 Words
Chapter 12 Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko nang makaharap ko ang bisitang tinutukoy kanina ni Aling Carla. Nakakahiya mang aminin pero nakaramdam ako nang panlulumo na ibang tao ang naratnan ko at hindi ang taong inaakala ko. Magiliw kong pinatuloy sa aming munting tahanan ang ginang na sa tantiya ko ay kasing edad ni Nanay. Ang dalawang lalaking kasama niya ay nagpaiwan na lang sa labas at naroon ngayon sa may lilim ng punong mangga. Si Anata naman ay pinabantayan ko muna sandali kina Aling Mae. Nang makapasok kami sa loob ng bahay namin ay kaagad akong dumiretso sa may lamesa para kumuha ro’n ng isang plastik na silya at saka ko iyon inilapit sa tabi ng ginang. Ngumiti ako sa kaniya para pagaanin ang tensyon sa pagitan naming dalawa. "Maupo po muna kayo, Ma'am," nahihiyang sambit ko habang nakaturo pa ang kanang kamay ko sa silyang katabi niya. "Pagpasensiyahan mo na po itong bahay namin at medyo magulo pa. Hindi pa po kasi ako nakakapaglinis," nakangiwing dagdag ko pa. Nanatili siyang nakatayo habang ako naman ay nakatitig nang mataman sa kaniyang mukha. Hindi ko napigilan ang pagtaas ng kilay ko nang wala man lang siyang naging reaksyon doon sa mga sinabi ko. Napansin ko rin na pasimple niyang inilibot ang kaniyang paningin sa loob ng aming tahanan at huminto iyon sa mga litrato naming mag-iina na nakapatong sa itaas ng divider. Tumaas ang kaniyang kaliwang kilay at kasabay no'n ang pagtatagis ng kaniyang mga bagang. Kumunot ang noo ko dahil sa naging reaksiyon niya nang makita ang litrato namin. Hindi ko mabasa kung ano ang mga iniisip niya pero nakikita ko sa kaniyang mga mata ang kakaibang kislap na pumapaloob roon. Galit at lungkot. Pero bakit? Naitanong ko tuloy sa isip ko. Sa pagkakatanda ko ay ito ang unang pagkakataon na nakita ko ang ginang na ito. "Nasaan ang nanay mo?" kalmadong tanong ng ginang na bahagya ko pang ikinagulat. Napalunok ako at saka nagsalita. Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan sa tono ng kaniyang pananalita. "Ah...n-nasa trabaho pa po si Nanay," tugon ko sa kabadong boses. "M-Mawalang galang na po, Ma'am... Pero matanong ko lang po kung bakit mo nga pala hinahanap ang nanay ko? At saka, sino po ba kayo?" pagkasabi ko no'n ay mabilis kong pinasdahan nang tingin ang kaniyang kabuuan. May kakapalan ang make-up niya sa mukha na lalong nagbigay-buhay sa kagandahan at mala-istriktong taglay ng ginang. Ang suot niyang sheath black dress ay umabot ang haba hanggang sa taas ng kaniyang tuhod dahilan para lumitaw ang makinis at maputi niyang mga binti. Nakaramdam ako ng inggit at wala sa sariling napatingin sa mga binti kong natatakpan ng mahaba kong suot na palda. Maputi naman ako pero mas mas maputi nga lang siya sa akin ng five times. Makinis din naman ang balat ko na kinaiinggitan pa nga ng mga kaklase ko pero nang makita ko ang kaniya ay tila nahiya ako sa balat ko. Bumuntong-hininga ako at saka pinalobo ang bibig ko. Dumako ang paningin ko sa kaniyang sapin sa paa. Ang kaniyang kulay itim na sandalyas ay napaka-eleganteng tingnan. Sa isang tingin mo pa lang ay halatang libo na ang halaga niyon. Sa tantiya ko rin ay may taas iyong two inches. Pero ang nakakaagaw talaga ng pansin ko ay iyong mga maliit na diyamanteng nakatampok doon. Sana all! Kailan kaya makakapagsuot ng ganiyan si Nanay? Bumalik ang tingin ko sa kaniyang mukha na ngayon ay nakatingin na rin pala sa akin. Nakaramdam tuloy ako ng hiya dahil sa ginawa kong pagsuri sa kaniyang kabuuan. "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa at marami na ring oras ang nasayang ko sa paghihintay sa nanay mo," saad niya pagkatapos ay may dinukot siya na kung ano sa kaniyang hawak na kulay itim na purse saka niya iyon ibinigay sa akin. Nagtatakang inabot ko mula sa kaniya ang isang kapirasong papel at tiningnan ko iyon. Namilog ang aking mga mata habang binabasa ko ang mga nakasulat do'n. Nakapaloob sa kontratang ito ang halaga ng pagkakautang ng aking ama na humigit kumulang limang daang libong piso. Nalaglag ang panga ko at nag-umpisang manginig ang mga kamay ko habang ipinagpapatuloy ko ang pagbabasa niyon. At lalong akong nagimbal nang mabasa ko roon na ang bahay na tinitirhan namin ngayon ay nakasangla rin sa babaeng kaharap ko. Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga mata ko, na sinabayan din nang pagbilis ng pagtibok ng puso ko. Hindi ako makapaniwala sa mga nalaman ko ngayon. Bakit naging gano'n kalaki ang pagkakautang ng aking ama? Bakit nagawa nitong isangla ang bahay na pinaghirapang makuha ni Nanay? Anong karapatan nito para gawin iyon? Ang aking ina ang nagpakahirap para magkaroon lamang kami ng sarili naming bahay. Oo nga at ibinigay lang 'yon ng gobyerno pero bago no'n ay dugo, pawis, puyat at pagod ang naging puhunan do'n ni Nanay para makuha iyon. Pagkatapos ngayon, sa isang iglap lamang ay posibleng mawala ang pinaghirapang niyang iyon. What the fudge! It cannot be happen! Hinding-hindi ako makapapayag na mangyari iyon! Suminghot ako para pigilan ang luha na gustong kumawala sa mga mata ko. Wala pa man ay naaawa na 'ko sa aking ina dahil sa ginawa ng wala kong kwentang ama. Lalo lamang nitong dinagdagan ang hinanakit kong iyon para sa kaniya. Nanggigigil na ikinuyom ko ang aking mga kamao. At matapang na tumingin sa mga mata ng babaeng kaharap ko. "Mawalang- galang na po pero hindi ang nanay ko ang dapat mo pong kausapin para sa mga bagay na ito. Wala po siyang alam sa mga nakasulat dito at para po sa kaalaman mo ay matagal nang hindi umuuwi rito ang taong may atraso sa 'yo," lakas loob na sinabi ko sa kaniya. Tiningnan niya ko nang masama. "Legal ang mga nakasulat d'yan, Hija. And whether you like it or not, babayaran n'yo ang pagkakautang na iniwan ng tatay mo at iilitin ko itong bahay n'yo kapag hindi kayo nakapagbayad sa akin sa loob ng limang buwan," mahinahon niyang sinabi. "pasalamat nga kayo, dahil kung tutuusin puwedeng-p'wede ko na itong kunin sa inyo, ora mismo." Umawang ang labi ko pero walang salitang namutawi do'n. Pakiramdam ko ay namamandhid ang buo kong katawan dahil sa ipinahayag niya. Malakas siyang napabuntong-hininga bago siya nagdesisyon na maupo sa silyang ibinigay ko. Pagkatapos ay idinikwatro niya ang kaniyang mga paa at pinagkrus naman ang kaniyang mga kamay. "Negosyante ako, Hija. At lumalaki na ang interes ng utang n'yo. Kaila-" "Wala po kaming utang sa inyo. At kahit ano pa ang sabihin mo hinding-hindi mo makukuha ang bahay naming ito," mariin kong sinabi habang matalim siyang tinignan. Naglaban ang paningin naming dalawa at tila walang balak ni isa sa amin ang gustong magpatalo sa labanang iyon. Isang nakabibinging halakhak ang pinakawalan ng kaharap ko. Kapag kuwan ay isinandal niya ang kaniyang likod sa upuan habang naiiling-iling pa. "Matapang ka at gusto ko 'yang ugali mo, Hija. At saka..." pinasadahan niya ako nang tingin mula ulo hanggang paa, "napakaganda mo rin. Hindi ko inaasahan na may itinatago pa lang magandang anak ang hayop na iyon. Kung gusto mo, p'wede kitang ipagbili sa mga kliyente kong mayayaman, na tiyak akong kikita ka ng malaki at mababayaran mo nang paunti-unti ang pagkakautang sa 'kin ng iyong ama. At ang maganda pa ro'n ay matutulungan mo rin ang nanay mo. Alam ko naman ang sitwasyong kinalalagyan n'yo ngayon, e," may pang-iinsultong sinabi niya. Nanindig ang balahibo ko at nag-init ang ulo ko. Tanga lang ang hindi makakaalam sa kung anong ibig ipahiwatig ng babaeng ito. Ikinuyom ko ang mga kamao ko para pigilan ang sarili kong sugurin siya. Nangangati ang mga kamay ko na hilahin ang kaniyang mahabang buhok na tila bagong rebond pa yata. At pagkatapos no'n ay ilalampaso ko rin ang pagmumukha niya sa marumi naming sahig. Tang ina niya! Ang kapal ng mukha! Kasing kapal ng make-up niya! Anong tingin niya sa akin prostitute! Kahit gumapang pa ako sa lupa ay hinding-hindi ko ibebenta ang katawan ko! Humugot ako ng malalim na hininga at marahang nag-isip hanggang sampu upang pakalmahin ang sarili ko. “Naririnig mo ba ang sarili mo?" aniko nang mahimasmasan. "P'wede ko po kayong isumbong sa mga kapulisan dahil child abuse po 'yang gusto mong ipagawa sa 'kin." Umismid siya kapagdaka'y bigla siyang tumayo at taas noong naglakad papalapit sa akin. Kinakabahang umatras ako dahil isang ruler na lang ang pagitan naming dalawa. Hindi ko inaasahang hahawakan niya ang baba ko at saka niya iyon marahang iniangat dahilan para magtama ang mga mata naming dalawa. Tinitigan niya ako nang masama na ginantihan ko rin naman. "Alam mo ba kung anong ginawa sa 'kin ng tatay mo?" Ramdam na lalong dumiin ang kamay niya sa baba ko at dama ko ang sakit na dulot niyon. "Pinaniwala lang naman ako ng gagong iyon sa matatamis niyang mga salita," aniya na bahagya pang natawa. Natigilan ako at biglang napaisip. Naging magulo ang takbo ng isip ko dahil sa kaniyang mga binitawang kataga. "Binigay ko naman ang lahat sa kaniya para mahalin niya ako. Pero bakit nagawa niya pa rin akong iwan?" bahagyang nangatal ang boses niya habang sinasabi iyon. Napalunok ako dahil kitang kita ko ang sakit at galit na gumuhit sa kaniyang mga mata. At dahil doon ay natuldukan ang hinala kong tama nga ang iniisip ko. Shit! Hindi ko talaga inaasahan ito! Galit na tinabig ko ang kamay niya sa baba ko. "Pakialam ko naman po sa nararamdaman mo? Bakit?" Tumaas ang kaliwang kilay ko saka nagpatuloy. "Inisip mo rin ba ang magiging pakiramdam namin nang pinatulan mo ang tatay ko?” Unti-unting nanumbalik sa ‘king alaala ang mga paghihirap na dinanas namin dahil sa kapabayaan ng walang kuwenta kong ama. “Hindi lang ikaw ang niloko ng lalaking 'yon, dahil pati rin kami, na sarili niyang kadugo ay nagawa niyang iwan.” Napalunok ako dahil tila may bumabara na kung ano sa lalamunan ko na nakadadagdag sa bumibigat kong pakiramdam. “At kung may dapat man na magalit dito, kami 'yon at hindi ikaw!" nanlilisik ang mga matang sigaw ko sa kaniya. Ngayon ko lang napagtagpi-tagpi na ang babaeng kaharap ko ngayon ang isa sa mga dahilan kung bakit nagawa kaming iwan ng sarili kong ama at siyang dahilan ng paghihirap na dinaranas namin ngayon. Nagpatuloy ako nang makita kong natahimik siya. "Pero malas mo lang dahil pati ikaw ay nabiktima niya rin, kasi pumatol ka sa walang kuwenta tao!” Nabago ang ekspresyon ng mukha ko. Ang galit na naroon sa mga mata ko ay nahalinhan nang nanunuyang tingin. “At h'wag mo ngang isisi sa amin iyang galit mo. Ang dapat mong sisihin ay walang iba kung 'di iyang sarili mo," pabara ko pang sinabi sa kaniya. Pinalaki ako ng aking ina na may respeto sa sarili at kapwa ko. Pero hindi sa taong kaharap ko ngayon. Maayos ko siyang hinarap kanina bilang bisita namin, pero binabastos niya ako at sa mismong sariling pamamahay pa namin. "'Yan ba ang itinuro ng nanay mo sa 'yo?” Bumalatay ang galit sa kaniyang mukha. “Well, hindi na 'ko magtataka, nananalaytay kasi 'yan sa dugo mo. Kaya siguro iniwan ng tatay mo ang nanay mo dahil bastos din katulad mo. Like mother like daughter!" Ngumisi siya. Mahigpit na naikuyom ko ang mga kamao ko. "Bastos?” Pagak akong natawa sa sinabi niya pero sa loob ko'y nangangalaiti na ako sa galit. Hindi ako makapapayag na insultuhin niya sa aking harapan ang aking ina. “Bakit kaya hindi ka tumingin sa salamin para makita mo kung gaano kakapal iyang pagmumukha mo," sarkastikong saad ko. "Kung may bastos man sa 'ting dalawa, ikaw iyon, dahil pumatol ka sa lalaking pamilyado. And for your information, kung hindi mo nga pala alam ang tawag sa mga katulad mo, let me tell you, woman," binitin ko ang sasabihin at sumilay sa labi ko ang mapang-insultong ngiti. "Isa kang malanding kabit!" sigaw kong muli sa pagmumukha niya. Isang malakas na sampal ang hindi ko inaasahang dadapo sa 'king pisngi. Napalunok ako at ginalaw-galaw ang panga ko dahil tila namanhid ang mukha ko sa ginawa niyang iyon. Tumaas baba ang kaniyang dibdib. "How dare you! Who do you think you are para pagsalitaan ako ng ganiyan?!" Nanlilisik ang kaniyang mga mata sa sobrang galit. Well, patas lang kami dahil pakiramdam ko ay sasabog na rin ako. "At sino ka rin sa akala mo para padapuin iyang marumi mong kamay sa pisnigi ko?!" Hindi papatalo kong sinabi. Itinuro ko ang nakabukas na pintuan. "Layas! Lumayas ka rito sa pamamahay namin! At h'wag na h'wag kang babalik dito!" Nagpakawala siya ng isang malutong na halakhak at saka siya lumapit sa akin. "I'm sorry to say, Darling," paanas na sambit niya na sinabayan niya pa nang marahang paghaplos sa pisngi kong sinampal niya. "Pero hindi mangyayari 'yang gusto mo dahil..." Inilapit niya sa taenga ko ang kaniyang mukha at mahinang bumulong. Umawang ang labi ko at pumatak ang isang butil ng luha ko. No! sigaw ng isip ko. Bahagyang siyang lumayo sa ‘kin. "Mark my word, kiddo!" aniya pa at saka niya ko tinalikuran at lumabas na ng bahay. Naiwan akong nakanganga at hindi makagalaw sa kinatatayuan ko. Nanghihinang napadausdos ako ng upo. Para akong tinakasan ng lakas. Nakakapagod pa lang magpanggap na matapang. Natawa na lang ako at nailing-iling habang nakatingin sa isang sulok ng bahay namin. "Ate Chin?" boses ni Anata ang nagpabalik sa naglalayag kong diwa habang marahan niyang niyuyugyog ang kamay ko. Umangat ang ulo ko para tingnan siya. "Hmmm?” aniko na pilit ngumiti sa kapatid ko. "Kanina ka pa ba?" Tumango si Anata. “Opo, ate,” sagot niya na bahagyang nakatagilid ang ulo. "Bakit po kayo nagsisigawan? Inaaway ka ba ng babae kanina? Gusto mo bang awayin ko rin siya?" Bigla na lang sumama ang hilatsa ng mukha ni Anata. Natawa ako dahil sa tinuran niyang iyon. Pinisil ko ang tungki ng matangos niyang ilong. Ang cute talaga ng kapatid kong 'to, nakakagigil. “Talaga? Aawayin mo ‘yon para kay ate?” nakangiti kong tanong. Tumango-tango siya. “Opo,” nakangusong sagot niya. “Ayaw ko pong may nang-aaway sa ‘yo at lalong lalo na kay nanay." Napangiti ako sa sinabi ng kapatid ko. Inusog-usog niya ang kaniyang kaliwang mata at ako naman ay nakamasid lang sa kaniya at naghihintay sa mga sasabihin pa niya. "Basta, ate, 'pag may nang-away sa iyo, sabihin mo lang sa akin, ha..." “Hmmm.. ‘di ba sabi ni Ate sa ‘yo, dapat ang mga bata ay gumagalang sa mga matatanda at hindi lumalaban kasi bad ‘yon. Gusto mo bang pagalitan ka ni Papa G no’n.” Napakagat labi ako dahil naalala ko ang ginawa ko kanina. Ang galing-galing kong mangaral sa kapatid ko pero hindi ko naman i-na-apply sa sarili ko. Napapikit ako at marahang ipinilig ang ulo ko sa naisip kong iyon. Hindi ko na hinintay ang sagot niya. Tumayo ako at kinarga siya. “Ang bigat mo na, Anata," sambit ko habang naglalakad ako patungo sa aming lumang katre at saka ko siya pinaupo roon. “Hindi kami nag-aaway, napalakas lang iyong boses namin kanina kasi may mga pinag-uusapan kaming mga importanteng bagay,” pagsisinungaling ko. Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi at iniwas ko sa kaniya ang tingin ko. Inumpisahan kong kalasin ang pagkakabutones ng suot niyang uniporme at binihisan siya. Lumipas ang mga oras at hindi nawaglit sa isipan ko ang problemang kakaharapin namin. Naiinis ako, dahil hindi ako makapag-concentrate sa ginagawa kong pag-re-review para sa nalalapit naming final exam. Hindi ako p'wedeng bumagsak dahil kapag nagkataon ay mawawalan ako ng scholarship. Masasabi kong mahirap man kami at salat sa mga materyal na bagay pero maipagmamalaki ko naman ang angkin kong katalinuhan. Hindi ko alam kung kanino ko namana ang talinong ito. Dahil sa pagkakaalam ko ay parehong hindi matalino ang mga magulang ko. Binitawan ko ang hawak kong ballpen pagkatapos ay itiniklop ko ang librong binabasa ko. Itinabi ko muna ang mga iyon kasama ng iba ko pang mga kuwaderno. Nangalumbaba ako at tumitig sa may pader. Kahit anong gawin kong pagbabasa ay na-di-distract pa rin ako at bigla-bigla na lang pumapasok sa isip ko ang mga nangyari sa pagitan namin kanina ng ginang. Napabuntong-hininga ako. Paano ako makakapag-focus? Sa laki ba naman nang problemang kinakaharap namin ngayon. Magagawa ko pa bang makapag-isip ng tama. At paano nga kaya kung ilitin nila sa amin itong bahay? Saan kami titira? Sa kalsada? No way! Hindi ko hahayang matulog ang kapatid ko sa kalsada. Nakaramdam ako ng panglulumo. Diyos ko po... Saan kami makakakuha ng gano'n kalaking halaga para mabayaran iyon sa loob lamang ng limang buwan? Napapikit ako. Sumasakit na ang ulo ko sa kaiisip sa problemang dulot ng walang kuwenta kong ama. Pambili nga ng pagkain namin sa pang-araw-araw ay nahihirapan na si nanay. Do'n pa kaya sa mahigit limang daang libong piso! Anong akala ng babaeng 'yon sa amin namumulot ng pera sa kalsada. Bigla akong napalingon sa may pintuan ng bumakas iyon at iniluwal do'n si Nanay. Lumunok ako at pinigilan ko ang sariling maiyak. Hindi ko alam kung paano ko ito sasabihin sa kaniya. "Nay,"sambit ko at niyakap siya nang mahigpit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD