CHAPTER 7 THE TEMPTATION

1255 Words
"Natutuwa ako't napapadalas ang pagtungo mo sa tahanan ko," malugod na pagsalubong ni Bal kay Sonia. Iniabot nito ang kamay upang alalayan ang dalaga sa paglalakad. "Masaya ako sa pamamalagi ko rito. Gumagaan ang pakiramdam ko. Parang ang payapa ng mundo." Pinagmasdan ni Sonia ang mga nagliliparang mga paro-paro na dumadapo sa mga naggagandahang bulaklak. "Siya nga pala, malimit mong sabihin na tahanan mo ito pero nasaan ang bahay mo?" "Nais mo bang makita? Narooon sa baba ng burol.Halika." Nagpaakay si Sonia kay Bal patungo sa bahay nito.Malayo-layo rin ang nilakad nila bago narating ang bahay ni Bal. Napanganga si Sonia habang pinagmamasdan ang kabuuan nito. "Bahay ba ito? Mukha itong palasyo sa laki!" Ang lawak nito ay mas malaki pa sa tahanan ng mga Alvaro, wala pa nga sa kalahati nito ang mansyon nila! Inilinga ni Sonia ang mga mata. Kulay abuhin ito, na napapalibutan ng maraming uri ng bulaklak tulad sa burol. Mayroon itong tatlong palapag, sa tantiya ni Sonia. Ang mga bintana ay gawa sa bakal at salamin. Mayroon din itong malawak na terasa sa pangalawang palapag. Dinig ang mga naghuhunihang ibon at kuliglig sa paligid. Mukha itong kastilyo na may nakatirang prinsipe. "Maliit pa ito kumpara sa permanenteng tahanan ko. Pahingahan ko lang ito," wala sa tono nito ang pagmamalaki. "Halika sa loob." Binuksan ni Bal ang pintuan na gawa sa solidong narra. "Napakalaki ng tahanan mo. Nanliliit akong pumasok dito." Atubili sa pagpasok sa pinto si Sonia. "Ituring mong iyo ang tahanan ko. Halika," muling aya ni Bal sa dalaga. Nag-aatubili man ay pumasok na rin si Sonia sa loob. Muling napanganga ang dalaga sa nakitang muwebles sa loob. Lahat halos ng naroon ay gawa sa ginto, pilak at narra. Walang bakas ng alikabok at hindi kakikitaan ng kahit kaunting gasgas. Nagkikintaban ang mga kasangkapan. Ang hagdan na paikot sa pinaka-sentro ay gawa sa solidong narra. "S-sinong kasama mo sa napakalawak na bahay na ito?" "Ang mga tauhan ko. Sila ang nangangalaga rito." Nagpatiunang maglakad si Bal, sumunod naman si Sonia rito na palinga-linga pa rin sa kabuuan ng bahay. "Nasaan ang mga magulang mo? Ang mga kapatid mo?" "May kani-kaniya silang mga bahay. Tara at magmeryenda tayo." Nagtungo si Bal sa isang nakapinid na pintuang gawa rin sa narra. Binuksan nito iyon at tumambad ang mahabang hapagkainan sa sentro. Tila kakasya ang labing-anim na katao sa mesa na iyon. Ang kabuuan ng silid ay napakalawak. May mga estante sa gilid na kinalalagyan ng naggagandahang mga plato at baso. Lumapit si Bal sa mahabang mesa at ipinaghila ng upuan si Sonia. "Halika't maupo ka." Pagkatapos maupo ni Sonia ay umikot si Bal sa kabilang bahagi ng mesa katapat niya at naupo roon. "Maraming salamat." Namumula ang mga pisngi ni Sonia dahil sa ipinapakitang kabutihan at pagiging maginoo ni Bal. Hindi pa ito nagpapakita sa kanya ng kahit anong kagaspangan ng ugali. "Laura," tawag ni Bal sa ngalan ng isang babae. Bumukas ang pinto sa kabilang dulo ng silid. Bumungad ang isang napakagandang babae. Balngkinitan ito at may magandang hubog ng katawan. Nakasuot ito ng unipormeng itim ng isang kasambahay. "Pakidalhan kami ng makakain at inumin," utos ni Bal na hindi man lang tinitingan ang kasambahay. Ang buong atensyon nito ay nakatuon kay Sonia. "Opo, Senyorito," sagot ni Laura bago ito tumalikod pabalik sa pinanggalingan nito. "Maganda si Laura, mukha ring mabait," papuri ni Sonia. "Anak siya ng kanang-kamay ng aking Ama. Sa ngayon ay masasabi kong isa sa mga tapat na naglilingkod sa akin." Bitbit ang mga pagkaing nasa malaking bandehang tangan ng dalawang kasambahay. Ang isa ay maiksi ang buhok na hindi lalagpas sa balikat, ang isa nama'y hanggang baywang ang haba ng buhok. Hindi pamilyar si Sonia sa mga pagkaing iyon ngunit natatakam na siyang matikman lahat. Inilapag ng kasambahay ang isang platong may pulang pagkain sa kanyang harapan. Mahahaba ang mga hibla nito at may sahog na tila maliliit na karne. "Spaghetti ang tawag diyan. Nagmula pa ang putaheng iyan sa ibang lugar. Kumain ka lang nang marami, para sa iyo lahat talaga iyan." "Salamat, Bal. Ikaw, hindi ka ba kakain?" "Busog pa ako. Para sa 'yo talaga lahat ng inihanda ko," tanggi ni Bal habang nakatitig ito kay Sonia. Dumampot ng kubyertos si Sonia saka sumubo. Sarap na sarap si Sonia habang inuubos ang pagkain na nasa plato niya. Inilapag din ni Laura ang isang basong may pulang likido. "Ano ito?" tanong ni Sonia. "Katas ng prutas iyan na ang tawag ay strawberry," nakangiting sagot ni Laura sa kanya. "Maraming salamat, Laura." Dinampot ni Sonia ang baso saka ininom ang laman nito. "Masarap, matamis!" "Alam kong magugustuhan mo ang mga iyan. Sige lang, kumain ka pa," hikayat ni Bal, na ginawa naman ni Sonia. Hindi nito naubos ang mga pagkaing inihatid sa kanya. "Tama na, Bal. Busog na busog na ako," tanggi ni Sonia habang hinihimas ang tiyan. Napatawa nang malakas si Bal. "Sige, tama na 'yan. Baka hindi ka na makalakad pa sa kabusugan." "Ikaw kasi eh, napakasarap ng pagkaing inihanda mo." Namumula ang magkabilang pisngi ni Sonia dahil sa hiya. "Ayos lang iyan. Halika, doon tayo sa terasa at magpahangin." Tumayo si Bal at lumakad palapit kay Sonia upang alalayan ito sa pagtayo. Napaka-magino niya. Kahit sino'y mapapaibig ng lalaking ito. Agad na sinaway ni Sonia ang sarili. May kasintahan ka na, Sonia, magtigil ka. Huwag mong tularan ang taksil mong nobyo. Nakaakyat sila sa ikalawang palapag ng bahay at nagtungo sa terasa nito. Tanaw mula sa gawing ito ang magandang burol na kanilang pinanggalingan, maging ang iba pang bahagi sa paligid ng malawak na lupain. "Ang ganda rito. Napakapayapa at maaliwalas. Kung maaari lang ay dumito na ako habang buhay," wala sa loob na namutawi ito sa mga labi ng dalaga. "Maaari naman kung iyong nanaisin, magsabi ka lang," may kahulugang tugon ni Bal. Tumitig ito kay Sonia subalit hindi iyon muling napansin ng dalaga. "Kung maaari lang ba, bakit hindi. Subalit may pamilya akong kailangang uwian." "Iyon ba? Magagawan natin nang paraan iyan," may kahulugan ulit na turan ni Bal ngunit hindi na iyon narinig pa ni Sonia dahil sa nakita nitong mga kuneho na naghahabulan sa hardin. "Ang ganda, oh!" Sabay turo nito sa mga kuneho. Nanatili lamang na nakatitig si Bal kay Sonia. "Maraming salamat sa panibagong masayang araw, Bal. Nalilimutan ko ang lahat sa tuwing naririto ako." "Walang anuman, Sonia. Basta ikaw." Saglit na naging kulay itim ang mga mata ni Bal bago ito muling nagbalik sa normal. "Kailangan ko na nga palang umuwi. Baka hanapin na ako sa bahay," paalam ni Sonia rito. "Sige. Narito ang bulaklak, ipinitas kita kanina." Inilabas ni Bal ang kamay mula sa likuran. Hawak nito ang isang tangkay ng itim na Petunia. "Masasanay ako sa ginagawa mong ito." Nag-aalangang kunin ni Sonia ang Petunia. "Ayos lang, basta makita kong masaya ka." Hindi pa rin nito ibinababa ang kamay. "Sige, maraming salamat." Inabot ni Sonia ang bulaklak saka ito nilanghap. ****** "Ate!" tinig ni Sabel. Ito ang unang narinig ni Sonia bago nagmulat ng mga mata. "Sonia, anak. Ano ba ang nangyayari sa 'yo?" nag-aalalang tanong ng kanyang amang si Mang Ruben. "Po? Ano po ang ibig ninyong sabihin?" Nagpalinga-linga siya sa silid niya. Naroon din sa silid ang kanyang ina, si Buboy, si Mang Tano na albularyo ng kanilang isla, kasama ang apo nitong si Antonio, kasing edad ito ni Sabel. "Isang linggo ka nang tulog, iha," sagot ni Mang Tano. Napanganga si Sonia sa tinuran ng matanda.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD