Chapter 1
Austeja
"Who called the Archerons?" Tanong ni Papa habang nakaupo sa swivel chair dito sa opisina niya sa bahay.
Seryosong-seryso ang mukha nito habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa akin, kay Mama, at sa bunso kong kapatid. Nakaipit rin sa pagitan ng index at middle finger niya ang isang sigarilyo kaya amoy na amoy dito sa buong silid ang usok.
Walang nagtangkang sumagot sa aming tatlo. Nanatili lang kaming tahimik na nakatayo sa harapan ng mesa niya na parang huhusgahan.
Wala rin akong ideya sa kung bakit niya tinatanong ang bagay na iyon sa amin. Sino ba sa amin ang magtatangkang tumawag sa mga Archeron kung alam naming ayaw na ayaw niya sa pamilyang iyon?
Narinig ko ang malalim na paghugot ng hininga ni Papa; senyales na nawawalan na siya ng pasensiya kahit na isang beses pa lamang siyang nagtanong.
Hindi ko napigilan ang takot na gumapang sa buong katawan ko nang mariin nitong idinikdik ang sigarilyo sa ashtray. Ramdam mo ang gigil niya sa ginawa niyang iyon.
"Sino ang tumawag sa mga Archeron na humihingi ng tulong?" Muli niyang tanong saka marahas na tumayo. Nahaluan na ng galit ang seryosong mukha niya na lalong nagpatindi sa takot na nararamdaman ko.
"Gusto niyo nang umalis rito sa pamamahay ko, huh?" Sigaw nito saka malakas na hinampas ang lamesa na ikinagulat naming mag-iina. "Who called them?" Dagdag sigaw pa niya. Mabilis itong humakbang palapit sa nanay ko.
"It was Austeja."
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat dahil sa sinabi ni Mama. Agad ko siyang tiningnan, at paniguradong halata na ang takot sa buong mukha ko. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko.
"Ma! Wala akong tinatawagan!" Depensa ko sa nanginginig na tinig.
"Si Austeja, Pa. Narinig ko siyang may kausap kanina," matapang na gatong ng kapatid ko.
Sunod-sunod akong umiling. Pati ang buong katawan ko ay nanginginig na.
Ibinaling ni Papa ang paningin niya sa akin habang nakangisi. At iyong ngisi niyang iyon ay kilalang-kilala ko na. Alam na alam ko kung ano ang gagawin niya.
"H-hindi ako, Pa..." sambit ko. "Baka si Mama o kaya si Althea. Wala akong tinatawagan!" Pilit ko.
Tatlong beses pumalatak si Papa habang banayad na iniiling ang ulo nito.
"Alam mo naman ang nangyayari kapag sinusuway mo ako, hindi ba?" Aniya sa malumanay na tinig.
"Pa, hindi—" isang malakas na tunog ng sampal ang nagpatigil sa akin sa pagsasalita.
Nangilid ang mga luha ko sa mata nang makitang halos matumba sa sahig si Mama. Gusto ko mang lumapit sa kanya ay hindi ko puwedeng gawin dahil lalo lang siyang sasaktan ni Papa.
"Mahilig ka talagang sumuway, Austeja," turan nito. Isinarado at ibinuka nito ang palad na parang inihahanda.
Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng mga luha ko nang dumapo ulit ang palad niya sa pisngi ng kapatid ko.
Puwersahan pa niyang kinuwelyuhan si Mama at pagkatapos ay si Althea na parang wala lang sila sa kanya. Na parang hindi niya asawa at anak ang mga hawak at sinasaktan niya.
At ang masakit ay wala man lang akong magawa para pigilan siya o kunin ang nanay at kapatid ko sa pagkakahawak niya.
"Pa..." may pagmamaka-awang tawag ko habang nakatingin kay Mama at Althea.
Parang tinutusok ang puso ko sa nakikita kong dugo sa mga labi nila.
"Uulitin mo pa ba iyon?" Matigas nitong tanong.
Mabilis akong umiling kahit na wala naman talaga akong ginagawa o tinatawagan. Bakit ko tatawagan ang mga iyon kung alam kong ganito ang kahihinatnan ng nanay at kapatid ko?
Marahas na pinakawalan ni Papa ang dalawa. Pareho pa silang mapaupo sa sahig dahil sa ginawa niya. At wala ka man lang makikitang awa sa mga mata nito. Ni katiting na awa ay wala.
Pinigil ko ang mga hikbi ko nang lumapit ito sa akin at tumayo sa harapan ko. Nagawa pa nitong ngumiti sa akin habang inaayos ang suot niyang puting polo na parang mas importante pa iyon kaysa sa dalawang taong sinaktan niya.
Nakita ko sa sulok ng mata ko na tumayo si Althea at tinulungan si Mama para makatayo rin.
"The Salcedo family will join us for dinner tonight," pahayag nito. "Pag-uusapan na namin kung kailan gaganapin ang engagement niyo ni Ivan, pati na rin ang eksaktong araw ng kasal niyong dalawa."
Lumunok ako saka tumango. Inilagay ko sa likuran ko ang mga kamay ko kahit na gusto ko nang paghahampasin ang tatay ko. At hanggang gusto na lang iyon dahil hinding-hindi ko maisasagawa.
Sa oras na gawin ko iyon, hindi lang sampal ang aabutin ng kapatid at nanay ko. Kayang-kaya ni Papa na patayin sila. Ang tanging pumipigil lang sa kanya na gawin iyon ay ang katotohanang wala na siyang maipapanakot sa akin.
"Okay, Pa," sang-ayon ko kahit na labag na labag sa kalooban ko.
Hindi ako puwedeng tumanggi sa mga gusto niya. Hindi ako puwedeng sumuway sa bawat ipag-uutos niya dahil may kaakibat na parusa iyon.
At ang parusang iyon ay sasaktan niya ang dalawang importante sa buhay ko sa mismong harapan ko para ipakita na mali ang ginawa ko.
My father has a twisted way of punishing me. Ginagamit niya si Mama at Althea para mapasunod niya ako sa mga gusto niya dahil alam niya kung gaano ko sila ka-mahal. Hindi ko siya kayang labanan kaya puro tango at oo lang ako.
Suminghap ako nang haplusin niya ang pisngi ko sa malambing na paraan. Ikinuyom ko ang mga kamo ko na halos maramdaman ko na ang mga kuko ko sa palad ko.
Hindi ko alam kung papaano pa niya nagagawa ang ganito sa kabila ng pananakit niya. Ilang beses na naming tinangkang umalis rito sa bahay niya subalit hindi palaging nagiging maganda ang resulta para sa nanay at kapatid ko.
Ako ang palagi nilang itinuturong may kasalanan kaya silang dalawa ang nasasaktan. Madalas nilang gawing panangga ang mga sarili nila para sa akin.
"I want you to look beautiful and presentable tonight," wika ni Papa na tinanguan ko lang. "Kayong dalawa rin." Baling nito kay Mama at Althea saka na naglakad palabas nitong silid.
Nang marinig ko ang pagsara ng pintuan; senyales na nakalabas na siya ay doon pa lang ako kumilos para lapitan ang nanay at kapatid ko.
Kahit na gusto ko silang pagalitan dahil sa ginawa nila ay minabuti ko na lamang na yakapin sila pareho habang umiiyak.
"Ssh, Aus..." pagpapatahan sa akin ni Mama habang hinahaplos ang likuran ko.
Dati naman ay isa kaming masayang pamilya. Hindi ganito si Papa sa amin noon at ramdam namin ang pagmamahal niya. Subalit simula noong malugi ang negosyo niya at mabaon sa utang, naging mainitin na ang ulo niya hanggang sa masanay na siyang sinasaktan kami. Ginawa na niya iyong libangan.
Nilamon rin siya ng inggit sa asawa ng kapatid ni Mama na si Tita Elizabeth. Ang alam ko ay sadyang mayaman na ang mga Archeron simula pa lamang at hinding-hindi sila mahihigitan ni Papa kahit na anong gawin niya.
Iba pala ang lalaki kapag naiinggit dahil kahit ano ay gagawin niya para lang mahigitan niya ang kinaiinggitan niya. Mataas rin ang pride ni Papa na kahit ikaw na mismo ang mag-offer ng tulong sa kanya, tatanggihan niya dahil ayaw niyang magmukhang kawawa.
Kaya siya galit na galit na malamang may tumawag sa amin sa mga Archeron para humingi ng tulong. At hindi ko alam kung sino kina mama iyon.
"Please, don't do that again," umiiling kong sabi habang pinupunasan ang ilong gamit ang likuran ng palad ko.
"Ano ka ba? Sanay na kami," ani Althea na nakuha pang ngumiti.
"Thea!" Saway ko saka hinampas ang braso niya.
Seventeen pa lamang siya subalit bugbog na bugbog na ang katawan niya dahil sa pananakit ng tatay namin.
Hindi niya ako pinansin. Naglakad ito tungo sa may pintuan saka iyon binuksan. Idinungaw nito ang ulo sa labas para masiguradong wala na si Papa.
"Mamaya, kapag tulog na si Papa, aalis na tayo dito," anang kapatid ko sa mahinang tinig nang bumalik siya malapit sa amin. "Siguradong iinom sila ng mga Salcedo. Nakausap ko na si Tita Elizabeth—" agad kong pinutol ang sinasabi niya.
"Ikaw ang tumawag?" Pagalit kong tanong. "Bakit mo ginawa 'yon, Thea? Pati si Mama nadadamay!" Panenermon ko.
"Aus, ako ang nag-utos sa kapatid mo," singit ni Mama. Inirapan naman ako ng kapatid ko.
Nagsalubong ang mga kilay ko pero 'di kalaunan ay inayos ko rin ang ekspresiyon ng mukha ko.
"Hindi tayo aalis," pinal kong sabi gamit ang tinig ng isang panganay. "Kapag nalaman ni Papa iyan, siguradong sasaktan na naman niya kayo."
"Ano?!" Hindi makapaniwalang tanong ng kapatid ko. "Gusto mong ipakasal ka ni Papa kay Ivan Salcedo? Kahit alam mong hindi maganda ang reputasyon nila dito?"
Lumunok ako pero inangat ko pa rin ang mukha ko para ipakita na willing akong magpakasal kay Ivan Salcedo.
Oo nga at hindi maganda ang repustasiyon ng pamilya niya—kahit siya mismo—subalit ayokong suwayin ang tatay ko.
Isa sa mga mayayamang pamilya ang mga Salcedo rito sa lugar namin, iyon nga lang ay galing sa hindi magandang paraan ang mga pera nila.
Hindi lang rin naman sa mga Salcedo lang ako ipinagkanulo ng tatay ko. Simula noong makatungtong ako sa tamang edad, kung kani-kaninong may kayang pamilya na niya ako ipinagkakasundo. Para akong isang hayop na ipinagbibili niya sa katayan kapalit ng malaking halaga.
Halos sumang-ayon naman ang bawat pamilyang pag-alukan niya subalit palaging nauudlot ang kagustuhan niyang ipakasal ako kapag hindi sila nagkakasundo sa kung magkano ang kapalit ko.
Kaya rin hindi na niya ako magawang saktan ngayon dahil alam niyang pakikinabangan niya ako. Subalit dati, mas malala pa sa sampal ang tinatamo ko. Laging napupuruhan ang likuran ko sa tuwing tatama ang latigo niya.
Mayroon pa ngang pangyayari na hindi ako makahiga nang maayos dahil puro sugat ang likuran ko. Minsan na nga rin akong nahimatay noon noong sikmuraan niya ako. Nangyari ang lahat ng iyon dahil kay Althea. Ilang beses siyang gumawa ng mali at ako ang naparusahan. At mas gusto ko 'yon kaysa sa siya ang saktan ng tatay namin. Subalit ngayon ay baliktad na.
"Okay lang," tugon ko. "Ang importante kapag sinunod ko ang gusto niya at natuloy ang kasal namin ni Ivan, hindi na kayo sasaktan ni Papa."
"Hindi, Austeja!" Umiiling na tutol ni Mama. "Hindi ka magpapakasal doon sa lalaking iyon. Hindi mo ilalagay ang sarili mo sa kapahamakan!" Matigas pa nitong dagdag.
Sasagot na sana ako nang magsalita si Althea.
"Aalis tayo o isusumbong ka namin ni Mama kay Papa na tatakas ka mamayang gabi?" Pananakot nito na epektibo dahil nakaramdam ako ng matinding takot.
Iba ang ugali ni Thea sa akin. Minsan nga ay naiisip ko na parang siya ang panganay sa aming dalawa. Hindi takot si Thea—hindi siya duwag. Gagawin niya ang gusto niya subalit kapag nabisto siya ni Papa, sa akin niya ibabato ang kasalanan niya para siya ang saktan.
"Paano tayo aalis dito kung wala tayong pera? Tsaka, papaano mo ba nakausap si Tita Elizabeth?" Takang tanong ko saka tiningnan ang pintuan.
Ilang taon na kaming walang komunikasyon sa kapatid ni Mama o sa kahit sino mang kamag-anak niya. Pinaputol ni Papa ang lahat ng ugnayan ni Mama sa pamilya niya. Sa pagkakatanda ko ay nuebe anyos ako at anim na taong gulang naman si Thea nang huli naming makita si Tita Elizabeth at ang pamilya niya. Twenty na ako ngayon. Hindi ko na nga rin tanda kung ano ang histura ng tita naming iyon.
"Last week, nanghiram ako ng cell phone sa kaklase ko," panimula nito. "I used her social media account. I searched for Elizabeth Archeron. Maraming lumitaw kaya nag-message ako sa kanilang lahat. Sinabi ko sa kanila na anak ako ni Coralyn Salazar. And to make the story short, someone named Hannah Elizabeth Archeron replied: mommy niya daw si Elizabeth at kapatid ng mommy niya si Coralyn Salazar."
"Noong isang linggo pa kami may komunikasyon ng tita niyo kaya pabalik-balik ako sa bayan para makausap siya," kuwento naman ni Mama. "Sobrang nag-alala siya sa akin—sa atin na akala niya ay may kung ano na ang nangyaring masama sa atin. Sinabi ko rin sa kanya ang lahat ng nangyayari sa atin dito. Nagpadala siya ng pera noong isang araw para makabili tayo ng ticket papunta sa kanila at kung ano pa ang mga kakailanganin natin."
"Handa siya na tanggapin... tayo sa kanila?" May pag-aalangang tanong ko.
Kahit na sabihing kapatid siya ni Mama, hindi pa rin kami sigurado kung gusto ng asawa niya; kung tatanggapin niya kami doon sa bahay nila lalo na't mayaman ang mga 'yon.
"Oo naman," nakangiting paninigurado ni Mama. "Kung kailangan kong magtrabaho doon para sa inyo, para mailayo ko lang kayo dito, gagawin ko. Basta, mamaya, ayusin niyo na ang mga gamit niyo. Dalhin niyo lang iyong mga kailangan niyo."
"Hindi ba tayo mahuhuli ni Papa?" Nag-aalalang tanong ko dahil sa takot.
Sana ay kapareho ko na lang ang kapatid ko na matapang at palaging malakas ang loob.
"Kung magiging maingat tayo, hindi," usal ni Thea. "Sana talaga ay makaalis na tayo sa impyernong bahay na 'to! At sana, makulong na ang walanghiyang ama natin!" Nahimigan ko ang galit sa tinig nito.
At sino nga naman ang hindi magagalit kung gano'n ang ginagawa sa amin ng tatay namin? Na parang wala kaming kuwenta sa kanya kung saktan niya kami.