CHRISTINE ----POV----
Kinabukasan nagising akong mag-isa na lamang sa aking kwarto. Nagpalinga-linga ako sa aking paligid, hinahanap ng aking mata si Mark nang biglang bumukas ang pinto. Isang babae na may katangkaran ang taas ng pumasok. Maganda at medyo chubby, at sa tingin ko ay nasa eighteen years old na ito.
"Hi, ate! Gising ka na pala. Pasensya ka na kung iniwan kita. Lumabas lang ako saglit para bumili ng almusal mo," aniya sabay lapag ng dala niyang paper bag sa lamesa.
"Ako nga pala si Faith, pinsan ni kuya Macky. Ako muna ang magbabantay sa 'yo. Pumasok pa kasi si kuya sa opisina niya," dagdag niya pa.
"S-Salamat at pasensya na rin sa abala." Tanging nasabi ko na lang dahil nahihiya na talaga ako sa kanila. Masyado na kasi akong nakakaabala sa kanila.
"Wala 'yun ate. Ang importante gising ka na. Sa wakas, hindi na masyadong mag-aalala si kuya." "Ahh.. Ehh, Faith, matagal na ba ako dito?"
"Hala si ate! Walong buwan ka kaya na-coma, at sa walong buwan na wala kang malay ginawa na yata ni kuya Macky opisina ang ospital na 'to."
Bigla akong nagtaka.
"Alam mo ba ate, simula ng nabaril at na-coma ka hindi ka iniwan ni kuya. Kahit mga importanteng meeting sa ibang bansa, ang sekretarya niya lamang ang pumupunta dahil baka daw magising ka at hanapin mo siya," tuloy-tuloy na kwento ni Faith habang nilalabas naman niya ang mga pinamiling pagkain mula sa paper bag. Habang ako naman ay patuloy lang sa pakikinig ko sa kanya.
"Alam mo ba ate. Ngayon lang nagkaganyan ang kuya, kahit do'n sa haliparot at malanding ex niya'y hindi ko pa nakitaan ng ganoong pag-aalala si kuya. Ewan ko ba kung anong nakita ni kuya Macky sa malanding babae na 'yun. Kung bakit minahal niya ng bongga. Alam mo ba ate na binalak pa ni kuya magpakamatay? Hindi kasi niya matanggap na niloko siya nang haliparot na babae na 'yun!" mahabang kwento ni Faith.
"Kaya sobrang natuwa ako nang nalaman kong may girlfriend na si kuya.. at ikaw 'yun! Akalain mo, pumunta lang ng Iloilo si kuya, pagbalik niya may girlfriend na siya? Hindi talaga kami makapaniwala. Akala namin tuluyan nang magiging matandang masungit si kuya. Simula kasi nang lokohin siya ng malanding babae na 'yun. Wala nang sineryoso si kuya," dagdag pa ni Faith. "Ay, sorry ate! Medyo nadala lang ako," aniya sabay peace sign sa akin. Bigla akong napaisip. Kung ganun, mahal na mahal niya ang ex niya. Pero bakit naging magkasintahan kami?
Medyo kumirot ang ulo ko sa kaka-isip kaya napahawak akong bigla sa aking ulo
Nataranta naman si Faith kaya agad niya akong nilapitan.
"Ahh.. Ate may masakit ba sa 'yo? Ano ang nararamdaman mo?" sunod-sunod niyang tanong.
"Ate, sandali tawagin ko muna ang doktor," aniya. Ngunit akmang pinpindutin niya na ang speaker sa nurse station nang pinigilan ko siya
"Huwag na Faith," pigil ko. "Medyo kumirot lang ng konti ang ulo ko."
"Sige ate, tapusin mo na ang almusal mo at magpahinga ka na. Huwag mo na masyadong alalahanin ang mga na-ikwento ko. Ang alalahanin mo ay ang mapabilis ang paggaling mo para makauwi na tayo."
"Maraming salamat, Faith." 'Yun lang ang tanging nasabi ko kay Faith dahil sobrang naguguluhan ako sa lahat ng nalaman ko. Hanggang pagsapit ng gabi at naka-uwi na si Faith. Hindi pa rin maalis sa aking isipan ang mga nalaman ko.
"Kumusta ang pakiramdam mo? Kanina pa kita kinakausap pero nakatulala ka lang. May problema ka ba Christine? Kung inaalala mo ang nakaraan mo, huwag mo muna masyadong alalahanin," untag ni Mark sa akin. Nakarating na pala siya nang hindi ko namamalayan.
"Kanina ka pa ba Mark? Sorry, hindi kita napansin. Kumusta ang trabaho mo? Sana nagpahinga ka na lang muna sa bahay mo. Okay lang naman ako dito," ani ko sa kanya. Pero ang totoo parang ayaw ko muna siyang makita dahil sa mga nalaman ko mula kay Faith.
"I'm okay babe. Don't worry about me. Kumusta kayo ni Faith? Kinulit ka ba niya? Medyo may pagka-madaldal kasi ang batang 'yun, baka kung ano-ano na lang ang mga kinwento sa'yo." aniya.
'Marami nga. At alam kong nagsisinungaling ka sa akin kung bakit magkasintahan tayo gay'ong patay na patay ka sa ex mo.' Yan sana ang gusto kong sabihin sa kanya pero hinayaan ko na lamang.
"Mark kailan ako makakalabas? Medyo okay naman na ako," pag-iiba ko ng usapan. Hindi ko na lang sinagot ang mga tinanong niya dahil ayaw ko munang mag-isi, kumikirot ang ulo ko.
"Bukas, kapag pumunta dito ang doktor mo at okay na ang lahat ng result mo, tatanungin ko kung pwede na tayong makalabas dito. Kaya magpahinga ka na at huwag ka na munang mag-isip ng mga bagay-bagay na magpapasakit ng ulo mo," bilin niya.
"Gusto mo bang maligo?" biglang tanong niya. And speaking of ligo.
Sino kaya ang naglilinis at nagbibihis sa akin nang mahigit walong buwan habang ako'y tulog?
Nanlaki ang aking mga mata sa naisip.
'Hindi kaya? Oh, my gosh! Nakita niya ang lahat sa akin?'
"Don't worry babe, hindi kita pinagnasaan habang wala kang malay. Nurse na babae ang naglilinis at nagbibihis sa'yo."
Nahulaan niya siguro ang nasa isip ko. Medyo nabunutan ako ng tinik sa aking dibdib sa sinabi niya. Akala ko talaga ay siya.
Halika na. Hatid na kita sa banyo para makaligo ka na at para makapagpahinga na tayo," yaya niya sa akin.
"Ako na. Okay na ako," pigil ko sa kanya. Pero inalalayan niya pa rin ako hanggang sa makapasok ako sa loob ng banyo.
"Salamat," sambit ko. Nginitian niya lamang ako sabay talikod.
Nakahiga na kami sa kama nang magkatabi. Ewan ko sa taong 'to, kung bakit gusto niyang tumabi sa akin, medyo naiilang pa ako dahil hindi ko pa siya naaalala kung totoong boyfriend ko nga ba siya. Nagulat ako nang magsalita siya sa gilid ng aking tenga. Nakaramdam ako ng konting kiliti dahil sa mainit na hininga na lumabas sa kanyang bibig. Parang may mga bulta-boltaheng kuryente ang dumaloy sa buo kong katawan."Sorry and thank you," bulong niya. Nagtaka ako kung bakit 'yan ang sinabi niya sa akin, kaya humarap ako sa kanya. Pero mali yata ang pagharap ko dahil isang pulgada na lang ang agwat ng aming mga labi. Nagtama ang aming mga mata. Kinabahan ako sa kanyang mga titig na wari'y nakikiusap.
"Ahm, Mark. Bakit ganyan ang sinasabi mo? May dapat ba akong mala-"
Hindi ko na natuloy pa ang dapat kong sabihin dahil naramdaman ko na lang ang malambot niyang labi sa labi ko.
Nabigla ako at nagulat sa kanyang ginawa kaya hindi ako nakagalaw agad.
'My first kiss! Shocks! Ang sarap!' Sigaw ng aking isip. Mabilis na halik lang ang kanyang ginawa at agad niya rin naman akong binitawan.
"Goodnight, babe!" sambit niya sabay siksik sa aking leeg. Kinuha niya ang aking ulo at nilagay sa kanyang dibdib. Grabe sa bilis ang t***k ng aking puso. At rinig ko rin ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.
"Goodnight din Mark," bulong ko at sabay na kaming natulog na may ngiti sa aming mga labi.