"Kuya Rashee, gising! Gising!"
"Hmm..." ungol lamang ni Rashee na natutulog.
"Kuya, kapag hindi ka pa gumising mapapalayas na tayo rito! Si Aling Carmen katok ng katok sa pinto!"
Pagkarinig ni Rashee sa pangalan ng kanilang land lady ay napabalikwas agad siya ng bangon at napatingin agad sa pinto ng room for rent nilang inuupan ni Nicole.
"Iyong bayad daw sa upa, Kuya. Tatlong buwan na,” sabi ni Nicole na napapasimangot sa kanya.
Napatanga siya sa bata. Tinatalo pa rin kasi siya ng antok.
Si Nicole Beazar ay hindi niya kapatid at lalong hindi niya anak. Isang bata lamang ito na edad dose na namamalimos noon na hindi sinasadya na nakakita sa kanyang ginawang pagpatay sa isang drug pusher noong nakaraang taon. At dahil hindi siya isinumbong sa mga pulis o sa kahit na sinuman ay kinaibigan na niya ito. Nang malaman niyang mag-isa na lamang itong bumubuhay sa sarili sa pamamagitan ng pamamalimos ay kinupkop niya ito bandang huli.
May magulang naman si Nicole pero ayaw ni Nicole na umuwi sa bahay nila dahil hindi lang daw isang beses kundi maraming beses na itong pinagtangkaang gasahain ng ama nitong adik, kaya mula noon ay buddy-buddy na sila. Daig pa nila ang magkapatid na. Partners in crime pero syempre napag-usapan nila na may hangganan din ang gawain nila. Mag-iipon lang sila ng sapat na pera at aalis na sa lugar na iyon at titigil na sa napakasamang gawain.
"Kuya, magbayad ka na kasi. Ang dami naman nating pera, eh," iiling-iling na wika ni Nicole na itinuon ulit ang panonood sa luma nilang TV.
Naihilamos ni Rashee ang kanyang mga palad sa kanyang mukha. "Sinabi mo bang bukas na?"
"Oo pero ang sabi kung hindi raw tayo makakabayad ngayon ay palalayasin na tayo," himutok ng bata. Ang taas ng pagkakahalukipkip nito.
Isa pang katok ang narinig nila sa pinto. Katok na parang sinisira ng nasa labas ang pinto nila. Awtomatiko na napatingin sila roon.
"Rashee, lumabas ka r'yan! Mag-usap tayo! Lumayas ka na rito kung ganyan na wala kayong pambayad!" Tapos ay tinig na pagwawala ni Aling Carmen.
Nakamot-kamot ni Rashee ang likod ng ulo. Ang ingay talaga ng matandang iyon.
Napilitan na siyang tumayo at sumilip sa ilalim ng kanyang kama. Isang kahong luma ang kinuha niya roon. At nang buksan niya ay napakadaming pera ang tumambad. Pera na tig-isang libo na malulutong at nakabundle-bundle. Pera na ibinayad sa kanya ng nagpapatay kay Vice Mayor. Sa isang buwan pa niya iyon idi-deposit sa bangko. Cash kasi siya nagpapabayad para walang mate-trace sa bangko. Ganoon siya kaingat.
Pina-catch niya kay Nicole ang isang bundle ng pera. "Bayaran mo na nga siya," ta's naiinis niyang utos sa bata.
Lumiksi ang bata. Humugot ito ng walong libong piso sa naka-bundle na pera. Kabisado na niya ang bayarin nila sa bahay.
Pagkatapos ipasok ulit ni Rashee ang kahong kinalalagyan ng madaming pera o ng milyon niyang pera ay pabagsak ulit niyang inihaga ang sarili niya sa kama. Bahala na si Nicole na magbayad ng upa.
Ngingiti-ngiti ang bata na tinungo naman ang pinto at binuksan.
"Aling Carmen, ano po bang problema?" ta's bibo nitong kinausap ang landlady. Kung makaasta ay aakalaing may edad ng tao.
"Nasa'n ang kuya mo?!" Gusto ni Aling Carmen na pumasok sa loob. Galit talaga ito pero inunahan ito ni Nicole. Iniharang ng bata sa mukha ng ginang ang perang pambabayad nila rito. Kuminang naman agad ang mga mata ng ginang. Madaling hinablot iyon at binilang.
"Pasensiya na kayo, Aling Carmen, ngayon lang nakadelihinsya si Kuya Rashee pero magbabayad naman, eh," nakangising sabi ni Nicole.
"Kulang pa 'to ng five hundred!" pagsusungit ulit ng ginang.
Kunwari ay napakamot ng batok ang bata. Pero ang totoo ay sinadya niya talaga iyon, ang kunwari kulang ang ibabayad nila. "Utang na lang muna, Aling Carmen. Hindi na nga kami kumain ni Kuya ng ilang araw, eh, para mabayaran ka lang namin. Maawa ka naman sa amin. Mabait naman kayo, 'di ba? Hindi ba lagi po kayong nagsisimba?"
"Aisstt! Kung hindi lang talaga ako mabait. Siya sige na, pero sabihin mo sa kuya mo maniningil ulit ako sa katapusan. Hindi puwede ang ganito na kung kailan niyo lang gusto magbayad. Nalulugi na ang paupahan ko dahil sa inyo.”
"Sige po, Aling Carmen. Sasabihin ko po. Ba-bye po."
Ilang irap pa ang ginang kay Nicole tapos ay silid sa loob ng bahay bago ito naglakad paalis.
"Ingat po." Kaway pa ni Nicole rito.
"Sabihin mo kasi sa kuya mo huwag maging batugan. Tingnan mo nga’t anong oras na pero tulog pa rin. Ay naku," pahabol pang sermon ng ginang.
Iiling-iling at tatatawa-tawa na lang si Nicole na isinara ang pinto.
"Umalis na?" tanong ni Rashee na nakasubsob ang ulo sa unan.
"Oo, Kuya. Bakit naman kasi pati bayad ng upa ay kailangang ipakitang hirap tayo? Nakakahiya tuloy sa mga kapitbahay," himutok ulit ni Nicole na bumalik sa panonood ng TV. Balik simangot ito at cross arms.
"Alam mo na ang dahilan. 'Wag ka nang magtatanong. Ang mabuti pa pumasok ka na school."
"Ayoko nga!"
"Aisst, huwag ka ngang pasaway. Pumasok ka na.” Binato niya si Nicole ng unan.
"Ayoko ngang mag-aral, Kuya. Huwag mo nga akong pilitin.”
"Eh, anong gusto mong mangyari sa buhay mo? Matulad sa 'kin? Umayos ka nga!" Isa pang unan ang ibinato niya kay Nicole. Ganito na sila simula naging close sila, aso't pusa. Parang magkapatid na talaga na laging nagbabangayan.
Hindi na umimik si Nicole. Parang wala na itong narinig.
Iningusan niya ito. Kahit kailan ay pahirapan talaga itong kumbinsihin na mag-aral. At suko na siya. Binato na lang niya ulit ito ng isa pang unan.
"Aray naman, eh!" angal na ng bata.
"Bahala ka sa buhay mo," sabi na lang niya rito saka tinungo ang banyo.
Kung titingnan talaga ay parang kawawang magkapatid ang dalawa. Isang maliit na kuwarto ang inuupahan nila. Isang TV lang na luma ang appliances nila, at isang lumang durabox naman ang lagayan ng mga damit nila.
Ganoon kasi ang gusto niyang ipakita na buhay nila upang ni sa hinagap ay hindi siya paghinalaan ng mga tao sa totoong trabaho niya, ang PUMATAY!
Ang alam nga ng mga tao ay batugan siya kaya naman kahit sobrang guwapo niya ay ilag ang mga babae sa kanya. Wala raw mga ito aasahan sa kanya.
Sabagay tama naman sila. Wala namang aasahan talaga ang isang babae sa buhay niya ngayon na tinatahak. Sino ba naman ang tapat na magmamahal sa isang tulad niyang mamamatay tao?
"Saan mo gusto kumain o pumunta ngayon?" tanong niya kay Nicole habang nagsisipilyo.
"Gusto kong bumili ng tablet," ibang sagot ng bata.
"Hindi ba sabi ko hindi puwede ang gadget?”
"Pero, Kuya, aanhin naman natin ang madami nating pera kung hindi rin naman natin nagagastos?" apila na talaga ng bata.
"'Yang bunganga mo nga at baka may makarinig sa 'yo."
"Naman kasi, eh!" Nagulo-gulo ni Nicole ang buhok. Kahit kasi mga magagandang damit ay hindi nito mabili. Kumain lang sa masasarap na restaurant ang nagagawa nila at sa malayong lugar pa. 'Yung walang makakakilala sa kanila na afford nilang kumain kahit gaano pa kamahal ang isang pagkain.
"Kain na lang tayo, okay? Kahit anong gusto mo," nanunuyong aniya.
"Ayoko!" Ngunit pagmamaktol ni Nicole.
"Huwag ka ngang maarte!" Nainis ulit siya. Ang kulit talaga na bata.
"Hmmmp!" Halukipkip ni Nicole. Sobra na ang simangot nito.
Nang lumabas siya sa banyo ay napangiwi siya sa hitsura ng bata na nakita niya. Wala na tuloy siyang nagawa kundi ang um-oo na lang na bibilhin nila ang tablet nitong gusto.
"Basta 'pag nabili natin 'yon ay huwag mong sasabihing sa 'yo. Sabihin mo napulot mo lang," bilin niya ulit dito nang paalis na sila ng bahay. And as usual, simpleng damit na naman ang suot nila kahit na kung tutuusin ay kaya nilang bumili kahit ilang damit pa na branded.
Naka-short lang siya na maong at t-shirt na itim. Gayundin si Nicole, pambabae na short at t-shirt din. Parehas na tsinelas din ang sa paa nila.
"Hi, Rashee," pa-cute ng isang babae na anak ng kapitbahay nila.
Tipid na nginitian niya ito kahit hindi niya typr. Ang arte kasi ng hitsura ng babae. Super sexy ang mga idinadamit. Halos lahat kita na kaya ayaw niya. Ang gusto niya ay simpleng babae lang.
"Ano ka ba, Gelda! huwag mong sabihing type mo 'yan?"
"Bakit ang guwapo kaya niya."
"Guwapo nga tamad naman sa buhay. Laging nagkukulong lang sa bahay. Anong ipapakain sa iyo ng batugan?"
"At least guwapo," pagtatanggol pa rin ng babae sa kanya.
Napayuko si Rashee ng ulo. Nang tingalain siya ni Nicole ay kinindatan niya ito na lumakad lang.
Kibit-balikat naman ang bata na sumunod. "Kung alam lang nila na super yaman mo, Kuya," pero hindi pa rin nito napigilang sambitin nang makalayo na sila.
"'Yang bunganga mo sabi." Bahagyang pitik siya sa bibig ng madaldal na bata.
"Kasi naman, eh!" Nagulo-gulo na naman ni Nicole ang buhok.
"Hayaan mo sila." Akbay niya rito saka pinara ang tricycle na parating.
"Saan tayo pupunta, Kuya?"
"Bilhan muna natin sina nanay at tatay mo ng grocery."
"Huh? Bakit na naman?!"
"Huwag ka nang magreklamo."
Simula kasi tinalikuran na ni Nicole ang mga magulang ay ilap na ang bata sa mga ito. Hindi pa rin nito mapatawad ang ama. Sa malayo na lamang nito tinatanaw ang ina kapag nami-miss ni Nicole ang nanay nito. May tampo rin kasi si Nicole sa ina nito, ayaw kasing maniwala ang nanay nito na tinangkaan siya ng masama ng ama. Mas kinakampihan pa nito ang asawa kaysa sa sariling anak.
"Hindi ka man lang dumalaw sa kanila kagabi? Malapit lang sa bahay niyo ang location natin kagabi, ah?"
"Kuya, wala akong panahon sa kanila. Ikaw lang naman ang nag-iisip pa sa mga iyon, eh.”
"Nicole, magulang mo pa rin sila."
"Magulang na mga walang kwenta!"
Bumuntong-hininga siya ng malalim. Inakbayan niya ulit ang bata. Kapag ganoong usapan ay umiinit talaga ang ulo ni Nicole. Gayunman ay ginagawa pa rin niya ang pagbibigay ng grocery sa mga mga magulang nito kahit na inaaway siya. Naisip niya kasi na darating din ang araw na magpapatawad din ang bata kaya hindi niya puwedeng pabayaan ang mga magulang nito lalo't ang pera niyang hawak ay malaki ang bahagi ro'n ni Nicole. Napapadali ang lahat sa kanyang trabaho dahil kay Nicole.
"Basta ibibigay pa rin natin ito," giit niya. Nakabili na sila ng grocery. Dalawang supot iyon na punong-puno ng iba't ibang kailangan sa bahay.
"Kuya, naman, eh!" angal pa rin ni Nicole.
Nasa pagtatalo sila nang biglang matamaan ng gate na bakal si Rashee, bigla kasi iyong nagbukas.
"Aray ko!" Nasapo niya agad ang matangos na ilong.
"Ay, sorry!" hingi naman ng despensa ng dalagang nagbukas niyon. Gulat din ito.
"Okay lang," aniya kahit hindi okay. Parang nabali ang matangos na ilong niya.
"Ate, bakit ka ba kasi bigla-bigla nagbubukas ng gate?" Si Nicole ang sumimangot at nagsungit sa dalaga.
Napaismid ang babae sa bata.
“Nicole, bad ‘yan,” saway na ni Rashee kay Nicole.
“Eh, kasi—” pagtataray pa rin ng bata sana. Hindi lang nagawa dahil tinakpan ng palad ni Rashee ang bibig nito.
Humalukipkip naman na ang babae. "Sa susunod kasi ay tumingin kayo sa dinadaanan niyo!" at pagtataray na rin nito.
Napamaang si Rashee. Hindi niya inasahan iyon. Wala rin pala ang babaeng ito. Akala niya mabait dahil ang mukha ay parang anghel. Hindi pala dahil pumapatol sa bata. Tsk!
"Siguro nag-uusap kayo kaya hindi niyo nakita na pabukas ang gate!" sabi pa ng babae na may pagkamataray pa rin.
"Excuse me!" Hinalukipkipan ito ni Nicole. Palibhasa ay palaban talagang bata si Nicole.
Muli ay itinakip niya ang isang palad niya sa mukha ni Nicole na napunta sa bunganga. Kaya naman, "Mmmpp! Mmmmp!" na lamang ang naririnig sa nagtataray na ring bata.
"Ah... eh... oo, Miss, nag-uusap nga kami kanina. Pasensya na sa abala."
"Sabi ko na nga ba, eh!" mataray pa rin na turan ng babae. Humalukipkip din. Ginaya si Nicole.
Napailing na lamang siya. Sayang maganda pa naman ang babae. Tupakin o may sayad lang sa ulo. Ito pa ang may ganang magalit. Pero hayaan na lang niya, inisip na lang niya na baka may buwanang dalaw siguro kaya mainit ang ulo.
"Halika na." Hila na niya kay Nicole.
"Isel, may pagkain ka riyan?" Pero nang marinig niyang sabi ng chubby na babae sa masungit na babae ay napalingon siya.
Isel, Isel pala ang pangalan ng babaeng may regla! Cute!
Hindi niya tuloy maiwasan na sulyapan ang bahay na tinitirhan nito. At anong kunot-noo niya nang maalalang iyon ang bahay na pinag-stop-over-an niya kagabi.
Bumalik ang tingin niya sa babaeng may regla. So, puwedeng ito pala iyong tinapunan niya ng pusa kagabi.
Ngumiti siya sa babae nang mapatingin ito sa kanya pero tinaasan siya ng isang kilay.
"Kuya!" Biglang hila ni Nicole sa kanya kasi muntik na nilang mabangga ang isang lalaki naman.
"Sorry po," hingi niya ng paumanhin sa lalaki. At gusto niyang matawa dahil sa walang kuwentang mga kapalpakan niya ngayon.
Isa pang tingin niya sa babaeng may regla. Pero wala na ito. Napangiwi na lang siya nang kindatan siya ng chubbing babae na naiwan doon. Yay!