Valentine's Day.
Sumisigaw ng araw ng mga puso ang bawat sulok sa paligid. Wala naman siyang pakialam dati sa okasyon pero ngayon, pakiwari niya naiinggit siya sa mga magkakapareha at sa mga babaeng may hawak na bulaklak, balloons at chocolates. Ang kahera ng tiyahin sa palengke ay abot hanggang tainga ang ngiti habang ipinagmamalaki ang bulaklak na bigay ng kasintahan nitong kargador.
‘Sarap lang ihambalos ng bulaklak na hawak,’ sa isip-isip niya kanina. Walang katuturang inggit pero wala siyang magagawa, ganoon ang nararamdaman niya sa ngayon.
Kahit sina Tiya Letty at Tiyo Roman ay may date ngayon. Hayun at maaga raw na magsasarado ng pwesto. Sina LynLyn naman at Voltaire naman ay pare-parehong may lakad kasama ang mga kaibigan. Samantalang siya, heto, stuck sa daan. Namatayan ba naman ng makina ang jeep na sinasakyan niya. Sa kamalas-malasan. Kaya, nagbaka-sakali siya na may masakyan ulit. Punuan pa man din ang mga sasakyan ngayon.
Nayayamot at nababahala na siya habang tumatakbo ang oras. Marami pa naman siyang gagawin.
"Lost?"
Nang bigla na lang may magsalita sa kanyang likuran. Kaagad siyang napalingon at sinigurado kung sino ang nagmamay-ari ng pamilyar na boses.
"Luke?"
Ang binata nga ang nakatayo ngayon sa kanyang harapan. Bigla-bigla na lang talagang sumusulpot si Luke sa kung saan. Heto at nakahinto sa tapat niya. ‘Di tuloy niya maiwasang isipin na sinusundan siya nito. Kahapon kasi tila namataan niya itong nakaantabay sa malayo, ‘di nga lang siya sigurado kung si Luke nga ang nakita niya. Pero ganitong pormahan din kasi. Signature jeans and shirt at jacket.
"Angkas na," nakangiting aya nito na para bang noong araw lang ay halos hindi sila magpansinan.
"Huwag na. Mag-aabang na lang ako ng masasakyan."
Itinuon niya ang mga mata sa kalsada kahit alam niyang wala siyang tsansang makasakay. Sa gilid ng mga mata niya, kita ni kung paanong umibis si Luke sa motor nito.
‘Please, umalis ka na,’ pipi niyang taboy rito. Pero heto na nga at nasa tabi na niya ito.
"Okay, twenty minutes."
"Na?" Maang siyang napatingala sa mukha nito.
"Na pag-aabang ng masasakyan but after twenty minutes na hindi ka pa rin nakasakay muli," sinadyang ibitin ang sasabihin na inilapit pa ang mukha sa kanya kapaya naman, napaatras siya, "akin ka."
Iba ang dating sa kanya ng sinabi nito. Kung biro man, masama iyong biro. Napaka-possessive pa ng tono. At ang mga mata nito…
“Ewan ko sa’yo.” Iningusan niya lang ito. Pero sa totoo lang, hindi niya talaga matagalan ang pagtitig sa mga mata nito.
“There.”
Ang loko-loko, inudyukan pa siyang makipag-unahan sa papahintong sasakyan sa pamamagitan ng pag-usli ng nguso nito.
Hinahamon siya nito. Halos makipagbunuan siya sa ibang commuters pero wala talaga. Sa liit niya, nahirapan siyang makipag-unahan sa mga malalaking mamang kasabayan. Para na nga siyang timang na lihim na nakikipagkarera sa itinakdang oras ni Luke, Ngingisi-ngisi lang ito sa isang sulok nang malingunan niya.
"Suko na?"
‘Di niya ito sinagot.
“Sige na, Hasmine. Sumama ka na sa akin.”
Tempted na siyang sumama.
"Please. Promise, wala akong gagawing ikagagalit mo."
Ang tinutukoy nito ay ang nangyari nong nakaraan. Hindi naman siya galit, nangangamba lang. Sadyang nakakakaba ang presensya ni Luke. Para siyang kinakain ng buo.
"Please," samo pa nito.
Luke is a temptation, pinipilit niyang iwasan pero heto at natagpuan na lang niya ang sariling tumango.
'Pinaiiral mo lang ang practicality, Hasmine,' kumbinse niya sa sarili.
Napapitlag pa siya nang kusa nitong isuot ang helmet sa kanya. Kulay puti, itim naman ang gamit nito. Una itong sumakay at inilahad ang kanang kamay sa kanya. Lumipas muna ang ilang saglit na nakatitig lang siya sa palad nito bago nagdesisyong tanggapin iyon.
“Good girl.”
May kasamang pisil ang hawak nito sa kamay niya. Pisil na sinasabing ‘she’s in good hands’. Sinigurado muna nitong maayos siyang nakaupo sa likuran nito bago binuhay ang makina ng motorsiklo. Sa kabila ng pagkabog ng dibdib niya, sinubukan niyang ipagpalagay ang kalooban.
“You okay in there?”
Swabe lang ang takbo nila kaya naririnig niya nang maayos ang tanong nito.
“Okay lang.”
Kinailangan niyang sagutin nang maayos ang mga pep talks ni Luke. Nakakahiya na rin naman kasi dito na nag-effort pa nga imbes na makipag-date sa iba. Sa dami ng babaeng nahuhumaling dito, imposibleng wala. Nakapagtataka lang na hindi ito sumama kay Voltaire.
"Wala ka bang date?"
Gusto niyang pagsisihan kung bakit nagawa niyang vocal na magtanong.
"Ikaw, ‘di pa kita date?"
Napatitig siya rito. Iba ang epekto sa kanya ng biro nito. "Baliw ka talaga kahit kailan." Tabingi ang biro niya.
"Matagal na nga akong baliw, eh. Baliw na baliw sa’yo."
Napalunok siya nang wala sa oras. Hindi niya nakikita ang mukha nito, pero nararamdaman niyang seryoso ito sa sinasabi. Pumatlang ang ilang sandal na nanahimik sila kapwa. Buti na lang din at maingay sa paligid, kundi ay baka naririnig nito ang tila mas lumalakas na pagkabog ng kanyang dibdib. Inilayo pa niya ang katawan mula sa likod nito sa takot na baka maramdaman nito.
"Hasmine, pwede ba kitang imbitahan?" Out of the blue ay saad ni Luke matapos ang nagdaang katahimikan sa pagitan nila.
May bumubulong sa kanya na hindi siya dapat umuo sa imbitasyon pero iba ang namutawi sa bibig niya. "S-saan?"
"Dinner."
Ilang saglit siyang nanahimik habang iniinda ang tila kilabot na nagdaan sa kanyang dibdib paakyat sa kanyang batok. Si Luke naman ay nakiramdam lang sa sasabihin niya. Sinasabi ng utak niya na huwag pero kabaligtaran ang bulong ng puso niya.
"Sandali lang naman tayo. Kakain, tapos uuwi na kaagad. Actually, galing pa ako sa raket at ikaw naman, for sure, hindi ka pa kumakain."
Bigla nga naman siyang nagutom nang maisip ang pagkain. Banana cue at gulaman lang ang huling kain niya kanina.
"Baka mapagalitan ako nina Tiyang."
"Wala naman sina Tita at Tito sa bahay. Pati sina Voltaire. Mag-iisa ka rin lang pag-uwi mo. I can be your company, pwede mo nang pagtiyagaan."
Persistent. Anong alibi pa ba ang sasabihin niya?
"Hindi naman nangangahulugan na pwede na akong maglakwatsa dahil wala sa bahay sina Tiyang at Tiyong."
Nakagat niya ang ibabang labi at naikrus ang mga daliri. Sana, convincing ang reasoning niya.
"Takot ka talagang magkamali 'no?"
Nasa intersection sila at nakaantabay na mag-go.
"Nakakahiya lang kasi sa kanila. Pinag-aaral na nga ako ng libre at tinatratong mabuti. Itong pag-aaral ko na lang ang nag-iisang kabayaran ko bilang pagtanaw ng utang na loob."
"So, that's a no."
Nakita niya ang paglaglag ng balikat nito kapagkuwa'y nanahimik. Nakaramdam naman siya ng awa sa binata. Ang dami na nitong nagawa sa kanya pero simpleng dinner lang ‘di niya mapagbigyan.
"Kung…kung papayag ba ako, maipapangako mo ba na sandali lang tayo?"
Sukat sa sinabi ay biglang napa-yes si Luke.
"OA mo talaga."
Ikinatawa nito ang sinabi niya pagkatapos ay sinabing, “I promise.”
Kakain lang naman. Walang romantic connotation. Sosolusyunan ang kumakalam na sikmura. Para siyang tanga, natatakot siya sa maaaring resulta ng pagkakalapit nila ni Luke, pero may bahagi naman ng puso niya ang nai-excite na makasama ito.
Ah, bahala na si Batman.