Austeja
Ang makitang masaya ang nanay at kapatid mo ay ang pinakamagandang bagay na masasabi kong nangyari. I can call this as the most important reward for what we have been through. Although may guilt pa ring nabubuhay paminsan-misan sa dibdib ko ngunit pilit ko na lang isinisiksik sa utak ko na deserved ni Papa ang maiwan mag-isa dahil ganoon ang ugali niya.
Kung pinahalagahan lang sana niya kami, siguro ay kasama pa rin niya kami sa mga sandaling ito.
Isang linggo na kami dito sa bahay ng mga Archeron. Noong unang pa nga lang ay kaagad ko nang nakita sa mukha ni Mama at ni Thea ang resulta sa pag-alis namin sa amin. Maaliwalas na kaagad ang mga mukha nila at parang nakakahinga na sila nang maluwag. Hindi na rin nila kailangang bantayan ang bawat kilos nila dahil wala na sa paligid ang tatay ko. Wala ka nang makikitang takot o pangamba sa mga mukha nila.
Bukal sa loob naman kaming tinanggap ng pamilya ni tita Elizabeth—lalo na ng asawa niya. Dito nila kami sa mismong bahay—mansiyon—nila pinatira. Hindi namin naramdaman na ayaw nila kami dito, o hindi kami welcome.
Sa katunayan nga ay malapit na agad si Thea sa bunsong anak ni tita Elizabeth na si Hannah. Gano'n rin naman ako sa kanya. Apat na taon lang rin ang tanda niya sa akin.
Pero minsan ay hindi ko pa rin maiwasang hindi ma-ilang... o mas mabuti sigurong sabihin na naninibago lang ako rito at sa magandang pakikitungo nila sa amin.
"Aus, hija..." rinig kong tawag sa akin ni tita Elizabeth.
Kaagad kong itinuon ang atensiyon ko sa kanya.
"Ano po 'yon, tita?" Ngumiti ako.
Nandito kami sa may garden nila ngayong umaga. Presko ang hangin dito at mabango dahil sa mga tanim nilang bulaklak. Malaki rin itong bakuran ng mga Archeron, pati na rin ang mismong bahay.
Three-storey house ito kaya maaliwalas. Pakiramdam ko nga kapag nasa loob ako, para akong nasa isang mamahaling hotel. Binigyan rin nila kami ng kanya-kanyang kuwarto sa tahanan nila, at nasa ikatlong palapag pa lamang ang akin. Dalawang beses na nga akong naligaw sa loob dahil sa ang dami-dami nitong pasikot-sikot subalit nakakamangha pa rin ito dahil may sarili itong library room at mayroon pa silang malaking indoor pool. May isang kuwarto pa nga na parang ginagamit sa pagpipinta, at hindi ko alam kung sino ang painter sa pamilya nila.
Maganda rin naman iyong dati naming bahay bago magkanda-letche-letche ang lahat. Hindi nga lang ganito kaganda, subalit malaki pa rin. Kung saan-saang lugar na nga rin kami nagpalipat-lipat hanggang sa mapadpad kami doon sa bayan ng Buenavista. At ang layo ng lugar na iyon dito sa lugar ng mga Archeron.
Sinulyapan ng tingin ni Tita si Mama bago niya muling itinuon sa akin ang mga mata.
"Nasabi kasi ng mama mo na...hindi ka raw nakapagtapos ng kolehiyo?" May pag-aalangan at pag-iingat ang tinig nito.
Nahihiya akong ngumiti sabay tango.
"Hanggang first year lang po ako, tita," tugon ko.
Ako mismo ang tumigil sa pag-aaral para ang kapatid ko ang makapagpatuloy. Wala na sa budget list ni Papa ang pag-aralin kaming dalawang anak niya noon ngunit nakiusap ako na kung puwede ay kahit si Thea na lang ang makapag-aral.
Kung pinayagan lang sana niya akong makahanap ng trabaho noon, siguro ay napag-aral ko pa ang sarili ko. Ang kaso lang, ni palabasin ako sa bahay ay hindi niya ako pinapayagan. Gano'n rin siya kay Mama. Si Thea lang talaga ang nakakalabas sa amin dahil nag-aaral siya. Kaya nga iyong sinabi ni Mama noon na nagpabalik-balik siya sa bayan para makausap ang kapatid niya, alam kong patago niya lang ginawa. Tyinetiyempuhan niya lang panigurado na wala sa bahay si Papa.
Mabuti na lamang at may naidulot naman iyong mabuti ngayon.
"Do you want to continue your studies?" Alok nito habang matamis na nakangiti.
Sasagot na sana ako ng 'oo' pero kaagad na pumasok sa isipan ko na wala kaming pera, at ayoko namang i-asa sa kanila ang bagay na iyon. Tama na iyong tinanggap nila kami rito sa kanila at binigyan ng matitirahan. Sila pa ang nagpapakain sa amin kaya nakakahiya naman kung talagang magiging pabigat kami—o ako.
Isa pa, pag-aaralin na nila si Thea sa mamahaling eskwelahan. Inako na nila ang lahat ng magiging gastos kaya ayoko nang dumagdag pa.
"Opo, tita. Pero hindi po siguro muna sa ngayon," pahayag ko sa malumanay na tinig para hindi niya isiping ayoko sa kung ano man ang iaalok niya. "Maghahanap na lang po muna siguro ako ng mapapasukang trabaho para makapag-ipon."
Malakas ang kutob ko na maraming oportunidad ang naghihintay sa akin dito. Maunlad itong bayan nila kaya alam kong marami akong puwedeng mapasukang trabaho.
And it feels so good to decide for yourself. May kalayaan na akong gawin ang mga bagay na talagang gusto ko. Wala nang magdidikta sa akin sa kung ano ang isusuot ko o kung ano ang ekspresiyon na ipapakita ko sa ibang tao.
"You don't have to, Aus," umiiling nitong sabi saka inabot ang kamay ko para haplusin. "Napag-usapan na namin ito ng tito mo. Kami ang magpo-provide sa lahat ng mga gastusin niyo rito. Hindi niyo kailangang gumastos o maglabas ni isang singkong duling." Sinulyapan niya ng tingin ang kapatid niyang nakaupo sa tabi nito.
Makikitaan mo nang hiya ang mukha ni Mama. Marahil hindi rin siya sang-ayon doon sa sinabi ng tiyahin ko. Nakakahiya naman talaga kung sakali. At ang alam ko ay kinausap na ni Mama si Tita na magta-trabaho siya rito para rin hindi sila mabigatan sa aming mag-iina subalit umangal lang silang mag-asawa. Hindi nila iyon tinanggap, at medyo nagtampo pa si Tita sa nanay ko na bakit raw niya naiisip na magiging pabigat kami sa kanila.
"Mom, maybe Austeja just wants to be independent," singit ni Hannah. "Talk to Kuya Zig. He was the one managing all the family businesses. Siguradong bibigyan ka niya ng magandang posisyon." Sandali itong ngumiti sa akin bago kinuha ang tasa ng tea at sumimsim.
Hindi sumagot si Tita. Si Mama naman at ang kapatid ko ay mukhang sang-ayon sa gusto ko.
The Archerons owns high-end nightclubs, social clubs, and bars around this city, that's what my mother told me when I asked her. Pag-aari rin nila ang malaking Archer Hotel and Casino na nadaanan namin noong pauwi na kami rito sa bahay nila.
At mukhang malabong makausap ko ang pinsan ko dahil hindi ko pa siya nakikita rito. Isang linggo na kaming nandito subalit ni anino niya ay hindi ko pa nasilayan. Iyong huling pagkikita namin ay noong nasa Buenavista pa kami.
In fact, hindi nga namin siya kasamang umuwi dito sa bahay nila. Pagkatapos niya akong alalayan na makasakay sa van kung saan naroon na at naghihintay si Mama at Thea, pati na si tita, iniwan na niya ako—I mean—kami.
Kaming apat na lamang ang umuwi rito sa kanila dahil ang sinamahan niya ay iyong mga kaibigan niya.
Minsan nga ay gusto kong magtanong kay Tita o kay Hannah tungkol sa kanya subalit iwinawaksi ko lamang iyon. Pati ang tungkol sa mga kasamahan niya noong gabing iyon ay gusto ko ring malaman ngunit mukhang ayaw namang pag-usapan ni tita ang tungkol doon dahil wala siyang binabanggit. Mukha ring sanay na siya sa mga ganoong tagpo.
Hindi siya nagpaliwanag kung ano ang mga nangyari noong gabing iyon, kung bakit may baril ang anak niya, at may mga kaibigan siyang gano'n. Naisip ko nga na baka may kababalaghan o illegal silang ginagawa katulad ng mga Salcedo subalit nang malaman ko ang business ng pamilya nila ay mukhang marangal naman.
Nabuksan ko nga sa nanay ko ang tungkol doon at ang sinabi niya ay kaya gano'n sila ay dahil alam nilang haharap sila sa mga Salcedo. Nabanggit pala ni Mama ang tungkol sa kanila kay tita noong nagkausap sila. Pati na rin iyong ipinagkakasundo ako ng tatay ko. Nagkunwari lang ang tiyahin ko na walang alam tungkol doon.
Iyon nga lang, hindi rin alam ni Mama na darating sila noong gabing iyon sa bahay.
Hindi ko rin masabi kung dito pa ba nakatira si Zigger o hindi na. Kung dito pa kasi, imposible namang hindi kami magtagpo kahit na gaano pa kalaki ang bahay nila. O baka abala iyon dahil ang sabi nga ng kapatid niya, siya na ang nagma-manage sa mga negosyo ng pamilya nila.
O baka mayroon na iyong sariling pamilya. Napag-alaman ko kasing twenty-nine na siya, so posible iyon. Wala naman kasing bumabanggit sa kanya, bukod kay Hannah ngayon. Wala ring naghahanap sa presensiya niya—bukod sa akin. Mukhang sanay na ang pamilya niya na hindi nila siya kasama rito sa kanila.