"Sonia, saan nagmula ang itim na bulaklak na hawak mo?" nagtatakang tanong ni Aling Dela sa anak.
"H-hindi ko rin ho alam, Ina. Nagising ako na hawak ko na ito." Inilagay ni Sonia ang
bulaklak sa plorera na nasa ibabaw ng altar. Naupo ito sa upuang kawayan na nasa sala.
"Baka pumasok si Buboy sa silid mo kagabi para ibigay iyan at pagaanin ang loob mo. Ang aga mo natulog at ang aga mo ring nagising ngayon. Alas-singko pa lang. Dahil ba sa nangyari kahapon?"
"M-maalinsangan ho kasi." Hindi maikwento ni Sonia sa Ina ang kaniyang panaginip. Kahit siya ay hindi maunawaan ang nangyari. "Ina, sasama po ako sa pananahi ninyo ngayon. Gusto kong malibang at may pagkaabalahan."
"Huwag na, Sonia. Dumito ka na lang. Nahinto ka nga sa pag-aaral dahil mahina ang iyong kalusugan. Magpahinga ka na lamang dito," suway ng kanyang ina. "Kagagalitan din ako ng Ama mo pag-uwi niya rito galing sa pamamalakaya."
"Pero Ina..."
"Huwag nang makulit. Sinabing dumito ka na lang." Tumalikod na ang ina. "Ako'y maghahanda na sa pag-alis. Ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid mo. Hindi ko na muna isasama si Buboy. Nakaluto na ako ng agahan. Mauna ka nang kumain."
"S-sige po." Muling nabaling ang tingin ni Sonia sa itim na bulaklak. Hindi siya pamilyar sa ganitong uri ng bulaklak. Hindi pa niya ito nakikitang tumubo sa isla nila. Pilit inalala ang napanaginipan kagabi. Ang mukha ni Bal ang sumagi sa kaniyang isip. Matangos ang ilong nito, malamlam ang bilugang mga mata at may maninipis na mga labi. Hugis puso ang mukha nito. Ipinilig ni Sonia ang ulo. "Ano ba itong iniisip ko? Isa lamang panaginip iyon."
***
"Ate Sonia!" tawag ni Sabel mula sa labas ng bahay. Humahangos itong pumasok at dumiretso sa kusina kung saan nagluluto si Sonia.
"Bakit, Sabel?" Binitiwan ni Sonia ang hawak na sandok saka hinarap ang kapatid.
"Si Mang Kardo, nagwala sa harap ng mansyon ng mga Alvaro. Nais niyang pakasalan ni Kuya Roberto si Mameng dahil may nangyari na raw sa kanila. Ang gulo kanina. Naglabas pa nga ng baril ang katiwala ni Donya Asuncion pantapat sa gulok ni Mang Kardo," mahabang kwento ni Sabel.
Napabuntong-hininga si Sonia. "Labas na ako sa gulo nila. Ayoko nang magkaroon pa ng ugnayan sa kanila."
"Pero, Ate, ikaw ang kasintahan ni Kuya Roberto, hindi ba? Hindi pa kayo nakapag-uusap nang maayos."
Napaisip si Sonia sa tinuran ng kapatid. Mas bata ito sa kanya ng apat na taon, kinse lang ito pero mas matanda pa kung mag-isip kaysa sa kanya. "May punto ka. Hindi pa rin kami nagkakahiwalay nang maayos ni Roberto. Kailangan ko pa rin siyang kausapin at hiwalayan nang pormal."
"Iwan mo na ang niluluto mo, Ate. Ako na ang bahala rito. Kausapin mo na siya," taboy ni Sabel sa kapatid.
"Maigi pa nga. Maiwan na muna kita rito." Iniwan na ni Sonia ang kanyang lutuin saka nagtungo sa silid upang mag-ayos. Kailangan na niyang tapusin ang lahat sa kanila ni Roberto.
***
Mabilis ang lakad ni Sonia upang makarating agad sa mansyon ng mga Alvaro. May dalawampung minuto rin ang layo nito sa bahay nila. Pagtapat niya sa tarangkahan ay namataan niya ang katiwalang si Mang Emong.
"Mang Ramon, magandang araw ho. Nariyan ho ba si Roberto?"
"Ay naku, Sonia, kaaalis lang. Magpipinta raw siya sa dalampasigan. Puntahan mo na lang doon."
"Sige ho, maraming salamat." Habang naglalakad patungong dalampasigan ay may iilang kadalagahan siyang nakasalubong sa daan. Ang mga tingin nito ay nanunuri sa kanya. Naulinigan din niya ang bulungan ng mga ito.
"Hindi kaya inayawan na ni Roberto ito kaya pinagpalit na kay Mameng?" sambit ng isang babaeng may katabaan., si Elsa. Kaklase niya noong elementarya.
"Posible ring pinagsawaan na," humagikgik ang kausap nito, si Lumen, ang pinsan ni Mameng. Maliit ito at maitim ang balat. Sungki rin ang mga ngipin nito sa harap at kita ang gilagid.
"Huwag kayong maingay, marinig kayo," sagot naman ng isa na nagtakip ng bibig na tila bumubulong pero napakalakas ng pagkakasabi. Maputi ito ngunit libagin. Loleng libagin ang bansag sa kanya sa isla. "Tamad yata maghilod," bulong ni Sonia sa sarili.
Hindi na lamang pinansin ni Sonia ang mga ito at nagpatuloy sa paglalakad.
***
"Roberto," tawag ni Sonia sa nobyo mula sa likuran nito. Nakaharap ito sa dagat habang ipinipinta ang papalubog na araw.
"Sonia, mahal ko!" Tinakbo ni Roberto ang pagitan nila ng kasintahan saka niyakap ito.
"R-Roberto, bitiwan mo ako," pagtanggi ni Sonia habang nagpupumiglas sa pagkakayakap nito.
Bumitiw si Roberto subalit hinawakan ang magkabilang kamay ni ni Sonia. "Sabi na, hindi mo ako matitiis. Mahal mo talaga ako, Sonia."
Saglit na katahimikan ang nangibabaw bago muling nagsalita si Sonia. "Tama ka, Roberto. Mahal nga kita, at naging tapat ako sa 'yo. Subalit ikaw, nagawa mo akong pagtaksilan." Nagbabadyang pumatak ang mga luha sa mga mata ni Sonia.
"Nagsisisi ako sa ginawa ko, pampalipas oras ko lang si Mameng. Ikaw ang mahal ko. Ikaw ang gusto kong makasama habang buhay," nagsususmamong pagpapaliwanag ni Roberto. Inilapit nito ang mga kamay ni Sonia sa mga labi saka hinalikan.
Marahang binawi ng dalaga ang mga kamay. "Sana'y naisip mo iyan bago ka sumiping kay Mameng." Nagsimula nang maglandas ang mga luha sa magkabilang pisngi niya.
"Ipagpatawad mo, Sonia. Nagsisisi na ako. Pangako, hindi na ako uulit pa. Pakiusap. Patawarin mo ako," pagsusumamo ni Roberto sa kasintahan. Namumula ang mga mata nito, pigil ang mga luhang nangingilid.
"Paano si Mameng? Paano ang dangal niya? Basta mo na lang siyang tatalikuran?"
"Hindi ako ang nakauna sa kanya. May iba pa siyang nakasiping bukod sa akin. Wala akong pananagutan sa kanya," mariing pagkakasabi ni Roberto. Hinawakan ni Roberto si Sonia sa magkabilang balikat. "Sonia, ikaw ang niligawan ko. Ikaw ang pinaghirapan kong suyuin dahil ikaw ang mahal ko. Unawain mo sana na may pangangailangan kaming mga lalaki, at hindi mo pa kayang ibigay iyon sa ngayon. Iginagalang ko iyon. Sana lang unawain mo rin ako. Pangako, hindi na ako uulit pang muli."
Lumambot ang puso ni Sonia. Mahal pa rin niya ito kahit papaano. Nagpahid ng mga luha gamit ang kamay. Huminga nang malalim bago muling nagsalita. "P-patatawarin kita, subalit huli na ito, Roberto." Hindi siya sigurado sa kanyang tinuran, subalit nais niyang bigyan ng pagkakataon ang nobyo.
"Salamat... maraming salamat, mahal ko." Niayakap ni Roberto si Sonia. Sobrang galak ang naramdaman nito dahil sa pagpapatawad ng mabait na nobya.
*****
"Sonia..."
Nilingon ni Sonia ang tumawag sa kanya. Si Bal. Narito na naman siya sa burol ng mga bulaklak. "Maaari mo bang sabihin sa akin kung nasaan ako, at ano ang ginagawa ko rito? Paano akong napunta rito? H-huling tanda ko ay natutulog ako sa kuwarto."
"Huwag mo na munang masyadong isipin ang ibang bagay. Narito tayo ngayon sa lupain ko, para malibang ka naman." Inilahad ni Bal ang kanang kamay upang ayain si Sonia na maglakad-lakad sa burol.
"P-pero..."
"Halika na,' ulit ni Bal. Hindi pa rin ibinababa ang kamay.
Parang nababato-balani si Sonia na iniabot ang kaliwang kamay sa kamay ni Bal. Inalalayan siya nto para ikutin ang burol. Maraming uri ng tanim ang naroon. May mga rosas, santan, gumamela, at marami pang uri ng bulaklak na hindi niya alam ang mga pangalan. Nadaanan nila ang mga tanim na itim na bulaklak. Ito ang ibinigay sa kanya nito noong nagdaang pagkikita nila.
"Ano ang bulaklak na ito?"
"Ito ang itim na Petunia. Paborito ko ang bulaklak na ito." Yumuko ito at pumitas ng isa. Iniabot ito kay Sonia. "Para sa 'yo."
"P-pero... may kasintahan na ako, hindi ako maaaring tumanggap ng bulaklak mula sa ibang lalaki," tanggi ni Sonia.
Lumamlam ang mga mata ng binata, bumahid ang lungkot dito. "Makikipagkaibigan lang ako, Sonia. Sana tanggapin mo ito."
Nakaramdam ng awa ang dalaga kaya inabot niya ang bulaklak. "S-salamat. Wala namang kaso kung pakikipagkaibigan lang ang intensyon mo."
Ngumiti si Bal nang maluwang bago ito tumalikod sa kanya. Pumikit si Sonia at sinamyo ang halimuyak ng bulaklak.
Nagmulat ng mga mata si Sonia at agad na bumangon. Nasa silid na muli siya, hawak ang itim na bulaklak ng Petunia. Nagtataka man sa mga nangyayari ay napangiti siya. Napakaganda ng burol na iyon. Tila inililipad ng malakas na hangin ang mga suliranin niya.