PART 3

1778 Words
"Problema mo ba?" Busangot ang mukhang binuksan ulit ni Isel ang gate ng bahay. Kumakatok na naman kasi si Shy. "Ang taray mo naman. Pati si gwaping tinarayan mo." "Ang kasama niyang bata ang unang nagtaray sa 'kin. Sinampulan ko lang. Kung sana kasi tinuturuan niya ng magandang asal ang anak niya ay hindi gano'n na nagtataray sa mas matanda sa kanya." Kumibot-kibot ang labi ni Shy. "Sa tingin mo anak niya 'yon? Baka kapatid lang?" "I don't care. Basta may ugali 'yong bata na iyon!" "Gano'n ba, eh, di pahingi na lang ng pagkain?" Iningusan niya ang kausap. Kapal, ano? "Wala kaming pagkain, Shy, kaya umalis ka na." "Grabe ka naman. Si Manang Selya nga binibigyan ako kahit tinapay lang," pagpipilit ni Shy. Hinawakan nito ang hamba ng gate para hindi niya maisara. "Sinong Manang Selya?" "Si Manang Selya ang mabait na katulong na pinalitan mo rito.” "Aisst, sabing hindi ako katulong dito, eh!" singhal niya. Pinagpipilitan talagang katulong siya, eh. Wala naman masama sa pagiging katulong, pero hindi nga siya katulong kaya naiinis siya. "Oo na. Kahit ano ka pa rito penge na lang pagkain. Sige na please? Gutom na gutom na ang mga alaga ko sa tiyan. Hindi sila sanay na magutom." Napangiwi siya nang dumako ang tingin niya sa naglalakihang bilbil ni Shy. Ilang bote kaya ng mantika ang laman niyon? Gosh! "Sige na. Saglit lang. Kukuha lang ako." Akmang isasara niya ang gate pero kasi ay biglang isiningit ni Shy ang mataba nitong katawan. "Anong ginagawa mo?" "Sama na ako sa ‘yo para hindi ka mapagod na pabalik-balik. Saan ang kusina niyo?" tuwang sagot ng matabang dalaga. Napangiwi ulit siya pero hinayaan na lang niya ito. Una siyang naglakad papasok ng bahay. Sumunod sa kanya si Shy hanggang kusina. "Grabe, ang ganda pala ng loob ng bahay ni Misis Tores," manghang wika ni Shy habang pinapasadaan ng tingin ang kabuuan ng bahay. Hindi niya ito pinansin. Sa ref agad siya nagtungo. "Ano bang gusto mo?" tapos ay tanong niyang napalingon kay Shy dahil hindi niya alam kung anong ibibigay niyang pagkain dito. "Wow!" Lumuwa ang mga mata ng matakaw na dalaga. Sumingit agad ito sa ref at pinagkukuha ang gusto. "Hoy! Tama na 'yan!" naalarmang awat niya kung hindi ay sisimutin ni Shy ang pagkain niya. Hinila niya ito at agad isinara ng ref. Iniharang niya ang katawan. Guwinardyahan niya ang ref. "Grabe ang suwerte mo, girl. Ang dami mong pagkain," ani Shy habang kipkip sa dibdib ang mga pagkaing kinuha. Nilalantakan na rin nito ang mansanas. "Oo na at umalis ka na dahil may gagawin pa ako. Dali!" Pinagtulukan na niya ito. "Wow! Mga antique ba ang mga display na mga 'yan?" puri ni Shy sa mga nakikita sa sala ng bahay. "Hindi ko alam. Sige na, alis na.” "Oy, mamahalin ang vase na ‘yon, 'di ba?" pansin pa ni Shy. "Grabe ang laki ng flat screen TV niyo." "Ay naku, puwede bilisan mo ang paglakad!" Sa tuwina ay itinutulak niya sa likod ang madaldal ding dalagang mataba. "Sana yayaman din ako ng ganito para pupunuhin ko ng pagkain ang bahay ko," nag-iimagine na wika pa ni Shy. Hindi na niya ito pinatulan. Bagkus hinila niya ito sa kamay hanggang gate. "Salamat sa mga ito, Isel," pasasalamat naman kahit paano ni Shy sa kanya. "Oo na. Kainin mo lahat 'yan at huwag mo na ako iistorbohin, okay?" Pagkasabi niya n'on ay isinara na niya ang gate. Tuwang-tuwa na nga na umalis na si Shy. Tatalon-talon itong naglakad dahil sa dami ng pagkaing dala. Si Isel ay iiling-iling at kakamot-kamot naman sa ulo na bumalik sa loob ng bahay pagkatapos i-lock ang gate. Agad siyang pumanhik sa terrace ng bahay ng kanyang tita. Doon ay mataman siyang nag-isip kung anong gagawin mamayang gabi. Napag-isip-isip niya kasi na hindi pala siya pwedeng matulog kapag gabi dahil sa gabi umaatake ang mga kawatan. Iyong kalabog na narinig niya sa kisame kagabi, hindi siya naniniwala na pusa lang ang may kagagawan n'on. Ang gaan-gaan kaya ng pusa! Kumilos na siya. Hindi niya dapat pabayaan ang bahay. Ipinagkatiwala iyon ng tita niya sa kanya kaya babantayan niyang maigi. Hindi niya bibiguin ang kanyang tita. 'Yung pang-isahang sofa ang iniakyat niya sa terrace. Uupuan niya mamayang gabi kapag magbabantay na siya. "Phew!" Pumanaywang siyang nagpunas ng pawis sa kanyang noo. Ang bigat kasi ng upuang inaakyat niya. Balak pa nga sana niyang iaakyat ang TV doon pero TV nga pala iyon, baka manakaw pa kapag ilagay niya sa terrace. Mga pagkain na lang ang iaakyat niya mamaya. Magpo-food trip na lamang siya. Credit to Shy. Nagkaroon siya ng ideya dahil sa babaeng iyon. Sinubukan niyang umupo at natuwa siya. Masarap pa lang tumambay roon sa terrace. Siguradong hindi siya mababagot sa pagbabantay mamayang gabi roon. Ang ganda ng view, eh. Balak niya ay magbibilang siya ng mga stars mamaya. Ang kaso pagsapit ng gabi at wala pang alas dyes ay aantok-antok na si Isel na nakaupo sa malambot na upuan na iyon. Nakapikit na siya at panaka-naka natutumba ang ulo niya na sinasalo ng isang kamay niya. Kakabilang niya ng stars at kakakain niya ng mga kung anu-anong pagkain ay iyon pala ang magpapaantok sa kanya. Wala siyang kaalam-alam tuloy sa parang riding in tandem na pabalik-balik sa gate ng bahay. Mga halatang may binabalak na masama. ******** "KUYA, AALIS KA?" pupungas-pungas na tanong ni Nicole sa Kuya Rashee nito nang makitang bihis ito. I-zinipper ni Rashee ang jacket na itim. Nagsumbrero at tinungo na ang bintana. "Maglalakad-lakad lang ako. Hindi ako makatulog, eh," at sagot niya kay Nicole bago tumalon sa bintana. Lumapag siya sa bubong ng kanilang kapitbahay. Mas mataas kasi ang inuupahan nilang kuwarto dahil halos nasa rooftop na iyon ng apartment na pinauupahan ni Aling Carmen. Saglit lamang ay kampante na siyang naglakad sa mga bubungan ng bahay habang nakapamulsa ang dalawang kamay sa jacket niyang itim. "Ngeyaw!!" Nagulat pa ang pusa sa kanya na natutulog sa bubungan. Kumaripas ito ng takbo. "Aw! Aw!" tahol naman ng mga aso. Pero hinahayaan lang niya ang mga hayop. Kasama na ang mga daga na nagtatakbo kapag dumadaan siya. Kapag malayo ang pagitan ng mga bahay ay syempre tumatalon siya. Minsan ay tumatakbo rin siya. Parang exercise na rin kasi niya ang ganitong ginagawa niya kapag hindi siya makatulog sa gabi at wala siyang raket. Kung walang ipapatrabaho sa kanya ng mga suki niyang nagpapatay ng mga kaaaway nila sa politika o walang pinapakuha sa kanya na kahit na anong bagay ay ito lang ang naiisip niyang pampalipas gabi. Isa rin kasi siyang illegal courier. Nang mapagod siya ay umupo siya sa bubong ng malaking bahay. Sa may kulay red ang pintura ng bubong at madilim. Doon siya nagpahinga. Gustong-gusto niya talaga kapag ganitong nasa mga bubong siya. Nakikita niya ang mga tao sa ibaba. Pinagmamasdan niya ang mga ito ng palihim. Mga walang kamalay-malay na mga pinapanood niya ang mga ito a dilim. Sa may lamp post, may matanda na nagtitinda ng balut na dinadaan-daanan ng mga tao paalis o pauwi na. Mayrong nagde-date naman sa isang kanto na mga teenager. May ina at anak na magkahawak kamay na naglalakad. At mayroong nagkukulitan na mga barkada. Sapat na ang mga nakikita niya para gumaan ang pakiramdam niya. Ganito lang talag siya sa gabi kapag wala siyang tatrabahuin. Ganito lang siya kasimpleng tao kahit na ganoon kasama ang trabaho niya. Hanggang sa may mahagip ang mga mata niya na kakaiba. Dalawang lalaking nakasakay sa motor na biglang dumaan. Hindi niya alam bakit napasunod ang tingin niya sa mga ito pero siguro syempre dahil sa gawain niyang kakaiba ay alam niya rin ang mga kakaiba na ginagawa ng mga ibang tao. Inayos niya ang sumbrero kasabay ng kanyang pagtayo. Susundan niya ang kahina-hinalang mga lalaki. Takbo, lakad at talon siya sa mga bubongan ng mga bahay. Habang panay ang sulyap niya sa dalawang lalaking naka-motor. At anong salubong ng kilay niya nang makita niyang sa bahay ng babaeng may regla tumigil ang mga ito. Nadagdagan pa ang mga ito ng isa. Isang mataba na hindi niya mawari kung lalaki o babae dahil nakatalikod ito sa gawi niya at nakasumbrero rin tulad niya. Pinanood niya muna ang mga ito kung anoong gagawin. Hanggang sa umalis na ang mataba. Naiwan ang dalawang lalaki. Naningkit ang mga mata niya nang kumilos na ang isang lalaki. Alam na niya ang balak ng mga ito. Ang nakawan ang bahay ni babaeng regla. Kawawang babae. Inayos niya ulit ang sumbrero. Sa tingin niya ay wala siyang karapatan na mangialam dahil kapag siya nga ang gumagawa ng masama ay wala rin namang nangingialam sa kanya. Nagkibit-balikat siya. Akmang tatalikod na pero para namang ayaw makisama ang kanyang mga paa. Bumukol ang dila niya sa pisngi niya. Hindi siya makapaniwala sa sarili niya sa gustong gawin. No! Hindi puwede! Raket nila iyon! Kaya hindi pwedeng mangialam ako! Mamamatay tao siya at hindi super hero o tagaligtas kaya aalis na siya. Isinisik pa niya sa utak niya. Subalit tila ba may sariling buhay ang paa niya na tumakbo paikot sa mga bubong papunta sa bubong ng bahay ni babaeng may regla. "Ano 'tong ginagawa mo, Rashee?!" piping saway niya sa sarili nang nasa bubong na siya ng bahay ng may reglang babae. Ngunit hindi pa rin niya napigilan ang sarili. Naglambitin siya sa bubong pababa sana sa terrace ng bahay ngunit nagdalawang isip siya dahil naroon pala ang babaeng may regla. Nakaupo at ang sarap ng tulog. "Tsk! Anong ginagawa niya? Bakit dito siya natutulog?” usal niya sa sarili. Nakalambitin pa rin siya at anong pamimilog ng mga mata niya nang biglang kumilos ang babaeng may regla. Pigil na pigil niya ang hininga. Nagmulat ng mata ang babaeng may regla. Nagkatitigan sila. Nalintikan na! Ang kaba sa dibdib ni Rashee ay halos madinig na niya sa sobrang lakas. Hindi nito dapat makita ang kanyang mukha. Mabuti na lang at pumikit ulit ang babaeng may regla. Nakatulog ulit. "Phew!" Sobrang naginhawaan siya at bumitiw na siya sa pagkakalambitin. Bumagsak siya sa bakuran. "Aw!" subalit aniya na walang boses at napapagiwi dahil mataas pa pala ang tinalon niya. Parang umurong ang mga paa niya kaya iika-ika tuloy siyang naglakad patungong gate. Ano ba kasi itong ginagawa niya? Buwisit! Saktong pagpasok ng dalawang lalaki ang pagdating niya sa may gate. Ibinaba niya ulit ang sumbrero niya hanggang sa matakpan ang halos kalahati ng kanyang mukha. "Who the hell are you?" ta's sita niya na pinakapal ang boses. Gulat na gulat ang dalawang lalaki. Agad siyang sinugod kaysa ang sumagot pero walang naging laban ang mga ito sa kanya. Para lang nanapak siya ng mga bata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD