CHAPTER 6 THE BEGINNING

1172 Words
"Ate, tila maganda ang iyong gising? Nagkaayos ba kayo ni Kuya Roberto?" may panunuksong tanong ni Sabel kay Sonia. Nanatiling nakatitig sa kawalan si Sonia habang nakaupo sa pasimano ng bahay. Nakangiti ito at tila malalim ang iniisip. "Ate?" Lumapit si Sabel sa kapatid saka ito tinapik nang mahina sa sa balikat. "Huh? Ano'ng kailangan mo, Sabel?" tila nagulat na tanong ni Sonia. Hindi namalayan na nasa paligid ang kapatid. "Ang lalim ng iniisip mo, Ate. Kanina pa ako nagsasalita rito." "Wala. Ano nga ba ang tanong mo?" "Ang sabi ko, mukhang masaya ang gising mo, mukhang nagkaayos na kayo ni Kuya Roberto,' mariing ulit na panunukso ni Sabel. "Ah... oo, nagkaayos kami kahapon..." alanganing sagot ni Sonia. Naglumikot ang mga mata. "O, parang biglang nalungkot ka, Ate? Kanina lang ang luwang ng ngiti mo." Sinuklay ni Sabel ang mahabang buhok ni Sonia gamit ang mga daliri. "Hindi ako sigurado sa pagpapatawad ko kay Roberto." Napabuga ng hangin si Sonia. Nailabas din niya ang bumabagabag sa loob niya. "Kung gano'n pala ang iyong saloobin, bakit mo siya pinatawad agad?" "Mahal ko pa naman siya, pero nabawasan iyon nang dahil sa kataksilan niya. Nawala na rin ang tiwala ko. Pakiramdam ko'y muli niyang gagawin iyon. Isa pa, naawa ako sa kanya. Nagsumamo siya upang mapatawad ko." Itinukod ni Sonia ang siko sa pasimano saka nangalumbaba. "Naguguluhan ako." "Hindi kita masisisi, Ate. Mayaman si Kuya Roberto, gwapo at mula sa respetadong angkan. Hindi malayong may mga babaeng lumalapit sa kanya upang siluin siya. Mahihirapan siiyang tumanggi kung palay na ang lumalapit sa manok." "Bahala na lang..." Muling nagbalik si Sonia sa malalim na pag-iisip. Naalala si Bal at ang itim na Petunia. Bahagyang napangiti si Sonia. Nais niyang matulog na lang muli upang magbalik sa burol ng mga bulaklak. "Aalis na muna ako, Ate. Hahatiran ko lang ng pananghalian si Ina sa tahian ni Aling Sela," paalam ni Sabel sa kapatid, tinungo ang hapagkainang tanaw mula sa sala. Nakapatong sa mesa ang buslo na pinaglalagyan ng pagkain. "Maiwan muna kita, Ate." "Sige, mag-iingat ka." Lumuwang ang ngiti sa mga labi ni Sonia. Pagkaalis ni Sabel ay agad niyang tinungo ang silid at nahiga sa katre. Pinilit niyang matulog kahit alas-onse pa lang. ***** "Sonia, natutuwa ako't nakabalik ka agad," masayang bati ni Bal sa dalaga. Nakaitim muli itong damit. Matikas at maganda ang tindig. Maaliwalas ang mukha nitong sinalubong si Sonia. "Nais ko kasing mag-isip-isip. Maganda ang lugar mo para pag-isipan ang mga bagay-bagay." Naupo si Sonia sa damuhan. Bahagya lamang ang liwanag na nagmumula sa langit na natatakpan ng makapal na ulap. "Ano ang iniisip mo?" Nangibabaw ang katahimikan bago muling nagsalita si Sonia. "Nagtaksil ang nobyo ko. Humingi ng tawad at pinatawad ko naman. Hindi ako nakipaghiwalay sa kanya. Sino ba ako para hindi magpatawad, hindi ba?" "Masaya ka ba sa naging desisyon mo?" Umupo sa tabi niya si Bal, may kalahating dipa ang pagitan. Matagal na nag-isip ng isasagot si Sonia. Sinuyod ng tingin ang kabuuan ng burol. "Mas masaya ako rito kaysa desisyon ko. Napakaganda at payapa ng lugar na ito." "Maaari kang magtungo rito kailan mo man naisin. Isipin mong iyo rin ang lupain ko," masayang alok ni Bal. "Kung makatutulong sa 'yo ang pagpunta mo rito, malugod kong binubuksan ang tahanan ko sa 'yo." "Maraming salamat, Bal." Napaunat sa pagkakaupo si Sonia. "Hindi ko lang maunawaan kung paano ako nakararating dito, at paanong sa panaginip lang tayo nagkikita? Tao ka ba o engkanto?" Malakas na halakhak ang pinkawalan ni Bal. Dinig siya sa buong burol. "Ano ang nakakatawa sa tinuran ko?" inis na tanong ni Sonia rito. Inirapan niya ang kausap. "Pasensya na. Natawa lang ako sa salitang engkanto. Huwag kang mag-alala, hindi ako engkanto. Huwag mo na lang isipin iyon. Wala naman akong masamang hangarin sa 'yo. Magkaibigan tayo, hindi ba?" Tumitig nang makahulugan si Bal kay Sonia subalit nakatanaw sa malayo ang dalaga kung kaya't hindi niya napansin ang mga titig na iyon. "Paumanhin kung nasungitan kita. Ikaw naman kasi eh. Oo, magkaibigan tayo, at malaking tulong ang pagtungo ko rito para mabawasan ang mga alalahanin ko. Maraming salamat sa 'yo." "Walang anuman." Umakto pa itong yumukod kay Sonia na nakapagpatawa sa dalaga. "Mas bagay sa 'yo ang tumatawa kaysa malungkot." Namula ang magkabilang pisngi ni Sonia. "Kung ikaw ba naman na magkaroon ng kasintahan na palikero, hindi ka ba malulungkot?" "Hindi, dahil hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal ko. Isa pa, kung magkakaroon man ako ng kasintahan lalo na't maganda na ay tapat pa, hindi ko na magagawang tumingin pa sa iba." "Kung sana'y lahat ng lalaki ay katulad mo. Wala na sigurong babaeng luluha pa." Namasa ang mga mata ni Sonia, nagbabadyang pumatak ang mga luha. "Kalimutan na muna natin ang taksil mong kasintahan. Magsaya ka muna rito at iwan ang suliranin mo sa bahay." Tumayo si Bal saka inilahad ang palad kay Sonia upang alalayan itong tumayo. Inabot naman ng dalaga ang kanyang kamay rito. Masayang naglibot ang dalawa habang nagkukwentuhan. Lumipas ang maghapon na tanging si Bal lamang ang kausap niya. Nalibang ang dalaga dahil masayahin ito at maraming kwento. Ipinitas muli ng itim na Petonia si Sonia saka inabot iyon sa dalaga na malugod namang tinanggap ang bulaklak. Muli nitong sinamyo ang halimuyak ng Petunia. "Ate... Ate!" Yugyog ni Sabel kay Sonia. Hindi pa rin nagigising ang dalaga mula sa himbing ng pagkakatulog nito. "Ina, si Ate hindi magising!" malakas na tawag ni Sabel kay Aling Dela. Humahangos na napatakbo si Aling Dela sa silid ni Sonia. "Sonia, anak! Sonia!" Niyugyog nang niyugyog nito ang anak subalit wala pa ring reaksyon ito. "Kumuha ka ng isang tabong tubig, Sabel. madali!" Agad na tumakbo ang anak sa kusina saka kumuha ng tabong may tubig. Bitbit ang tabo, matuling lumakad pabalik si Sabel sa kwarto ng kapatid. "Akina 'yan." Hinablot ni Aling Dela ang tabo sa kamay ng anak saka ibinuhos ang laman nito sa mukha ni Sonia. Napasinghap ang dalaga na tila nalulunod. Habol ang hininga nito habang inihihilamos ang isang kamay sa mukha. "akkk... Ina! Bakit n'yo ho ako sinabuyan ng tubig?" Reklamo ni Sonia. Basa rin maging ang bestida nito. "Anong bakit eh hindi ka magising riyan. Kahapon pa ng tanghali ka tulog! Umaga na ulit ngayon." "A-ano ho?" Napamulagat si Sonia. Pakiramdam niya'y saglit lang silang magkausap ni Bal. Nabitin pa nga siya sa pag-uusap nila. Napahugot siya ng malalim na hinga. "Magpalit ka na ng damit. Kakain na tayo. Kahapon ka pa hindi kumakain," sermon ng kaniyang ina. "O-opo." Tiningnan ang kaliwang kamay na may hawak ng Petunia. Napangiti si Sonia. "Ate, napapaisip ako sa bulaklak na itim na iyan. Saan ba nanggagaling 'yan?" nagtatakang tanong ni Sabel sa kapatid. Nakatitig ito sa bulaklak na hawak ni Sonia. "Wala ito, huwag mo na lang pansinin. N-nagandahan lang ako kaya pinitas ko. Halika na't kumain na tayo," aya ni Sonia upang malayo ang usapan sa bulaklak. Susubukan niyang magnakaw ulit ng tulog mamaya upang makabalik sa burol.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD