"Jomar, tingnan mo 'to!" agarang tawag ni Jhie sa nobyo. Itinuturo ang isang importanteng e-mail na natanggap nila mula sa bagong kliyente na naman nila.
Yumukyok si Jomar sa harap ng computer ni Jhie. Binasa ang maliliit na nakasulat doon.
"Asawa siya ng namatay na Vice Mayor na naibalita noong isang araw at handa raw siyang magbayad ng kahit magkano mahuli lang ang pumatay sa kanyang asawa dahil gusto nito ay siya rin ang magpaparusa," summary ni Jomar pagkatapos basahin iyon. Napahawak siya sa sariling baba.
Pinaikot ni Jhie ang swivel chair na kinauupuan para magkaharap sila ng nobyo na katrabaho rito sa isang Detective Agency na kung tawagin nila ay RF DETECTIVE AGENCY na pag-aari ng mag-asawa nilang kaibigan na sina Faith at Rey. Humalukipkip ang dalaga.
(Read the story FAITH: THE ABDUCTED ASSASSIN)
"Tatanggapin ba natin 'yan gayong puno na tayo ng trabaho? Lahat na ng tauhan natin ay may kanya-kanya nang hinahawakan na kaso," at aniya na napatitig kay Jomar.
Napahalukipkip din si Jomar. Nag-isip din. "Kung hindi lang sana busy sina Faith at Rey sa anak nilang si Honey ay puwede nating tanggapin 'yan. Sayang din 'yan, eh," ta's seryoso niyang sabi dahil wala siyang maisip na paraan. Hindi naman na siya puwede dahil ipinasa sa kanya ni Rey ang iba pang trabaho.
"Oo nga, eh. Malaking halaga rin ito. Dapat makaisip tayo ng paraan para mahuli ang killer bago pa tayo maunahan ng mga bounty hunters."
BOUNTY HUNTER is a person who pursues a criminal or fugitive for whom a reward is offered.
"You mean may patong na sa ulo ang killer?"
May pinindot si Jhie sa isa pang computer. "Mr. Hired Killer ang tawag sa kanya. Nakita siya mismo ng misis ni Vice Mayor pero hindi namukhaan. Kaya nalaman na si Mr. Hired Killer ang pumatay sa Vice dahil sa pagkalarawan nito sa mga pulis."
Napatitig nang husto si Jomar sa larawang nasa screen ng monitor. "Sino kaya siya?" saglit ay aniya dahil hindi makita ang mukha ng lalaki. Natatakpan kasi ng sumbrerong itim ang mukha ng lalaki na kuha ng CCTV. Tapos malabo pa ang pagkakakuha.
"Walang nakakaalam. Matinik na killer daw ang lalaking 'yan. Puwede mo siyang kontakin sa e-mail niya pero magre-reply siya sa pamamagitan ng pampublikong payphone kaya wala pang nakaka-trace sa kanya."
Napatango-tango si Jomar. Naintriga siya sa pagkatao ng Mr. Hired Killer na iyon. "Kung gano'n dapat nating tanggapin ang kasong ito. Dito makikita kung magagaling nga tayo. Oras na mahuli natin ang Mr. Hired Killer na 'yan ay lalong makikilala at pagkakatiwalaan ang agency natin."
"Pero paano nga? Kulang tayo sa tao ngayon."
"Excuse me po. Kape niyo po." Isang nerd na dalaga ang sumingit sa kanila at ipinatong sa lamesa ang kape nitong dala.
Sa pagkakataong iyon ay halos sabay na nagkaroon ng ideya sina Jhie at Jomar. Nagkindatan ang magkasintahan.
Aalis na sana ang dalagang iyon nang tawagin ito ni Jhie. "Uhm, Haydee, wait lang."
"Ano po 'yon, Ate Jhie?" Ngiting-ngiti na lingon ng dalagang naka-brace ang ngipin at may malaking salamin sa mata.
Siya si Haydee Milagroso, ang isa sa mga alaga nila sa agency. Magaling ito sa labanan din. Martial arts, gymnastic at kung anu-ano pa. Isa ito sa mga bagong teni-training ng agency para maging spy.
Nakita ito noon ni Faith, ang may-ari ng agency, sa isang training center ng taekwondo. Nakitaan daw agad ito ni Faith ng kagalingan. Pero sa ngayon pinag-iisipan pa nila kung isasalang na nila ito sa totoong trabaho kaya ngayon ay pinagsisilbi muna nila sa opisina habang hindi pa sila sigurado.
Maingat din kasi ang mag-asawang Faith at Rey sa mga tauhan. Kailangang magaling na magaling na ang tauhan nila bago nila ito isalang sa pagiging spy o pagiimbestiga.
"Halika, Haydee." Nakangiting tinanguan ito ni Jomar.
"Bakit po?"
Dumistansya muna si Jhie. Si Haydee ang kanilang pinaupo sa swivel chair.
"Nakikita mo 'yan?" Itinuro ni Jomar sa larawan ni Mr. Hired Killer. "Sa tingin mo, kaya mo ba siyang hanapin?"
Nanlaki ang mga mata ng dalagang tumingala kay Jomar. "Si Mr. Hired Killer po? Hahanapin ko?"
"Yes. Kung gusto mo ay siya ang unang magiging trabaho mo bilang spy kung sakali. Iyon ay kung sa tingin mo’y kaya mo siyang hanapin."
Nagningning ang mga mata ng dalagang nerd. "Opo! Gustong-gusto ko po!"
Sinulyapan ni Jomar si Jhie. Ngumiti sa kanya ang nobya. Sumasang-ayon ito.
"Kaya mo ba talaga siyang hanapin?" baling ulit ni Jomar kay Haydee.
"Oo naman po. Gagawin ko po ang lahat para mahanap siya,” mabilis naman na tugon ng dalaga.
"Good. 'Yan ang gusto kong sagot," kaswal na ani Jomar sa dalaga sabay mahinang tapik nito sa balikat. "Kung gano'n ay ikaw na ang hahawak sa kasong ito. Hanapin mo si Mr. Hired Killer, Haydee."
Tuwang-tuwa si Haydee. Halos magtatalun-talon siya. Para sa kanya kasi ay ito na ang pagkakataon niya para ipakita ang kagalingan niya sa pagde-detective dahil bata pa lang siya ay gustong-gusto na niya ang trabahong ganito. Sundalo kasi ang daddy niya at pulis naman ang kapatid niya. Lihim siyang naiinggit sa mga ito. Ginusto rin niyang maging pulis o sundalo pero dahil babae raw siya ay hindi siya pinayagan ng daddy niya. Ang ginawa niya’y lihim na lamang siyang nag-i-enroll sa kung anu-anong martial arts training center noon. Hindi alam ng kuya at daddy niya na magaling siya sa pakikipaglaban. Siguro dahil na rin sa hitsura niya na nerd o baduy.
At nang dumating ang araw na alukin siya ni Faith na sumali sa grupo nila bilang mga secret agent ay pumayag siya agad. Walang pag-aalinlangan.
Lihim siyang pinag-aral at tinuruan ni Faith sa kung anu-ano pang training na kailangan niya. At sabi ni Faith sa kanya ay huwag niyang babaguhin daw ang hitsura niya. Malaking tulong daw ang pamamaraan niya sa pananamit o pag-aayos sa sarili para maitago niya ang totoong kakayahan niya.
"Salamat po sa pagtitiwala," magalang niyang pasasalamat. Kinamayan niya sina Ate Jhie at Kuya Jomar niya. "Kailan po ako mag-uumpisa?"
"Kahit ngayon na," magiliw na sagot ni Jhie.
"Sige po. Sige po." Taranta nang tinungo ni Haydee ang desk niya sa opisinang iyon at umalis na nga. "Bye po. Magre-report na lang po ako kapag may nalaman na ako.”
Maang na naiwan doon sina Jhie at Jomar. Masyado yatang excited si Haydee kasi hindi man lang kumuha ng mga gamit na magagamit sa paghahanap.
"Don't worry, babalik din siya." Tatawa-tawang hawak ni Jhie sa balikat ng nobyo.
Nailing na lamang si Jomar. Sana hindi siya nagkamali kundi patay siya kay Faith. Alaga pa naman ni Faith si Haydee. Naku po!
Sumakay agad si Haydee sa taxi. Masayang-masaya siya dahil masasabi na niyang ganap na siyang detective. Magtratrabaho na siya sa labas. Maghahanap na siya ng tao.
Tapos…
Tapos…
Akalain niya 'yon, si Mr. Hired Killer pa na crush niya ang unang kasong hahawakan niya. Ayeii!
Excited much talaga siya dahil sa totoo lang ay noon pa siya nagsimulang alamin ang tungkol sa tunay na pagkatao ni Mr. Hired Killer.
*********
"KUYA, HINDI ka ba makatulog?! Galaw ka nang galaw, eh. Nakakapuyat ka, eh," reklamo ni Nicole na busangot ang mukha. Sa tuwing makukuha niya kasi ang tulog niya ay gumagalaw ang katabi niyang Kuya Rashee niya kaya nagigising siya.
"Sige, tulog ka lang," ani Rashee sabay tayo mula sa pagkakahiga.
Hindi siya talaga makatulog. Kating-kati kasi ang katawan niya na lumabas. Ang isipin niya ay inililipad sa bahay ng babaeng may regla. Nag-aalala siya. Baka balikan ng mga kasamahan ng dalawang lalaking binugbog niya ang dalagang may regla. Baka gantihan ito.
Sabagay ano bang pakialam niya? Tinulungan na niya ito ng isang beses. Sobra na kung itse-check pa niya ngayon kung okay ito ngayon.
Padabog siyang umupo ng padikwatro sa luma nilang sofa. Pumikit. Humalukipkip. Sinisiksik niya sa isipan na wala siyang dapat ipag-alala sa babaeng may regla na iyon. Hindi niya ito responsibilidad.
Ngunit saglit lang ay inis pa rin naman siyang tumayo. Isinuot niya ang jacket at sumbrero at lumusot na sa bintana nila. Pupuntahan niya si babaeng may regla pa rin. Hindi siya makatiis talaga. Ayaw niyang makonsensya kung may mangyaring masama sa babaeng iyon.
As usual, lakad, talon, takbo at akyat siya sa bubungan ng mga bahay. Hanggang sa marating na nga niya ang bahay ng babaeng may regla.
Malalim na ang gabi kaya lakas-loob siyang tumalon sa may terrace. At buti naman dahil hindi rito ngayon natulog ang babaeng iyon. Akala mo magaling magbantay, antukin naman.
Nga lang ay napangiwi rin siya sa ginagawa niya. Ano 'to? So, siya ang magbabantay?! Gano'n?!
"Hay naku naman, Rashee, umayos ka nga!" pinamaywangan niya ang sarili. Kamot siya sa kilay niya habang nakangiwi.
Nang biglang nagbukas ang pinto. Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Tumalon agad siya sa railings ng terrace. Naglambitin siya roon dahil kung dire-diretso siyang magpapatihulog na naman ay sasakit na naman ang kanyang mga paa.
"Hmm, mukha naman tahimik,” ani Isel na tumingin-tingin sa paligid. Nagtse-tsek lang siya at baka matulad kagabi na may magtangka na namang pasukin ang bahay ng tita niya.
Wala siyang kaalam-alam sa lalaking nakalambitin sa paanan niya.
Humigop siya sa kape niyang dala. Pang-tatlo na niya iyon para ka niya ay hindi siya antukin. Nagmuni-muni muna siya habang pinagmamasdan ang maulap na langit. At hihigop siya sana ulit dapat sa kape nang hindi sinasadya ay natapon konti ang laman niyon. Nabunggo sa railings ang siko niya kasi.
"Ay, ang init!" aniya na napabalik sa loob ng bahay dahil napaso ang kamay niya.
"Sh*t! Sh*t! Ang init!" Hindi niya alam ay hindi lang siya ang napaso kundi pati rin si Rashee. Napilitan tuloy ang binata na tumalon sa ibaba kahit na mataas iyon.
"Hoh! Hoh!" Pinunas-punas ni Rashee ang kamay na natuluan ng mainit na kape. Nakasalampak siya sa lupa habang ginagawa iyon.