PART 4

1660 Words
"Ang ingay naman!" reklamo ni Isel na nakapikit. Para kasing ang daming tao sa malapit at ang iingay. Nagkamot siya ng pisngi tapos ay umayos ulit ng tulog sa upuan. "Miss! Miss! Gising!" Subalit muling pag-iingay ng mga tao sa ibaba ng terrace. May mga tao talagang marami at maingay sila dahil ginigising siya. Nakatingala ang mga ito sa kanya. "Aisst! Ang tulog mantika naman ng babaeng 'yan!" anang isang tanod. "Akyatin na lang kaya natin, Kap?" anang isa pang tanod. May mga hawak silang batuta at 'yon ang pinangkakalampag sa kung anu-ano magising lang sana ang babaeng natutulog sa terrace. "Huwag baka makasuhan tayo," pagtutol ng kapitan. "Tawagin niyo lang nang tawagin." "Hoy! Isel, gising!" Mas nangingibabaw na tinig ni Shy. Isa rin ito sa mga nag-umpukang tao at may kinakain na naman. "Isel ang pangalan niya, tabachoy?" tanong ng kapitan sa dalaga. "Opo, Kap Densyo. Kaibigan ko siya," pagmamalaking sagot ni Shy. "Wala ba siyang kasama rito?" "Wala po, Kap. Siya lang mag-isa kasi nag-abroad ang may-ari ng bahay na tita niya. Nagbabantay lang raw siya." Tumango-tango ang Kapitan tapos ay tumingala ulit. Napatingala rin ulit ang mga tao. "Sige! Gisingin niyo ulit!" utos ulit nito. Kaya naman kung anu-ano na ulit ang ginawa ng mga tao. "Hoy! Gising!" "Isel, gising!" "Gising! Gumising ka riyan!" "Hindi na ako nagtataka bakit siya muntikang manakawan," mahinang sabi ng isang matandang lalaki. "Oo nga," sang-ayon ng katabi nito. Hanggang sa may narinig silang parang bumato kay Isel. Tila kasi may nabasag sa terrace. "Sinong may gawa niyon?!" galit na tanong ni Kapitan Densyo sa mga tao. "Hindi ba sabi ko walang kikilos ng hindi maganda!" "Kap, hindi po ako." "Kap, nakatayo lang kami rito." "Kap, wala sa amin ang bumato." Sa taas ay gulat na gulat din si Isel. Napatayo pa siya sa gulat. At nang makitang may bitak ang salamin sa bintana ay tumubo agad ang sungay niya sa noo. "Lintik na!" galit siyang lumapit sa railings ng terrace at nagsisigaw. "Hoy! Kung sino ka man! Lumabas ka! Ang lakas ng loob mong mambato! Ipapabaranggay kita!" Binaba ni Rashee ang kanyang sumbrero at naglakad na palayo. Siya ang nagbato. Kasi naman naiinip na siya. Ni hindi siya nakatulog magdamag dahil sa pagbabantay niya sa dalaga tapos gisingin lang ang babaeng may regla na iyon ay ang tagal-tagal pa. Kainis na! "Hoy, Miss! Buti naman at nagising ka na! Bumaba ka rito!" tinig na narinig ni Isel mula sa ibaba ng terrace. Salubong ang dalawang kilay ni Isel na ibinaba ang tingin. At kulang na lang ay mapa-ngek siya sa dami ng tao sa bakuran ng bahay at lahat nakatingin sa kanya. "Hi, Isel," kaway sa kanya ni Shy. "Iha, bumaba ka rito saglit," anang lalaking matanda na nakachaleko ng pam-barangay. "Po? Bakit po? Anong meron po?" tanong niya na takang-taka. "Ako si Kapitan Densyo. May nangyari kasi roon sa may gate niyo at nais ka sana naming tanungin." Lalong nagsalubong ang dalawang kilay niya. Ano raw?! "Baba ka kasi. Dito tayo mag-usap," anang isang lalaki na nakachaleko rin. Isang tanod sa tingin niya kasi may hawak na batuta. "S-sige po! Sige po!" tarantang aniya na. "Saglit lang po!" saka taranta niya ring kilos. Dali-dali siyang bumaba at lumabas ng bahay. Sa main door ay nabungaran niya ulit ang mga tao. Muntik na naman siyang mapa-ngek. Mga nanggugulat talaga, eh. Tss! Kamot-ulo siyang humarap sa mga ito. "Ano po bang problema?" tanong niya sa walang partikular. Pinapasadahan niya ng tingin ang mga ito. Para kasing nagra-rally ang mga ito. "Iha, ako si Kapitan Densyo," pakilala ulit ng matandang naka-chaleko at kagalang-galang ang hitsura. "Ay, kayo po pala ang kapitan dito. Ako naman po si Marisel, pero Isel na lang po for short." Magiliw na kinamayan niyang ang matandang may katungkulan. "Ano pong problema?" "Kasi, iha, may dalawang lalaking nakatali sa may gate niyo. Ano ba iyon, iha?" Ang lakas ng naging "Po?!" niya. "Halika tingnan mo," anyaya sa kanya. Nagpatianod naman siya. Hindi na niya maiwasang hindi kabahan. Pagdating sa gate ng bahay ay anong panlalaki ng mga mata niya dahil meron nga talagang dalawang lalaking nakatali sa gate. Mga walang malay at bugbog sarado ang mga mukha at may nakasulat na papel sa mga dibdib nito na 'MGA AKYAT-BAHAY KAMI' "Iha, pwede mo bang ipaliwanag sa amin ito?" anang Kapitan ulit. "Po?! Hi-hindi ko alam!" naguguluhang sagot niya. "Ikaw ang may gawa niyan, Isel? Ang astig mo pala," singit ni Shy habang ngumunguya sa kinakain nitong sitserya. "Hindi, ah!" mabilis niyang tanggi. "Kung gano'n sino ang may gawa niyan?" tanong ng isang tanod. "Hindi ko po alam. Nakita niyo naman ang ganda ng tulog ko, 'di ba? Kaya wala po ako alam diyan," ninerbyos na sagot niyo. Naman, oh! Siya pa yata ang mapagbibintangan! Bulungan na ang mga tao. At nagkatinginan naman ang kapitan at mga tanod. "Ang mabuti pa sumama ka samin sa barangay. Kailangan namin ang iyong salaysay," dikawasa'y saad ni Kapitan Densyo. "Po?" Magpropotesta sana siya pero hinawakan na siya ng isang tanod. "Huwag kang mag-alala, Isel. Sasamahan kita," parang natutuwa pa na wika ni Shy. Iningusan niya ito. "Huwag kang mag-alala, iha. May mga katunangan lang kami sa 'yo. Isa pa ay kailangang ma-report ito para hindi maulit dahil mukhang tinangka na akyatin ang bahay niyo sana. Buti ay may nakakita at tinali sila," pampalubag-loob na wika ng kapitan. Tumango na siya. Nga naman! ******* "SAAN ka galing?" parang asawang tanong ni Nicole sa dumating na Kuya Rashee nito. Nakahalukipkip ang bata sa may pinto na akala mo ay matanda. "D-diyan lang," nabulol na sagot ni Rashee. "Diyan lang? Sabi mo maglakad-lakad ka lang kagabi pero inumaga ka na ng uwi. Gaano ba kalayo ang nilakad mo, Kuya? Umabot ka ba hanggang probinsya?" "Ah, eh…" "Kuya, ngayon mo lang ito ginawa kaya umamin ka sa akin kung saan ka galing at anong ginawa mo na hindi mo ako isinama." "Ano kasi… Um…" Nahirapang mag-isip ng idadahilan si Rashee. Buti na lang at naisip niyang bakit ba kailangan niyang sumagot o magpaliwanag sa batang ito. "Aisst! Tigilan mo nga ako, Nicole, at pagod ako," aniya na na nilampasan ang bata. "Kuya, seryoso ako! Saan ka galing at anong ginawa mo?" "Diyan nga lang," matipid niyang sagot. Sinabayan niya iyon nang pagtanggal ng jacket niya. "Diyan lang? Sigurado ka?" "Bakit ba tanong ka nang tanong? Pumunta ka na lang kay lola tingnan mo kung may e-mail ako," pag-iiba niya sana ng topic. "Kuya, madami akong tanong kasi tingnan mo ang hitsura mo! Naka-MR. HIRED KILLER na kasuotan ka tapos inumaga ka nang uwi?! Ano na lang ang iisipin ng mga nakakita sa ‘yo sa labas na kilala ka?!" Bumaba agad ang tingin ni Rashee sa kanyang sarili at anong ngiwi ng mukha niya nang makita niyang ang hitsura niya ay ang hitsura niya kapag gabi. Bakit nga ba hindi niya napansin? F*ck! Nasapo niya ang ulo, parang sumakit iyon sa kanyang katangahan. Tumingin siya kay Nicole. "May mga nakasalubong ka ba?" Inaalala niya ang mga nakasalubong niya. Ngayon alam na niya bakit ganoon na lang kung makatingin sa kanya ang mga kasama nila rito sa apartment sa may hagdanan kaninang paakyat siya. Natampal na niya ang sariling noo. "Hay naku naman! Hindi ka nag-iingat, Kuya!" "Sorry naman. Akala ko kasi gabi pa lang," pagsisinungaling niyang napalabi. Ayaw niyang aminin sa bata na nawala siya sa sarili dahil lang sa babaeng may regla na iyon. Kagabi, pagkatapos niyang itali ang mga magnanakaw na mga binugbog niya ay bumalik siya sa kinatutulugan ng babaeng may regla para sana gisingin ito, pero hindi niya alam bakit hindi niya magawa itong gisingin. Bagkus ay nawili siyang titigan ang dalaga habang tulog na tulog. Maganda pala kasi ang babaeng may regla na iyon. Parang anghel na natutulog lamang ito kagabi. Parang hindi makabasag pinggan. Parang napaka-inosente. Tapos iyon na nga, binantayan na lamang niya ito. Hanggang sa namalayan na nga niyang umaga na. "Hoy, Kuya! Natulala ka na riyan!" Pumitik si Nicole malapit sa mukha niya. "May sinasabi ka?" Bumusangot ang mukha ng bata. "Kuya, nakashabu ka ba?" "Sinasabi mo?!" Bahagyang tinulak niya ito sa mukha patagilid. Nakaharang kasi ito sa mga nakasampay na damit niya. "Lutang ka kasi, eh. Akala ko ba ayaw mo ng droga-droga na 'yan? Ba't parang gumamit ka na ngayon?" "Pwede ba, Nicole, tantanan mo ako. Pumunta ka na lang kay Lola. I-check mo na kung may e-mail ako. Dalian mo," sabi niya pero hindi niya napigilang huwag mapangiti. Ang ginawa niya'y itinago niya iyon sa pamimili ng isusuot na t-shirt. Subalit hindi iyon nakaligtas kay Nicole. "Hala ka, Kuya! Naka-drugs ka nga!" anito na tinuturo ang kanyang mukha. Pinigilan niya ang huwag na talagang mangiti. "Nicole, tigil-tigalan mo ako, ha!" "Umamin ka kasi, Kuya!" "Anong aaminin ko?" "Na nag-shabu ka!" Binato niya ito ng t-shirt. "Ang kulit mo! Hindi ako nag-shabu!” "Eh, bakit ganyan ka?" giit pa rin ni Nicole na umiwas. "Anong ganyan?!" "'Yang pangiti-ngiti na 'yan?!" Itinuro ni Nicole ang bibig niya. Wala sa oras na napapunas siya sa kanyang labi. Paraan na rin para mapigilan ang pagtawa. Kung hindi ay hindi siya tatantanan ni Nicole. "Bakit bawal ngumiti?" Napalabi si Nicole. "Hindi naman. Pero sa 'yo? Parang may mali, eh." "Hay! Tama na nga 'yan!" Binato niya ulit ito ng t-shirt. "Pumunta ka na kay Lola sabi kung hindi ay hindi kita pakakainin ng masarap!" "Iba ka kasi, Kuya. Iba 'yang mga—" pangungulit pa sana ni Nicole kung hindi pa niya ito hinila sa may pintuan. "I-check mo kung ano ang mga kailangan ni Lola pagkatapos mon i-check ang e-mail," bilin niya rito pagkatapos ay sinaraduhan na niya ito ng pintuan. Nang mai-lock niya ay napasandal siya sa dahon ng pinto at napaisip. Mukhang tama yata si Nicole. Naka-drugs nga ba siya? Kasi, paano niya nagawa iyon? For the first time ay nakalimutan niyang mag-ingat dahil lang sa babaeng iyon. Ano'ng nangyayari sa kanya? Bakit nawala siya sa character niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD