"Hi, Lola!" bati ni Nicole sa matandang nagwawalis sa bakuran ng bahay na luma. Kung tutuusin ay para na iyong haunted house kapag titingnan sa labas.
"Ikaw pala, Nicole. Bibisitahin mo ba ang alaga niyo?" tanong ng matandang bulag. Kinakausap nito ang bata pero iba ang direksyong tinitingnan.
"Opo, Lola. May dala rin po ako sa inyo. Ilalagay ko na lang sa kusina, hah?"
"Naku, nag-abala na naman kayong mag-kuya? Ang dami pa niyong binili niyo noong isang linggo, eh."
"Mabuti na iyong sobra-sobra raw po kaysa maubusan kayo, Lola, sabi ni Kuya Rashee."
"Kayo talagang dalawa, oh. Pero salamat kamo sa kuya mo."
Napangiti si Nicole sa matanda kahit na hindi siya nito nakikita. "Sige, Lola, pasok na ako."
"Sige sige. Tapusin ko lang 'tong winawalis ko," anang matanda.
Palingon-lingon ang batang si Nicole sa matanda habang papalapit sa bahay bitbit ang mga pinamili niyang grocery. Bilib kasi siya sa matanda dahil kahit bulag ito ay nagagawa pa rin nitong magwalis at kung anu-ano pa. Daig pa ang mga normal na tao.
Ang matandang bulag na lola lamang kung tawagin nila ay hindi nila kaanu-ano. Sabi ni Kuya Rashee niya ay naawa lamang ito rito noon kaya lagi na itong tinutulungan ni Rashee. At nang kinupkop siya ng Kuya Rashee niya ay siya na ang inuutusan kapag may kailangan ang matanda.
“Pasok na ako, Lola,” paalam ni Nicole bago pumasok sa bahay ng matanda. Tinungo niya ang isang lumang silid ng bahay, na kung titingnan ay ordinaryong silid lamang dahil pagpasok doon ay lumang kama at lumang kabinet lang ang makikita.
Si Kuya Rashee rin niya ang lihim na nagpagawa ng bahay ng matanda. Inayos ang bubong na tagpi-tagpi at dingding na butas-butas. At ang alam ng taong bayan ay may tumulong sa matanda na isang secret na politiko. Walang nakakaalam na si Rashee iyon. At nang maipagawa ang bahay ay nagkaroon ng ideya si Rashee na lihim na gamitin na rin nito ang bahay ng matanda. Kinabitan ito ng binata na kung anu-ano na magagamit nito sa lihim nitong trabaho.
May kinapa si Nicole sa isang bahagi ng kabinet. Pagkalapat ng kamay niya ay nagbukas iyon. Makikita na ang isang parang switch ng ilaw. Pinindot niya iyon. Pagkatapos ay makikita na ang paggalaw ng kisame ng silid na iyon.
Luminga-linga ang bata sa paligid. Kahit na tiwala sila ng Kuya Rashee niya na walang magtatangkang pumasok sa bahay ng matanda ay kailangang sigurado pa rin sila.
Tuluyan nang nagbukas ang kisame. Tumingala siya nang dahan-dahang sa may hagdan na bumababa mula sa kisame.
Noong unang makita niya ang mga iyon ay manghang-mangha siya. Hindi siya makapaniwala sa pagka-high-tech ng mga bagay sa loob ng lumang bahay ng matanda.
Nang lumapat ang hagdan mula sa sahig ay humakbang na doon paakyat si Nicole. Pinindot din niya ang pagsara ng lahat. Kabilin-bilinan ng Kuya Rashee niya na huwag iiwanang bukas ang daanan ng kisame habang nasa loob siya. Mapanganib pa rin daw. Baka may makakita.
Pagkatapos ay lumapit na siya sa mga computer na naroon. Nagmistulang nasa ibang magarang bahay na si Nicole sa sandaling iyon. Kumpleto ang gamit. Hindi lang mga computer ang naroon, kundi may kama din na mamahalin. Reff, Tv, at kung anu-ano pa. Tila ba ay nasa isang mamahaling condo unit na siya. At doon minsan nagpapahinga si Rashe.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Nicole. Mabilis nga niyang tiningnan ang e-mail ng kanyang Kuya Rashee. Tinipa niya agad ang MR. HIRED KILLER na username at ang password. Itinuro lahat iyon sa kanya ng kanyang Kuya Rashee at nagamay naman niya agad.
"Anong meron?" tinig ng kanyang Kuya Rashee sa parang intercom na nakakonekta sa maliit na inuupahan nilang kuwarto.
Kumakain ng noodles in cup si Rashee. Tinantya lamang nito kung nakarating na si Nicole sa lihim na silid na kung tawagin din nila ay ALOL kapag may nakikinig. Baliktad na salita ng LOLA.
"Binubuksan pa lang," sagot ni Nicole na panay ang tipa sa keyboard ng computer.
"Kumusta si Lola," pang-iiba muna ng tanong ni Rashee habang nginunguya ang kinakain. Nakataas ang isang paa niya habang kumakain. Isang tila ordinaryong bluetooth headseat ang nakakabit sa kanyang tainga. Iyon ang nagkukunekta sa parang intercom na kinalalagyan naman ni Nicole.
"Nagwawalis, kaya okay lang."
"Binilhan mo ng grocery?"
"Oo. Heto na nabuksan ko na, Kuya."
"May trabaho?"
"Walang bagong e-mail, Kuya. Bokya."
"Good," sambit ni Rashee. Hindi naman kasi kailangang araw-araw na may trabaho. Kahit isa lang sa isang buwan para mas safe. "Bumalik ka agad dito."
"Okay. Pakainin ko muna ang mga aso."
Mga asong askal ang tinutukoy ni Nicole. Iyon ang ipinapalabas nila sa matanda na dinadalaw nila kapag nagpupunta sila roon sa lumang bahay. Mga aso na inampon din ni Rashee sa mga kalsada. Mga tuta lang noon pero malalaki na ngayon. Pinapaalagaan niya sa matanda para may libangan din ang matanda at bantay na rin ng matanda sa mga masasamang loob.
*******
"AY, GRABE! Buti na lang naayos din sa barangay iyon!" tila ba ay galing sa labanan si Isel na napahawak sa may gate ng bahay ng tita niyang binabantayan niya. Pagod na pagod ang kanyang hitsura. Halos mayakap niya ang pintuang bakal. Sa dami ng tanong at etchucubereche kasi na ipinagawa at ipina-explain sa kanya roon ay napagod siya at nabagot. Tapos inabot na sila ng hapon sa Barangay Hall.
"Akala ko nga ikukulong ka na, eh."
"Grabe ka naman, Shy. Kulong agad? Pero alam mo natakot din ako kanina. Para rin kasi nila akong in-interrogate na parang kriminal, first time ko talaga 'yon."
"Talagang gano'n kasi dito sa bahay niyo itinali ang mga kriminal, eh.”
Napahalukipkip siya at ngunguso-ngusong naningkit ang kanyang mga mata. "Kung sino man ang gumawa n'on ay humanda siya sa akin! Ipapahamak pa ako!"
Nagkibit-balikat si Shy. "Eh, malay mo naman tinulungan ka lang ng kung sinumang tao na iyon. Kasi baka itong bahay niyo talaga ang target ng mga magnanakaw na 'yon."
Hindi siya nakaimik. Iyon nga ang ipinagpipilitan sa kanya ni Kapitan kanina. Na siguro itong bahay talaga ng tita niya ang gustong nakawan ng mga iyon pero dahil may nakakita ay iyon malamang ang nagtali sa mga lalaki. Pero sino naman kaya ang gagawa n'on? Grabe namang pagpapaka-hero 'yon.
Humugot siya ng malalim na buntong-hininga. "Hay, ewan. Basta para akong nagka-phobia sa mga iyon. Para akong naging kriminal."
"Yaan mo na 'yon. Kain na lang tayo," pa-segue ni Shy.
"Anong kain ka riyan?!" Iningusan niya ang matabang dalaga.
"Aba'y dapat lang na pakainin mo ako kasi sinamahan kita roon maghapon. Nagutom kaya ako nang sobra."
"Hay, wala ka ba talagang alam kung hindi pagkain?" Napangiwi siya.
"Ang sarap kayang kumain," katwiran naman ni Shy sabay hawak sa tiyan nitong puros bilbil.
Umasim na talaga ang mukha niya. "Sige na nga, halika. Doon tayo sa loob," pero sa huli ay pagpayag na rin niya. Totoo naman kasi na sinamahan siya ni Shy buong hapon doon sa Barangay Hall. Hindi talaga siya nito iniwan na laking pasasalamat niya.
"Yes!" tuwang-tuwa na turan ni Shy. Nagpatiuna na itong pumasok.
Iiling-iling na lamang siya habang isinasara niya ang gate. Kahit paano ay natutuwa naman na siya konti kay Shy dahil hindi nang-iiwan. Nga lang ay natigilan siya habang pina-padlock niya ang gate. May naalala kasi ang isip niya. Iyong panaginip niya kagabi.
Habang tulog daw kasi siya ay nakita niya 'yong lalaking nakabangga ng gate nila kahapon. 'Yong may kasamang bata ta's tinarayan niya. Nakalambitin daw ito sa terrace at nagkatitigan pa sila.
Parang totoo. At ewan niya bakit napangiti siya sa panaginip na iyon. At ewan niya rin bakit sumisikdo ang puso niya kapag inaalala niya iyon.