Tinungo nila ang condo ni Angeli para pag-usapan ang gagawin. Pagkarating pa lang sa condo ay agad na naghanap si Angeli ng information sa internet. Hinanap ang nagngangalang Sonia Rubio 1818. Walang lumalabas na information kahit anong hanap ang gawin niya. Naitawag na rin niya kay Jane ang naganap sa shop niya, patungo na raw ito at si Rei. Malakas ang kutob niya na si Sonia rin ang pumaslang kay Reighn.
Malapit na siyang sumuko sa paghahanap nang madaanan ng paningin niya ang isang artikulo na may titulong Sonia 1818. May larawan ito ng babaeng katulad ng painting na nasa shop niya. Binuksan niya ito at binasa:
SONIA 1818
Nabili ng aming pamilya ang Sonia 1818 sa isang dayo. Natuwa si Mama na mahilig sa antique dahil mura ang pagkakabenta nito kung kaya't binili niya ito agad. Hindi pa nagtatagal sa amin ang painting nang isa-isang malagas ang mga babaeng mahal namin sa buhay. Namamatay sila sa iisang paraan—sinasakal at winawasak ang mukha ng biktima. Pinatay ang kapatid ko, pinsan ko, kaibigan ko at ang kasintahan ko. Nasaksihan mismo ng aking mga mata kung paano pinaslang ni Sonia ang nobya ko. Nginisihan lang ako ni Sonia bago ito bumalik sa painting. Tangka ko na sanang sunugin ang painting nang dumating ang mga pulis. Walang naniwala sa kuwento ko, nababaliw na raw ako. Ako ang pinagbintangan sa pagkamatay ng kasintahan ko dalawampung taon na ang nakararaan. Nakalaya ako matapos mabigyan ng pardon. Heto ako ngayon, naninibago sa paggamit ng makabagong teknolohiya, nagsisimulang magbagong-buhay muli subalit hindi ako matatahimik hangga't hindi ko naipaghihiganti ang sinapit ko at ng mga mahal ko sa buhay. Hinanap ko noong isang taon ang isla na nakalimbag sa likod ng painting ni Sonia—sa Isla Tappul.
Ang Sonia 1818 ay isinumpa halos dalawang daang taon na ang nakalilipas. Ayon sa aking pananaliksik sa Isla Tappul at sa lumang kuwento ukol kay Sonia, siya ay isang babaeng maganda, mahinhin at kaakit-akit. Ang larawan ay ipininta ng kasintahan nitong si Roberto. Ngunit dahil sa angking kakaibang kagandahan at pagiging kasintahan ng mayaman at matikas na binata, kumalat ang tsismis mula sa mga kadalagahang may malaking inggit ukol sa paglukob ng demonyo sa kaniya at inangkin ang katawan. Nabuntis daw ng kung sinong nilalang kaya't iniwan ito ng nobyo at nagpakasal sa iba. Kalaunan ay nakitang pinatay sa sakal ang napangasawa ng dating kasintahan. Kumalat ang balita na gabi-gabi raw na gumagala si Sonia upang maghanap ng biktima. Nagalit ang taong bayan ng isla dahil sa kumakalat na tsismis kaya't pinaslang ang buong pamilya ni Sonia habang naglaho na parang bula ang dalaga at hindi na nagpakita pa.
Makalipas ang ilang taon ay nakita ni Roberto sa dalampasigan ang ipinintang larawan ni Sonia. Iniuwi niya ito sa kaniyang tahanan bilang alaala ng dating kasintahan. Hindi kalaunan, ang bagong asawa at ang mga babae sa buong mansyon ni Roberto maging ang mga trabahador ay pinaslang sa sakal at wasak ang mga mukha. Ang hinala ng marami ay isinumpa ang ipinintang larawan ni Sonia at ito ang pumapatay. Itinapon daw ito ni Roberto sa dalampasigan, ang kanilang tagpuan bilang magkasintahan. Mula noon ay wala na ulit p*****n na naganap sa kanilang isla. Ito lamang ang mga impormasyong nakalap ko sa isla. Hindi ko tiyak kung gaano katotoo ang mga impormasyong ito. Salin-salin lamang na kwentuhan ito ng mga nakatatanda sa mga sumunod na henerasyon. May ibang bersyon daw ang kwento subalit hindi ko nahanap sa isla ang matandang nakakaalam nito.
Ang petsa na nakaukit sa larawan ay ang petsa kung kailan pinaslang ang kaniyang buong pamilya. Hindi ko na alam kung nasaan ang painting. Kung sino man ang may hawak nito, Sunugin n'yo o itapon n'yo. Maaari n'yo rin akong tawagan sa numerong ito—0917210122.
Ismael Agustin
March 8, 2017
Agad na tinawagan ni Angeli si Mang Ismael Agustin. Nakausap niya ang lalaki at ipinayo nito na sunugin ang painting. Malayo pa ang pagmumulan ni Ismael at kasalukuyang nakaratay sa sakit na diabetes kung kaya't hindi ito makararating. Natuwa ito nang malamang natagpuan na ang Sonia 1818 at wawasakin nila. Maipaghihiganti na raw ang sinapit niya.
"Kailangan nating wasakin agad ang painting. Kung may ibang makakapulot no'n ay manganganib din." Naihilamos ni PO1 Ballon ang kamay sa mukha. "Bakit ba ako napasok sa gulong 'to?"
"Huwag kang mag-alala, kaming mga babae lang ang pinapatay niya. Ligtas ka," pabirong saad ni Angeli nang mapatigil siya at napaisip.
"Ano'ng problema?" tanong ni Ivan sa kasintahan.
"Nasa shop ko lang the whole time ang painting, paano siyang nakarating sa condo ni Reighn? Bakit niya sinundan si Reighn sa unit niya para patayin?" may pagtatakang tanong ni Angeli.
"Posible sigurong kaya niyang puntahan kahit nasaan ang target niya," hindi siguradong sagot ni Ivan. "Dito muna kayo ni SPO1, bibili lang ako ng makakain." Hinalikan muna nito si Angeli sa noo bago lumabas ng condo.
Pinanood muna ni Angeli ang mga kuha ng CCTV habang hinihintay sina Jane at Rei. Wala namang kakaibang pangyayari sa shop. Nalibang si Angeli sa panonoood habang pinagmamasdan si Minerva sa video. Kuha ito kagabi at nag-overtime ang masipag niyang katiwala. Napakunot ang kanyang noo nang may lalaking papalapit dito mula sa pinto. Baka customer at bibili kahit alanganing oras, pero kilala niya ang tindig ng lalaki kahit nakatalikod ito sa CCTV—si Ivan!
Kitang-kita niya sa video kung paanong naglampungan si Ivan at ang katiwala sa gitna ng shop niya. Parehong nag-iinit ang dalawa, pinagtataksilan siya! Nakita niya kung paanong hubaran ng kasintahan ang babaeng talipandas. Hindi na niya nagawa pang panoorin ang nga sumunod na eksena. isinara niya ang video. Nanginginig ang mga kamay niya nang dahil sa galit. Paano siya nagawang lokohin ng dalawang taong pinagkatiwalaan niya? Pinipigilan niyang magwala. Napatingin siya kay PO1 Ballon na nasa sofa, nanonood ng TV habang kumakain ng popcorn.
"Kailangang magpaliwanag sa akin ng lalaking 'yon!" bulong ni Angeli sa sarili. Naidiin niya ang daliri sa touch pad ng laptop at na-double click niya ang isang video file. Ang petsa ay no'ng gabi bago mapatay si Reighn. Naglalampungan sina Ivan at Minerva nang dumating si Reighn. Huli sa akto ang dalawang manloloko. Nakita ni Angeli kung paano kinompronta ni Reighn ang lalaki at sinabunutan si Minerva pero pumagitna si Ivan at inawat ang kaibigan niya. Tumakbo si Minerva patungo sa pintuan ng shop. Walang audio ang CCTV kaya't hindi marinig ang pinag-uusapan pero kita ang pagtatalo ng kasintahan at ng kaibigan. Napansin niyang tila nahihimasmasan na si Reighn habang mukhang sinusuyo ni Ivan. Mayamaya ay nandilat ang mga mata ni Angeli nang makitang kinabig ng nobyo ang kaibigan at marubrob na naghalikan ang dalawa. Alam na niya ang patutunguhan ng nakikita niya kaya isinara niya ang laptop at patakbong nagtungo sa banyo. Isinara ang pinto at saka ibinuhos ang matinding sakit at galit na raramdaman niya. Niloko siya ng mga taong pinagkakatiwalaan niya. Masaganang luha ang bumaloy sa mga mata niya.
"Ayos ka lang ba?" tanong ni PO1 Ballon habang kumakatok sa pinto ng banyo.
"Ayos lang po ako, PO1," nanginginig na sagot ni Angeli.
"Sige, maiwan na kita. Kailangan ko munang mag-report sa presinto. Babalik ako bukas." Narinig ni Angeli ang yabag ng mga paa palayo sa banyo maging ang pagbukas at pagsara ng pintuan ng condo.
Napaupo sa lapag ng banyo si Angeli. Hindi niya akalaing gagawin iyon sa kanya ni Reighn. Para na silang magkapatid, halos kumakain na sila sa isang plato dahil mula nang mamatay ang adoptive parents nito 5 years ago ay sa kanila na tumira ang magkapatid at inampon ang dalawa ng adoptive parents niya. Bumukod lang ang mga ito no'ng magkaroon na ng permanenteng trabaho si Reighn.
"Angeli," tawag ni Ivan mula sa labas ng pinto. "Narito na sina Jane at Rei."
"S-sige, lalabas na ako." Tumayo si Angeli at inayos ang sarili sa harap ng salamin bago lumabas ng banyo. Ayaw niyang komprontahin ang nobyo sa harap ng ibang tao. May suliranin din silang pinagdaraanan ngayon. Kailangang masolusyunan ang problema nila kay Sonia.