DALAWANG DAAN AT DALAWANG TAONG NAKARAAN...
"Ate, nasa labas si Kuya Roberto, nais ka raw makausap,'' tawag ni Sabel sa nakatatandang kapatid mula sa labas ng silid ni Sonia.
"Pakisabing wala akong ganang makipag-usap ngayon. Masama ang pakiramdam ko," matamlay na sagot ni Sonia habang nakaupo sa sulok na bahagi ng katreng higaan. Yakap ang mga binti at nakapatong ang baba sa mga tuhod. Mugto ang mga mata dahil sa pag-iyak.
"Sige, Ate. Magpahinga ka na muna riyan. Dadalhan kita ng mainit na sabaw mamaya para magkalaman naman ang tiyan mo. Kahapon ka pa hindi kumakain," may pag-aalalang sabi ni Sabel.
Napabuntong-hininga muna ito bago tumalikod upang harapin ang bisitang nasa balkonahe ng kanilang bahay. "Kuya Roberto, masama raw ang pakiramdam ni Ate Sonia.
Ano ba ang nangyari?"
"Wala bang nababanggit ang Ate mo?"
"Wala naman, pero alam kong may mabigat siyang pinagdaraanan. Kahapon pa siya ganyan," may pagdududang pinagmasdan ni Sabel ang kausap, nagtatanong ang mga tingin.
Nag-iwas ng tingin si Roberto saka nagsimulang lumakad pababa ng hagdan. "Mauuna na ako. Babalik na lang ako sa ibang araw. Magpagaling ika mo siya."
"Sige, Kuya. Makakarating." Saglit na pinagmasdan papalayo ang kasintahan ng Ate niya bago muling pumasok sa loob ng bahay.
***
Nakabalik na si Roberto sa tapat ng mansyon nang mamataan si Mameng sa tarangkahan, nakaabang sa kanya. Maluwang ang ngiti nito at sinalbong siya ng yakap.
"Saan ka ba nanggaling? Kanina pa ako rito." Ngumuso si Mameng, pulang-pula ang mga labi nito.
Inialis ni Roberto ang mga kamay ng dalaga sa baywang niya saka naglakad papasok sa mansyon. Sumunod ang dalaga sa kanya.
"Pansinin mo naman ako. Bakit ba ang lamig mo ngayon? Kahapon lang..."
"Kalimutan mo na ang nangyari kahapon," putol nito sa sasabihin sana ni Mameng.
"Ano? Bakit ko naman kakalimutan ang napakagandang pangyayari kahapon? Ilang ulit mong inangkin ang katawan ko, at hindi lang kahapon ang unang beses na may nangyari sa atin." Namaywang ang dalaga sa harap ni Roberto, iniliyad ang dibdib. "Matapos mong pagsawaan ako?"
"Hindi naman ako ang nakauna sa 'yo. Ikaw ang kusang nang-akit sa akin at pinagsisisihan ko ang pagpatol ko sa 'yo. Hindi kami magkakasira ni Sonia kung hindi kita sinipingan. Mabuti pang umuwi ka na." Tinalikuran ni Roberto ang babae.
"Hindi ako makapapayag na itapon mo akong parang basura, Roberto. Akin ka lang!" hiyaw ni Mameng sa binatang papaakyat ng hagdan.
"Manang Ising, pakihatid palabas ang bisita," tawag ni Roberto sa mayordoma nila.
"Aba't..." Binalak humabol ni Mameng subalit humarang sa daraanan niya ang mayordoma.
Dinig ang pagbagsak ng pinto mula sa silid ni Roberto.
"Lumabas na ho kayo. Masama hong magalit si Senyorito Roberto," babala ni Manang Ising.
"Hmp!" Padabog na tumalikod si Mameng saka nagmartsa palabas ng mansyon.
***
"Sonia! Lumabas ka diyan!" sigaw ni Mameng mula sa labas ng bahay nina Sonia. "Sonia!"
"Ano bang ingay "yan! Ang lakas mong makabulahaw ah!" Sumilip mula sa bintana si Aling Dela. "Ikaw pala, Mameng. Anong kailangan mo sa anak ko?" Maasim ang mukhang salubong nito sa nagwawalang dalaga.
"Ilabas n'yo ang anak n'yo! Magtutuos kami ng babaeng 'yan! Akin lang si Roberto!" litaw
ang litid ng babae sa leeg habang sumisigaw.
"Hoy! Ang anak ko ang kasintahan ni Roberto. Sabit ka lang!" ganting sigaw ni Aling Dela.
"Eh ano naman ngayon? Nakuha na ako ni Roberto. May malalalim na kaming pinagsaluhan.
Akin na siya!" Naghagilap ang mga mata ni Mameng mula sa labas ng kabahayan. Sonia!"
Bumukas ang pintuan ng bahay nina Sonia, lumabas ang dalaga kasunod si Sabel at si Buboy.
"Wala ka bang delicadeza? Isisigaw mo pa talaga sa kalye ang inyong ginawa?"
"Oh, bakit, inggit ka? Dahil mas pinagnasaan ako ni Roberto? Ang arte mo raw kasi. Halik na lang di mo pa magawa." Humalakhak si Mameng nang sobrang lakas, dinig ng mga
kapitbahay na halos limang metro ang layo sa bahay nina Sonia.
"Kung gusto mo, magsama kayo. Wala akong amor sa mga manloloko. Tigilan mo na ako.
Makakaalis ka na!" Nag-uunahang umagos ang mga luha ni Sonia sa magkabilang pisngi.
Tumalikod ito saka patakbong pumasok ng bahay.
"Talaga! Ako raw ang pakakasalan ni Roberto. Narinig mo?!" Pairap na tumalikod si Mameng.
"Malandi ka!" pahabol na sigaw ni Aling Dela rito.
"Tse! Maganda naman!" ganting sigaw ni Mameng.
"Aba'y malandi na bastos pa!" Lumabas ng pintuan si Aling Dela para sana habulin ito subalit pinigilan siya ng dalawang anak.
"Ina, tama na po. Walang mangyayari kung sasabunutan n'yo siya." Yakap ni Sabel ang kaniyang ina sa baywang.
"Matatamaan sa akin iyang Roberto na 'yan. Huwag na huwag siyang magpapakita rito!"
Pumasok ng bahay si Aling Dela. "Sonia, hiwalayan mo na ang walanghiyang lalaking iyan."
"Opo, Ina. Ayoko sa lalaking hindi tapat. Mahal ko po siya, oo, pero mas mahal ko ang sarili ko at ang prinsipyo ko." Naupo si Sonya sa hapag-kainan.
"Kakain ka na, Ate?" masayang tanong ni Sabel habang namimilog ang mga mata.
"Oo, hindi ko wawasakin ang buhay ko para sa kanila. Napag-isip-isip kong hindi ako ang nawalan kung hindi si Roberto."
"Aba'y oo naman! Nakita mong walang delicadeza ang babaeng pinatulan niya. Di hamak na mas mabuti kang babae kaysa sa kanya," pagbibida ni Aling Dela sa anak. Kumuha ito ng plato at ipinagsalin ng kanin ang anak. "Kumain ka na. Hayaan mo na sila... siguraduhin mo lang na malinis ka pa at walang bahid-dungis, ha. Para naman nakatingala pa rin ang iyong noo oras na makasalubong mo siya."
"Opo, Ina. Ni halik ay hindi ko ibinigay sa kanya, at natutuwa akong hindi ko ibinigay ang sarili ko."
***
"Sonia..."
Nagpalinga-linga si Sonia sa paligid. "Sino ka? Nasaan ako? Magpakita ka," nahintatakutan si Sonia. Napatutop ang mga kamay sa dibdib. Hindi siya pamilyar sa lugar. Isa iyong burol na napupuno ng iba't ibang uri at kulay ng mga bulaklak. Mukha siyang nasa paraiso.
May narinig siyang kaluskos mula sa likuran. Hinarap niya ito. Isang makisig at matangkad na lalaki ang papalapit sa kanya. Nakaitim itong pang-itaas at pantalong itim. Maluwang ang ngiti nito. "Ako si Bal. Matagal na kitang nais makilala, Sonia."
"Paano mo akong nakilala?" maang na tanong ng dalaga sa kausap. Hindi pamilyar sa kanya ang binata. "taga-rito ka sa isla?"
"Isa lang akong dayo. Nabihag mo na agad ang puso ko sa unang pagkikita pa lang natin."
Yumuko si Bal at pumitas ng isang tangkay ng bulaklak na kulay itim. Malalaki ang mga talulot nito. Hindi siya pamilyar dito. Iniabot iyon kay Sonia.
"S-salamat." Tinanggap iyon ng dalaga. Yumuko ito at sinamyo ang amoy ng bulaklak. Pag-angat niya ng ulo ay biglang dumilim ang paligid.
Napabalikwas nang bangon si Sonia, habol ang paghinga. Narito siya sa kanyang madilim na silid na nasisinagan lamang ng lampara. Isa lamang ba iyong panaginip? Tangkang punasan ng kamay ang pawis sa noo nang mamataan ang hawak na itim na bulaklak. Abot-abot ang kaba at pagtataka ng dalaga habang kunot-noong pinagmamasdan ito.
"Ano ito? B-bakit ko hawak ito?"