Hindi pa tumitilaok ang tandang ay nagmulat na ako ng mga mata at saka dahan-dahang bumangon sa aking higaan. Kaagad akong tumungo sa kusina para magluto ng aming agahan. Ang natirang kanin kagabi ay ginawa kong sinangag at ininit ko na lang ang dalang ulam ni Nanay kagabi. Matapos kong maihanda lahat sa lamesa ang magiging almusal namin ay nagpasiya na akong maligo. Pagkalabas ko ng banyo ay nakatayo na roon sa gilid ng pituan ang aking ina. Nakapikit ang kaniyang mga mata habang naka-cross naman ang kaniyang mga braso.
“N-Nay,” pukaw ko sa aking ina.
Humihikab na nagmulat siya ng kaniyang mga mata. “Tapos ka na?”
Marahan akong tumango at saka bahagyang tumabi para bigyan siya ng space para makadaan. “Kinatok mo na lang sana ako, 'Nay, para hindi ka naghintay nang matagal," aniko na hindi tumitingin sa mga mata niya.
“Okay lang, 'nak,” maikling niyang sagot saka ako nilagpasan at pumasok sa loob ng banyo.
Nang marinig ko ang pagsara ng pinto ay saka lamang ako gumalaw. Tumingin ako sa nakasabit na orasan. Alas singko pa lang ng umaga at napakaaga pa upang gisingin si Anata kaya naman hahayan ko na lang muna siyang matulog total wala naman kaming pasok ngayon.
Habang nagbibihis ako ay napaisip ako kung paano ko ipapaalam sa aking ina ang mga kaganapang nangyari rito kahapon sa bahay.
Nasapo ko ang aking mukha. Gulong-gulo ang isipan ko. Nahihirapan na ako.
Kung sana napakadali lang sabihin.
Paano ko nga ba sasabihin sa aking ina na may pagkakautang na limang daang libong piso ang aking ama?
Paano ko sasabihin sa kaniya na pati rin ang bahay namin ay nakasangla sa kabit ni tatay?
Ahh!
Sumasakit ang ulo ko sa kaiisip. Para akong mababaliw na hindi ko mawari!
Malalim akong napabuntong hininga. Nasa kamay ko ang patunay na malapit na kaming umalis sa sarili naming pamamahay. Napaupo ako sa katre dahil pakiramdam ko ay unti-unti akong tinatakasan ng lakas. Mariin akong napapikit at saka yumuko. Kahit anong pilit ang gawin ko ay wala talaga akong maisip na paraan kung paano mareresolba itong problemang dulot sa amin ng magaling kong ama.
"Chin?”
Umangat ang tingin ko nang marinig ko ang pagtawag ni Nanay.
Lumapit siya at umupo sa tabi ko. "May masakit ba sa iyo, Anak?"
Umiling-iling ako sabay ngiti sa kaniya.
This is it, Chin! Sabihin mo na hangga’t maaga pa! piping udyok ng isip ko.
Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi nang hawakan niya ang magkabilang balikat ko at iniharap niya ako sa kaniya. Mataman niya akong tinitigan.
"May itinatago ka ba sakin, 'nak?” malumanay niyang tanong.
Nag-init bigla ang sulok ng mga mata ko pero pinigilan kong tumulo ang aking luha.
"Kahit hindi mo sabihin, alam kong may bumabagabag sa ‘yo... Anak kita at nararamdaman ko kung may inililihim ka sa akin. Hindi ko man kayo nakakasama palagi at hindi ko man kayo naaalagan pero hindi ibig sabihin niyon na wala na akong pakialam sa inyo. Hindi n’yo man nakikita o napapansin pero palaging nasa sa inyo ang paningin ko. Alam kong malaki ang pagkukulang ko bilang nanay n'yo. At gusto ko mang punan ang mga pagkukulang na iyon ay hindi ko magawa…” Marahang niyang hinaplos ang aking pisngi kasunod nang paglamlam ng kaniyang mga mata. “Chin, anak, kayo ni Anata ang buhay ko. Mahal na mahal ko kayo at handa kong gawin ang lahat para sa inyong dalawa.”
Suminghot ako at hindi ko na napigilan ang pagbuhos ng mga luha ko. Tumatagos sa puso ko ang mga katagang binitawan ng aking ina. Niyakap ko siya nang mahigpit at saka ako umiyak nang umiyak sa balikat niya hanggang sa gumaan ang pakiramdam ko.
Kung masakit para sa isang ina na nakikita ang kaniyang anak na nahihirapan at nasasaktan, ganoon din ang nararamdaman ng isang anak para sa kaniyang ina sa tuwing nasasaktan o masasaktan ito.
Kinakabahan ako sa ipapaalam ko kay nanay, pero kailangan ko nang sabihin ito sa kaniya. Kung kaya naman inalis ko ang kaba sa dibdib ko at nilikom ko ang lahat ng tapang na mayroon ako ngayon.
Humugot muna ako ng malalim na hininga para kumuha ng lakas ng loob at saka ko inumpisahang ikuwento sa kaniya ang lahat ng mga kailangan niyang malaman.
Nang mga sandaling iyon ay hindi ko na hinayaang tumulo ang luha ko. Kailangan kong patatagin ang loob ko dahil alam kong ako lang ang puwedeng sandalan ng aking ina sa mga oras na iyon.
Pakiramdam ko’y pinipiga ang puso ko nang makita ko ang naging reaksyon niya. Para siyang tinakasan ng dugo sa mukha at ramdam ko ang panlalamig ng mga palad niya nang hawakan ko ang mga iyon. Sandali siyang natigilan at hindi kumibo. Hindi rin siya umiyak tulad ng inaasahan kong mangyari. Hanggang sa umalis ng bahay si Nanay ay walang katagang namutawi sa kaniyang mga labi na lubos kong ikinabahala.
NAPATINGIN ako kay Mhegan nang maramdaman ko ang pagtitig niya sa akin.
Umarko ang kilay ko. “What?” tanong ko habang ngumunguya.
“Nothing,” sagot niya sabay ngiti sa akin.
Nasa mall kami ngayon at kumakain sa isang fast food restaurant kasama si Anata. Hindi ko alam kung anong espirito ang sumanib sa kaibigan ko at naisipan niyang pumunta sa bahay namin para ayain kami ng kapatid kong kumain sa labas. At s’yempre pa libre niya dahil wala naman akong pera. Nagtataka nga ako, dahil sa pagkakatanda ko ay may tampo pa siya sa akin nang nakaraang araw. Kung kaya't laking gulat ko na lang kanina nang bigla na lang siyang lumitaw na parang kabute sa harapan ko habang nagwawalis ako ng bakuran.
Hay! Hindi ko napigilan ang mapabuntong-hininga nang maalala ko ang mga iniwan kong gawain sa bahay.
Sandali kong ibinaba ang hawak kong kutsara at tinitigan siya. “Galit ka pa ba sa akin?”
Sumeryoso ang kaniyang mukha at sinalubong ang tingin ko dahilan para kabahan ako. Ramdam ko ang tensyon sa pagitan naming dalawa.
Hindi ko matagalan ang pagkakatitig niya sa akin kung kaya't ako na mismo ang unang umiwas ng tingin sa kaniya. Hindi ko maipaliwanag pero parang may kakaiba akong naramdaman na hindi ko mawari habang nakatitig ako sa mga mata niya. Ang kislap sa mga mata niya’y tila may gustong iparating sa akin.
Lumunok ako kasabay nang pagbilis ng t***k ng puso ko. Itinuon ko ang tingin ko sa hawak kong tinidor at saka ko nilaro-laro iyon. Natigilan ako at napaangat nang tingin nang bigla na lang humalagpak ng tawa si Mhegan.
Kumunot ang noo ko.
Si Anata naman ay napahinto rin sa gagawing pagsubo sana at may pagtataka sa mukhang tumingin din kay Mhegan.
Marahan kong tinampal ang braso niya. “Hoy! Ano ka ba?! Nakakahiya, Sis,” pabulong na saway ko nang mahagip ng paningin ko na pinagtitinginan na kami ng mga taong naroon din ngayon para kumain.
Tumigil sa pagtawa si Mhegan habang sapo pa ng dalawang kamay ang kaniyang tiyan.
“Ano bang tanong iyan, Chin? Sa palagay mo ba yayayain kitang kumain ngayon sa labas at mamasyal dito kung galit ako sa ‘yo?”
Hindi ako nakasagot, nanatiling nakatikom ang bibig ko.
Nang mga sandaling iyon ay nais kong batukan ang sarili ko dahil nagmukha tuloy akong hindi nag-iisip. Naturingan pa naman akong matalino pero tatanga-tanga naman.
“Alam mo… kahit anong gawin mo sa akin, hinding-hindi ako magagalit sa ‘yo. Mahal kaya kita…” aniya pa saka siya bumungisngis.
Dahil sa sinabi niyang iyon ay umawang ang labi ko. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ba ako sa sinabi niya o maiinis. Mukha kasi siyang hindi seryoso sa sinabi niya.
Sinamaan ko siya ng tingin dahilan para umayos siya ng kaniyang upo.
“O, bakit?” natatawang tanong niya na bahagya pang nakataas ang kilay. Dumampot siya ng isang fries at saka niya isinawsaw iyon sa ketchup na nasa harap niya bago isinubo sa kaniyang bibig.
Nakabusangot na ngumuso ako. “Umayos ka nga.." aniko at saka humalukipkip. "Para kang bata."
“O, bakit nagbibiro ba ako?"
Sumunod ang tingin ko sa kaniya. Tumayo siya at lumapit sa akin. Umupo siya sa armrest ng inuupuan ko at saka niya ko niyakap sa leeg.
Naramdaman ko ang malamig niyang kamay na dumampi sa balat ko dahilan para mapakislot ako nang bahagya.
Gusto ko siyang lingunin at tingnan pero hindi ko magawa na ipinagtataka ko. Parang may kung anong pwersa na pumipigil sa akin para gawin iyon.
“Totoo iyon, Sis, walang halong biro. Magtatampo lang ako pero hindi ko magagawang magalit sa iyo.. Thank you dahil naging parti ka ng buhay ko. At hindi ko pinagsisisihan na naging magkaibigan tayong dalawa. Alam mo bang naiinggit ako sa iyo noong umpisa, dahil lagi na lang akong ikinukumpara ni papa sa iyo. Ke matalino at masipag ka raw at ako iyong kabaliktaran mo. Gayun pa man, hindi ako nagalit sa iyo. Sa bawat araw na magkasama tayong dalawa, unti-unti kang nagkakaroon ng espesyal na lugar dito sa puso ko. Alam mong higit pa sa kaibigan ang turing ko sa iyo. Para na kitang kapatid, kayo ni Anata. Masayang masaya ako at hindi ko pinagsisisihan na nakilala kita. Hinding-hindi ko makakalimutan ang masasaya at malulungkot na araw na pinagsamahan nating dalawa. Salamat ulit, Sis," mahaba at masuyo niyang sinabi.
Hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha ko. Ang bawat kataga na binitiwan niya ay tila humahaplos sa puso ko. Hindi ko alam kung bakit naninikip ang dibdib ko. Gusto kong sabihin sa kaniya na parehong-pareho lang kami ng nararamdaman. Pero dahil inunahan niya akong mag-emote ay hindi ko na lang ginawa.
Ngayon ko na-realize na maswerte pa rin pala ako kahit papaano. Hindi man ako ipinanganak na mayaman at hindi biniyayaan ng responsableng ama tulad ng iba riyan ay binigyan naman ako ng ina, kapatid at totoong kaibigan na handang dumamay sa akin at silang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy ko pa rin ang laban ng buhay ko.
"Salamat," lumuluha at tangi kong sinabi. Hindi ko inalintana kung nakikita man ako ng ibang tao na nasa ganoong sitwasyon dahil mas nananaig ang emosyong nararamdaman ko ngayon.
Tumayo si Mhegan at sinapo ang mukha ko. "Ay! Ano ba iyan, sis, ako lang ang dapat mag-emote ngayon. Tumahan ka nga, para kang bata. Nakakahiya ka. . . Baka sabihin ng ibang tao riyan, inaaway kita," nakairap niyang sinabi. Marahan niyang pinunasan ang basa kong pisngi gamit ang kaniyang palad. Nanatili lang akong nakatitig kay Mhegan habang ginagawa niya iyon at kinakabisado ko ang bawat anggulo ng kaniyang mukha. "Hindi kita dinala rito para paiyakin. Ang gusto ko lang ngayon ay e-enjoy natin ang araw na ito at wala kang iisipin na kahit na anong problema. Malalagpasan mo rin iyan, sis. 'Kaw pa ba? Malakas ka kaya. At lagi mong tandaan na lahat ng problemang dumarating sa 'ting buhay ay may solusyon. Hindi mo man iyan mareresolba sa ngayon pero makikita mo sa huli at paunti-unti mong ma-re-realize kung bakit nangyayari sa atin ang mga gan'to. Binibigyan "Niya" tayo ng pagsubok para maging matatag. Sabi nga ni Kuya Kim ang buhay ay weather weather lang. Kaya huwag ka nang malungkot, Sis. 'Di bagay sa iyo pagnakasimangot ka, lalo kang pumapangit."
Pabirong tinampal ko ang braso niya at saka ko siya inirapan.
Nakuha niya pa talagang magbiro!
Niyakap ko si Mhegan nang mahigpit na para bang ito na ang huling yakap na magagawa ko sa kaniya. At kung hindi pa nagsalita si Anata ay hindi pa sana kami maghihiwalay sa pagyayakapan naming iyon. Sabay kaming bumaling sa kapatid ko. Kapag kuwan ay tumayo si Mhegan at lumapit kay Anata.
"Ate Mhegan ang sarap po ng pagkain nila rito," nasisiyahang sabi ni Anata matapos niyang ubusin ang pagkain na nasa kaniyang plato. "P'wede po bang bumalik uli tayo rito?" dagdag niya pa at saka ngumiti.
Ginulo ni Mhegan ang buhok ni Anata at masuyong ngumiti sa kapatid ko. "Oo naman. May gusto ka pa bang kainin bukod sa fried chiken at spaghetti? Sabihin mo kay Ate Mhegan, ibibili kita."
"Sis, tama na," kaagad na tutol ko sa tinuran niya. Bumaling siya sa akin at kinunutan ako ng noo.
Alanganing ngumiti ako sa kaniya sabay kamot sa ulo ko.
"Nakakahiya kasi, Sis... At saka busog na rin naman iyan si Anata. . .Baka mamaya niyan magbawas pa iyan dito sa mall."
"Tsk! Ang KJ mo talaga! Minsan lang naman ito, e, kaya pagbigyan mo na ang kapatid mo. 'Di ba sabi ko nga kanina, e-enjoy lang natin ang araw na ito."
Nagningning ang mga mata ni Anata. "Talaga po, Ate Mhegan, puwede pa po akong um-order ng isa pa?"
Nakangiting tumango si Mhegan sa kapatid ko at tuwang-tuwang naman si Anata sa sinabi niyang iyon. Wala akong nagawa kung 'di ang sundan na lang sila ng tingin habang papunta silang dalawa sa counter para umorder uli.
Mag-a-alasais na nang makauwi kaming tatlo. Nakaupo ako ngayon sa may lapag habang nagtutupi ng mga damit. Sandali akong huminto sa ginagawa ko at pinagmasdan sina Mhegan at Anata na nakadapa sa may ibabaw ng katre habang nanonood ng movie sa cellphone ni Mhegan.
Sumilay ang ngiti sa labi ko.
Malaki ang pasasalamat ko sa kaibigan ko dahil kahit papaano ay panandalian kong nakalimutan ang mga pinoproblema ko. At hindi lang ako ang pinasaya niya dahil pati rin ang kapatid ko ay alam kong nag-enjoy rin sa pamamasyal namin kanina.
Naalala ko pa kanina habang nasa loob kami ng World of Fun. Masaya kaming nagkakantahan habang si Anata naman ay sumasayaw. Pakiramdam ko'y nag-uumapaw ang saya sa dibdib ko at napakasarap niyon sa pakiramdam. Naihiling ko tuloy sa diyos na sana ganito na lang kami palagi. Masaya at walang iniisip na problema.
"Sis?" tawag ko kay Mhegan.
"O, bakit?" sagot niya na hindi tumitingin sa akin.
"Gabi na kasi.. Hindi ka pa ba uuwi?"
Ibinigay niya ang cellphone kay Anata at saka siya bumangon at umupo sa gilid ng katre.
"Pinapalayas mo na ba ako?" nakataas kilay na biro niya.
Nakangiting umirap ako. "As if naman, magagawa kitang palayasin dito... Inaaalala ko lang kasi ang mga magulang mo, baka kasi nag-aalala na sila sa iyo. Delikado pa naman sa lugar natin..."
"Dito ako matutulog ngayon."
Nanlaki nang bahagya ang mga mata ko. "'Di nga?"
"Ayaw mo?" Nag-cross arm siya at idinikwatro ang kaniyang mga binti.
Napakamot ako sa ulo ko. "Nagpaalam ka ba? Baka hanapin ka ni tita niyan, ha?" tukoy ko sa kaniyang ina.
"Nakapagpaalam na po ako, Ma'am." ngiti niya sa akin.
Hay! Buntong-hininga ko.
Naiiling na ibinalik ko na lang ang atensyon ko sa pagtutupi ng mga damit namin at hinayaan na lang muli silang maglaro ni Anata.
Magkatabi kami sa higaan ni Mhegan. Habang hinihintay namin ang pagdating ni Nanay ay nagkuwentuhan muna kaming dalawa. Muli naming binalikan ang mga masasaya at malulungkot na nakaraan na pinagdaanan namin. At tawa kami ng tawa ng maalala ang mga kapalpakang nagawa namin noon.
Nang gabi ring iyon ay nakatulog akong may ngiti sa labi. At naihiling ko na kung sana palagi na lang masaya pero ang lahat ng saya ay may kapalit na kalungkutan.